ππ©π° πͺπ΄ πΊπ°πΆπ³ π€π³πΆπ΄π©?
Iyon ang tanong sa slum book na kasalukuyang sinasagutan ngayon ni Kenneth. Galing ito sa isa sa mga bago nilang mga kaklase, si Mia. Isa siya sa mga kaklase nilang napakiusapan nito upang i-fill up ang slum book nito.
Totoo nga ang sinabi noon ni Sam na karamihan sa mga kaklase nila ay hindi naman talaga pang-section 1. Kaya hayun. Ngayong second year na sila, halos napalitan na ang lahat ng kanilang mga kaklase. Karamihan sa mga matatapobre at maaarte nilang kaklase noon first year, nailipat na sa ibang section. Kaya halos bago na lahat ang mga kaklase nila.
Maliban na lamang kay Ryan Arcilla. Ewan pero bukod-tanging ito lamang sa kanilang magkakagrupo ang hindi nalipat sa ibang section. Nakakapagtaka nga, kasi nakayanan nitong i-maintain ang grade na pang-section 1 kahit puro kalokohan naman ang ginagawa nito. Hindi siya nalaglag kahit puro pambu-bully naman ang inaatupag nito.
Pero dahil bago na nga ang kanilang mga kaklase, hindi na rin masyadong nabu-bully si Kenneth. Mas mababait na sila ngayon sa kanya at para ngang isa siya sa mga tinitingala sa klase nila. Siguro kasi na-establish na niya ang reputatin niya bilang isang star player ng basketball team. Katunayan ay nakaabot nga ang team nila sa Regional Level. Kinapos nga lang sila kasi sobrang gagaling lang talaga ng ibang schools na kalaban nila.
Kaya naman hindi na loser at dakilang isko ang tingin sa kanya ng karamihan. Maging si Ryan Arcilla ay nag-lie low na rin sa pambu-bully sa kanya. Nagsimula ito noong idamay niya si Sam sa pambu-bully nito. Kinausap daw ni Don Baste ang tatay nitong si Jomari Arcilla. At simula noon ay hindi na nito sinubukan pang guluhin si Sam.
Maging ang pambu-bully nito kay Kenneth ay dumalang na rin. Meron pa ring parinig minsan, pero hindi na ito nagpa-prank katulad ng dati. Actually, parang iyong overall na pagiging bully nga ni Ryan ay natigil. Na pabor naman para kay Kenneth. Sa totoo lang, ngayon ay nagsisimula na niyang maramdaman na belong talaga siya sa klase na iyon.
At dahil bagong kaklase nga, getting to know pa sila ng kanyang mga kaklase. At isa sa mga paraan para magkakila-kilala sila ay ang slum book. Hindi naman si Kenneth ang pinakaunang nag-fill up noon, pero hindi naman niya matignan kung ano iyong sinulat nung iba niyang mga kaklase kasi bantay-sarado si Mia sa kanyang slum book.
"Sino kaya ang crush ni Kenneth Oliveros?" tanong pa nito.
Napatingin si Kenneth dito. Nakangiti si Mia at halatang nanunukso. Pero hindi naman apektado si Kenneth. Eh kasi, wala naman siyang maisip na crush niya.
"Huwag kang mag-alala. Wala namang makakaalam," ang sabi pa ni Mia. "Babantayan ko din naman iyong iba kapag nag-fill up na sila nitong slum book ko."
Nuling napatingin si Kenneth sa slum book. ππ©π° πͺπ΄ πΊπ°πΆπ³ π€π³πΆπ΄π©? Sino nga ba ang crush niya?
"Sige na. Tayong dalawa lang ang nakakaalam," pagpupumilit pa ni Mia.
Hindi naman mahirap kausap si Kenneth. Kung meron naman talaga siyang crush, hindi siya mangingiming isulat ito doon lalo na at alam niya kung paano kahigpit si Mia sa slum book na iyon. Talagang walang ibang nakakakita kundi siya lang.
Ang kaso, wala nga kasi siyang maisip na ilagay doon.
