Chapter 19 - Chapter 19

Puberty came to Sam when she was 12 years old. Third year high school na siya noon, dahil nga sa na-accelerate siya ng dalawang taon. Her physical changes came rather instantly, but the emotional changes came later that year.

It was triggered during their overnight camping ng COCC initiation nila. Nang tumalon siya sa pool, si David Duchovny ang isinigaw niya, dahil siya naman talaga ang crush niya dahil sa palabas niyang The X-Files. Wala namang masamang reaksiyon ang kung sino man sa ginawa niya, dahil may ibang mga trainees din naman na artista ang isinigaw na crush.

Pagkatapos ng diving session ng mga trainees, ay pool party na. Free nang mag-swimming party ang mga trainees at officers, at dahil doon ay naka-mingle na niya ang ibang mga trainees.

May mga naging ka-close din naman si Sam sa mga co-trainees niya. Kabilang na nga doon sina Mia at Shane. Kaklase niya ang dalawa, at magkakapareho silang taga-Cowboy platoon. Mag-best friend ang dalawa, at simula nang mag-COCC sila ay inampon na siya ng dalawa sa kanilang friendship dahil nga sa hindi niya nakakasama ang mga kaibigan niyang sina Kenneth at Ryan sa training.

"Sam, si David Duchovy lang ba talaga ang crush mo?" tanong sa kanya ni Mia habang nakaupo sila sa hagdan pababa ng swimming pool.

"Oo. Bakit mo naman naitanong?" tanong niya dito.

"As in wala ka talagang crush na hindi artista?"

Napaisip si Sam. "Wala."

"So… hindi mo crush si Kenneth?"

Naalala ni Sam na si Kenneth pala ang crush ni Mia.

"Best friend ko iyon, eh. Paano kong magiging crush?" ang sabi naman ni Sam.

"Naiinggit kasi sa iyo iyan, Sam," ang sabi naman ni Shane. "Matagal na siyang may crush kay Kenneth, pero hindi makalapit kasi nahihiya. Tapos ikaw, super close kayong dalawa."

"Uy! Ikaw nga rin may crush kay Ryan, eh," ganti naman ni Mia kay Shane.

"Bakit? He's a changed man na kaya," pagtatanggol naman ni Shane sa kanyang crush. "Nagbago siya dahil dito sa training."

"Pero bago pa nitong training, kahit nung bully pa siya, crush mo na siya, 'di ba?" tanong ni Mia kay Shane.

"Eh cute naman talaga si Ryan, ah!" ang sabi ni Shane. "Tignan mo kaya."

"Cute din naman si Kenneth," ang sabi naman ni Mia.

"Crush mo lang siya kaya nasasabi mo iyan."

"Ikaw din naman, eh. Kung makatanggol ka kay Ryan, obvious na may crush ka sa kanya."

Nagpatuloy pa sa pagtutuksuhan ang dalawang magkaibigan habang nanonood lamang si Sam. At habang nanonood ay napapaisip siya sa mga sinasabi nina Mia at Shane tungkol sa dalawa niyang kaibigan. Napapaisip tuloy siya kung bakit nga ba nagkagusto sina Mia at Shane kina Kenneth at Ryan.

Siya iyong tao na wala masyadong pakialam sa itsura ng isang lalaki… Well, thinking about it, siguro kasi hindi pa naman nagkaroon ng chance si Sam na magkagusto sa isang lalaki dahil sa itsura nito. Actually, hindi pa nga siya nagkakaroon ng pagkakataon na magkagusto sa isang lalaki. Kaya wala sa kanya kung gwapo ang isang lalaki o hindi.

Paano mo nga ba masasabi na gwapo ang isang lalaki? Kapag ba maganda ang mga mata nito? Kapag matangos ang ilong? Kapag kulay pink ang mga labi nito? Kapag maganda at pantay-pantay ang mga ngipin nito? Kapag hindi siya mataba, kapag matangkad ito, kapag mukhang well-groomed ang buhok nito?

Kung iyon ang pagbabasehan, masasabi nga ni Sam na gwapo ang mga kaibigan niya. Ryan, for instance. He has a pretty face. Mestisuhin ang datingan ni Ryan. Well, ang alam kasi niyang mistesuhin ay iyong mukhang may dugong foreigner. Iyong matangos ang ilong kasi usually sa mga Pilipino ay hindi katangusan ang ilong. Maputi din ito, pero hindi naman iyong mukhang babae na sa pagkaputi. Typical na panlalaking puti lang.

Matangkad din si Ryan. Laging maayos ang gupit ng buhok… Well, ngayon na lang na naging COCC sila kasi noong araw, noong bully pa ito ay wala itong pakialam sa buhok nito. Hindi nga siguro ito mahaba dahil siguradong hindi papayagan iyon ng daddy niya, pero hindi ito tulad ng iba nilang mga kaklase na naka-gel o pomada pa kapag papasok sa school.

Ito namang si Kenneth, maganda din ang mukha, though he's more on the moreno side as compared to Ryan. Mas matangkad din siya kaysa kay Ryan, at parang mas maganda ang built dahil na rin siguro sa pagiging basketball player nito.

"Pero Sam, hindi ka ba talaga nagkagusto kahit kailan doon sa dalawa mong friends?"

Napatingin si Sam kay Mia. Bigla siyang kinabahan kasi medyo gumala ng may kalayuan ang utak niya. Mga hanggang sa kabilang resort kung saan naroon ang mga kaibigan niya.

"Oo nga," sang-ayon ni Shane sa tanong ni Mia. "Lalo na kay Kenneth. Kasi di ba, mula noong first year tayo, kayo lang talaga lagi ang magkasama? Nitong huli na nga lang sumasama sa inyo si Ryan."

