Chapter 26 - XXV

"Binibini? Nandito po ang kabalyero ng inyong Ama."

Agad na nirolyo ni Maia ang mapang kaniyang inaaral at isinilid sa tukador nang marinig ang sinabi ni Mindy. Kadalasan---hindi.

Palagi na ang Punong Katiwala ang nagtutungo dito kung may mensahe ang Punong Lakan kay Malika ngunit ngayon ay hindi iyon ang sitwasyon. Kaya pala tahimik ang kaniyang umaga. Walang bigla na lamang na pumapasok sa katauhan ng matandang katiwala.

Ngunit hindi niya maiwasang maisip kung bakit ang kabalyero ang nandito ngayon.

Dahil kaya nasaksihan nito ang nangyari kagabi o may mas malalim pa kayang dahilan?

Bumuka ang kaniyang bibig upang tanungin si Mindy kung may nabanggit ba tungkol sa dahilan ng pagtungo ng kabalyero ngunit bilang malaki ang tyansa na wala rin namang alam ito, pinigilan na niya ang sarili.

"Pakisabi na bababa na ako," sabi na lamang niya. "At pakiasikaso na lang din ang pinahahanda ko sa iyo. Didiretso ako sa kusina sa aking pagbalik."

Yumuko si Mindy. "Masusunod po, Binibini."

Nagtatakang tinignan niya ito dahil tila malungkot ang tinig nito. "May problema ba, Mindy?"

Gulat na inangat nito ang tingin sa kaniya bago yumukong muli at alanganing nagsimula. "A-Ayos na po ba talaga ang inyong pakiramdam, Binibini?"

Bahagya siyang natigilan. Minsan, nabibigla pa rin siya sa ipinapakitang pag-aalala nito. At hindi niya rin maiwasang malungkot para dito dahil doon. Pakiramdam niya kasi ay niloloko niya ito. Na nasasayang ang pag-aalala nito. At hindi patas iyon para dito.

Ngunit alam rin niyang hindi niya masasabi ang katotohanan dito. Sapagkat maaaring maging mahirap para dito ang paniwalaan at tanggapin na wala na ang Binibining pinagsisilbihan nito.

"Huwag kang mag-alala, Mindy. Ayos lamang ako. Maraming salamat," pagkumbinsi niya dito. At tila kinukumbinsi niya rin ang kaniyang sarili.

Hanggang ngayon kasi, tila ay pinupukpok pa rin ng martilyo ang kaniyang ulo at mainit pa rin ang kaniyang pakiramdam. Marahil sa kadahilanang nagsisimula nang maramdaman ng katawang ito ang kawalan ng tunay na kaluluwa nito.

May pangamba at pag-aalala pa rin sa mukha ng tapat na tagapaglingkod ni Malika ngunit agad itong nagbigay-galang bago lumabas ng silid.

At nang sumara ang pinto at naglaho ang tunog ng marahang mga yapak nito, agad na nagtungo si Maia sa silid-pambihisan at kinuha ang kaniyang baril at dalawang balisong.

Wala naman siyang balak gamitin ang mga ito dito. Ngunit wala rin siyang balak na iwan ang mga ito kung siya ay lalabas ng palasyo. Isa pa, may kutob rin siya na ngayong araw ang araw kung kailan hindi niya dapat iwanan ang mga ito.

Lumabas siya ng silid at tinungo ang kabalyero na naghihintay sa entrada ng palasyo. Agad itong nagbigay-galang nang siya ay makita. "Mahal na Binibini, magandang umaga po. Ipinadala po ako ng inyong Ama upang kayo ay sunduin at samahan sa silid-kainan."

𝘚𝘪𝘭𝘪𝘥-𝘬𝘢𝘪𝘯𝘢𝘯?

Mali ba siya ng narinig o mali ito ng nasabi? Ang alam niyang dapat niyang puntahan ngayong umaga ay ang silid-talaan ng Punong Lakan, hindi ang silid-kainan.

"Gat Amir," simula niya, hindi niya ibinalik ang pagbati nito ng 'magandang umaga'. Tiyak siyang walang magandang mangyayari sa kaniya buong araw ngayon. "Tama po ba ang aking pagkakarinig na ako ay pinatutungo ng Punong Lakan sa silid-kainan?"

"Opo, Mahal na Binibini," magalang na sagot nito ngunit may kaunting pagkabigla at pag-aalinlangan.

Kung bakit ganoon ang reaksyon nito ay hindi na niya pinansin at nagsimulang na lamang siyang maglakad kasabay ng paglipad ng kaniyang isipan.

