Simula nga noon ay naging magkaibigan na sina Kenneth at Sam. Sila na ang laging magkasama sa school, dahil na rin sa hindi nga sila pinakikisamahan ng iba nilang mga kaklase. Hindi na rin binu-bully ni Ryan si Kenneth, dahil na rin siguro sa proteksiyong binibigay ni Sam sa kanya. Pero hindi naman ito tumigil sa pagpaparinig kay Kenneth.
"Kalalaking tao, nagtatago sa palda ng babae," ang sabi ni Ryan minsan. Nasa canteen sila noon at kasisimula lamang ng lunch break nila.
Nagtawanan silang magkakagrupo, pati na rin ang ibang nakakarinig, partikular na ang kanilang mga kaklase.
"Kalalaking tao, ang lakas maka-chismis. Parang babae," ganting pasaring ni Sam.
Sam grinned at Kenneth, and the latter managed to smile as well.
Natahimik naman ang ibang nandoon, habang si Ryan ay lalong nagngitngit. Hindi naman siya makaganti kasi hindi niya kayang talunin si Sam. May bala kasi ito against him. Baka ano pa ang masabi nito at baka maging mitsa pa ito ng relasyon niya sa kanyang mga magulang.
"Hayaan mo na si Ryan," ang sabi pa ni Sam kay Kenneth.
"Bakit ba parang ang lakas ng loob mong kalabanin siya?" tanong ni Kenneth sa kanya. Alam naman niya na mas mayaman si Sam kaysa kay Ryan, at BOD din nga ang daddy nito sa CPRU, kaya may advantage talaga siya kumpara kay Ryan. Pero kahit ganoon si Sam, never nitong in-impose ang katayuan niya sa buhay sa kahit na sino. Kay Ryan lang.
"Hindi na nga kasi tama ang ginagawa niya," ang sabi ni Sam. "Hindi ko matiis iyong ginagawa niyang pambu-bully sa iyo. Tsaka, alam ko naman kung bakit nagkakaganyan siya. Hindi nga lang talaga tama ang naisip niyang solusyon sa problema niya."
Na-curious naman si Kenneth sa sinabing iyon ni Sam. "Ano bang problema ni Ryan?"
"Family problem," ang tanging nasabi ni Sam.
Hindi na nangulit pa si Kenneth. Alam naman niyang hindi tsismosa si Sam para ipagsabi ang nalalaman kay Ryan, lalo na at wala naman din siyang kinalaman doon. Kaya hinayaan na lamang niyang maging palaisipan sa kanya ang inaarte ni Ryan hindi lang sa kanya, kundi maging sa ibang estudyante ng CPRU.
**************************************************************************************
Nagtuloy-tuloy ang pagiging magkaibigan nina Sam at Kenneth. At dahil nga sa sila lang dalawa ang laging magkasama, halos lahat na lang yata ng pwedeng pagkwentuhan ay napag-usapan na nila.
"Ang ganda naman niyang highlighter mo," komento ni Kenneth sa gamit na highlighter ni Sam.
May meeting ngayon ang kanilang mga teachers kaya maaga silang pinauwi. Pero imbes na umuwi na ay nagpasiya silang tumambay muna sa mga bagong gawang student lounges at gumawa ng assignment at magbasa na rin ng lessons nila.
"O di ba? Ang cute?" sang-ayon ni Sam.
Tumango si Kenneth.
Parang isang yellow na snow man ang nasabing highlighter. Ang katawan ay ang highlighter at may kulay black mula gitna pababa. Ang ulo naman ay ang takip ng highlighter. May smiling face pang naka-drawing na lalong nagpapa-cute sa highlighter.
"Bigay ito ni Dad. Galing sa mga medrep. Alam mo iyon?"
Umiling si Kenneth.
"Iyong mga nag-aalok ng mga gamot sa mga doktor sa ospital, at sa ospital na rin mismo. May mga freebies silang binibigay. Madalas ballpen. Minsan, ruler, or highlighter kagaya nito, o kung ano pang madadala nila."
"Ang hirap sigurong i-manage iyong isang ospital, ano? Ang galing ng daddy mo."
"Marami naman siyang katulong doon," ang sabi ni Sam. "Marami silang magkakaibigan na nagma-manage ng ospital. Tapos may mga empleyado din sila na kasama nila sa pagpapatakbo ng ospital... Pero, tama ka rin naman. Magaling naman talaga si Daddy."
Ngumiti si Kenneth sa pagiging proud ni Sam sa tatay niya.
"Ikaw nga pala. Anong trabaho ng tatay mo?"
"Abogado siya dati. Nung nabubuhay pa siya."
Nagulat si Sam sa narinig. "Wala na ang daddy mo?"
Tumango si Kenneth. "Grade 4 ako noong mabaril siya."
"Ambush? Oh my God!" Gilalas si Sam sa narinig.
"Si Papa kasi iyong tipo ng abogado na matino, iyong pumapanig talaga sa naaapi. Human rights lawyer siya. Pero meron din naman siyang mga clients na hindi pro bono. Iyon lang, kapag alam niyang masama talagang tao iyong kliyente, hindi siya pumapayag na hawakan iyong kaso noong taong iyon.
