Chapter 21 - XX

Tahimik na isinara ni Enid ang pinto ng silid-aklatan at doon lamang lumuwag ang kaniyang paghinga.

Ngunit kasabay niyon ay ang kaniyang pagtataka.

Hindi siya makapaniwala na malayong-malayo sa kaniyang naririnig ang tunay na Binibining Malika. Tila ay walang katotohanan ang mga sinasabi ng karamihan tungkol dito at hindi niya inakala na mas lalo pa itong maganda sa malapitan. At sa kabila ng kagandahan at katayuan nito, ni hindi siya nito pinagtaasan ng boses o kaya ay inirapan na masasabi niyang madalas niyang masaksihan at maranasan sa tuwing kaharap ang karamihan sa mga binibini, maging sa mga lakan.

Bagkus, tinignan siya nito na parang tunay siya nitong nakikita at kinausap siya nang may paggalang, sa puntong gumamit pa ito ng 'po'. At kahit pa sabihin na alam niyang alipin ito noon, hindi na nito kailangang gawin iyon sa kaniya ngayon sapagkat isang tunay na maginoo na ito ngayon.

Sa tagal niyang naglilingkod sa mga maginoo, ngayon lamang nangyari iyon sa kaniya.

Masasabi niyang napakabuti ng pamilya ng Mahal na Hari sa kaniya. Hindi niya naramdaman sa mga ito na itinuring siyang alipin o mas masahol pa doon. At sa katunayan, masasabi niyang kapamilya ang turing ng mga ito sa kaniya.

Ngunit ramdam at alam niya rin ang kaniyang hangganan sa pagiging bahagi ng buhay ng mga ito. At iyon ay ang pagsilbihan ang mga ito nang tapat at sumunod sa lahat ng utos ng mga ito. Walang siyang problema doon. Masaya siya sa kung nasaan siya at ipinagpapasalamat niya iyon.

Kaya masasabi niya ring tunay na kakaiba ang paraan kung paano siya kinausap ng Binibini ng Pamilya Raselis. Sinalubong nito ang kaniyang mga mata at habang siya ay nagsasalita kanina ay nakinig ito. Ramdam niya na tunay siyang pinakinggan nito, binigyan siya ng atensyon, at hindi ito nagalit o nang-mata. At sa huli ay nagpasalamat pa ito sa kaniya.

Nagpasalamat ang binibining katulad nito sa kaniya na isang karaniwang matanda... sa katulad niyang isang hamak na tagapaglingkod. At sa sandaling iyon, naramdaman niya na siya ay mahalaga... na siya ay isa ring tao katulad nito.

Ramdam niya ang pangingilid ng kaniyang mga luha. Tinanggal niya ang suot na salamin at pinunasan ang kaniyang mga mata.

Sa haba at tagal niya sa ganitong tungkulin, hindi niya inaasahan na kaniyang mararanasan ang mapakitunguhan ng ganoon ng isang maginoo. Isang karanasan na hinding-hindi niya makalilimutan, isang sandali sa kaniyang buhay na kaniyang ipinagpapasalamat.

Inangat niya ang tingin sa saradong pinto kasabay ng pagsuot niyang muli sa kaniyang salamin. Ni hindi man lang niyang nagawang magpasalamat sa Binibini. Kung maaari lang ay babalik siya sa loob ngunit ayaw na niya itong abalahin upang pagaanin lang ang kaniyang loob.

Umatras siya ng isang hakbang mula sa pinto at yumuko ng isang beses. Marahil ay maghahanap na lamang siya ng pagkakataon na magpasalamat kapag nakabalik na ito sa bulwagan.

Nagsimula na siyang maglakad pabalik at bigla niyang naisip na nakapagtataka rin na hindi pa nakakapasok sa silid-aklatan ng Palasyo ng Hari si Binibining Malika---Ah...

𝘏π˜ͺ𝘯π˜₯π˜ͺ π˜ͺ𝘺𝘰𝘯 𝘯𝘒𝘬𝘒𝘱𝘒𝘨𝘡𝘒𝘡𝘒𝘬𝘒.

