Chapter 25 - XXIV

"Malika!"

Bumangon si Maia na puno ng pawis at may mabilis na tibok ng puso na tila ay hinabol siya ng sampung kabayo. Nilibot niya ang tingin sa paligid. Nasa silid siya ni Malika.

𝘗𝘢𝘯𝘢𝘨𝘪𝘯𝘪𝘱?

𝘏𝘪𝘯𝘥𝘪.

Pakiramdam niya ay hindi panaginip na kaniyang nakita at nakausap si Malika.

Bumaba ang kaniyang tingin sa kaniyang mga kamay. At sa kabila ng kadiliman sa silid, na ang tanging nagbibigay liwanag ay ang liwanag mula sa buwan dahil sa nakabukas na bintana, kitang-kita niya ang panginginig ng mga ito.

Dinala niya ang kaniyang mga kamay sa kaniyang dibdib. Malinaw pa rin sa kaniya ang mukha ng batang si Malika... ang pag-iyak nito... ang pagpapasalamat nito dahil sa paniniwala niya dito.

Kinagat niya ang kaniyang ibabang labi. Hindi patas iyon. Hindi dapat ito nagpapasalamat sa kaniya.

Naniniwala siya dito sapagkat alam niya. Nakita niya ang nakaraan nito. Alam niya ang mga pinagdaanan nito dahil nasa katawan siya nito. At... At hindi niya masasabing maniniwala siya dito kung hindi nangyari iyon.

Hindi ba na hinusgahan niya rin ito? Na sa kaniyang paningin ay mali ito sa paraan ng pagkuha ng atensyon sa pamilya nito? Kaya bakit? Nakita rin nito ang kaniyang nakaraan, ang kaniyang damdamin at isipin. Kaya bakit ito nagpasalamat sa kaniya?

Pumikit siya kasabay ng pagkuyom ng kaniyang mga kamay, pakiramdam niya ay malulunod siya sa kunsensyang bumabalot sa kaniya. Pakiramdam niya ay dinaya niya si Malika. Na hindi tapat ang mga sinabi niya dito...

Na binigyan niya ito ng maling pag-asa na may tunay na naniniwala dito.

Ngunit...

Ngunit sa kabila niyon, kung siya ay magiging totoo...

Kung mangyari muli ang bagay na iyon, uulitin niya ang kaniyang mga sinabi. Kung iyon ang makatutulong upang gumaan ang saloobin nito.

At iyon ang mahalaga. Para sa kaniya. Na gumaan at naging mapayapa ang kalooban nito kahit na tila huli na ang lahat...

Kahit nangyari pa iyon sa huling sandali nito.

Napadilat siya at napaayos ng upo nang may marinig na ingay sa labas. May yabag ng mga paa at mga tinig...

Na pamilyar na sa kaniya.

Nilingon niya ang bukas na bintana. Sa kaniyang palagay, hindi naging matagal ang kaniyang pagtulog. At ngayong siya ay tuluyan nang gising, ramdam niya ang mahinang pagkirot ng kaniyang ulo at ang mainit niyang pakiramdam na tila siya ay inaapoy ng lagnat.

At marahil, katatapos lamang ng pagdiriwang sa Palasyo ng Hari.

Hindi niya nga lang inaasahan na ganito kabilis siyang kakausapin at marahil ay parurusahan ng Punong Lakan.

Lumakas ang mga yabag ng mga paa ganoon din ang mga tinig. At ilang segundo lamang ay malakas na bumukas ang pinto ng silid kasabay ng pagliwanag ng paligid.

"Ano ang ibig-sabihin nito, Malika?!" halos pasigaw na tanong ng Punong Lakan.

Pansamantala siyang pumikit dahil sa biglaang pagliwanag. At nang sa tingin niya ay kaya na niyang imulat ang mga mata nang hindi nasisilaw, inangat niya ang tingin sa kaniyang mga hindi inaasahang bisita.

