Chapter 29 - XXVIII

Tahimik na pinagmasdan ni Maia ang mga nasusunog na talaarawan na tila doble ang liwanag dahil sa paglalim ng gabi. May kapayapaan siyang nadarama sa tunog ng apoy na unti-unting kumakain sa mga papel at ganoon rin dahil sa amoy na nanggagaling dito.

Na masasabi niyang kakaiba para sa kaniya sapagkat ang imahe ng mga nasusunog na talaarawan ay nagpaalala sa kaniya ng araw kung kailan ipinasunog ng kaniyang Mama ang lahat ng kaniyang mga aklat. At iyon ay dahil lamang sa isang manipis at lumang talaan na nakita nitong hawak niya.

Marahil ay hindi niya pag-aari ang mga talaarawan kaya payapa ang kaniyang pakiramdam sa nakikita. Ngunit sa kabilang banda, bukod sa gulat at kalituhan, wala rin naman siyang naramdaman nang ipinasunog ng kaniyang Mama ang mga aklat niya. Kaya hindi rin niya tunay na masasabi.

Bumuntong-hininga siya. Marahil para sa kaniyang paningin, tunay na maganda lamang ang ideya ng unti-unting paglaho ng mga impormasyon, kasaysayan, titik... at alaala na nakasulat sa isang papel. Sapagkat alam niya na hindi niya iyon magawa sa kaniyang utak. Sapagkat sa kaniyang kaisipan, nakatatak ang mga alaala, ang mga titik, ang mga impormasyon. Malinaw at hindi mabubura kahit ano pa ang kaniyang gawin.

"Binibini... h-hindi pa po ba kayo magpapahinga? Ako na po ang bahala dito."

Nilingon niya si Mindy na nakayuko at hindi magawang makatingin sa kaniya. Mukhang nahihiya pa rin ito sa pag-iyak na nagawa nito kanina. "Mauna ka nang magpahinga, Mindy. Ayos lamang ako dito."

Ilang segundo ang lumipas bago ito muling nagsalita na tila tinitimbang nito kung susunod sa kaniya o ipipilit na ito na lamang ang maiwan dito sapagkat iyon ay 'tungkulin' naman nito.

"Akin pong nauunawaan, Mahal na Binibini. Magandang gabi po," mahinang tugon nito, may pagsuko sa malumanay na tinig nito.

Tumango na lamang si Maia dito bago niya ibinalik ang atensyon sa naglalagablab at nag-aagaw kulay pula at kahel na apoy habang unti-unting humina ang tunog ng mga yabag ni Mindy. Sa katunayan, hindi niya inaasahan na sasang-ayon ito sa kaniya sapagkat sa kaniyang pagkakakilala dito, bagama't masunurin ito kay Malika, mapilit talaga ito pagdating sa bagay na hindi dapat siya nagtatrabaho sapagkat isa siyang 'Binibini'.

Bahagyang kumunot ang kaniyang noo nang mapansin na huminto ito sa paglalakad.

Kasabay ng kaniyang paglingon dito ay ang pagsasalita nito, ang tinig nito ay mas malakas kaysa sa kaniyang nakasanayan at puno ng hiya. "Binibini! Paumanhin po muli sa aking kahiya-hiyang pag-iyak sa inyong harapan! Akin pong titiyakin na iyon ay hinding-hindi na po mauulit kahit kailan!"

Tuluyan niyang ipinihit ang katawan upang harapin ito. "Mindy, hindi mo kailangang humingi ng paumanhin. Hindi naman isang pagkakasala ang iyong pag-iyak. Huwag mo nang isipin iyon."

Sa kabila ng pagyuko nito, malinaw ang pamumula ng buong mukha nito na umabot hanggang sa mga tainga nito. "M-Maraming salamat po sa pang-unawa, Mahal na Binibini."

"Wala iyon. Sige na. Magpahinga ka na."