Bihira sa mga Binibini na magkaroon ng hilig sa pagbabasa. Ang nakapagtataka ay hindi nito alam ang daan patungo sa hardin.

At ngayong iniisip niya, iilang beses pa lang pala niyang nakikita ang Binibini ng Palasyo Raselis. Iyon din ang dahilan kung bakit naging madali para sa kaniya na maniwala sa mga sabi-sabi tungkol dito at iwasan ito sapagkat hindi pa niya ito tunay na nakasalamuha---isang bagay na ngayon ay ikinahihiya niya at nais niyang ihingi ng paumanhin dito.

Sa katayuan ng Pamilya Raselis at sa malinaw na ugnayan ng Punong Lakan sa Mahal na Hari, hindi siya magtataka kung lagi niya itong makikita dito sa palasyo. Ngunit bukod sa mga piging kung saan inuutos ng Mahal na Hari na ang lahat ay dumalo, hindi niya nakikita ang Binibini o kahit man lang ang anino nito.

Imposible naman na hindi ito naiimbitahan dahil lamang sa mga sabi-sabi tungkol dito. At kahit iyon pa ang dahilan, hindi pa rin niyon maipapaliwanag kung bakit hindi niya ito madalas makita.

Karaniwan na sa Palasyo ng Hari ang pagkakaroon ng mga bisita, lalo na ang mga Binibini na madalas magpunta kahit walang imbitasyon upang makasama at makausap si Prinsesa Eliana. Ngunit alam din ni Enid na paraan lang iyon ng mga binibini upang magkaroon ng tyansa na maging kabiyak ng Mahal na Prinsipe. Ngunit pati iyon ay hindi ginawa ni Binibining Malika.

Bumigat ang balikat ni Enid. Kahiya-hiya talaga ang kaniyang mga naisip tungkol dito. Sa kaniyang edad at karanasan, siya ang huling taong dapat humusga dito. At dahil doon, titiyakin niyang hihingi siya ng paumanhin dito.

"Enid?"

Gulat na inangat niya ang tingin bago mabilis na yumuko sa presensya ng Mahal na Prinsipe. "Iyong Hirang! Magandang gabi po. Bakit po kayo nandito?"

"Hmm..." Kumunot ng bahagya ang noo nito. "Ano ba ang magandang sabihin? Ako ay may nawawala o ako ay may hinahanap?"

Umiling-iling siya at hindi niya maiwasang matawa. Nagbibiro na naman ang Kamahalan. "Iyong Hirang, ang ibig niyo po bang sabihin ay tumakas kayo sa pagdiriwang?"

"Ikaw," bulalas ng Prinsipe. "Bakit ka nandito? Hindi ba dapat ay nasa bulwagan ka?"

Ngumiti siya sa pagbago nito ng usapan bago naglaho ang ngiting iyon. Hindi naman siya takot sa prinsipe. Masasabi pa nga niya na kumportable siya dito at sa mga may dugong-bughaw, ito ang pinaka-kasundo niya sapagkat nasubaybayan niya ang paglaki nito. Ngunit alam niyang hindi nito magugustuhan na nagkaroon ng pagkakamali sa pagdiriwang ngayon.

Tumikhim siya. "Una po, Iyong Hirang, humihingi po ako ng paumanhin. May munting gulo po kanina sa bulwagan. Nabangga at natapunan po ng isa sa mga tagapagling---"

"Sandali," pagputol ng Prinsipe. Hindi ito mukhang galit bagkus ay tila magkakasakit. "Sabihin mo, kailangan ba na ako ay maghanda sapagkat kinabukasan ay may darating na alok na kasal para sa akin dahil sa pangyayaring iyong sinasabi?"

Natigilan si Enid, ang mga linya sa kaniyang noo ay lumalim. Ngunit nais niya ring tumawa. Tila ay wala pa rin talagang balak mag-asawa ang Kamahalan. "Sa aking palagay ay hindi niyo po kailangang mag-alala tungkol doon, Kamahalan. Tila ay hindi naman po galit si Binibi---"

"Binibini?!" Bumilog ang mga bughaw na bughaw na mata nito kasabay ng tila pagkawala ng kulay sa mukha nito. "Kung gayon isa ngang Binibini ang naabala?! Enid, paano ka nakatitiyak na hindi mangyayari ang aking sinabi?"

