Now playing: Always - Daniel Caesar
Felicia POV
At katulad nga ng sinabi ni Skyler sa isla, tinupad nga niya ang sinasabi niyang panliligaw sa akin.
Wala siyang sinayang na kahit na oras o minuto.
Pagbalik na pagbalik namin mula sa isla ay sinimulan na nga niya ito. Malaman man ng kanyang Dada Billy o hindi. Kahit na alam niyang pwede niyang ikapahamak ito. Kahit na alam niyang malalagot siya sa gusto niyang gawin.
"Wala namang masama na magmahal, Kulot. Kung malalaman man ng Dada, edi malaman niya. I know someday, she would be proud of me dahil natutuhan kong magmahal ng tunay at walang halong biro."
"Walang sinuman ang hindi mahuhulog sa'yo. Dahil bukod tangi ka, Kulot."
"Hindi ako natatakot na nililigawan na kita, Kulot. Dahil mas nakakatakot ang isang bagay alam mong kaya mong gawin pero hindi mo ginawa. Atsaka isa pa, mahal kita. Ayoko nang bawiin yun. Pero patutunayan ko sa'yo."
Iilan lamang yan sa mga madalas sabihin sa akin ni Skyker. Mga katagang nagpapatunay kung gaano siya ka pursigidong patunayan sa akin ang kanyang nararamdaman.
Mga katagang nagpapabilis sa pagtibok ng aking puso.
Hindi na ako nagtataka pa kung bakit gayon na lamang ang pakiramdam ko sa tuwing kasama ko si Skyler.
Alam ko kasi sa sarili ko na mahal ko na rin siya. Hindi ko lamang ito masabi sa kanya sa dahilang natatakot ako.
Natatakot ako sa oras na malaman ng mga magulang niya, especially ng Dada Billy n'ya. Sapaka't ang buhay namin ay sobrang magkalayo. Langit siya at lupa ako. Hindi hamak na kinupkop lamang ako ng kanyang pamilya sa hindi ko pa malamang dahilan. Ang tanging alam ko lamang ay gusto nila akong tulungan matapos pumanaw ng aking ama.
Hindi ko alam kung saan ako dadamputin sa oras na malaman niya na ang kanyang nag-iisang anak ay nagkagusto sa akin. Sa isang katulad kong ulila na nga, wala pang maipagmalaki sa buhay.
Sa totoo lang, mangmang ako, oo, ngunit minsan ay hindi ko maiwasang manliit sa sarili ko sa tuwing tinitignan ko ang estado ng buhay namin ni Skyler.
Kaya hangga't maaari. Ayokong ipaalam muna sa kanya ang aking nararamdaman. At hinahayaan na lamang muna na manligaw siya sa akin.
Ang hindi ko lamang maintindihan ay ngayon. Maaga kasi akong pinuntahan ng isang katulong sa aking kwarto. At sinabi nito na pinapupunta ako ng Dada Billy ni Skyler sa kanyang opisina at gustong makausap ako.
Awtomatikong bumilis sa pagtibok ang aking puso. Hindi ko alam kung bakit biglaan yata na gusto akong makausap nito.
Tungkol naman kaya saan?
Alam na kaya nito na nililigawan na ako ng kanilang anak?
Sasaktan ba niya si Skyler?
At palalayasin na kaya niya ako rito sa Mansyon?
Hala! Paano na ako nito? Saan ako titira?
Hindi ko alam kung anong nangyayari at bakit. Punong-puno ng pangamba ang aking puso at hindi ko maiwasan ang mag-isip nang mag-isip.
Pagdating ko sa tapat ng kanyang opisina ay sandaling ikinalma ko na muna ang aking sarili bago kumatok. At noong narinig ko na ang boses nito na nagsasabing pwede na akong pumasok ay tsaka ko naman dahan-dahan na binuksan ang pintuhan.
