Chapter 31 - XXX

"Mahal na Binibini!"

Hindi maiwasang mapahawak ni Maia sa kaniyang dibdib sa pagtawag sa kaniya ni Mindy. Doon lamang din niya napagtanto na nakatingin pa rin siya sa lugar kung saan niya huling nakita ang Prinsipe.

At tama, iisa lamang ang tumatakbo sa kaniyang isipan ngayon: Na mamamatay na siya... sila ni Malika.

"Kanina pa po ba kayo naghihintay, Mahal na Binibini? Paumanhin po na kami ay nahuli sa pagdating."

Sa kabila ng kaniyang mga iniisip, hindi pa rin nakaligtas sa kaniya ang sinabi ni Mindy. Kami?

Tama ba siya ng narinig?

Nilingon niya ito at wala ngang mali sa kaniyang pandinig sapagkat may isa pang dalaga ang nakasunod kay Mindy na may hawak na bandeha ng kaniyang almusal. At base sa kasuotan nito, isa rin itong tagapaglingkod.

Ngayon, ay kung bakit.

Agad na yumuko ang dalawa sa kaniyang paglingon habang mabilis din na bumati ang kasama ni Mindy. "Magandang umaga po, Mahal na Binibini," magalang na simula nito. "Ang ngalan ko po ay Ilaria. Ikinagagalak ko po na kayo ay makilala. Makatitiyak po kayo na gagawin ko ang aking mga tungkulin nang naaayon sa inyong kagustuhan, Inyong Kataasan."

Hindi ito pinansin ni Maia bagkus siya ay tumingin kay Mindy. "Mindy, ano ang ibig sabihin nito?"

Dahan-dahang tumayo nang tuwid si Mindy at siya ay tinignan, may bahid ng lungkot ang mga mata nito. "Binibini, si Ilaria po ang bago niyong tagapaglingkod. Siya po ay isa sa aking mga kapalit."

Bahagyang tumaas ang isang kilay ni Maia. Kung gayon, may iba pang mga tagapaglingkod na darating. Na hindi na rin nakapagtataka.

Sa mundong ito, karaniwan na tatlo hanggang limang babaeng tagapaglingkod na nagmula sa mga malalayang tao ang nakaatas sa isang binibini---isang bagay na hindi nangyari kay Malika. At sa paglabas ng katotohanan sa mga nangyari dito, hindi na rin nakapagtataka ang hakbang na ito ng Punong Lakan at ang kagustuhan nito na alisin si Mindy na isang alipin.

Ngunit sa totoo lang, wala siyang pakialam doon at mas lalong wala siyang panahon upang problemahin pa iyon.

Tinitigan niya ang bagong tagapaglingkod. "Ilaria... tama ba?"

Tumayo ito nang maayos at may kinang sa mga kulay abo na mata nito. "Opo, Mahal na Binibini!"

"Paumanhin ngunit hindi ko kailangan ng bagong tagapaglingkod. Makaaalis ka na."

Sabay na bumilog ang mga mata nito at ni Mindy. "Ngunit Binibini, ito po ay utos ng Punong Lakan," ani Mindy na puno ng pag-aalala ang tinig.

"Mindy, may alaala ka ba na ika'y aking tinanggal o pinaalis?" tanong niya.

Ilang segundo ang lumipas bago ito tahimik na sumagot, "W-Wala po, Binibini."

"Kung gayon, malinaw na hindi ko kailangan ng bagong tagapaglingkod." Bumaba siya sa pergola at nagsimulang maglakad. "Sumunod ka sa akin. Dalhin mo ang aking almusal sa aking silid. Nagbago na ang aking isip at doon na ako kakain."

"N-Ngunit Binibini---" muling pagtawag ni Mindy ngunit ang tagapaglingkod na si Ilaria ang pumigil dito.

"Ayos lang, Mindy. Hindi mo ako kailangang alalahanin." Humina ang tinig nito na tila ay may binulong kay Mindy kung kaya ay bahagya itong nilingon ni Maia. Iniabot nito ang bandeha kay Mindy at ngumiti, ang kinang sa mga mata nito ay hindi nalusaw.