Isang magalang na pagyuko ang isinagot nito ngunit bago ito umalis ay nagsalita itong muli, mas tahimik at kalmado na ang tinig nito sa kabila ng malinaw na kalungkutan na maririnig rin mula dito. "Binibini, maraming salamat po sa lahat ng inyong tulong sa akin. Kayo po ay makakaasa na ako po ay susuporta sa lahat ng inyong nais at kayo po ay aking pagsisilbihan hanggang sa huli."

Malalim na yumuko muli ito bago tuluyang pumasok sa palasyo, at hindi maiwasang mabigla ni Maia sa mga sinabi nito. Alam niyang hindi naging madali kay Mindy ang kaniyang mga sinabi ngunit masaya siya na mas pinili nitong suportahan siya. Hindi niya tuloy maiwasang mamangha sa kabutihan na taglay ng dalaga, ganoon din sa taglay nitong lakas ng kalooban.

At tuluyan siyang nakahinga nang maluwag. Ngayon, masasabi niyang mas magiging madali ang pagpapaalam niya dito sa oras ng kaniyang paglisan sa kahariang ito.

Tumingin muli siya sa nag-aapoy na mga talaarawan sa kaniyang harapan. Sa init na ibinibigay nito na tila pumapawi sa lahat ng pagod at kaguluhan na kaniyang naranasan sa nagdaang mga araw, dagdag pa ang katahimikan ng buong paligid, nagkaroon si Maia ng oras na makapag-isip ng malinaw. Marami ang nangyari sa kaniya simula nang siya ay magising sa mundong ito na hanggang ngayon ay hindi siya tiyak kung naproseso na ba niyang tunay ang lahat. Ngunit malinaw sa kaniya na totoo ang kaniyang mga nakita at nakikita... 𝘢𝘵 ang katotohanan na nakausap niya si Malika.

Sa mundong kaniyang pinanggalingan, sa mga nobela at palabas lamang nangyayari ang ganito. Sa madaling salita, hindi kapanipaniwala. Tila isa lamang panaginip. At sa katotohanan, marahil iyon ang tanging dahilan kung bakit hanggang ngayon ay nasa tamang katinuan pa siya. Iniisip niya na isang panaginip lamang ang lahat. At kailangan lamang niyang makita si Malika upang magising.

At nang tuluyan na nga niya itong makita at makausap...

Ang katotohanan ng kaniyang sitwasyon ay hindi na niya maitanggi. Wala siya sa loob ng isang panaginip. At ang lahat ng kaniyang nakikita ay hindi ilusyon. Totoo ang lahat. Totoong-totoo na kaniyang natitiyak na sa pagkakataong kaniyang pagpasyahan na ilapit ang mga kamay sa apoy, masusunog ang kaniyang balat.

Bahagyang kumunot ang kaniyang noo. 𝘉𝘢𝘭𝘢𝘵 𝘯𝘪 𝘔𝘢𝘭𝘪𝘬𝘢.

Napangiwi siya at umiling nang nagkaroon siya ng pakiramdam na kung saan-saang kadiliman na naman pupunta ang kaniyang isipin kung kaya nagpasya siyang tunguhin na lamang ang puno kung saan siya naglatag ng banig at kung nasaan ang kumot na kaniya ring inihanda.

Ang gabi sa mundong ito ay mas malamig kaysa sa kaniyang pinanggalingan. Ngunit hindi na rin nakapagtataka sapagkat ang panahon dito ay katulad sa mga bansang may apat na kapanahunan. At dahil taglagas na, mas malamig na ang panahon na masasabi niyang sobrang lamig kung siya ay nasa sarili niyang katawan. Ngunit dahil nasa katawan siya ni Malika na sanay sa ganitong panahon, tamang-tama lamang sa kaniya ang nadaramang lamig.

Umupo siya sa banig at pinagmasdan ang mga talaarawan na ang iba ay hindi pa lubusang nasusunog ng apoy. Hindi niya alam kung ilang oras siyang magbabantay dito ngunit hindi magandang ideya na iwan ang naglalagablab na mga talaarawan. Wala siyang balak na magsimula ng malawakang sunog sa Palasyo Raselis.

