Chereads / Anak ng Kalikasan / Chapter 24 - Chapter 24: Panggagamot Kay Christy

Chapter 24 - Chapter 24: Panggagamot Kay Christy

Nang marating na ni Isagani ang bahay ni Manong Ricardo ay siya namang pagsipat niya sa dalaga na kasama si Sinag na papalabas dito. Titig na titig siya noon sa dalaga na agad naman ikinailang nito.

"Bakit ganyan ka makatitig?" Naiilang na tanong ni Mina sa kanya. Umiling siya at hindi iyon tinugon. Sumunod na lamang siya sa mga ito habang tinatahak nila ang daan pabaliksa kanilang tinutuluyang bahay. Pagkarating nila doon ay naabutan nila ang matandang si Celso na naghihintaysa may pintuan, kasama nito ang kanyang apo na naglalaro sa tabi nito.

"Mabuti naman at nakauwi na kayo. Halina kayo at nang makapaghapunan na tayo ng sabay." Aya ng matanda sa kanila, Sabay-sabay na silang umupo sa hapag at nagsimulang kumain. Lumipas pa na ang isang buwang pananatili nila roon at hindi na naulit pa ang pagtatangkang lasunin ang lupa ni Manong Ricardo. Hindi na rin nila ito pinag-ukulan pa ng panahon kahit pa alam nila kung sino talaga ang may utos ng lahat. Iyon din kasi ang kagustuhan ni Manong Riocardo na lubos naman nilang iginagalang. Hanggat walang napupuwersiyo ay hindi gagalaw ang tatlo. Ngunit hindi iyon rason upang ipagsawalang bahala nila ang mga kaganapan sa buong bayan ng Lombis. Dahil na din sa kapayapaang nararamdaman nila ay inakala nilang hindi na gagawa ng aksiyon ang kanilang kalaban ngunit nagkamali sila.

Isang araw, maagang umalis ang anak ni Manong Ricardo na si Christy upang tumungo sa karatig bayan kasama ang kaniyang mga kaibigan. HIndi naman nag-alala si Manong Ricardo dahil alam niya ang lugar na pupuntahan nito. Nakauwi naman iyon sa oras kinahapunan at masayang- masaya ito habang ngkukuwento ng mga ganap sa kanilang pamamasyal. Namili din ito ng mga damit at ibinigay pa ang ilan kay Mina. TUwang-tuwa daw ito nang makita nag mga damit na iyon at batid niyang babagay iyon sa katawan ng dalaga. Buong puso namang tinanggap iyon ni Mina dahil sa pagiging mapilit nito.

"Hayaan mo na ako Mina, alam mo namang wala akong kapatid kaya natutuwa ako nang dumating ka dito." masayang sambit ni Christy. Napangiti lamang ang dalaga at malugod na tinanggap ang mga damit na ibinigay sa kanya ni Christy.

"Salamat po Ate Christy." pagpapasalamat ni Mina.

Lumipas ang gabing iyon na puno ng tawanan at kasiyahan ngunit hindi pa man din sumasapit ang hatinggabi ay biglang nagkasakit si Christy. Tumaas ang lagnat nito na agad naman naapula nang mapainom na nila ito ng gamot. Ngunit pagsapit ng hatinggabi ay muling tumaas ang lagnat nito. Hindi malaman ng mga kasambahay at asawa ni Manong Ricardo ang gagawin dahil kahit anong painom ng gamot sa dalaga ay hindi na bumababa ang lagnat nito. 

"Ricardo ano ang nangyayari sa anak natin?" Nag-aalalang tanong ng asawa ni Ricardo. Mangiyak-ngiyak na din ito dahil sa hindi nito alam ang gagawin. Maging si Ricardo ay walang magawa, nanlulumo niyang tinitigan ang sitwasyon ni Christy. Isa lang ang pumapasok sa isip niya at iyon ay tawagin sila Sinag ngunit masyado nang malalim ang gabi noon, paniguradong natutulog na ang mga ito. 