Agad na napasinghap ako noong maabutan ko na nasa loob din ng kanyang opisina si Skyler. Habang ang kanyang Dada Billy naman ay prenting nakaupo sa kanyang silya at animo'y may binabasa mula sa kanyang computer.
Napasulyap ako kay Skyler na ngayon ay nagtataka rin ang mga matang nakatingin sa akin. Kapwa yata kami hindi alam kung bakit nasa opisina ngayon ng kanyang ina.
Mukhang tama nga yata ako ng hinala. Alam na nga yata nito ang namamagitan sa akin ng kanyang anak. Ipapapatay kaya niya ako?
Ramdam ko ang panginginig kaagad ng mga kamay ko at ang mas lalong pagtibok ng mabilis ng aking puso.
Iniangat ni Mrs. Ross ang kanyang ulo at agad na tinignan ako.
"Oh! Felicia, maupo ka." Utos nito sa akin at binigyan ako ng isang nakakakilabot na ngisi.
Napalunok ako ng mariin. Jusko! Kinakabahan talaga ako ng malala. Baka naman bigla na lang akong isako nito. Tapos itapon sa ilog.
Hindi ko alam pero bigla na lang akong naluha sa sobrang takot na nararamdaman. Kaya sa halip na maupo sa silya na nasa harapan ng kanyang lamesa ay basta na lamang nanlumo ang mga tuhod ko at napaupo ako sa sahig.
"P-Pasensya na ho kayo. P-Pero ano hong gagawin ninyo sa akin?" Nauutal at hindi maitago ang takot na tanong ko sa kanya. "Maaawa na ho kayo. H-Hindi ko sinasadya na matutunang mahalin ang anak ninyo." Dagdag na pakiusap ko pa habang nakayuko.
Ngunit sa halip na galit na sigaw nito ang marinig ko ay isang malutong na tawa lamang ang maririnig mula sa buong silid.
"Felicia." Kusang natigilan ako sa pagbanggit nito sa pangalan ko. "Ano bang pinagsasabi mo?" Tanong pa niya sa dulo.
Dahan-dahan naman na muling tinignan ko siya sa kanyang mukha. Hindi siya mukhang galit at sa halip ay mukha pa siyang natutuwa sa akin. Napasulyap ako kay Skyler, pero siya ang mukhang hindi nagustuhan ang sinabi ko.
Muling napapikit ako ng mariin.
Patay! Ako rin yata ang mismong nagsabi at nagbuko sa kanya sa kanyang ina.
Nakita kong napailing ng maraming maraming beses si Skyler habang napapahinga ng malalim.
Hindi ko naman alam eh. Ni hindi nga rin siya nagsasalita kaya akala ko talaga...
"Pinapunta kita rito dahil may gusto akong ibigay sa iyo." Paliwanag ni Mrs. Ross. "Tumayo ka riyan at maupo ka, hija." Dagdag pa niya bago ito makahulugan na napasulyap kay Skyler.
Naku! Ako rin yata talaga ang nagpahamak kay Skyler. Kasi naman eh! Ang daldal ko. Ayan tuloy.
Pero ano naman kaya 'yung ibibigay sakin ni Mrs. Ross?
Muling ibinalik nito ang kanyang atensyon sa akin.
"Magiging parte ito ng pag-aaral mo. Kumbaga, isa ito sa mga magiging training mo sa akin, hija." Panimula niya. Bago nito iniabot sa akin ang isang maliit na sobra.
Muling napakunot ang aking noo. Ngunit hindi ko ito kaagad kinuha at tinignan lamang ang sobra na inilapag nito sa harap ko. Mukhang makapal ang laman nito sa loob.
Hindi nakaligtas sa aking paningin ang muling pag ngisi ni Mrs. Ross.