Ano'ng gagawin niya sa silid-kainan? Gayahin si Malika at pagmasdan ang mga maginoo ng pamilyang ito na kumain ng masarap at nang maayos habang siya ay magpapalipas ng gutom sapagkat ang nakahain para sa kaniya ay hindi naman tunay na makakain? O kaya naman ay para siya ay kumain sa huling pagkakataon bago siya sentensyahan ng kamatayan?

At ngayong naisip niya ang bagay na iyon, malaki ang posibilidad na iyon ang mangyari. Masasagot rin niyon ang kaniyang tanong na kung bakit ang kabalyero ang nandito imbis na si Otis.

Mas angkop kasi na isang kabalyero ang magdadala sa kaniya sa kulungan.

"Mahal na Binibini?" pagkuha ng kabalyero sa kaniyang atensyon.

Hindi niya ito nilingon ngunit siya ay sumagot. "Bakit po?"

Sandali itong napahinto sa paglalakad bago muling sumunod. "Uh... Binibini, hindi niyo po kailangang maging magalang sa pakikipag-usap sa akin. Nais ko lamang po sanang itanong---kung inyong mamarapatin---ang inyong pakiramdam. A-At ang inyo pong kamay."

Napatingin si Maia sa kaniyang kaliwang kamay na kaniyang binendahan. Bago pa ang sugat kaya talagang makirot pa ito, dagdag sa mabigat niyang pakiramdam, ngunit wala naman sa kaniya ang ganoong sakit at kirot. Marami na siyang sugat na natamo noon na higit na mas matindi sa mga hiwa sa kaniyang palad ngayon. Walang-wala ito kumpara sa mga saksak at daplis ng bala.

"Ayos lamang ako, Gat Amir," walang gana niyang sagot. Bakit tila biglang may pakialam ito sa kaniyang pakiramdam? Kapag sinabi niya ba na masama ang kaniyang pakiramdam ay hahayaan siya nitong bumalik sa silid ni Malika?

Imposible iyon. Dahil natitiyak siya na tapat ito sa Punong Lakan.

At tungkol sa pagpansin nito sa paggamit niya ng 'po', na marahil ang dahilan din kung bakit ito nabigla at natigilan kanina, ay nagpasya siyang huwag na lamang din pansinin. Hindi na siya magpapaliwanag. Isa pa, pagod na rin siyang 'depensahan' ang mga bagay na normal para sa kaniya na hindi para sa mundong ito.

"Hm... Ano ito?" tanong niya nang sila ay makalabas at bumungad sa kaniya ang isang kalesa na walang bubong.

May bigla na nilingon siya ng kabalyero. "D-Dito po tayo sasakay, Binibini. Ngunit kung hindi niyo po nais, kukuha po ako ng mas maayos na kalesa. Kung ayos lang po sa inyo na maghintay, Binibini. Ipagpaumanhin po sana ninyo ang aking kamalian."

Hindi alam ni Maia ang sasabihin o mararamdaman sa mga sinabi nito. Hindi naman iyon ang kaniyang problema. Ang sa kaniya, hindi niya akalain na may ganitong sasakyan na maaaring magamit ni Malika noon. Dahil sa ilang taon na naiwan ito sa abandonadong palasyo, lagi itong naglalakad upang makarating sa bagong palasyo.

Napailing siya at huminga ng malalim. "Ayos lang. Hindi naman iyon ang aking ibig-sabihin."

"Binibini?"

Sandali niya itong nilingon bago siya lumapit sa munting kalesa. "Wala. Tayo na at umalis."

Patakbo itong sumunod sa kaniya upang siya ay alalayan. At ilang sandali lamang ay narating na nila ang bagong palasyo ng Pamilya Raselis. At sa ilang sandaling iyon, hindi niya rin maiwasang maisip na tunay na napakalayo ng nilalakad ni Malika sa tuwing ipinapatawag ito ng Punong Lakan.

Pumasok siya sa palasyo at muli ay hindi pa rin niya mapigilan na mamangha. Tunay na napakaganda at maliwanag sa palasyong ito. Maaaliwalas ang paligid at napakalinis.

Ngunit ang tunay niyang napansin ay ang katahimikan. Na tila ay may mabigat na hangin ang umiikot sa loob.

At marahil dahil sa kaniya at kay Malika.

Mukhang sa araw na ito, tunay na mabigat at malala ang kaparusahang naghihintay sa kaniya.