Isinandal niya ang katawan sa puno at muling nag-isip. Sa pagkakataong ito, tungkol sa mga plano niyang gawin.

Sa kasalukuyan, hindi pa rin siya tiyak kung saang lugar siya tutungo. At hindi rin niya ito tunay na napagtuunan ng pansin sa pag-asang makikita pa niya ang kaluluwa ni Malika at hindi na niya poproblemahin pa iyon. Tinuon niya ang kaniyang buong atensyon sa pagpapalakas ng katawan ni Malika at sa pagtuturo kay Mindy na magluto---na kung tutuusin ay mga tanging bagay lamang na kaniyang magagawa sa mga nagdaang linggo dahil kailangan niya pang hintayin ang kaniyang ipinatahing damit kay Aling Yara ganoon din ang baril na ipinagawa niya kay Mang Namar bago tuluyang makakilos. At ngayong lahat ng iyon ay nasa kaniyang pag-aari na, dagdag pa ang tuluyang pagkawala ni Malika at ang suporta ni Mindy, masisimulan na niya ang paghahanda sa kaniyang pag-alis.

Sa mapang kaniyang nakuha sa silid-aklatan, may tatlong kaharian ang malapit sa Aguem. Una ay ang Kaharian ng Turinia sa timog, ikalawa, ang Kaharian ng Watan sa timog-silangan, at ang Imperyo ng Talen sa hilagang-silangan. May isa pang kaharian na nakapagitna sa Watan at Talen na tinatawag na Yusi, ngunit dahil sa bahagya pa itong nakapaloob---dahil na rin sa pakurbang topograpiya na bumubuo sa tatlong kaharian, hindi na niya ito isinama sa kaniyang pagpipilian. At sa lokasyon ng Leyran, ang kapital ng Aguem, kung nasaan ang Palasyo Raselis ganoon din ang Palasyo ng Hari, ang pinakamalapit at maaaring pinakamadali niyang mapupuntahan ay ang Kaharian ng Turinia at Talen. Ngunit dahil wala pa siyang alam tungkol sa dalawang kahariang iyon, at wala rin siyang makitang aklat sa silid-aklatan tungkol sa mga iyon, hindi pa siya tunay na makapagpasya. Wala siyang balak na pumasok sa isang bagong kaharian nang walang nalalaman. Sa mga kaugalian pa lamang na mayroon ang kahariang ito, hindi na siya magtataka kung bigla na lamang siyang makukulong at mapapatay sa oras ng kaniyang pagtapak sa isang bagong kaharian. Malay ba niya kung ano ang kaparusahan ang naghihintay sa mga tao na ilegal ang pagpasok sa isang kaharian. At ayaw niyang ipagsapalaran ang kaniyang pagkakataon. Mamamatay rin ang katawan ni Malika. At mas pipiliin niya na mangyari iyon sa natural na paraan kaysa ang bigyan pa ito ng mga pisikal na sakit.

Marami nang pinagdaanan si Malika. Wala siyang balak dagdagan pa iyon lalo na at wala na ito dito upang ipagtanggol ang sarili nitong katawan.

Malinaw ang pagbaba ng kaniyang balikat sa pagkawala niya ng malalim na hinga ganoon din ang malausok na buga ng hangin na lumabas sa kaniyang ilong at bibig. Ngayong iniisip niya, marahil ay isang biyaya na rin na ipinipilit ng Punong Lakan na siya ay makalipat na sa bagong palasyo. Mapag-aaralan niya ang mga pagkilos sa loob na makapagpapadali sa kaniyang pagpasok sa silid-aklatan nito kung saan siya makakahanap ng mga impormasyong kailangan niya.

Tumingala siya at pumikit. Sa dami ng mga tagapaglingkod at mga kawal sa bagong palasyo, alam niyang hindi magiging madali iyon. Dagdag pa na pinagbawalan si Malika na pumasok sa kahit anong silid maliban sa silid-talaan at silid-kainan.

Hindi naman siya gaanong nag-aalala tungkol doon. Naisip niya lamang na mas mapapadali ang pag-usad ng kaniyang mga plano kung makakapasok siya sa silid-aklatan sa umaga at hindi sa gabi na kailangan pa niyang gawin ng patago.

