Ang hindi alam ni Sam, nakatago lang pala si Kenneth sa isang sulok. Nang makitang umalis na ang kanilang sasakyan ay saka ito lumabas. Muli itong pumasok sa CPRU high school campus, at dumiretso siya sa may comfort room.
Nagulat si Ryan nang makita niyang pumasok ng female comfort room si Kenneth Oliveros. Tumayo ito sa may harapan niya, at saka tumingin sa kanya na parang may gusto itong sabihin.
"Uy…! Sinabi ko na nga ba, eh! Sa female CR ka umiihi, ano?" Tsaka siya tumawa.
Naiinis na inilapag ni Kenneth ang kanyang bag sa may lababo, tsaka siya kumuha ng mop at timba.
"Hoy, anong ginagawa mo?" tanong ni Ryan dito.
"Maglilinis ng banyo," walang anumang sagot ni Kenneth na nagsimula na sa ginagawa.
"Bakit mo naman gagawin iyan?" Tsaka ngumisi si Ryan. "Naparusahan ka rin, ano? Wow! So the officers' favorite is not perfect after all! Sinabi ko na nga ba, eh! Hindi ka talaga ganoon kagaling."
"Alam ko kung bakit hindi mo natapos iyong pinapagawa sa iyo ng mga officers," ang sabi ni Kenneth na patuloy lang sa pagma-mop ng sahig. "Naiintindihan ko rin naman kung bakit inis na inis sa iyo ang mga officers natin. Kahit ako rin naman nakaranas ng pambu-bully mo."
Natahimik si Ryan sa sinabi nito.
"Pero hindi rin naman tama na iparanas nila sa iyo lahat ng ito nang dahil lang sa bully ka. Hindi rin naman fair iyon. Hindi iyon ang tamang paraan para pagbayaran mo ang mga nagawa mong pambu-bully sa ibang mga estudyante."
"You don't have the right to educate me, Kenneth Oliveros."
Tumigil si Kenneth sa ginagawa upang harapin ito. "Wala naman akong gustong ituro sa iyo. Hindi rin naman ako perpekto kaya wala ako sa posisyon na turuan ka. Pero karapatan ko rin na tulungan ka sa ginagawa mo ngayon dito."
"I don't need your sympathy."
"Huwag ka nang kumontra," ang sabi naman ni Kenneth. "Hindi mo ba naaalala iyong lagi nilang tinuturo sa atin? Unity and camaraderie. Hindi ka tatagal sa training na ito kung mag-isa ka lang. Darating ang pagkakataon na kakailanganin mo ang tulong ng ibang trainee na katulad mo."
"Hindi ba mas pabor sa iyo iyon? Kapag nalaglag ako sa training, hindi ako magiging officer."
"Hindi ko gugustuhing mangyari iyon," ang sabi ni Kenneth. "Alam kong magaling ka, Ryan. Kapag nagte-training tayo, kaagad mong natututunan ang mga commands na itinuturo sa atin. Sayang kung hindi mo iyon mai-impart sa mga susunod na trainees. Tingin ko rin may leadership skill ka. Kaya kung hindi ka man maging platoon leader, pwede ka naman sigurong maging company leader at humawak ng mga CAT privates."
Hindi nakasagot si Ryan. Sa totoo lang, hindi niya kailan man inisip kung ano nga ba ang mangyayari sa kanya sa training na iyon. Basta ang alam lang niya, ayaw niyang hindi maging officer next year. Kahit anong position man ang mapunta sa kaniya, okay lang. Kaya hindi niya naisip na maging isang platoon leader o kaya company commander.
Si Kenneth naman ay nagpatuloy na sa paglilinis. Hindi na niya hinintay pa kung ano man ang magiging reaksiyon ni Ryan dahil na rin sa marami pa silang kailangang linisin.
"Gusto mo bang maging Corps Commander?"
Napatingin si Kenneth kay Ryan. "Kung papalarin," ang sabi niya, tapos ay muli na siyang bumalik sa paglilinis. "Wala naman sigurong masama kung iyon ang i-aim ko, hindi ba? Lahat naman may karapatang maging Corps Commander."