"Well, sa maikling panahon na nagkakilala tayo. Nasaksihan ko ang pagkatao mo, Feli. Wala man ako madalas dito sa mansyon at hindi man tayo madalas magkasama, ngunit alam kong malayo-layo ka na mula sa Felicia na kinupkop namin noon." Muling paliwanag nito kahit na hindi ko naman maintindihan ang kanyang sinasabi.
Napasulyap akong muli kay Skyler at nagtatanong ang mga matang tinignan siya. Ngunit nagkibit balikat lamang ito at napaiwas ng tingin mula sa akin.
"Mrs. Ross, h-hindi ko ho kayo m-maintindihan." Wika ko.
"Isa pa, pansin ko ang pagiging curious mo sa mga bagay-bagay. Kaya iyon ang nagtutulak sa'yo kung bakit mabilis kang matututo. You are an observant person." Pagpapatuloy niya.
"Fast learner." Dagdag pa niya. "Pinatutunayan mo lamang sa akin kung anong abilidad ang kaya mong gawin. Kaya I am giving you this..." Sabay tulak nitong muli ng sobra palapit sa akin mula sa ibabaw ng kanyang lamesa. "And I want you to---" Natigilan ito sandali ngunit nagpatuloy naman aagad pagkaraan ng ilang segundo.
"Gusto kong gamitin mo ito sa tama. Or kung sa papaanong paraan mo gagamitin iyan, hindi ko rin alam. Basta ang gusto ko lamang, maubos mo ito ng isang araw lang."
Dahil sa sinabi niyang iyon ay mas lalong nagtaka ako kung ano ba talaga ang laman ng sobra. Kaya naman dahan-dahan na kinuha ko iyon sa ibabaw ng kanyang lamesa at tinignan ang laman sa loob.
"100K 'yan. At sa iyo na 'yan, hija."
Agad na nanlaki ang mga mata ko dahil sa nakita. Dahil ang laman ng sobre ay pera na napakakapal ang laman sa loob.
"Jusko po, Mrs. Ross!"
Mabilis na ibinalik ko iyon sa ibabaw ng kanyang lamesa. Parang gusto kong himatayin ngayon din.
"H-Hindi ko ho matatanggap iyan. H-Hindi ko alam kung papaano gagamitin 'yan at mas lalong ngayon lamang ako nakahawak ng ganyan kalaking halaga ng pera." Natatarantang paliwanag ko sa kanya. "Hindi ko ho lalayuan ang anak ninyo. Mahal ko po si Skyler at mas lalong hindi ninyo ako masisilaw sa pera---"
"WHAT?!" Gulat na bulalas nito bago napatayo ng mabilis.
Hindi ba tama naman ako? Gano'n 'yung mga napapanood ko dati sa mga drama na pinapanood namin ni Beauty. Kapag ayaw sa bidang babae ng magulang ng lalaki, binibigyan nila ito ng pera. At ang kasunod ay sasabuyan niya iyon ng tubig sa mukha.
Ang pinagkaiba nga lamang ay babae rin si Skyler na katulad ko. Pero alam kong parehas lamang iyon ng kahulugan pagdating sa pag-ibig.
Ngunit sa halip na sigaw ang matanggap ko mula kay Mrs. Ross ay nagpakawala lamang itong muli ng isang malutong na pagtawa.
"Hija, mali ang iniisip mo. At hindi kita binabayaran para LAYUAN mo si Skyler." Wika nito ngunit may diin sa dulo. "Sa iyo talaga iyang pera. Gusto kong malaman kung papaano mo gagamitin ang perang iyan sa loob lamang ng isang araw."
Muling nanlaki ang mga mata ko.
"P-Pero..."
"Hindi mo pwedeng ibalik sa akin ng buo iyan at walang bawas. Hindi mo rin pwedeng ipalagay sa bangko o itago. Binigay ko sa'yo 'yan para gastahin---"
"Pero Mrs. Ross nababaliw na po ba kayo?!" Hindi ko maiwasang banggitin iyon at kahit ako ay nagulat din.
"Tinawag mo akong...what?!"