Nagkibit-balikat siya sa kaniyang isip. 𝘞𝘢𝘭𝘢 𝘯𝘢 𝘢𝘬𝘰𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘨𝘢𝘨𝘢𝘸𝘢 𝘥𝘰𝘰𝘯.

Umihip ang malamig na hangin na mahinang isinayaw ang buhok ni Malika. Bumagal ang kaniyang paghinga at katulad ng kaniyang kapaligiran, tumahimik rin ang kaniyang kaisipan.

Iyon ay hanggang sa siya ay nakarinig ng yabag ng mga paa. Pinakinggan niya ito nang maayos at mukhang hindi lamang galing sa isang tao ang kaniyang naririnig. Tahimik rin ang mga ito at magaan ngunit hindi dahil sa maliit na katawan katulad ni Mindy.

Maingat ang bawat hakbang ng kung sinuman ang papalapit ngunit malinaw rin ang bilis ng mga ito na tila ay nagmamadali...

Marahil ay nais ng mga ito na tapusin agad ang pakay dito?

Marahang itinaas ni Maia ang palda ng suot na bestido at agad dumapo ang kaniyang kamay sa balisong na nasa kaniyang kaliwang hita habang hindi niya maiwasang pagalitan ang sarili sa isip. Hindi niya alam kung gaano siya katagal naka-idlip sa ganitong sitwasyon ngunit napansin niyang hindi na siya nakasandal sa puno. Ang kaniyang noo ay nakapatong sa kaniyang mga braso na nasa ibabaw ng kaniyang mga tuhod.

Halos mapamura siya. Paano niyang nagawang ibaba ang kaniyang depensa?

"Malika?!"

Inangat niya ang kaniyang pagkakayuko. Kahit na kilala niya kung sino ang mga bagong dating, hindi pa rin niya niluwagan ang pagkakahawak sa balisong. Mabuti na lamang na nagawa niya palang kumutan ang sarili kanina at ang sitwasyon ng kaniyang palda at kamay ay hindi kita.

At sa kaalamang iyon, hindi niya maiwasang muling mainis. Bakit siya naidlip?

Sa ibang pagkakataon, maaaring ikapahamak pa iyon ng katawan ni Malika. Ni hindi pa nga nawawala ang kunsensyang kaniyang nadarama dahil nagawa niyang sugatan ang kamay nito na ngayon ay sariwa pa rin ang mga hiwa, ngunit heto siya ngayon at inilalapit ang katawan nito sa kapahamakan.

𝘛𝘴𝘬. 𝘏𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘮𝘢𝘢𝘢𝘳𝘪 𝘪𝘵𝘰, naiinis na bulong niya sa isip.

Dahil lamang na napagtanto niyang wala nang humahabol sa kaniya sapagkat wala na siya sa dati niyang mundo, tila nakalimutan naman niyang hindi rin ligtas si Malika sa mundong ito. Hindi ba na ayon sa journal na kaniyang nabasa, maaaring mapatay si Malika?

May posibilidad na mamatay ito hindi dahil sa karamdaman nito. At napagpasyahan na niyang hindi iyon mangyayari. Na ang plano ay ang umalis sa kahariang ito, protektahan ang katawan ni Malika, at hayaan ang karamdaman nito ang tuluyang kumuha sa natitira nitong paghinga.

Kung kaya dapat wala siyang oras na maidlip sa bukas na bukas na hardin ng mga patay na damo ng lumang palasyo ng Pamilya Raselis kung saan malaki ang posibilidad na siya ay mapalibutan ng mga kaaway.

"Ano ang iyong ginagawa sa oras na ito Malika?" pagputol ng tinig sa kaniyang isipin.

Naiiritang sinalubong ni Maia ang mga luntiang mga mata na puno ng gulat at lito. At nang makita ang mga emosyong iyon, huminga siya ng malalim upang pakalmahin ang sarili bago binitawan ang balisong at inayos ang palda ng bestidong suot.