"Then, you have to beat me first because I will be the Corps Commander of our batch."
Napatingin si Kenneth kay Ryan. Wala na ang mayabang na dating nito, pero nandoon iyong confidence sa mga mata nito dahil sa sinabi kanina. Napangiti si Kenneth.
"Aba! Hindi kita uurungan, ah! May the best man win na lang."
Ryan smirked. "That would be me."
Hindi na iyon sinagot pa ni Kenneth. Nagpatuloy na rin sa paglilinis si Ryan, and from that day, he knew that Kenneth Oliveros will be a great Corps Commander of their batch.
At simula rin noon ay naging magkaibigan na sina Kenneth at Ryan. Lagi na ay nagtutulungan ang mga ito sa training, pati na rin sa mga task na binibigay sa kanila ng kanilang mga officers. Dahil doon ay lalo silang umangat sa training, at lalong gumanda ang image nila sa kanilang mga officers.
Maging si Ryan ay naging okay na rin sa mga officers. Nagsimula na ring mapansin ang galing nito sa training at kasipagan sa mga task. Hindi pa rin tumitigil ang mga officers sa pagpapahirap sa kanya pero nalalampasan na niya ang lahat ng ito sa tulong na rin ni Kenneth. Dahil din doon ay lalong na-impress ang mga officers sa leadership skills at sense of unity ni Kenneth.
Nagulat na nga lang si Sam nang biglang sumama sa kanila ni Kenneth na mag-lunch si Ryan. Basta naupo na lamang ito kasama nila at walang-anumang nagsimulang kumain.
"Anong ginagawa mo dito?" tanong ni Sam sa kanya.
"Kakain ng lunch," walang-anumang sagot ni Ryan na nagsimula nang kumain.
Nagulat si Sam sa sinabi nito, kaya naman napatingin siya sa katabing si Kenneth. Pero patuloy din lang sa pagkain ang kanyang best friend.
"May nangyayari ba dito na hindi ko alam?" tanong ulit ni Sam.
"Kumain ka na rin lang kasi," ang sabi ni Ryan.
Kay Kenneth ulit napatingin si Sam. Nginitian naman siya ni Kenneth na patuloy lang sa pagkain.
Kalaunan ay nasanay na rin si Sam sa presensiya ni Ryan sa kanilang barkada. At kung dati ay silang dalawa lang ni Kenneth ang laging magkasama, nasali na sa kanilang dalawa si Ryan Arcilla. Tuluyan na ring nabago ang image nito mula sa pagiging resident bully na naging model student na.
*********************************************************************************************************
Sa ikaapat na buwan ng kanilang training ay may initiation rite na ginagawa ang mga officers. Ito iyong intense training kung saan masasala ang mga pwede pang magpatuloy sa training. Kasama na rin doon ang naging performance nila sa nakaraang mga buwan, sa training pati na sa mga task na ibinigay sa kanila.
Pagkatapos ng training ay isang overnight camping ang gaganapin sa isang resort para na rin i-celebrate ang mga pumasa sa initiation. Pagkatapos kasi noon ay selection na ang magiging training. Ibig sabihin noon, ang magiging performance nila moving forward ang magiging basehan kung anong ranggo ang makukuha nila sa pagtatapos ng training nila as COCC cadets.
Sa gabi nga ay may pa-swimming party, kung saan magda-dive isa-isa ang mga trainees at isisigaw ang pangalan ng mga crush nila. Katuwaan lang naman iyon at wala namang makakalabas sa resort na iyon ng kung anumang sasabihin ng mga trainees.
Nauna si Ryan na tumalon dahil sobrang natatakot si Kenneth. Hindi siya natatakot na mag-dive dahil magaling siyang lumangoy. Iyon nga lang, natatakot siyang isigaw kung sino ang crush niya. Parang hindi niya kayang isigaw sa mundo na si Samantha de Vera ang babaeng nagugustuhan niya.