"P-Pasensya na po pero... ang laking halaga po k-kasi nito---" Natigilan ako sandali.
Tama! Ibibili ko na lamang ito ng cotton candy at maraming ice cream. Napangiti ako sa naiisip ko.
"S-Salamat ho." Napapangiti na pagpapasalamat ko.
"Mabuti naman kung gayon. Pwede ka nang makaalis, hija."
Napatango ako at tatalikod na sana nung matigilan ako sa muling sinabi ni Mrs. Ross.
"But not you, Skyler." Maawtoridad na wika nito sa kanyang anak.
"But Dada---"
"Ang sabi ko, MAIWAN KA." Mariin na wika nitong muli.
Habang ako naman ay napapalunok na binilisan na lamang ang mga hakbang upang tuluyan nang makalabas ng opisina.
Sana hindi niya naman balatan ng buhay si Skyler.
Jusko po! Nakakatakot.
---
Kanina pa ako palakad-lakad dito sa park malapit sa mansyon kung saan merong nakabuntot sa akin na dalawang bodyguard.
Kanina ko pa rin ginagasta ang pera pero bakit hindi yata maubos-ubos?
Bumili na ako ng maraming ice cream. Pati na rin cotton candy. Pero ang kapal pa rin ng naiiwan sa akin. Nilibre ko na nga 'yung dalawang bodyguard ko eh.
Gaano ba kalaki itong perang 100K para gastusin sa isang araw?
Naupo ako sa isang duyan at habang nag-iisip ng malalim.
Namomroblema kasi ako paano gagastahin itong perang ibigay sa akin ng nanay ni Skyler. Samantalang iyong ibang tao, namomroblema paano magkakaroon ng pera na pambili nila ng kanilang mga---
Napangiti ako sa aking sarili at mabilis na napatayo.
Tama!
Agad na iginala ko ang aking paningin sa paligid. May nakita akong mga batang naglalaro sa Park. Tinawag ko silang lahat at lumapit ako sa nagbebenta ng ice cream. Binayaran ko na ito at sinabing bigyan niya na lamang ang lahat ng bata o matanda na nasa Park ngayon.
Pagkatapos noon ay naglakad ako sa may unahan. May nakita akong kainan malapit sa Park. Nagtungo ako roon kasunod ang dalawang bodyguard at kumain.
Ang sarap ng pagkain nila. Sobrang nabusog kaming tatlo. Sa tuwa ko ay pati 'yung ibang kumakain roon ay binayaran ko na rin ang kanilang mga kinakain. Ang ibig kong sabihin, pinabayaran ko sa isang bodyguard. Nakisuyo ako.
Hindi naman kasi ako marunong mag-order o magbayad ng bills eh.
Malay ko ba riyan.
Nakakatuwa naman ang saya-saya nilang lahat dahil sa ginawa ko.
Pero... napahinga ako ng malalim. Medyo may kapal pa rin ang perang hawak ko. Tanghaling tapat na.
Paano ko ba ito mauubos? Tanong ko sa aking sarili.
Hindi ako pwedeng umuwi na may laman pa rin ang sobre.
Hindi nagtagal, habang nakaupo ako sa upuan malapit sa kalsada ay may nakita akong mag-ina na nanlilimos sa may hindi kalayuan.
Hindi ko mapigilan ang hindi maawa sa kanila. Mukhang wala pa silang kain at wala rin silang bahay na mauuwian.
Tinawag ko ang isang bodyguard at nakisuyo sa kanya na bumili ng pagkain para sa mag-ina.
Nung makabalik ito ay agad na lumapit ako sa sa mag-ina. Ibinigay sa kanila ang pagkain at inabutan na rin sila ng pera.
Sa sobrang tuwa ng kanyang ina ay hindi nito napigilan ang maiyak at niyakap ako. Hanggang sa hindi ko nalamayan na umiiyak na rin pala ako.