Hindi naman siya nagtataka na may pupunta dito sapagkat hindi naman niya maitatago ang usok na nagmumula sa mga talaarawan na napansin niyang ngayon ay nagsisimula nang humina ang apoy.

Halos magpalatak muli siya ng dila. Mukhang matagal siyang nakaidlip. Dagdag pa na makirot rin ang kaniyang leeg at likod.

Tumayo siya at pinagpag ang kumot bago muling tinignan ang dalawang binata, ang kahit anong emosyon ay wala na sa kaniyang mukha. Sana lamang ay huwag siyang akusahan ng kung anu-ano sapagkat hindi niya alam kung mapipigilan niya ang sarili sa pagsagot at hangga't maaari ay ayaw na niyang makipagtalo. Lalo na at may kalaliman na rin ang gabi.

___________________________

Sa liwasan ng Leyran, ilang minuto bago marinig ni Maia ang yabag ng mga paa...

"Mahal na Ginoo, tila ay may nasusunog po sa direksyon ng palasyo."

Kunot-noong nilingon ni Akila ang tinutukoy ni Einar at lalong lumalim ang mga linya sa kaniyang noo kasabay ng mabigat na pakiramdam sa kaniyang sikmura nang makitang tama ito. Walang pag-aalinlangang tinapik ng kaniyang mga binti ang kaniyang kabayo upang pabilisin ang pagtakbo nito.

"Kailangan nating magmadali. Sa lumang palasyo iyon," aniya kay Einar, ang kaniyang tinig ay puno ng tensyon.

Sa kabila ng pagkabigla, agad siyang sinundan ng kaniyang kanang-kamay, marahil ay naintindihan din nito ang maaaring maging panganib ng sitwasyon. Hindi niya maiwasang maisip kung ano na naman ang ginawa ni Malika. Hindi ba nito maisip na sa lahat ng pinaggagagawa nito, palagi itong napapahamak?

Nagpalatak siya ng dila at unti-unting naningas ang kaniyang panga. Bakit ba kasi hindi na lamang ito nakinig at agad nang lumipat sa bagong palasyo? Bakit kailangan pa nitong magmatigas?!

Hindi.

Hindi. Hindi. Hindi.

Maling-mali ang mga salitang iyon. Kahit pa nanggaling sa kaniya. Sapagkat bakit hindi niya alam na naiwan ito sa lumang palasyo? Bakit hindi niya napansin ang bagay na iyon? Bakit hindi siya nagtanong sa tuwing nakikita niya ito sa silid-kainan na pawisan na tila ay naglakad ito nang malayo? Bakit hindi niya inalam ang dahilan sa likod pagkatapos ng maraming buwan na pagrereklamo nito sa mga pagkain ay bigla na lamang itong nanahimik at tila nawalan ng gana?

Humigpit ang kaniyang hawak sa renda ng kaniyang kabayo. Ganoon ba kalalim ang kaniyang naging sama ng loob dito na nagawa niya itong pabayaan? Sa puntong hindi niya napansin ang pang-aabusong nangyayari dito sa kamay mismo ng mga taong kanilang pinagkatiwalaan ng kaniyang Ama?

Bago pa siya tuluyang lunurin ng galit, hiya, at dismaya sa sarili na kaniyang nadarama simula pa nung nangyari sa silid-kainan, nakarating na sila sa harap ng lumang palasyo na hindi niya mapapansin kung hindi pa kinuha ni Einar ang kaniyang atensyon.

Agad siyang bumaba sa kabayo, maingat ngunit may pagmamadali ang kaniyang bawat hakbang. Alam niya na mas mabilis silang makararating sa likod ng palasyo kung dadalhin nila ang kanilang mga kabayo ngunit ayaw naman niyang biglain si Malika.

Dagdag pa doon, may isa pang posibilidad sa likod ng kaniyang isip kung saan mas makabubuti kung sila ay mag-iingat ng kaniyang kanang-kamay.