Nagkibit-balikat siya at pumasok sa silid-kainan. Kahit ano naman ang kaniyang gawin at kung ano pa ang mangyari, mamamatay at mamamatay rin siya. Mas iniintindi niya pa ngayon si Mindy. Ano na lamang ang mangyayari sa dalagang iyon kapag namatay na siya? Sana man lang ay hayaan na lamang itong makabalik sa pamilya nito.

"Tch. Bakit ang tagal---"

Nilingon ni Maia si Akila na biglang huminto sa pagsasalita. At nang magtama ang kanilang mga mata, agad din itong umiwas ng tingin na ipinagtaka niya.

𝘈𝘯𝘰 𝘯𝘢 𝘯𝘢𝘮𝘢𝘯 𝘬𝘢𝘺𝘢 𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘳𝘰𝘣𝘭𝘦𝘮𝘢 𝘯𝘪𝘵𝘰?

"Maupo ka na Malika nang tayo ay makakain na," tahimik na utos ng Punong Lakan.

Halos lumukot ang buong mukha ni Maia. 𝘕𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘬𝘢𝘬𝘢𝘪𝘯?

Talaga ba? Para namang makakakain siya.

Umupo siya at tinignan ang lugaw na nasa kaniyang harapan. Maayos naman ang itsura nito. May mansanas na nakahiwa ng maninipis sa ibabaw at binudburan din ito ng dinurog na pili.

Mukhang masarap. Mukhang maaaring makain. Ngunit sa lahat ng pinagdaanan ni Malika sa silid-kainan na ito, hindi uubra sa kaniya ang itsura nito. Tiyak siya na malayong-malayo ang itsura nito sa lasa nito.

Ang kaso, tanda ng pag-galang, kailangan niya talagang kumain lalo na kung ang Punong Lakan pa ang naghintay sa kaniya.

"Ipinahanda ko iyan para sa iyo. Mabuti iyan upang gumaan ang iyong pakiramdam."

Nabigla siya sa sinabi ng Punong Lakan at agad itong tinignan. Bumalik lamang ito sa pagkain na parang walang nangyari na halos maisip ni Maia na maaaring hindi naman ito tunay na nagsalita.

Mabigat sa loob na kinuha niya ang kutsara. Ngayon, mas lalo niyang kailangang kumain. Ang kaso, lalo lang din lumakas ang kaniyang kutob na may mali sa nangyayari o kaya ay sa pagkaing ito.

𝘏𝘶𝘭𝘪𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨𝘬𝘢𝘪𝘯 𝘬𝘰 𝘯𝘢 𝘣𝘢 '𝘵𝘰? 𝘖 𝘬𝘢𝘺𝘢... 𝘮𝘢𝘺 𝘭𝘢𝘴𝘰𝘯 𝘪𝘵𝘰? 𝘖...

Napailing siya sa huling pumasok sa kaniyang isip. Sapagkat imposible na nag-aalala ito kay Malika.

𝘚𝘢𝘯𝘢 𝘭𝘢𝘮𝘢𝘯𝘨 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘪𝘵𝘰 𝘥𝘪𝘯𝘶𝘳𝘢𝘢𝘯 𝘰 𝘬𝘶𝘯𝘨 𝘢𝘯𝘰, hiling na lamang niya sa isip.

Naglagay siya ng kaunti sa kaniyang kutsara at tinikman ito. Kasunod niyon ay ang agaran niyang pagngiwi at halos siya ay maubo habang ang buo niyang katawan ay tila ginapangan ng libo-libong mga langgam dahil sa sobrang alat na tila isang buong kutsarang asin ang kaniyang kinain kasabay ng unti-unting pag-init ng kaniyang labi at dila dahil sa anghang.

Dalawang beses pa niya muling tinignan ang mangkok kung tunay ba na lugaw ang naroon at hindi asin at sili. Ngunit tunay na lugaw nga ang nakahain.

𝘔𝘶𝘬𝘩𝘢𝘯𝘨 lugaw sa kaniyang paningin. Kaya pala nag-abala pa ang naghanda nito na maghiwa ng mansanas at magdurog ng mga pili.

Agad niyang inabot ang baso na malapit sa kaniya at nang mapagtantong wala itong laman ay inangat niya ang tingin sa dalawang nakaabang na taga-silbi na parehong ngumisi na tila ay may nasaksihan ang mga ito na katuwatuwa.

At marahil para sa mga ito, tunay na katuwatuwa ang kaniyang naging reaksyon sa nakahain para sa kaniya.

Hindi naman niya masasabi na siya ay nagulat. Sa mga alaala ni Malika, ganito na ang normal.