Mukhang masayahin at positibo ang dalagang ito.

Ngunit kahit pa ganoon, hindi pa rin niya ito matatanggap bilang tagapaglingkod. Hindi niya masasabing mapagkakatiwalaan niya ito, hindi katulad sa pagtitiwala na mayroon siya kay Mindy. Isa pa, wala namang kasinungalingan sa kaniyang mga sinabi. Hindi na niya kailangan ng dagdag na tagapaglingkod...

Bumaba ang tingin niya sa rosas na kaniyang hawak.

At hindi na niya kakailanganin ng kahit sinong tagapaglingkod kapag siya ay pumanaw na.

Huminga siya ng malalim at nagpatuloy sa paglalakad. Hindi man siya handa, ngunit kailangan na niyang makaalis sa kahariang ito sa pagsapit ng dilim.

___________________________

"Kamahalan, maaari ba na aking malaman ang bagay na kailangan niyong talakayin sa aking Ama?"

Ang mga bughaw na mata lamang ng Kaniyang Kamahalan ang gumalaw upang tignan si Akila. "Kamahalan?" naguguluhang sambit nito. "Pangalawang pagkakataon ngayong araw na ako ay tinawag mo niyan. Hindi ko tiyak kung kailangan ko nang makadama ng sama ng loob."

Natigilan si Akila sa sinabi ng Kamahalan ngunit ngayon ay malinaw sa kaniya na hindi pa rin ito nagbago sa kabila ng matagal nitong pagkawala sa kaharian. Aaminin niya na kahit paano ay nakikita pa rin niya ito tuwing may pagdiriwang o pagtitipon ngunit dahil mahabang panahon rin ang ginugol nito sa ibang kaharian habang siya ay nanatili sa Aguem at may sarili ring pinagkakaabalahan, naging madalang ang kaniyang pakikipag-usap dito na may mga pagkakataong pakiramdam niya ay hindi na niya ito kilala at ganoon din ito sa kaniya. At sa katunayan, sa kanilang pagtanda, tiyak siyang maraming nagbago. Dito at sa kaniya.

Ngunit sa nagdaang panahon, ang pagiging mapagbiro ng Kaniyang Kamahalan ay hindi pa rin naglalaho.

Huminga siya ng malalim bago nagpasyang magsalita upang tiyakin sa Kamahalan na ang nais niya lamang ay ibigay dito ang paggalang na angkop sa pagiging prinsipe nito at bilang susunod na Hari. Ngunit bago pa niya maibuka ang kaniyang bibig ay nilingon nito ang kaniyang kanang-kamay.

"Gat Einar, alam mo ba na madalas umiyak ang Kaniyang Kataasan noon?"

Ramdam ni Akila ang pagpintig ng mga ugat sa kaniyang ulo. "Kamahalan," mahina niyang pagtawag dito.

Ngunit hindi siya nito pinansin at nagpatuloy, "Malinaw pa sa aking isipan noong ipinanganak si Binibining Selina. Sa aking pagdalaw upang bumati, agad na tumakbo sa akin ang Kaniyang Kataasan at umiiyak. At alam mo ba ang kaniyang sinabi?" Sandali lamang itong huminto, tanda na hindi naman ito naghihintay ng pagtugon. "Kuya Kaius! May bagong anak na sila Ama at Ina. Ibig-sabihin ba nito ay hindi na nila ako mahal?"

Napapikit si Akila at pinisil ang kaniyang balingusan. "Kaius, nauunawaan ko na. Hindi na kita tatawaging 'Kamahalan' kung tayo - tayo lamang."

Mahina ang pagtawa ni Kaius at huminto sa tapat ng pinto ng silid-talaan ng kaniyang Ama. Ngunit bago pa buksan ng naghihintay na si Gat Amir ang pinto, nilingon siya nito. "Akila, iyon ay 'Kuya Kaius' para sa'yo."