Maraming hindi magagandang mga pangyayari ang umiikot sa kaharian ngayon. At hindi nakatulong sa kaniyang isipin at pakiramdam na batid ng buong kaharian na abandonado na ang palasyong ito. Paano na lamang kung may masasamang tao ang nakakita din ng usok at nagpasyang tingnan kung ano iyon?

Ano na lamang ang mangyayari kay Mali---

Agad niyang binura ang isiping iyon habang ang kaniyang mga hakbang ay lalong bumilis. At nang makitang si Malika lamang ang nasa likod ng palasyo, gumaan ang kaniyang pakiramdam na napalitan rin ng pagkalito at pagkabahala nang mapansin na tila nakatulog ito sa ilalim ng puno. "Malika?!"

Inangat nito ang ulo, ang mga mata nito ay dumapo sa gitna ng hardin kung nasaan ang pinanggagalingan ng usok na kanilang nakita. At napansin niya na ang mga nasusunog ay... mga papel?

Hindi tiyak si Akila kung mga aklat ba iyon o talaan sapagkat ang mga ito ay kinakain na ng apoy. At wala rin siyang ideya kung bakit napagpasyahan nito na magsunog. Ibinalik niya ang tingin dito, ang pagtataka sa kaniyang tinig ay hindi na niya itinago. "Ano ang iyong ginagawa sa oras na ito, Malika?"

Sinalubong nito ang kaniyang tingin, malinaw ang pagkairita nito. Ngunit sa isang iglap lamang ay nabura iyon at ni katiting na emosyon ay hindi na makikita sa mukha nito.

Mayamaya ay tumayo ito at ipinagpag ang kumot na kanina ay nakabalot dito bago muling ibinalik ang tingin sa kanila, ang mga mata nito ay madilim at tila wala nang buhay. "Napagpasyahan ko lamang na sunugin ang mga bagay na hindi ko na kailangan..." Natigilan ito kasabay ng bahagyang pagkunot ng noo nito na tila ay may naalala. "...Ginoo. May problema po ba?"

Halos mapangiwi si Akila. Napansin na niya simula noong nakabalik sila ng kaniyang Ama mula sa Kaharian ng Watan na pinipili nitong maging magalang sa pakikipag-usap sa kaniya, isang bagay na hindi nito kailangang gawin. Kumuyom ang kaniyang mga kamay. "Hindi kailangang ikaw ang gumawa niyan."

"Ah... Batid ko po ang bagay na iyan ngunit... ito po ay aking pagnanais kaya akin pong ginawa," walang ganang tugon nito.

Lalong humigpit ang pagkakakuyom ng kaniyang kamao dahil sa patuloy nito na paggamit ng 'po' sa kaniya. Nakalimutan ba nito na mas matanda ito sa kaniya? Kahit pa sabihin na isang taon lamang iyon.

"Isa kang Binibini," mariin niyang sambit na agad niyang pinagsisihan nang makita ang maliit na pagbabago sa mukha nito.

"Siyanga ba?"

Hindi alam ni Akila ang kaniyang isasagot. Nawala nga ang paggalang nito sa pananalita, ngunit maliwanag at makapal ang pang-uuyam sa malamig nitong tinig. At hindi niya ito masisisi. Malinaw na sa kaniya ang mga pinagdaanan nito sa kanilang palasyo---mga bagay na hindi dapat nito naranasan bilang isang 'Binibini'. Dagdag pa na isa siya sa mga dahilan kung bakit ito naghirap---

Natigilan siya. Hindi. Ngayong iniisip niya, hindi ba na siya ang nag-iisang may kasalanan kung bakit ito nandito hanggang ngayon?

Bumalik sa kaniya ang araw ng kanilang paglipat. Iyon din ang araw na napagbintangan si Malika na nagnanakaw sa gamit ni Selina.

Na hindi niya pinaniwalaan.

Nang dumating si Malika sa kanilang palasyo, aaminin niya na hindi niya ito nagustuhan. Siya ang panganay. At sa pagdating nito ay nabago iyon. Nagkaroon ng isang taong kailangan niyang pakinggan at sundin... ayon na rin sa kaniyang Ina.

