Chapter 23 - XXII

"Mahal na Binibini?"

Napakurap si Maia at lumingon sa kaniyang kanan. Hindi niya inaasahan ang tinig na narinig.

At sa kaniyang paglingon, ang nag-aalalang mukha ni Mang Silas ang sumalubong sa kaniya. "Nandito na po tayo, Binibini."

Ilang sandali na nakatitig lamang siya dito, iniisip kung ano ang ibig nitong sabihin hanggang sa luminaw sa kaniya kung nasaan siya.

Nasa loob siya ng kalesa na nasa harap na ng lumang palasyo ng Pamilya Raselis. Hindi niya alam kung paano niya nagawang hanapin si Mang Silas o kung paano siya nakalabas ng Palasyo ng Hari ngunit nakabalik na siya.

Katulad ng kaniyang nais.

Tumango siya sa kutsero at nagmadali na bumaba, dahilan upang mawalan siya ng balanse. Mabuti at nahawakan siya ng matandang kutsero at naiwasan ang pagkakaroon niya ng aksidente.

"Binibini, ayos lang po ba kayo?" nag-aalala nitong tanong.

"Ha?" tumingin siya dito. "Ah... O-Oo. A-Ayos... Ayos lang ako," sagot niya, ang kaniyang isip ay tila lumilipad. "M-Maraming salamat."

Maingat siya nitong inalalayan at nang makababa na ang kaniyang dalawang paa ay binitiwan siya nito. "Binibini, kung maa---"

"Mang Silas, kung... kung tanungin ng Punong Lakan, pakisabi na lamang na masama ang aking pakiramdam kaya... kaya ako ay umalis na." Tinapik niya ito sa isang braso nito. "Magmadali ka na at bumalik doon. Maaaring hinahanap ka na... doon."

Bahagyang kumunot ang kaniyang noo, iniisip kung ano na nga ba ang kaniyang mga sinasabi. Tinignan niya ang kausap at nang makita na mas malalim ang mga linya sa noo nito at may pag-aalala sa ekspresyon nito, agad niyang inayos ang sarili at pinilit na bigyan ito ng maliit na ngiti. "Paumanhin. Sadyang masama lamang talaga ang aking pakiramdam ngunit ayos lamang ako," pagsisinungaling niya rito. "Maaari ka nang bumalik sa Palasyo ng Hari. Mas mainam na ikaw ay agad nang makabalik roon bago pa maghintay ang Punong Lakan."

Malinaw ang pagdududa sa matandang kutsero ngunit pinili nitong sundin na lamang siya---isang bagay na kaniyang ipinagpasalamat.

Tumalikod na siya dito at agad na pumasok sa loob ng lumang palasyo. Ang mga hakbang niya ay biglang bumigat ngunit mabilis sapagkat tila dumidilim ang kaniyang paningin habang tila hinahalukay ang kaniyang sikmura.

Marahil ay umaatake ang karamdaman ni Malika at---

Natigilan siya. 𝘛𝘢𝘮𝘢. 𝘚𝘪 𝘔𝘢𝘭𝘪𝘬𝘢...

𝘕𝘢𝘴𝘢𝘢𝘯 𝘴𝘪 𝘔𝘢𝘭𝘪𝘬𝘢?

Ayon sa kaniyang nabasa, nawawala si Malika.

𝘖𝘩, 𝘎𝘰𝘥... 𝘕𝘢𝘴𝘢𝘢𝘯 𝘴𝘪 𝘔𝘢𝘭𝘪𝘬𝘢? 𝘚𝘢𝘢𝘯... 𝘚𝘢𝘢𝘯 𝘬𝘰 𝘴𝘪𝘺𝘢 𝘩𝘢𝘩𝘢𝘯𝘢𝘱𝘪𝘯?

𝘈𝘵 𝘣-𝘣𝘢𝘬𝘪𝘵... 𝘉𝘢𝘬𝘪𝘵 𝘸𝘢𝘭𝘢 𝘴𝘪𝘺𝘢 𝘥𝘪𝘵𝘰?

Sumikip ang kaniyang dibdib at nagsimula muli siyang hingalin, ang pakiramdam niya ay muli siyang nasa gitna ng karagatan na may malalakas at masusungit na alon... at ayaw siyang pakawalan.