Hindi niya alam kung siya ay tatawa o iiyak. Ni minsan ay hindi niya naisip na ang kakatakutan nito ay pagpapakasal. Ano na lamang kaya ang mararamdaman ng Mahal na Reyna kapag nakita at narinig nito ang anak ngayon?

"May asawa na ba ang Binibining iyong tinutukoy at walang anak na babae?" pagpapatuloy ng Prinsipe. "Sabihin mong ako ay tama. Pakiusap."

"Iyong Hirang," simula niya matapos ng isang malalim na paghinga. "Wala pa pong asawa ang Binibini, mas lalong wala pa pong anak." Kitang-kita niya kung paano halos mawala ang natitirang kulay sa mukha ng Kamahalan at bago pa ito himatayin sinabi niya ang mga sinabi ni Binibining Malika, "Aksidente ang nangyari at walang dapat maparusahan."

Kumunot ang noo ng Mahal na Prinsipe at nagpatuloy siya, "Iyon po ang sinabi ng Mahal na Binibini ng Palasyo Raselis. Kaya po aking natitiyak na hindi niyo po kailangan na... mag-alala."

"B-Binibini ng Palasyo... R-Raselis?" hindi makapaniwalang sambit nito.

Tinignan ni Enid ang Mahal na Prinsipe. Hindi na siya nagtataka kung bakit nabigla ito sapagkat alam niya na alam at naririnig rin nito ang mga sabi-sabi tungkol sa Binibini. "Iyong Hirang? Lubos ko pong alam na---"

Biglang tumalikod ang Mahal na Prinsipe at nagsimulang maglakad na nagpahinto sa kaniya. "Uh? K-Kamahalan?"

"Kailangan na nating bumalik, Enid," tahimik nitong sabi. "At kailangan mong tiyakin na wala na'ng kahit sino na matatapunan ng kahit ano."

Umayos siya ng tayo at agad na sumunod. "Masusunod po, Iyong Hirang."

Pansin niya kung paano nagbago ang awra ng Prinsipe. Naging kalmado ito ngunit naging mas seryoso. At makalipas lamang ng ilang sandali ay nagsalita ito.

"Nasaan siya?"

Natigilan si Enid at inangat ang tingin dito. "K-Kamahalan?"

Bahagya siyang nilingon nito. "Ang Binibini?"

"Ah... Dinala ko po noong una si Binibining Malika sa silid-pahingahan ngunit kasalukuyan po siyang nasa silid-aklatan. Mas nais daw po ng Binibini na manatili---"

"Ah!"

Napahawak sa kaniyang dibdib si Enid sa biglaang pagbulalas ng Mahal na Prinsipe.

"Tama," pagpapatuloy nito bago agad humarap sa kaniya at nagsimulang maglakad hanggang sa nilagpasan siya nito.

Gulat at nagtatakang sinundan niya ito ng tingin at nang mapagtantong hindi ito babalik sa bulwagan ay tinawag niya ito. "Iyong Hirang! Saan po kayo tutungo?"

Masiglang nilingon siya nito na tila ay hindi ito halos mahimatay dahil sa ideya ng pagpapakasal kani-kanina lang. "Alam ko na kung nasaan ang aking hinahanap."

"Kamahalan?"

Hindi siya nito pinansin at nagpatuloy lamang ito sa paglalakad bago muling huminto at tignan siya. "Oo nga pala. Kung magtanong si Idris, sabihin mo ay hindi mo ako nakita."

Halos mapanganga si Enid. Imposible iyon. Imposible na magawa niyang makapagsinungaling sa kanang kamay ng Mahal na Prinsipe. Sa sungit at sa talim ng mga mata ng Lakan ng Palasyo Beligan na si Ginoong Idris, tiyak siyang mahuhuli lamang siya nito.

"Ngunit Iyong Hirang---"

Tinaas lamang ng Mahal na Prinsipe ang kanang kamay nito at kumaway sa kaniya bago ito lumiko at naiwan na lamang si Enid na bagsak ang mga balikat at hindi makapaniwala.