Ngunit sa pagdaan ng araw, gumaan ang loob niya dito sapagkat hindi ito napagod sa pagkuha ng kaniyang loob... at madalas rin itong makipaglaro sa kanila ni Selina na masasabi niyang pinaka-aabangan niya sa bawat araw. Sapagkat bagama't mahal niya ang kaniyang bunsong kapatid, sa mga panahong iyon ay masyado pa itong bata upang makipaglaro sa kaniya ng habulan o kaya ng eskrima, habang si Malika ay walang pag-aalinlangan na nakikipaglaro sa kaniya ng mga panglalaking laro kung saan madalas pa na siya ang natatalo.

Kaya para sa kaniya, mabuti itong kapatid. Mabuting 'Ate'.

At nang yumao ang kanilang Ina, lalo niya lamang iyon napatunayan sapagkat nanatili ito sa kanilang tabi. Hindi nito hinayaan na mag-isa lamang sila ni Selina...

Ngunit nang mawala ang bunso nilang kapatid, tila ay nawala rin ito.

Naging madalang ang pakikipaglaro nito sa kaniya at sa tuwing nakikita niya ito ay matamlay ito. At sa bata niyang pag-iisip, naisip niyang mas gusto nitong kasama si Selina kaysa sa kaniya.

Alam niyang sa mga panahong iyon na nawawala ang kaniyang kapatid ngunit tiyak siya na mahahanap rin ito. Makapangyarihan ang kanilang pamilya, hindi ba? Ang hindi niya lubusang maunawaan ay kung bakit ang kaniyang Ama at ang kaniyang Ate ay hindi na niya nakikita at nakakausap nang madalas. Naroon pa siya at buhay sila. Hindi ba sapat sa mga ito iyon? Hindi ba 𝘴𝘪𝘺𝘢 sapat sa mga ito?

Isa pa, ayon rin sa kaniyang Ina, dapat nagsasama-sama sila sa tuwing may problemang kakaharapin. Kaya bakit tila lumalayo naman ang mga ito? Hindi niya maintindihan.

Marahil dala na rin ng kaniyang pagkabata kaya naging makitid ang kaniyang pag-iisip at naging makasarili sa mga panahong iyon ngunit hindi niya maiwasan ang pamumuo ng selos at galit sa kaniyang puso. At nang mapagbintangan si Malika na nagnanakaw, sa kabila ng katotohanang hindi niya iyon pinaniwalaan, pinili niyang magalit dito at akusahan ito. Iyon ang kaniyang ganti sapagkat iniwan siya nito.

At doon unti-unting nasira ang kaniyang relasyon dito.

Aaminin niyang siya ay nagkamali. At kaniyang ninais na humingi ng paumanhin. Ngunit sa paglipas ng bawat araw, bawat buwan at taon na hindi na niya ito nakikita o nakakausap, dagdag pa sa katotohanan na kaakibat ng kanilang pagtanda ang pagbabago, ang paumanhin ay unti-unting nabaon sa kaniyang isipan kasama ng kaniyang masasayang mga alaala bago mawala si Selina. Hanggang ang tanging natira na lamang ay ang mataas na pader sa pagitan niya at ng taong tinuring niyang nakatatandang kapatid.

At sa kaniyang mga nalaman, ang bigat sa kaniyang loob ay nadagdagan ng pagsisisi at hiya na hindi niya alam kung paano aalisin. Siya ang nagdala sa sitwasyon na ito kay Malika. Siya ang dahilan kung bakit sa mahabang panahon ay nagdusa ito at kung bakit malaki ang ipinagbago nito.

Paano na lamang niya haharapin ang kaniyang Ina?

Napakurap siya nang makarinig ng pagbuhos ng tubig at agad na hinanap ang pinanggalingan niyon.

Nakatayo na si Malika sa harap kung saan naroon ang kanina ay nasusunog na mga papel na ngayon ay usok na lamang ang kumakalat, may hawak itong balde. Wala na ang apoy dahil sa tubig na ibinuhos nito at ilang sandali ay tumahimik na rin ang pagsitsit na nagmula dito.