Inabot niya ang kaniyang kamay sa paligid, umaasa na siya ay may mahahawakan upang hindi tuluyang malunod hanggang sa may nakapa siyang malamig at matigas na bagay. Hinigpitan niya ang kaniyang hawak at hinila ang sarili palapit sa bagay na iyon. At nagawa niyang huminga sa wakas.

At---

Napasinghap siya nang may naramdaman siyang kamay sa kaniyang likod.

Umikot siya at umatras at halos siya ay matumba sapagkat nakatayo pala siya sa unang hakbang ng hagdan.

Nilibot niya ang tingin sa paligid. Wala siya sa karagatan. Nasa loob siya ng isang palasyo.

Tama. Ang lumang Palasyo Raselis.

At nasa kaniyang harapan ay ang personal na tagapaglingkod ni Malika na si Mindy na bilog na bilog ang mga mata dahil sa bigla at pag-aalala.

Lumunok siya, ramdam niya ang pagtulo ng malamig niyang pawis sa kaniyang ulo at likod. "M-Mindy..."

"Binibini, ayos lang po ba kayo?"

Mabilis siyang tumango kahit na alam niyang walang ayos sa mga nangyayari sa kaniya ngayon. "O-Oo. Ayos lang ako. K-Ka... Kailangan ko lang... na... makabalik sa si-silid."

"Kung maaari ko po kayong alalayan, Mahal na Binibini? Namumutla po kayo," mahinahon ngunit may kaunting pagkatarantang sambit nito.

Tumango na lamang si Maia habang pinupunasan ang pawis sa kaniyang mukha at hinayaan si Mindy na siya ay alalayan paakyat ng hagdan. Mayamaya ay muli niyang naalala ang mga binasa at nang marating nila ang ikalawang palapag ay tinignan niya ang tapat na taga-silbi ni Malika.

"Mindy," mahina niyang pagtawag. Nagsisimulang manlabong muli ang kaniyang paningin at tila nanghihina ang kaniyang mga binti. "Sa iyong palagay, ako ba ay tila nababaliw?"

"Binibini?" naguguluhang tanong nito. Sinuri siya nitong mabuti, ang mga nag-aalalang mata nito ay naglakbay mula sa kaniyang mukha patungo sa kaniyang katawan at mga kamay hanggang sa bumalik sa kaniyang mukha. "M-May problema po ba, Binibini?

Tinitigan niya ito sa mga mata. "Mindy, sagutin mo ang aking tanong."

"Hindi po, Binibini!" may kaba at takot na sagot nito habang mabilis na umiiling-iling. "Hindi po kayo nababaliw. Hindi po."

Hindi tiyak ni Maia kung ano ang dapat niyang maramdaman. Dapat ba siyang matuwa sapagkat nasa maayos siyang katinuan?

O dapat siyang magwala at umiyak sapagkat napatunayan lamang niyon na wala na sa katawang ito si Malika?

Ramdam ni Maia ang pag-ikot at paghalukay sa kaniyang sikmura habang muling pumasok sa kaniyang isip ang nabasa sa silid-aklatan ng Palasyo ng Hari.

"𝘔𝘢𝘺 𝘮𝘨𝘢 𝘱𝘢𝘨𝘬𝘢𝘬𝘢𝘵𝘢𝘰𝘯 𝘯𝘢 𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨-𝘢𝘯𝘨𝘬𝘪𝘯 𝘯𝘨 𝘪𝘣𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘭𝘶𝘭𝘶𝘸𝘢 𝘴𝘢 𝘪𝘴𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘵𝘢𝘸𝘢𝘯 𝘢𝘺 𝘱𝘰𝘴𝘪𝘣𝘭𝘦. 𝘐𝘺𝘰𝘯 𝘢𝘺 𝘬𝘶𝘯𝘨 𝘢𝘯𝘨 𝘪𝘴𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘰 𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘭𝘶𝘣𝘩𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘳𝘢𝘮𝘥𝘢𝘮𝘢𝘯 𝘯𝘢 𝘸𝘢𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘨𝘢𝘮𝘰𝘵 𝘢𝘵 𝘴𝘰𝘭𝘶𝘴𝘺𝘰𝘯, 𝘮𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘩𝘪𝘯𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨-𝘪𝘪𝘴𝘪𝘱, 𝘰 𝘴𝘢 𝘪𝘴𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘪𝘯𝘢𝘬𝘢-𝘣𝘪𝘩𝘪𝘳𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨𝘬𝘢𝘬𝘢𝘵𝘢𝘰𝘯, 𝘬𝘶𝘯𝘨 𝘢𝘯𝘨 𝘪𝘴𝘢 𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘺 𝘬𝘢𝘭𝘢𝘩𝘢𝘵𝘪𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘭𝘶𝘭𝘶𝘸𝘢 𝘭𝘢𝘮𝘢𝘯𝘨.