"Bukas na bukas, pumunta kayo sa bahay ni Sinag at ipatawag sila. Ang dinig ko ay isang manggagamot si Sinag kung kaya't malaki ang maitutulong niya sa atin. " Utos ni Ricardo sa kanyang kasambahay. Tumango naman ito at muling ibinaling sa pagpupunas sa dalaga ang kanyang atensiyon. 

Kinaumagahan ay ganoon pa rin ang sitwasyon ng dalaga. Panay na rin ang pagsusuka nito na animo'y ilalabas na nito ang kanyang lamang loob. Namumutla at nanghihina na rin ang dalaga dahil sa walang tigil nitong pagsusuka. Umiiyak na sa pag-aalala ang asawa ni Manong Ricardo.

"Mabilis kayo, ipatawag na sila Sinag ." Sigaw ni Ricardo. Hindi naman iyon inalintana ng mga kasambahay dahil alam nila ang sitwasyon at takot na nararamdaman ng mag-asawa. 

Minuto lamang noon ang lumipas nang humahangos na dumating sila Sinag sa bahay ni Ricardo. Agad silang sinalubong ng matanda dahil sa pag-aalala.

"Sinag, Sinag tulungan mo ang anak ko. Kagabi pa siya ganyan. Hindi na namin alam ang gagawin." Umiiyak na wika ng asawa ni Manong Ricardo. 

"Titingnan ko po ang magagawa ko." Seryosong wika ni Sinag at lumapit sa higaan ng dalaga. Doon ay nakita niya ang kalunos-lunos nitong sitwasyon. Kahapon lamang ay napakasaya pa nito at bakas pa sa mukha nito ang matatamis nitong ngiti ngunit ngayon ay tila ba isang buwan na itong nakaratay sa sakit. Maputla ang mukha nito at bakas ang sakit na iniinda nito. 

Lumapit din si Mina at nag-usal ito. Tinatawag nito ang mga engkantong naglilibot sa paligid ng bahay upang maitanong sa mga ito kung may kakaiba ba silang napuna noong magdaang gabi. 

Agad naman lumitaw sa harap nila ang isang engkantadang nakasuot ng berdeng damit na animo'y gawa sa dahon na lubhang ikinagulat ng mga taong naroroon. Mahaba ang buhok nito na kulay ginto at napapalamutian ng animo'y ugat ng puno na may mga nakausling dahon . Kulay berde ang mga mata nito na siya namang ikinamangha ni Manong Ricardo. Kakulay kasi ng mata nito ang berdeng tubig sa mga sapa. 

"Wala kaming napansing kakaiba kagabi Itinakda, maliban sa kakaibang presensyang dumaan. Ngunit hindi na namin ito nasundan pa." Wika ng engkantada sa banayad nitong boses. 

"Paanong kakaiba?" Tanong ni Mina dito. 

"Hindi ko maipaliwanag dahil noon ko lamang naramdaman ang presensyang iyon. " Sagot ng engkantada at agad din itong naglaho. 

Sinipat ni Mina ang buong katawan ni Christy upang makita kung may baon ito o marka. Hindi kasi iyon magawa ni Sinag dahil na rin sa paggalang nito sa dalaga at sa mga magulang nitong nakamasid sa kanila. 

"Wala siyang baon, ngunit nasipat ko ang marka ng isang manlalason sa kanya. Maaring napagdeskitahan siya ng isang manlalason sa bayang pinuntahan niya kahapon ." Wika ni Mina. Nagpakuha si Mina ng lupa kay Isagani at pinalagay niya ito sa sisidlang kahoy. Agad naman sinimulan ni Sinag ang panggagamot sa dalaga. Nagsindi siya ng kandila sa gilid nito habang nag-uusal.