Mayamaya ay nagsalita si Malika habang inilalapag nito ang balde. "May kailangan pa po ba kayo, Mahal na Ginoo?" Humarap ito sa kaniya, ang ekspresyon nito ay tila naiinip. "Sa inyong nakikita, wala akong planong magsagawa ng malawakang sunog kaya kung inyong mamarapatin, ako po ay magpapahinga na. Magandang gabi."

Mabilis itong nagbigay-galang---na hindi rin nito kailangang gawin---bago nagsimulang maglakad patungo sa palasyo.

Gulat na sinundan niya ito ng tingin kasabay ng kaniyang pagkataranta. 𝘚𝘢𝘯𝘥𝘢𝘭𝘪...

𝘏𝘶𝘸𝘢𝘨 𝘬𝘢 𝘮𝘶𝘯𝘢𝘯𝘨 𝘶𝘮𝘢𝘭𝘪𝘴. 𝘏𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘣𝘢 𝘮𝘢𝘢𝘢𝘳𝘪 𝘯𝘢 𝘢𝘬𝘰 𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘬𝘢𝘩𝘪𝘯𝘨𝘪 𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘶𝘮𝘢𝘯𝘩𝘪𝘯?

Patuloy sa paglalakad si Malika at ang likod nito na unti-unting lumalayo ay muling nagpaalala sa kaniya kung paano itong malungkot na lumabas sa silid ni Selina, matapos itong pagbawalan na huwag nang papasok doon...

Araw na hindi niya akalaing magiging simula ng paghihirap nito sa kanilang palasyo. Araw kung kailan niya sinira ang buhay nito.

𝘚𝘢𝘯𝘥𝘢𝘭𝘪... 𝘚𝘢𝘯𝘥𝘢𝘭𝘪 𝘭𝘢𝘯𝘨...

"Ate!"

Huminto si Malika sa paglalakad na kaniyang ipinagpasalamat ngunit hindi niya maiwasang makaramdam ng hiya sa kaniyang sinabi. Alam niyang sa tagal ng panahon at sa kaniyang nagawa dito, wala siyang karapatan at ang kapal ng kaniyang pagmumukha na muli itong tawagin sa ganoong paraan. Ngunit...

"Paumanhin," mariin niyang dagdag, wala na siyang pakialam kahit alam niyang may nanonood sa kanila sa katauhan ng kaniyang kanang-kamay. "Paumanhin sa lahat ng nangyari. Sa... Sa aking nagawa noong araw na iyon. Batid ko ang aking pagkakamali. Ako ang dahilan kung bakit ikaw ay naghirap at alam ko na masyado na akong huli upang humingi ng paumanhin at aking naiintindihan kung ako ay hindi mo mapapatawad ngunit... ngunit nais ko lamang na iyong malaman na lubos kong nalalaman ang lahat ng aking kasalanan. Ang lahat ng mga nangyaring ito ay aking pagkakamali... aking pagkakasala."

Hinarap siya ni Malika at kahit na kaniyang inaasahan na hindi magiging maganda ang reaksyon nito, hindi pa rin niya mapigilang mabigla at makaramdam ng matinding bigat sa kalooban nang masaksihan ang iba't-ibang emosyon na nasa mga mata nito na kani-kanina lamang ay tila wala nang kinang.

Gulat, pagkalito, pagtataka...

Galit, sakit.... at pagkasuya na tila nais nitong masuka sa narinig. Hindi niya ito masisisi at sa katunayan, maiintindihan at matatanggap niya kung sisigawan siya nito at ilalabas ang lahat ng galit sa kaniya.

Ngunit umiling-iling lamang ito na tila hindi ito makapaniwala bago tumalikod at mabilis na naglakad papasok sa lumang palasyo.

Napapikit siya at yumuko, ramdam niya ang sakit na unti-unting umuubos sa kaniyang lakas. Ngunit wala siyang karapatan na magreklamo o kahit ang magtanong.

Alam niyang huli na siya sa paghingi ng paumanhin...

Halos sampung taon na siyang huli.