𝘞𝘢𝘭𝘢 𝘱𝘢𝘯𝘨 𝘨𝘢𝘮𝘰𝘵 𝘰 𝘳𝘪𝘵𝘸𝘢𝘭 𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘥𝘪𝘥𝘪𝘴𝘬𝘶𝘣𝘳𝘦 𝘶𝘱𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘪𝘸𝘢𝘴𝘢𝘯 𝘰 𝘮𝘢𝘣𝘪𝘨𝘺𝘢𝘯𝘨 𝘴𝘰𝘭𝘶𝘴𝘺𝘰𝘯 𝘢𝘯𝘨 𝘨𝘢𝘯𝘪𝘵𝘰 𝘬𝘢𝘣𝘪𝘩𝘪𝘳𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘯𝘨𝘺𝘢𝘺𝘢𝘳𝘪 𝘯𝘨𝘶𝘯𝘪𝘵 𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘵𝘪𝘵𝘪𝘺𝘢𝘬 𝘭𝘢𝘮𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘣𝘪𝘩𝘢𝘴𝘢 𝘢𝘺 𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘵𝘢𝘸𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘺 𝘪𝘣𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘭𝘶𝘭𝘶𝘸𝘢 𝘢𝘺 mamamatay 𝘴𝘢 𝘭𝘰𝘰𝘣 𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘵𝘭𝘰 𝘩𝘢𝘯𝘨𝘨𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘯𝘪𝘮 𝘯𝘢 𝘣𝘶𝘸𝘢𝘯 𝘭𝘢𝘮𝘢𝘯𝘨.

𝘈𝘵 𝘢𝘺𝘰𝘯 𝘪𝘺𝘰𝘯 𝘴𝘢 𝘢𝘱𝘢𝘵 𝘯𝘢 𝘬𝘢𝘴𝘰 𝘯𝘢 𝘯𝘢𝘥𝘪𝘴𝘬𝘶𝘣𝘳𝘦, 𝘯𝘢𝘰𝘣𝘴𝘦𝘳𝘣𝘢𝘩𝘢𝘯, 𝘢𝘵 𝘯𝘢𝘪𝘭𝘢𝘵𝘩𝘢𝘭𝘢 𝘴𝘢 𝘯𝘢𝘬𝘢𝘳𝘢𝘢𝘯𝘨 𝘪𝘴𝘢𝘯𝘨 𝘥𝘢𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘰𝘯 𝘴𝘢 𝘣𝘶𝘰𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘴𝘢𝘺𝘴𝘢𝘺𝘢𝘯 𝘯𝘨 𝘴𝘢𝘯𝘨𝘬𝘢𝘵𝘢𝘶𝘩𝘢𝘯.

Uminit at sumikip nang husto ang pakiramdam ni Maia sa kaniyang dibdib. At isang malakas na pag-ubo ang kaniyang pinakawalan upang paluwagin ang kaniyang paghinga ngunit kasabay niyon ay ang pagtili ni Mindy at ang pagkakaroon ng mapakla at malakalawang na lasa sa bibig ni Maia.

"BINIBINI!"

Humigpit ang pagkakahawak sa kaniya ni Mindy habang ang kaniyang tingin ay bumaba sa kaniyang kaliwang kamay na puno ng dugo.

"Binibini! Naku po! Ano po ang nagyayari sa inyo?! Mahal na Binibini! A-Ayos... Ayos lang po ba kayo?"

Sa kabila ng malakas at nag-aalalang tinig ng tagapaglingkod, wala ibang marinig si Maia kundi isang matinis na pag-ugong. Hindi niya rin magawang maalis ang tingin sa nanlalagkit at namumula niyang kamay.