Nang makuha na ni Mina ang lupa ay agad din niyang sinimulan ang pagguhit ng simbolo roon. Nag-usal siya at iniihip iyon sa lupa. Walang anu-ano'y, tumubo roon ang isang kakaibang halaman na noon pa lamang nilang nakita. Gulat na gulat ang mag-asawa sa ginawa ni Mina. Mabuti na lamang at pinalabas na nila ang mga kasambahay at sila-sila na lamang ang natitira sa kwartong iyon. 

Mabilis na iniabot ni Mina kay Sinag ang halamang iyon na kaagaran namang dinikdik ni Sinag sa isang mangkok na gawa din sa kahoy. Kapuna-puna sa dalawa na sa tuwing manggagamot sila ay puro gawa sa kahoy ang kanilang mga gamit. Kung hindi man ay gawa ito sa mga bagay na makukuha mo lamang sa kalikasan. 

Matapos madurog iyon ni Sinag ay agad niyang kinuha ang katas nito at ipinainom sa dalaga habang nag-uusal. Pinaupo niya ang dalaga habang hawak-hawak ito sa balikat. Minuto lamang ang lumipas nang biglang magsuka ang dalaga. Sa pagkakataong iyon ay sumuka ito ng isang itim na likido na agad namang sinalo ni Sinag gamit ang mangkok. Nang matapos itong magsuka ay marahan na niya itong inihiga sa higaan nito at hinayaang makapagpahinga. Inusalan niya ito at umihip sa noo ng dalaga upang mabigyan ito ng poder at bakod laban sa mga masasamang elementong magtatangkang sumanib sa nanghihinang katawan ni Christy. 

"Huwag na po kayong mag-alala, magaling na si Christy, kailangan lang niya ng pahinga. Paggising niya ay painomin niyo siya ng mainit na tubig bago pakainin. " Wika ni Sinag na lubos na ikinatuwa ng mag-asawa. 

"Manong Ricardo, Manang Celia, isuot ninyo ang kwentas na ito at sa kahit anong dahilan ay huwag niyo itong huhubarin. Mag-iiwan din ako kay Ate Christy upang sa ganon ay mahatiran kayo ng tulong ng mga engkantong naglilibot sa paligid ng inyong bahay." Wika ni Mina. Nanlaki ang mga mata ni Ricardo dahil sa sinabi ni Mina. 

"Mga engkanto sa paligid ng bahay ko? Bakit may mga engkanto rito?" Natatarantang tanong ni Ricardo at tumingin ito kay Sinag. 

"Mababait ang mga engkantong nandito sa lupain mo Manong. Wala kang dapat ipag-alala dahil sakop sila ng kapangyarihan ng kapatid ko. Pasensiya na po kung inilihim namin sa inyo."

"Wala namang problema iyon Sinag. Medyo nagulat lang kami dahil ngayon pa lamang ako nakakita ng mga nilalang na ganyan. Muntik na akong atakihin sa puso kanina." Pabirong wika ni Ricardo na ikinatawa naman ng kanyang asawa. Nawala na kasi ang pangamba sa mga puso nito kung kaya't nagagawa na nilang makapagbiro at tumawa. 

Naging maayos na din ang kalagayan ni Christy, nawala na ang lagnat nito at nagising ito bandang tanghali. Matapos iyong kumain ay muli itong bumalik sa higaan upang makapagpahinga. 

Kinabukasan ay muli nang nagbalik ang sigla ni Christy. Maaga pa itong nagising upang tumulong sa kusina. Nandoon na din si Mina na naghihiwa ng mga kamatis na gagamitin nilang pansahog. 

"Mina, salamat nga pala sa ginagawa niyo, Naikwento sa akin ni Papa kagabi. Sayang hindi ko sila nakita. Gustong-gusto ko pa namang makakita ng mga engkanto. Sabi ni Papa maganda daw yung engkantadang nakita nila. Parang katulad sa mga libro." Wika ni Christy at napangiti si Mina. 

"Maari mo naman silang makita Ate. Nariyan lang sila sa paligid. Hayaan mo at pagkatapos natin dito, ipapakilala kita sa kanila." Wika ni Mina na ikinatuwa naman ni Christy.