"Wala akong crush, eh," ang sabi pa niya kay Mia.
"Imposible naman!" ang sabi ng babaeng kaklase. "Kahit isang babae lang, hindi ka nagkagusto?"
Sasagutin sana iyon ni Kenneth, pero medyo nahiya na siya. Para kasing ayaw talagang maniwala ni Mia na wala siyang crush.
"Wala ba iyong babae na sobra kang nagagandahan? Iyong kapag nakita mo, lagi mong gustong titigan? Iyong para sa iyo, siya ang dream girl mo, ganoon?"
Napaisip si Kenneth... Wala siyang maisip na ilalagay doon.
"Hindi naman kasi ako tumitingin sa panlabas na anyo lang," paliwanag niya.
Na totoo naman. Para kasi sa kanya, basta mabait sa kanya ang isang tao, mabait na rin siya dito. Wala nang kaso kung hindi man ito kagandahang babae o lalaki sa pamantayan na itinalaga ng mga tao.
"Grabe naman ito," komento ni Mia. "Eh siyempre, alam mo naman siguro kung ano ang maganda, hindi ba? So kapag nakakakita ka ng maganda, siguro naman naa-appreciate mo rin iyong babaeng iyon, 'di ba?"
Oo naman. Alam naman ni Kenneth kung ano ang maganda at hindi. At alam naman niyang i-appreciate ang mga magaganda.
"Kaya, sino ba sa tingin mo iyong pinakamagandang babae dito sa klase?"
Napatingin si Kenneth sa mga kaklaseng babae. Para sa kanya, magaganda naman lahat sila. Hindi naman nga niya hinuhusgahan ang isang babae base sa panlabas na anyo. Kaya para sa kanya ay magaganda lahat ng mga babaeng kaklase nila.
Isa pa ay parang pare-pareho lang naman ang itsura ng mga ito. Pare-pareho ang datingan kumbaga. Pare-pareho sila manamit, iyong uso sa panahon nila. Iyong mga haistyles din nila, pare-pareho. Parang iyong mga nakikita niya sa mga artista kapag nanonood siya ng TV.
Isa lang naman sa mga kaklase niya ang naiiba. Si Sam. Hindi tulad kasi ng mga kaklase niyang babae, wala itong pakialam sa itsura nito. Wala lang dito kahit pa nga hindi cool and fashionable ang ayos nito lalo na kung hindi sila naka-uniform. Basta nakakapag-aral ito, okay lang kahit anong outfit o ayos ng buhok.
At kung tutuusin, may itsura din naman si Sam. Hindi lang may itsura. Maganda ito. Kamukha nga ito ng mommy niya, at parang mas gumanda pa ito dahil nahaluan siguro ng genes ng daddy nito. Kasi yong mukha ng mommy niya, nakuha ni Sam. Pero iyong ilong at bibig ni Don Baste, kuha niya at ang ganda ng kombinasyon sa mukha nito.
Biglang parang binuhusan ng malamig na tubig si Kenneth. Teka lang. Bakit bigla na lamang niyang naisip ang bagay na iyon? Bakit bigla na lamang siyang naging aware sa gandang taglay ng best friend niya? For the first time, nakita niya ito hindi bilang best friend, kundi isang babae na pwede niyang magustuhan.
"Wala talaga akong crush," ang sabi na lamang niya sabay balik kay Mia noong slum book.
"Ganoon?" Medyo disappointed si Mia sa nangyari. "O, pero paki-fill up naman nung dedication page."
Tumalima naman si Kenneth at nag-isip siya ng maikling mensahe para kay Mia.
Pero dahil sa nangyari ay nagkaroon na ng ibang perspektibo si Kenneth sa kaibigan niyang si Sam. Simula noon ay may iba na itong nakikita sa kanya. O kaya naman, mas tamang sabihin na mas naa-appreciate na niya ito physically. At sa mga pagkakataong magkasama sila ay hindi niya maiwasang suriin ang itsura nito.