"Minsan merong gustong kumuha na kliyente sa kanya. Eh ayaw ni Papa kasi talaga naman daw na may kasalanan iyong lalaki. At tingin daw ni Papa masama talaga ang ugali nung kilyente at deserve niya makulong. Kaya imbes na siya ang tulungan ni Papa, iyong mga kalaban nitong mahihirap ang tinulungan niya.
"Libre ang naging serbisyo ni Papa, at naipanalo nila ang kaso. Dahil doon, nagalit iyong kliyente... Siya iyong nagpabaril kay Papa."
"Grabe naman iyon! Bakit ba may mga ganoong masasamang tao?" galit na tanong ni Sam. "Dapat sa mga iyon talaga, kinukulong."
"Nakakainis lang kasi wala kaming makitang ebidensiya na magdidiin sa lalaking iyon. Kaya hindi rin nabigyan ng katarungan iyong pagkamatay ni Papa."
"Ang Diyos ang maniningil sa kanya para sa papa mo," ang sabi ng galit pa ring si Sam.
Medyo natutuwa si Kenneth sa nakikitang reaksiyon ni Sam. Natutuwa siya na nakikisimpatiya ito sa kalagayan niya at sa nangyari sa kanyang ama.
"Kaya ba kayo lumipat dito sa Tarlac?"
Tumango si Kenneth. "Ang nangyari naman doon, iyong pamilya ni Papa, pinagtabuyan si Mama. Ayaw nila sa kanya kasi mahirap lang ang pamilyang pinaggalingan ni Mama. Pinaalis nila kami sa bahay na binili ni Papa para sa amin kasi hindi daw namin deserve iyon."
"Grabe naman sila!" Parang ibayong galit ang nadama ni Sam dahil sa kwento ni Kenneth.
"Hayaan mo na. Nangyari na naman iyon. Okay na kami ni Mama ngayon. Unti-unti na kaming nakabawi doon sa mga nangyari sa amin noon."
"Mabuti naman kung ganoon," ang sabi ni Sam. Halatang medyo kumalma na ito ng kaunti. "At least naging okay pa rin ang lahat."
Tumango si Kenneth. "Tinulungan kami noong nakababatang kapatid ni Mama, si Tito Carlos. Buti nga merong paupahang bahay doon sa tabi nila. Doon na kami nakatira ngayon tapos si Mama, nakapasok sa Melting Pot Hotel bilang housekeeper. Hayun, medyo okay naman."
Tumango si Sam.
Saglit silang natahimik. Pagkatapos ay si Kenneth naman ang nagtanong.
"Ikaw? Siguro sobrang saya ng family ninyo, ano?"
"Oo. Pero mas masaya kami noon," ang sabi ni Sam. "Kasi ngayon, nasa Manila na iyong dalawa kong kapatid. Si Kuya Raul, doon siya nagwo-work tapos si Ate Glory naman, doon siya nagme-Med School."
"Buti sa Manila pa nagtrabaho iyong kuya mo? Ayaw ba niya sa ospital ninyo?"
"Gusto daw muna niyang ma-experience iyong kung paano iyong mga ibang business. Auditor kasi iyon, eh. CPA. Baka daw meron siyang mapulot na ibang knowledge na pwede i-apply sa ospital. Pero alam mo? Sabi niya sa akin dati, balak daw nilang magtayo ng accounting firm nung best friend niya, si Kuya Benjie. Ewan ko ba kung paano nila gagawin iyon. Eh kasi si Daddy, siya ang gustong maging replacement niya after ng retirement niya. Secret nga lang daw iyon at ako lang ang nakakaalam."
"Close pala kayo ng mga kapatid mo, ano?"
"Oo. Si Kuya Raul, lagi ko siyang nakakalaro ng basketball dati. Magaling kasi iyon, eh. Player din dito sa CPRU noong high school at college siya."
"Marunong kang mag-basketball?" Namangha si Kenneth sa narinig.
"Oo naman! Gusto mo, laban pa tayo minsan, eh."
"Huh?"
"Alam ko na! Sumama ka kaya sa amin ngayon? Tutal maaga pa naman." Tiningnan ni Sam ang kanyang wristwatch. "Three thirty pa lang, o! Pwede pa tayong maglaro sa may clubhouse namin sa Moonville."
"Eh, pero..."
"Sige na! Friday naman ngayon kaya okay lang na gabihin ka umuwi, di ba? Tsaka ipapahatid na lang kita sa driver namin pagkatapos."
Gusto pa sanang tumutol ni Kenneth, pero na-curious na rin siya kung paano nga ba ang bahay nina Sam. Actually, na-curious siya kung paano nga ba sa Moonville. Sikat ang subdivision na iyon dahil puro mayayaman daw ang nakatira doon.
Sa huli ay nakumbinsi na rin siya ni Sam na sumama sa kanila. Pagdating ng driver nila na maaga ding sumundo kay Sam dahil nga sa maagang dismissal, tumungo na silang dalawa sa Moon Village.