Tumikom ang kaniyang bibig at pinunasan niya ang kaniyang labi. Mukhang wala siyang magagawa ngayon kundi ang hintayin ang mga maginoo na matapos kumain at hintayin ang Punong Lakan na ipataw sa kaniya ang kaniyang kaparusahan.

At iyon lamang ang kaniyang magagawa. Ang maghintay. Sapagkat ni minsan ay hindi naman pinaniwalaan si Malika kahit siya ay magsalita pa ngayon. Isang bagay na alam na alam ng mga tagapaglingkod.

Kung bakit kasi ipinatawag pa siya dito? Maaari naman na ipatawag siya kapag natapos nang kumain ang mga ito. Hindi naman kailangan na 'sumabay' siya sa pagkain na tila bahagi siya ng pamilya. Sapagkat kahit kailan ay hindi naging bahagi si Malika ng pamilyang ito.

"Ano'ng problema, Malika?" tanong ng Punong Lakan. Napansin nito ang maliit na pagbabago sa kaniyang ekspresyon. "Hindi mo ba nagustuhan ang pagkain?"

Dinig niya kung paano tila naputol ang pisi ng kaniyang pasensya. Seryoso ba ito? Nang-aasar? O bahagi ito ng kaniyang kaparusahan?

Balak pa naman sana niyang hintayin ang mga ito.

Kung hindi na lang siya sana nito pinansin.

"Nagbibiro po ba kayo?" seryoso niyang tanong kasabay ng patuloy na pagkalat ng anghang sa kaniyang bibig.

Hindi maitatanggi ang pagbigat ng hangin sa paligid kasabay ng pagbalot ng katahimikan sa silid. Inangat ng Punong Lakan ang tingin nito sa kaniya, nakakunot ang noo nito habang si Akila ay halos nakanganga. Maging ang mga tagapaglingkod na nakatayo sa gilid ay hindi makapaniwala habang si Gat Amir na nakatayo sa labas ay hindi rin naiwasang tumingin sa kaniya.

"O-Oy! Maghinay-hinay ka nga sa iyong pananalita!" hindi makapaniwalang bulalas ni Akila.

Hindi ito pinansin ni Maia at sinalubong lamang ang tingin ng Punong Lakan. "Alam ko po na hindi naging maayos ang aking pakikipag-usap sa inyo kagabi. At mali po ako doon. Ngunit..."

"Saan ka pupunta?!" tanong ni Akila nang siya ay tumayo at nagsimulang maglakad.

Huminto siya nang malapit na siyang makalabas, sa tapat ng dalawang taga-silbi. "Ikulong niyo ako, putulan ng dila, o pugutan ng ulo, wala po akong pakialam. Ngunit wala na akong balak makisali sa mga ganito niyong pakulo. Ayaw ko na."

"A-Ano'ng... Ano ang iyong sinasabi?" naguguluhang tanong ng Punong Lakan.

Alam na ni Maia na magiging ganito ang reaksyon ng mga ito. Siyempre, magmamaang-maangan lamang ang mga ito. Gagawin siyang tanga katulad sa kung paano ng mga ito tratuhin at pagtulungan si Malika.

Ngunit hindi na bago iyon sa kaniya. Marami na siyang nakitang mga tao na katulad ng mga ito.

Ang hindi niya maintindihan ay kung bakit nagagawa pa nitong magmalinis. Kung babalikan ang mga sinabi nito, hindi ba na umamin na rin ito?

Ito ang nagpahanda ng kaniyang pagkain. Imposible naman na suwayin ito ng mga tagapaglingkod nito.

Marahil para dito, pagbabanta ito para sa kaniya.

Isang paalala na kailangan niyang sumunod at maging magalang.

Ang kaso, hindi siya si Malika at wala na ito. Dagdagan pa doon, mamamatay na rin ang katawan nito. Wala siyang dahilan upang sundin ang mga ito o matakot sa mga pagbabanta nito.

"Ang aking pong sinasabi ay kung parurusahan niyo po ako, sa susunod sana ay lason na lamang ang inyong ihain sa akin," puno ng lamig na kaniyang tugon.

"ANO?!" sabay na bulalas ng mag-ama.

Tinalikuran niya ang mga ito at nagpatuloy sa paglalakad. Ngunit bago iyon, ay kaniyang tiniyak na titigan ang dalawang taga-silbi at ihatid ang kaniyang mensahe sa mga ito.

"Hayan, mas magandang palabas para sa inyong dalawa."

___________________________

"Oy! Malika! MALIKA!"