"Wala namang ganoon," ang sabi niya sa dalawa. "Kaibigan ko lang talaga sila."

"Talaga? As in hindi ka nagkagusto kay Kenneth?" muling tanong ni Mia.

"Uy! Naniniguro," tudyo naman ni Shane sa kaibigan.

"Siyempre, gusto ko lang malaman kung may pag-asa ba ako kay Kenneth," ang sabi ni Mia. "Si Sam ba naman ang kalaban ko."

"Ano namang ibig mong sabihin doon?"

"Hello! Ikaw kaya si Samantha de Vera," sagot ni Shane. "Nasa iyo na ang lahat. Ano pa bang panama ng mga tulad namin sa iyo?"

"Oo nga," sang-ayon naman ni Mia. "Alam mo, kahit hindi ka nag-aayos, kahit pa nga maikli iyang buhok mo, kahit na pantalon at T-shirt lang ang suot mo, ang ganda mo pa rin. Kasi maganda talaga ang mukha mo."

First time na masabihang maganda ni Sam – well, except for her parents and her Ninong Vic – kaya hindi niya alam kung paano magre-react sa ganoong papuri. Pero inaamin niyang sumaya ang kalooban niya sa sinabi ni Mia.

"Siguro kung si Sam, ano? Kung magiging tulad lang siya ni Virginia, siguradong kabi-kabilaan ang manliligaw sa kanya," ang sabi ni Shane. Si Viriginia ang muse nila sa klase. Siya iyong typical na maganda – maputi, matangos ang ilong, mahaba ang buhok, matangkad, at magandang magbihis at mag-ayos ng mukha at buhok.

"Ay, sigurado iyon," ang sabi ni Mia.

Medyo nailang ng konti si Sam sa tinatakbo ng usapan. "Ano bang sinasabi ninyo? Hindi ako magiging ganoon, ano? Tsaka, kaibigan ko lang talaga sina Kenneth at Ryan. Kung gusto n'yo sila, eh di sa inyo na sila."

"Hindi mo ba kami tutulungan?" tanong naman ni Shane sa kanya.

"Para namang ang pangit kung kayo ang manliligaw sa kanila, hindi ba?" tanong ni Sam sa dalawa.

Sumang-ayon naman sina Mia at Shane dahil dalagang Pilipina pa rin ang pananaw nila pagdating sa panliligaw at pakikipag-relasyon.

Hindi naman totally na-confuse si Sam sa feelings niya after that swimming party. Iyon nga lang, pagpasok nila sa Monday ay hindi niya maiwasan ang sarili na suriin ang kanyang mga kaibigan at kilatisin kung bakit nga ba nagkagusto sina Mia at Shane sa dalawa. Oo nga at kabisado na niya ang mga ito physically, pero hindi pa rin niya maiwasang kumpirmahin ang mga observation niya na maaaring naging dahilan para magkagusto sa kanila sina Mia at Shane.

Ryan is the easiest to confirm. Siya kasi iyong kapag nakita mo pa lang, obvious na gwapo talaga. Stand out kumbaga. Siguro dahil na rin sa cool guy image nito. At dahil na rin sa pagiging madaldal nito kaya kuha kaagad nito ang atensiyon ng kung sino man.

Si Kenneth naman, siya yung tipo na habang tumatagal ay mas gusto mong tinititigan. Parang habang tumatagal at nakakausap mo siya, lalo kang naaakit ng kung anumang charm na meron ito. Though, at first glance ay gwapo na talaga ito, pero lalo itong gumagwapo habang nakakausap mo siya. Siguro kasi, dahil masarap itong kausap. Matalino kasi ito, magalang sumagot at halata mong mabuti itong tao sa paraan ng pagsasalita nito. Inside out, kumbaga, ang charm nito.

Pero bukod doon, maganda kasi ang mga mata ni Kenneth. Parang kapag lalo mo silang tinititigan ay lalo silang gumaganda. Sam likes it more when he smiles, and more so, when he laughs. His eyes dances and they twinkle with mirth.

At doon na nagsimula ang kakaibang nararamdaman ni Sam. Dahil kapag nakikita niya si Kenneth, lagi na lang ay naiisip niya na makikita niya ang gwapo nitong mukha, na masisilayan niya ang maganda nitong mga mata, hanggang sa napunta na siya sa katotohanang nag-e-enjoy siya sa company nito, na gustong-gusto niya kapag nakakausap ito, na natutuwa siya kapag masaya ito.

Hanggang sa dumating doon sa point na kapag nandiyan na si Kenneth ay kinakabahan na siya, iyong kapag hindi niya ito kasama, naiisip niya ito. Na hindi naman nangyayari kasi kahit sa training, halos magkasama pa rin silang dalawa. Hindi nga malaman ni Sam kung bakit nagkataon pa na pagkatapos noong swimming party ay lagi nang pinagpapareha sila ni Kenneth sa task. Lagi na lang na kapag may inuutos sa kanya, laging pinapasama si Kenneth. Ganoon din naman kapag si Kenneth ang inutusan. Pasasamahin din siya kaagad.

Dahil doon ay lalo siyang nailang. To the point na naisipan niyang iwasan na ito. Pero siyempre, hindi naman pwede kasi nga kaklase niya ito at kaibigan pa. Kaya ang tanging ginagawa ni Sam ay manahimik na lamang at hindi na muna makisama sa biruan nina Kenneth at Ryan.

Na kalaunan ay napansin na rin ni Kenneth. Si Ryan siguro, hindi masyado kasi bago pa lamang nila itong nagiging kaibigan. Pero si Kenneth, nahalata na niya ang pag-iwas ni Sam sa kanila. At hindi niya gusto iyon. Nag-aalala nga siya kung bakit ganoon ang inaarte ni Sam, at kaagad niyang naisip na ayusin ang kung anumang problema nito.