Isang officer ang pangalang binanggit ni Ryan. Palakpakan at hiyawan ang lahat ng naroon, dahil na rin sa sobrang lakas ng pagkakasigaw nito. Mabuti nga at sa ibang resort nagpunta ang mga girls kaya hindi narinig ng nasabing officer ang pagsigaw ni Ryan sa pangalan niya.
Ilang mga cadets pa ang sumunod. Sobrang kinakabahan na talaga si Kenneth. Pasimpleng nagpahuli talaga siya kasi nga sobra siyang kinakabahan. Ewan. Lahat naman ng mga kasama niya doon ay ganoon ang ginawa. Hindi niya alam kung bakit siya ay takot na takot na sabihin ang crush niya.
Siguro kasi, napaka-unconventional ng choice niya. Hindi naman kasi si Sam iyong tipo ng crush ng bayan. Kasi nga, may pagka-tomboy itong kumilos. Pero nagawa pa rin niyang magkagusto dito. Ibig sabihin lang nito, iba ang dahilan ng pagkagusto niya dito.
Pero wala rin naman siyang magagawa dahil lahat nga sila ay ginawa na iyon. Oo at kakayanin naman niya ang parusang nakalaan kung hindi siya susunod, pero paano naman ang pakikisama niya sa iba? Kaya kahit nahihiya, pikit mata na lamang siyang nag-dive sa pool habang sinisigaw ang babaeng itinatangi niya.
"Samantha de Vera!"
Si Ryan ang tumulong sa kanyang umakyat sa pool handrail.
"Si Sam ang crush mo?"
Napatingin si Kenneth sa mga naroon. Lahat sila ay parang hinihintay ang kumpirmasyon niya. Wala siyang nagawa kundi ang tumango na lamang upang aminin ang totoo.
Narining na lamang niya ang pangangantiyaw sa kanya ng kanyang mga officers, pati na rin ng mga kasama niyang cadets. Lalo siyang nahiya dahil doon, pero hinayaan na rin lang niya dahil wala rin naman siyang magagawa kung patuloy siyang tuksuhin ng mga ito. Siya rin naman ang umamin kaya siya ang dapat sisihin kung may mangyari mang hindi niya magustuhan.
Simula nga noon ay nagpatuloy ang panunukso sa kanya ng mga officers. Hindi man nila ipinagkalat ang pag-amin niya, lagi naman siyang tinutulak kay Sam ng mga ito. Minsan ay uutusan siya ng mga ito kasama si Sam. Madalas na sila ang pinagpapareha sa paggawa ng mga tasks. Obvious na nga na pinagpapareha siya ng mga ito, na sobrang kinahihiya ni Kenneth. Mabuti na lang at hindi ito napapansin ni Sam.
Minsan ay kinausap siya ni Ryan tungkol doon.
"Eh kung ligawan mo na talaga si Sam?"
Napatingin siya dito. "Bakit mo naman nasabi iyon?"
"Eh gusto mo naman siya, 'di ba? Tapos gusto ka rin naman niya."
Kumabog ang dibdib ni Kenneth sa sinabi ni Ryan. Gusto din siya ni Sam?
"Ang ibig kong sabihin, she likes you. She doesn't hate you. Alam mo iyon?"
Nawala ang kung anumang excitement na naramdaman ni Kenneth kanina.
"Kaya may chance talaga na maging kayo."
"Hindi kami bagay noon…" Nalungkot siyang bigla.
"Bakit naman?" tanong sa kanya ni Ryan.
"Alam mo naman, 'di ba? Si Sam, isa siyang de Vera. Sobrang yaman ng pamilya nila. Paano naman ako papantay sa isang tulad niya?"
"Hindi mo naman kailangang pumantay sa kanya," ang sabi ni Ryan. "Marunong ka rin namang mangarap, 'di ba? Gusto mo ngang maging Corps Commander, hindi ba? O di pangarapan mo rin na balang araw, maging magkapantay din kayo ni Sam."
Sana nga ganoon lang kadali ang lahat. Sana lahat ng pangarap natutupad. Pero alam naman ni Kenneth na may mga pangarap na imposibleng matupad. May mga pangarap na mananatili na lamang na isang pangarap. At si Sam… Isa siya sa mga pangarap na iyon.