At dahil doon, nagsimula nang mailang si Kenneth sa presensiya ni Sam. Kapag kasama niya ito ay kinakabahan siyang baka mabasa nito ang iniisip niya, at malaman nitong nagagandahan siya dito, na lihim niyang minamasdan ang mukha nito.
Pero hindi rin naman niya magawang iwasan ito para nga sana matigil na ang kung ano mang nararamdaman niya para dito. Kasi kapag hindi niya ito kasama, bigla niya itong nami-miss. Nalulungkot siya kapag hapon na kasi uuwi na sila sa mga bahay nila.
Nagpatuloy ang lihim na nararamdaman ni Kenneth ng hindi niya ina-acknowledge na crush na nga iyon. Na crush na nga niya si Sam. Hanggang isang hapon ay mapag-usapan nilang magkaka-team ang tungkol sa pagkakaroon ng crush.
"Aminin mo na kasi, Pare. Crush mo talaga si Daisy," ang sabi ng teammate nilang si Erickson.
Nasa may basketball court sila noon at kasalukuyang naghihintay sa pagdating ng kanilang coach. Si Erickson at ang isa pa nilang teammate na si Michael ay kanina pa nagtutuksuhan.
"Pare, hindi ko siya crush," ang sabi ni Michael. "Ang sabi ko lang, maganda siya."
"Hindi ba ganoon na rin iyon? Iyong kapag nagagandahan ka sa isang babae, ibig sabihin crush mo siya," pagpipilit ni Erickson.
"Pwede namang magandahan ka sa isang babae kahit hindi mo siya crush," ang sabi naman ni Michael.
"Hindi ah!" Biglang si Kenneth naman ang binalingan ni Erickson. "Hindi ba, Ken? When you find someone beautiful, it means she's your crush."
Natigilan si Kenneth. Ano nga ba ang isasagot niya doon?
"You can say that a girl is beautiful without having a crush on her," ang sabi ni Michael. "Kung ganoon ang basis mo for a crush, eh di lahat ng maganda para sa iyo, crush mo na?"
May punto nga naman si Michael. Hindi naman porke maganda, eh crush mo na nga naman.
"Ganoon ba iyon?" tanong ni Erickson na parang napaisip pa. "Eh kasi ako, kapag nagandahan ako, crush ko na."
"Kaya ang dami mong crush, eh," ang sabi ni Michael.
Nagtawanan ang dalawang magka-team.
"Eh, ikaw ba, Kenneth? Sino ang crush mo?" biglang tanong ni Erickson.
Biglang kinabahan si Kenneth. The moment kasi na tinanong siya ni Erickson, isa lang ang taong sumagi sa isipan niya.
Si Sam.
"Eh kasi itong si Michael, hindi daw si Daisy Heart eh. Kilala mo iyon? Iyong maganda sa cheering squad?" ang sabi ni Erickson.
"Ikaw yata ang may crush doon, eh," ang sabi ni Michael sa kasama. "Kaya pinipilit mong aminin ko kasi crush mo siya."
"Hindi, ah! Hindi ko crush iyon," ani Erickson. "Ang perfect kasi noon, eh. Alam mo iyon?"
"Well, she's a Rufino to begin with," ang sabi ni Michael. "Doon pa lang, quota na. Tapos tatay pa niya si Billy Severino."
"Oo nga, ano? Ang hirap siguro ligawan noon. Rockstar ang tatay, eh."
"Daming bodyguards nun. Pero discreet lang. Akala mo mga estudyante din pero mga bantay pala niya iyon."
"Talaga? Kaya pala hindi maligawan kahit maganda."
"Kaya huwag mo na pangarapin. Baka mamaya sa kangkungan pa pulutin, P're."
"Tama ka diyan. Mahal ko pa ang buhay ko, P're."
Nagpatuloy ang tuksuhan ng dalawa. Si Kennenth naman ay tahimik lang na nanonood sa kanila. Pero deep inside him, isang realisasyon ang nabuo sa kanyang isipan.
Oo nga siguro. Mukhang crush na nga niya ang best friend niya.