Bukod sa Punong Lakan, kasama rin nito si Gat Amir na nanatili lamang sa labas ng silid habang nasa tabi rin nito si Mindy na hindi rin magawang pumasok marahil naman sa takot sa Punong Lakan.

"Ano po ang ibig-sabihin ng alin?" mahina ngunit magalang niyang tanong.

Lumukot ang mukha ng Punong Lakan. "Hindi mo talaga alam o sadyang sinasangad mo lamang ang aking pasensya, Malika?!"

𝘏𝘮𝘮...

Sa itsura nito, mukhang nasangad niya nga ang pasensya nito sapagkat wala siyang alaala ni Malika na nagalit ito dito ng ganito. Hindi niya tuloy maiwasang maisip kung ipapapatay siya nito ngayong gabi.

Hindi naman niya akalain na ganoon kahalaga ang pagtitipon na iyon. Ganoon ba kababaw ang mga maginoo at mga dugong-bughaw? Nagalit na ang mga ito sapagkat may isang hindi naman mahalagang tao---partikular ay dating alipin, ang hindi nagawang bumati?

"Kung tungkol po ito sa aking maagang---"

"ANO ANG IYONG GINAGAWA DITO?!" pagputol ng Punong Lakan sa kaniya. Mas malakas na ang tinig nito na halos dumagundong sa buong palasyo na maging ang kasama nitong kabalyero ay tila may kabang nadarama.

Ngunit walang pakialam doon si Maia. Mas lalo lamang siyang naguluhan kung bakit nandito ito ngayon sa ganitong oras.

Akala niya ay dahil sa maaga niyang paglisan sa Palasyo ng Hari ngunit tila ang problema nito ay ang pananatili niya dito. May alaala ba si Malika na pinalayas na ito ngunit hindi niya alam?

Kung gayon, saan ba dapat siya manatili o magpahinga?

"Paumanhin po, Mahal na Punong Lakan, ngunit hindi ko po lubusang maunawaan ang inyong tanong. Ako po ay nandito upang magpahinga."

"Magpahinga? Hah!" Nagpalakad-lakad ito na tila ay sinusubukan nitong pakalmahin ang sarili bago muling huminto, ang tingin nito ay matalim. "Kung iyon ang iyong nais, bakit hindi ka magpahinga sa iyong silid?!"

Tinitigan niya nang mabuti ang Punong Lakan. Seryoso ito at pagod na sa pakikipag-usap. Ang magandang balita, ganoon rin ang kaniyang pakiramdam.

𝘏𝘢𝘢𝘢𝘢𝘢𝘢𝘢.... 𝘈𝘺𝘰𝘬𝘰 𝘯𝘢. 𝘛𝘢𝘮𝘢 𝘯𝘢 𝘪𝘵𝘰.

Hindi niya ito maunawaan kahit na kaunti. At ang mga alaala ni Malika, bagama't malinaw ay walang kahit maliit na pahiwatig sa kung ano ang tinutukoy ng taong nasa kaniyang harapan.

"Mawalang galang na po," simula niya, habang kaniyang sinalubong ang malamig na tingin ng Punong Lakan na tila ay nabigla sa kaniyang sinabi. "Ngunit simula nang ako ay napunta sa inyong palasyo, itong silid na ito lamang ang aking matatawag na aking silid. Kung may iba pa po kayong tinutukoy na silid, ipagpaumanhin po ninyo ngunit wala akong alam."

"Wala kang alam?" Nanghuhusga ang mga mata nito na malinaw na ipinahihiwatig sa kaniya na hindi ito naniniwala.

At ano pa nga ba ang bago doon? Alam na alam na iyon ni Malika.

"Iyong Kataasan, alam niyo po na wala po akong bahagi sa pag-de-desisyon sa mga bagay-bagay sa inyong palasyo. Marahil ay mas mainam po na inyong tanungin ang mga taong mas nakaaalam."