"Ma-Maraming salamat ho, ma'am. Hulog po kayo ng langit. Maraming-maraming salamat po." Umiiyak at paulit-ulit na pasasalamat ito.
"Pasensya na ho kayo at 'yan lang kaya kong maibigay."
"Sobrang napakalaking tulong at halaga na po ito ma'am. Salamat po talaga."
Habang kumakain sila, naisipan ko na hindi lamang sila ang nag-iisang ganoon. Alam kong marami pang katulad nila ang namamalimos para lamang mairaos ang araw-araw.
Kaya naman muling nakiusap ako sa dalawang kasama ko na maghanap kami ng mga pulubi na pwedeng maabutan ng pera at matulungan.
Ngunit pilit nila akong pinipigilan.
"Eh ma'am. Bawal na ho iyan. Ikaw naman ang huhulihin. Dahil hindi naman lahat ng pulubi ay walang kakayahang maghanap buhay. Masasanay sila at---"
"Pipiliin ko naman ang pagbibigyan ko, mga kuya. Isa pa, masama na rin ba ang tumulong sa kapwa? Hindi naman, 'di ba?" Pagdadahilan ko sa kanila.
"Kung sabagay, tama naman kayo ma'am. Pero pipiliin niyo ang pagbibigyan ninyo ha? Hindi lahat." Wika naman ng isa. Napatango ako.
Kaya ganoon nga ang ginawa namin. Namahagi ako ng pera doon sa mga walang kakayahang maghanap buhay na mga pulubi. Iyong makikita naman na hindi na nila kayang magtrabaho pa at walang-wala talaga, sa tulong ng dalawang bodyguard ko.
Ngunit meron pang naiwan na dalawang libo sa sobra. Magtatakipsilim na.
"Ah, mga kuya. Pwede bang idaan niyo muna ang sasakyan sa pwedeng maihian? Naiihi na talaga ako, bago tayo dumiretso sa pag-uwi." Pakiusap ko sa mga ito.
"Sige ma'am. Dito na lang sa Jollibee." Wika nila nung may madaanan kaming fast food chain. Iyon ang tawag ni Skyler sa restuarant na ganito ang itsura. Mabilis na bumaba ako at sinamahan naman ng isang bodyguard.
"Kuya, dito ka na lang. 'Wag mong sabihin na pati sa loob sasamahan mo ako. Isusumbong talaga kita kay Skyler. Hmp!" Pananakot ko sa kanya. Agad naman itong napakamot sa kanyang batok.
"S-Sige ho, ma'am. Hihintayin ka na lang namin."
Pagdating ko sa loob ay agad na dumiretso ako sa CR. Mabuti na lamang at walang ibang gumagamit. Kaya nailabas ko agad ang gusto kong mailabas.
Pabalik na sana ako sa sasakyan nang may biglang humarang sa akin na isang babae na medyo may katandaan na rin. May dalawang malalaking taong kasama siya na katulad ng mga bodyguard ko ay makakulay itim na suot din ang mga ito.
Akala ko papasok din siya sa CR kung saan ako lumabas nung biglang binanggit nito ang pangalan ko kaya agad akong natigilan.
"Felicia, my dear niece." Pagkatapos ay agad na niyakap ako.
Kunot noo at punong-puno ng pagtataka ang mababakas sa aking mukha nang kumalas ito sa pagyakap sa akin.
Binigyan ako nito ng isang ngiti ngunit kakaiba ang kanyang mga tingin. Para bang nakakakilabot at hindi siya mapagkakatiwalaang tao. Pati na rin ang mga kasama niya.
"I'm Marsha." Inilahad nito ang kanyang kamay ngunit hindi ko iyon tinanggap at tinignan ko lamang.
"Your real father's sister."
Naguguluhan na tinignan ko siya sa kanyang mukha.
Kapatid ng tunay kong ama?
A-Anong... anong ibig niyang sabihin?