Tumayo si Akila ngunit ni isang lingon ay hindi ginawa ni Malika. 𝘈𝘯𝘰'𝘯𝘨 𝘱𝘳𝘰𝘣𝘭𝘦𝘮𝘢 𝘯𝘨 𝘣𝘢𝘣𝘢𝘦𝘯𝘨 𝘪𝘺𝘰𝘯?

Tila ay sumusobra na ito sa mga bagay na pinaggagagawa nito. Maging ang kanilang Ama ay nagagawa na nitong kausapin nang walang pag-galang. Isa pa, ano ang sinasabi nito? 𝘓𝘢𝘴𝘰𝘯?

Ano ang tingin nito sa kanila? Mamamatay tao?

Ang lakas naman ng loob nito. Matapos nilang kupkupin ito, bihisan, pakainin? Ganito ba ang isusukli nito?

"Akila, umupo ka na."

Naguguluhang tinignan niya ang kaniyang Ama na may mataimtim na ekspresyon. "Hahayaan niyo lamang po ang babaeng iyon?"

Huminga ito ng malalim bago tumango. "Hayaan mo muna ang iyong kapatid."

Kumuyom ang kaniyang mga kamay. 𝘒𝘢𝘱𝘢𝘵𝘪𝘥?

Hindi niya kapatid ang babaeng iyon. Isa lamang ang kaniyang kapatid at hanggang ngayon ay hindi pa rin nila ito nakikita.

At iyon ang kaniyang lalong ikanaiinis sa babaeng iyon. Nawawala pa rin si Selina. Samantalang ito, ang laki na ng problema sapagkat hindi lang nito nagustuhan ang inihaing pagkain dito.

Sandaling bumaba ang kaniyang tingin sa lugaw na inihanda para dito, bahagya siyang napailing bago niya nilingon ang kaniyang Ama na bumalik sa pagkain.

Hindi niya alam kung ano ang pinag-usapan ng mga ito kagabi at kung ano ang nangyari ngunit kung walang plano ang kaniyang Ama na pagsabihan ang babaeng iyon, siya ang gagawa.

"Ama---" Napahinto siya nang may pumukaw sa kaniyang atensyon.

Kunot-noo niyang nilingon ang dalawang babaeng taga-silbi na nakatayo sa gilid malapit sa pinto na agad umayos nang pagkakatayo nang maramdaman ng mga ito ang kaniyang tingin.

Napansin niya ang pagbabago sa ekspresyon at pagkilos ng mga ito nang tumingin siya sa naiwang pagkain ni Malika---na hindi rin nakawala sa kaniyang tingin na hindi ito hinainan ng inumin.

Kumunot ang kaniyang noo at tila bumigat ang kaniyang sikmura sa namumuong hindi magandang isipin sa kaniya.

Walang pag-iisip na inikot niya ang mesa upang tignan ang ipinahandang lugaw ng kaniyang Ama para dito. Kung titignan, walang problema sa pagkain. Maayos ang pagkakahanda dito... ngunit...

Tinitigan niya ito ng mabuti, ang kaniyang buong atensyon ay doon nakalaan na hindi niya napansin na tinatawag siya ng kaniyang Ama.

Kinuha niya ang kutsara at kumuha ng kaunti upang ito ay amuyin. At hindi siya makapaniwalang may anghang siyang naaamoy.

Agad siyang nagpasyang tikman ito at hindi niya naiwasang mapaubo dahil sa sobrang alat habang unti-unting kumalat ang anghang sa kaniyang bibig.

𝘈𝘯𝘰'𝘯𝘨---?!

Hindi siya makapaniwala kung paano itong nalunok ng babaeng iyon.

Umangat ang kaniyang matalim na tingin sa dalawang taga-silbi na pareho nang nakaluhod. "Ano'ng ibig-sabihin nito?!" sigaw niya.

"Akila?!" tawag ng kaniyang Ama na tumayo at lumapit sa kaniya. Nagtataka ring tumingin ito sa dalawang nakaluhod na taga-silbi. "Ano'ng nangyayari?"

Pinunasan niya ang kaniyang bibig. "Bakit hindi po natin tanungin ang dalawang ito kung ano ang kanilang ginawa sa lugaw na ito?"

"Ano?!" hindi makapaniwalang tanong nito. Tinignan nito ang lugaw at wala ring pag-iisip na tinikman ito.

Agaran at malinaw ang pagbabago sa ekspresyon ng mukha ng Punong Lakan. Lumabas ito ng silid kasunod ang kabalyero nito at ang katahimikan sa palasyo ay naging mas malamig at mabigat.