𝘒𝘢𝘵𝘶𝘭𝘢𝘥 𝘯𝘨 𝘗𝘶𝘯𝘰𝘯𝘨 𝘒𝘢𝘵𝘪𝘸𝘢𝘭𝘢, dagdag niya sa kaniyang isip.

"At kung iyon lamang po, sana ay inyong maunawaan na nais ko na pong magpahinga sapagkat hindi maganda ang aking pakiramdam. Magandang gabi po."

Hindi maipinta ang mukha ng Punong Lakan. Ngunit kung sabagay, maging si Mindy at ang kabalyero nito ay ganoon rin. Marahil dahil maliwanag na pinapaalis na niya ito---isang bagay na marahil ay wala pang kahit sino ang nag-lakas-loob na gawin sa palasyong ito.

Ngunit bilang hindi naman siya taga-rito, wala na rin si Malika, at nalalabi na rin ang mga araw na kaniyang pananatili dito, wala siyang pakialam. Sasabihin niya ang kaniyang nais sabihin.

"Ganiyan na lamang ba ang iyong gagawin sa tuwing ikaw ay aking tatanungin sa mga bagay na iyong pinag-gagagawa?!" sambit ng Punong Lakan, namumula ang mukha nito sa galit, ang mga ngipin nito ay nagngangalit. "Palagi ka na lamang bang magdadahilan?!"

𝘔𝘢𝘨𝘥𝘢𝘥𝘢𝘩𝘪𝘭𝘢𝘯?

Wala nang ibang narinig si Maia kundi ang salitang iyon habang bumalik sa kaniyang isip ang umiiyak na mukha ni Malika.

Ang taong iyon... ang batang iyon...

Wala itong ibang ninais kundi ang matanggap. Ngunit ang mga taong ito...

Walang makita ang mga ito kundi ang pagkakamali ni Malika. Ang pagbintangan ito, maniwala sa mga sabi-sabi tungkol dito--- at iyon pa ay kapag napilitan ang mga ito na ituon ang atensyon dito.

Ni wala siyang alaala na kinausap ng mga ito nang maayos si Malika. Hindi ito pinakinggan kahit minsan. Kahit man lang isang beses.

At ngayon, katulad ni Malika na pagod nang masisi, mapagbintangan, at hindi mapaniwalaan, pagod na rin siya.

Pagod na siya sa nangyayari sa kaniya, sa nangyayari kay Malika, sa mundong ito.

Ni ang magtanong kung bakit nangyayari ito sa kaniya ay pagod na rin siya sapagkat tila wala rin namang kasagutan ang mga iyon.

Marahil ang kamatayan na lamang ang tunay na makapagbibigay sa kaniya ng kasagutan at ng kalayaang kaniyang inaasam.

Lumingon siya sa kaniyang kaliwa at nakita niya ang munting mesa sa gilid ng kama. May nakapatong dito na mamahaling lampara, munting aklat-sulatan, baso na may lamang tubig, at---

Nawala ang kaniyang atensyon dito sapagkat patuloy sa pagsasalita ang Punong Lakan. Naririnig niya ito ngunit hindi niya maintindihan.

Dahil para sa kaniya, maingay lamang ito. At sa masakit niyang ulo, iyon ang pinaka-hindi nakatutulong.

Sa loob ng isang segundo, umingay ang tunog ng nabasag na baso kasabay ng paghinto ng Punong Lakan sa pagsasalita at pagsinghap ni Mindy ganoon din ni Gat Amir.

"MALIKA!" bulalas ng Punong Lakan. "A-Ano'ng.... Bakit---"

Inangat niya ang kaniyang kaliwang kamay mula sa nabasag na baso at nagsimulang tumulo ang mga dugo na nagmula sa mga sugat sa kaniyang palad at mga daliri.