Inaasahan man ni Akila na sasabihin iyon ng Kaniyang Kamahalan, nakadama pa rin siya ng pagkabigla. Ngunit kaniyang masasabi na magandang pagkabigla sapagkat napatunayan niya lamang na tunay na hindi ito nagbago.

Ngunit ilang segundo pagkatapos niyon ay hindi niya maiwasang mapaisip kung may iba pang dahilan kung bakit nasabi iyon ng Mahal na Prinsipe. Bagama't alam niya na 'Kuya Kaius' ang tawag niya dito noong mga bata pa sila---ngunit iyon ang kaniyang punto, mga bata pa sila noon. At bilang isang maginoo, nakaiilang na tawaging 'Kuya' ang susunod na Hari lalo na kung hindi naman niya ito tunay na kapatid o kadugo.

Ngunit ang totoong bumabagabag sa kaniyang isipan ay ang kaniyang nasaksihan kanina.

Malinaw na sa Mahal na Prinsipe nanggaling ang hawak na rosas ni Malika nang makita niya ang mga ito sa pergola. At kaniyang masasabi na ngayon lamang niya nakita na nagbigay si Kaius ng kahit anong bulaklak sa isang Binibini---o babae, bukod marahil sa Mahal na Reyna at Prinsesa. Kung kaya sa totoo lang, hindi niya alam kung ano ang dapat maramdaman tungkol doon.

Bilang kaibigan ng Mahal na Prinsipe, alam niyang magiging masaya siya kung makahanap na ito ng Binibining magugustuhan---isang bagay na alam niyang matagal na nitong tinatakbuhan lalo na ngayong usap-usapan na ang pagbaba sa trono ng Mahal na Hari. Ngunit...

Kung kaniyang kapatid ang maaaring magustuhan nito, hindi siya ganoon katiyak---lalo na kung ang kapatid na iyon ay si Malika.

Hindi lihim sa Kaharian ng Aguem na ampon si Malika at na isa itong batang alipin noon. At kung nagkataong ito ang babaeng magugustuhan ni Kaius, tiyak siyang maraming Maginoo ang hindi matutuwa.

"Iyong Kataasan?"

Napakurap si Akila sa pagtawag ni Einar. Nakapasok na ang Kamahalan sa loob ng silid kung saan dinig na dinig ang masayang pagbati nito sa kaniyang Ama habang si Gat Amir na nasa pinto ay nakatingin sa kaniya, naghihintay kung siya ay papasok, may pagtataka at pag-aalala sa mukha nito.

Napailing siya sa kaniyang isip at agad na pumasok sa loob. Kung tutuusin, hindi dapat siya gumawa ng akala tungkol sa isang bagay na hindi pa niya tiyak. Lalo na na batid niya na ang Prinsipe at si Malika ay hindi pa naman tuluyang magkakilala o nagkasama. Walang dahilan upang bigyan niya ng kulay ang pagbibigay nito ng bulaklak...

Hindi ba?

Hindi siya tiyak ngunit may narinig siya sa mga Binibini na nasa isang pagtitipon na kaniyang dinaluhan ilang buwan na ang nakalilipas na may ibig-sabihin ang mga kulay at uri ng bulaklak... at noong mga panahong iyon, wala siyang interes sa mga narinig ngunit kung hindi nagkakamali ang kaniyang alaala, ang kulay pulang rosas ang sumisimbolo sa pag-ibig.

At bilang luntiang rosas naman ang iniabot ng Kaniyang Kamahalan kay Malika, wala naman siyang dapat ipag-alala.

Napahinto siya sa naisip.

Pagdating kay Malika... sa katotohanan...

Wala naman talaga siyang karapatang mag-alala o magpasya para dito.

Lalo na kung halos buong buhay niya, ginawa niya ang lahat upang pabayaan ito---ang taong minsan sa kaniyang buhay ay itinuring niya ring nakatatandang kapatid.