𝘐𝘵𝘰 𝘯𝘢 𝘣𝘢 𝘪𝘺𝘰𝘯? 𝘐𝘵𝘰 𝘯𝘢 𝘣𝘢 𝘪𝘺𝘰𝘯 𝘶𝘭𝘪𝘵? bulong ng kaniyang isip. 𝘔𝘢𝘮𝘢𝘮𝘢𝘵𝘢𝘺 𝘯𝘢 𝘭𝘢𝘮𝘢𝘯𝘨 𝘣𝘢 𝘢𝘬𝘰 𝘶𝘭𝘪𝘵 𝘢𝘵 𝘸𝘢𝘭𝘢 𝘢𝘬𝘰𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘨𝘢𝘨𝘢𝘸𝘢 𝘬𝘶𝘯𝘥𝘪 𝘩𝘪𝘯𝘵𝘢𝘺𝘪𝘯 𝘢𝘵 𝘱𝘢𝘯𝘰𝘰𝘳𝘪𝘯 𝘯𝘢 𝘭𝘢𝘮𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘢 𝘮𝘢𝘯𝘨𝘺𝘢𝘳𝘪 𝘪𝘺𝘰𝘯?

Tumahimik ang paligid ganoon din ang kaniyang isip at puso. At lahat ng sakit na kaniyang nadarama ay naglaho na parang bula kasabay ng paghimlay ng kaniyang mga emosyon.

𝘒𝘶𝘯𝘨 𝘨𝘢𝘺𝘰𝘯... 𝘬𝘶𝘯𝘨 𝘨𝘢𝘯𝘰𝘰𝘯 𝘯𝘢 𝘯𝘨𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘭𝘢𝘨𝘢...

"Binibini?!" Umiiyak at natataranta si Mindy sa kaniyang tabi. "Hayaan niyo po sana ako na tumawag na ng manggagamot, Mahal na Binibini. Pakiusap po! Pakiusap!"

Binaba ni Maia ang duguan niyang kamay at tinignan si Mindy na patuloy sa pag-iyak. "Parang-awa niyo na po, Binibini. Hindi po magandang senyales na kayo ay---"

Inalis niya ang kamay ni Mindy na nakahawak sa kaniya na nagpatigil dito kasabay ng pagtayo niya nang maayos at pagpunas niya sa kaniyang bibig. "Ayos na ako, Mindy."

"Ngun---"

"Pasensya ka na at kailangan mong linisin ang aking kalat ngunit sana ay iyong maintindihan na nais ko na'ng makapagpahinga."

"B-Binibini? Kailangan po na kayo ay matignan ng mangga---"

"Ayos na ako, Mindy," pag-ulit niya sa mas mahinang tinig bago nagsimulang maglakad papunta sa silid ni Malika. "Sana ang lahat ng nangyari at iyong mga nasaksihan ngayong gabi ay manatiling lihim. At kung maaari ay hayaan mo muna ako na mapag-isa. Maliwanag ba?"

Hindi ito sumagot kaya huminto siya at nilingon ito. "Mindy?"

Bilog na bilog ang namumula nitong mga mata at ilang sandali ay nakita niya kung paanong marahang umagos ang mga luha nito sa magkabila nitong pisngi.

At sa sandaling iyon ay hindi niya maiwasang maawa para dito.

Kung alam lamang nito na ang Binibining pinagsisilbihan nito ay wala na sa katawang nakikita nito at ang iniiyakan nito ay isang estranghero...

Ngunit wala na siyang magagawa para dito... para kay Malika... O maging para sa kaniyang sarili.

Kung ang tanging magagawa na lamang niya ay ang hintayin at pagmasdan ang kaniyang nalalapit na kamatayan...

Kung gayon na ngang talaga...

Marahil ay kailangan lamang niyang tanggapin iyon.

Sa haba ng panahon na kaniyang ginugol upang makipaglaban para sa kaniyang buhay, pagod na siya. At ngayong wala na rin si Malika at wala siyang nagawa para dito kundi angkinin ang nalalabing buhay na mayroon ito, sumusuko na siya.

Patuloy sa pagluha si Mindy at nagpasya siyang hayaan na lamang ito. Maaaring mas mabuti para dito ang umiyak...

Ang iyakan ang taong pinagsilbihan nito na ngayon ay wala na sa katawang ito.

At sa kung ano ang makabubuti para sa kaniya...

Tumalikod na siya at nagpatuloy sa paglalakad. 𝘞𝘢𝘭𝘢 𝘯𝘢 𝘢𝘬𝘰𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘬𝘪𝘢𝘭𝘢𝘮.