"Sapat na po bang 𝘥𝘢𝘩𝘪𝘭𝘢𝘯 ito upang ako ay makapagpahinga na?" tanong niya, ang kaniyang tinig ay walang katiting na emosyon.

"ANO ANG IYONG GINAGAWA?! Nasisiraan ka na ba ng bait?!"

"Ah..." Tinitigan niya ang nagdudugo niyang kamay at naalala niya na ganito rin ang itsura nito kanina, ilang oras pa lamang ang nakalilipas. "Nais ko lamang po na magbigay ng patunay sapagkat hindi niyo pinaniniwalaan ang aking sinabi na masama ang aking pakiramdam."

"A-Ano?"

Tinitigan niya ang luntiang mga mata nito na kasalukuyan ay puno ng pagkalito. "Ngunit ngayon ay aking napagtantong ako ay nagkamali bilang kayo ay nandito pa rin."

Nanlaki ang mga mata nito bago unti-unting bumalik ang lamig sa mga titig nito kasabay ng munting mga paggalaw ng panga nito. Ilang sandali na nakatingin lamang ito sa kaniya at ganoon rin siya bago kumuyom ang mga kamay nito at tumalikod. "Hindi pa tapos ang pag-uusap na ito, Malika. Aasahan kita sa aking silid-talaan sa pagsikat ng araw."

Naglakad na ito palabas at nang tuluyan itong makaalis ay agad na tumakbo si Mindy sa kaniya, nangingilid ang mga luha nito. "Binibini! Ang... Ang sugat niyo po! Ikukuha ko po kayo---"

"Marahil ay natakot ka," pagputol niya dito na agad tumingin sa kaniya, bilog na bilog at puno ng kaba ang mga mata nito. "Pasensya na. Ngunit ayos lamang ako kaya huwag kang mag-alala. "

"Ngunit Binibini... "

Binigyan niya ito ng maliit na ngiti." Ayos lang ako. Magpahinga ka na. Ako na ang bahala dito. "

Sa itsura nito, tiyak siya na nais nitong tumutol. Ngunit sa mga nasaksihan nito ngayong gabi, tiyak rin siyang alam at naiintindihan nito kung bakit nais niyang mapag-isa.

Marahan itong tumango at nagbigay-galang bago tahimik na lumabas ng silid na tunay na ipinagpapasalamat ni Maia. Sapagkat sa lahat ng tao dito, si Mindy ang hindi niya nais masigawan o mapagbuntunan ng galit.

Tama. Galit siya.

At marahil iyon ang tunay na dahilan kung bakit mainit ang kaniyang pakiramdam... kung bakit kumikirot ang kaniyang ulo.

Pumikit siya at huminga ng malalim bago tumayo at nagtungo sa silid-paliguan. Hinugasan niya ang kaniyang kaliwang kamay hanggang sa inangat niya ang kaniyang tingin sa harap nang walang pag-iisip. At doon...

Doon ay nakita niyang muli ang mukha ni Malika.

At sa pagkakataong ito, hindi ito nagulat o kaya ay umiiyak.

Galit ito.

Ang nakapagtataka ay wala na ito sa katawang ito. Kaya siya... 𝘚𝘪𝘺𝘢 ang galit. Sapagkat 𝘴𝘪𝘺𝘢 ang nandito.

Ngunit wala ang kaniyang katawan... wala ang kaniyang mukha.

Ibang mukha ang kaniyang nakikita!

Pabalagbag niyang isinara ang gripo, huminga, at dumapo ang kaniyang tingin sa suklay na nasa gilid ng lababo.

Masikip ang kaniyang dibdib. Mabilis ang kaniyang paghinga. May matindi siyang pagnanais na magwala at sumigaw.

At bago pa siya makapag-isip, sa silid ni Malika, umalingawngaw muli ang tunog ng pagbasag.

Sa pagkakataong ito, ang salamin at ang suklay na gawa sa mamahaling bato naman ang tuluyan nang hindi muling magagamit.