Hindi naman iyon ang first time ni Kenneth na makapunta sa isang subdivision na pangmayaman, dahil noong nabubuhay pa ang kanyang ama ay sa ganoon din naman sila nakatira. Pero iba pala talaga ang Moon Village. Ibang level ang mga bahay dito. Hindi basta-basta. Iyong isa nga na nadaanan nila, parang singlawak yata ng solar nito ang building sa CPRU. Sobrang luwang talaga nung lote ng bahay na iyon.
Hindi rin naman pahuhuli ang bahay nina Sam. Tatlong palapag ang mansiyon nila na nagmukhang mas grandeyoso dahil sa disenyo nitong Mediterranean architecture.
"Sina Lolo ang nagpagawa nitong house na ito. Kaya ganyan iyong design, parang sa mga Spanish houses dati. Look- alike daw nung ancestral house namin sa Nueva Ecija," paliwanag ni Sam.
"Taga-Nueva Ecija talaga kayo?" tanong ni Kenneth.
"Sina Lolo, pero si Daddy dito na daw lumaki. Mas malapit daw kasi sa mga negosyo nina Lolo. Kaysa naman malayo siya sa pamilya dahil sa trabaho, nagpagawa na lang daw siya ng bahay dito, at dinala na lang ang buong pamilya sa Tarlac."
Pagpasok ni Kenneth sa loob ng bahay nina Sam ay nagsumigaw kaagad sa kanya ang karangyaan. Sabagay, sa may front garden pa lang ay sinalubong na siya ng napakagandang landscape at driveway. Pero kahit ano pa man yata ang makita niya sa bahay ng mga de Vera, hinding-hindi mauubos ang pagkamangha niya.
"Mom!" tawag ni Sam sa buong bahay. "Mom! I'm home!"
Lumakad ito papasok sa kung saan sa bahay nila. Naiwan naman si Kenneth sa receiving area ng malaking mansiyon. Isa lamang iyong maluwang na silid na walang furniture maliban sa mga console cabinets na nakadikit sa mga dingding.
Ilang sandali pa ay nadinig na ulit niya ang boses ni Sam.
"Maglalaro lang kami ng basketball sa may clubhouse, Mom..."
Pagbalik ni Sam ay may kasama na siyang isang magandang babae.
"Si Kenneth, Mom. Classmate and friend ko po," pakilala nito sa kanya.
"G-Good afternoon po, Ma'am," ngiming bati ni Kenneth.
"Good afternoon, Hijo. Just call me Tita Elena," ang sabi naman nito.
Ngumiti lamang si Kenneth, na medyo nahiya pa dahil sa matamis na ngiti ng magandang si Elena.
"Mom, magbihis lang po ako tapos laro na kami ni Kenneth sa may clubhouse," paalam ni Sam.
"O! Mag-meryenda muna kayo," ang sabi naman ni Elena.
"O sige po," ani Sam.
Umakyat na si Sam sa grandeyosong hagdan ng kanilang mansiyon. Naiwan naman si Kenneth sa piling ng kanyang inang si Elena.
"Come, Kenneth! Let's go to the living room. Manang!"
Isang unipormadong katulong ang lumapit sa kanila.
"Pakihain naman iyong niluto kong champorado dito kina Kenneth at Sam," utos ni Elena dito.
Tumalima naman ang katulong at bumalik na sa may kusina. Si Kenneth naman ay dinala ni Elena sa may sala.
"Sit down, Kenneth," ang sabi sa kanya ni Elena.
Ngiming umupo si Kenneth sa magarang sofa. Parang nakakahiyang upuan ang sofa na alam niyang mas mahal pa kaysa sa anumang gamit sa bahay nila ng nanay niya.
"Taga-saan ka ba, Kenneth?" tanong ni Elena sa kanya.
"Sa Gerona po."
"Ay! Ang layo pala ng bahay ninyo."
Nahihiyang ngumiti lamang si Elena.
"O di ang layo pala ng binabyahe mo papuntang CPRU?" tanong ulit ni Elena.
"Opo."
"Paano iyon? Hinahatid ka ng parents mo papasok?"
"Hindi po. Wala naman po kaming sasakyan."
Hayun na nga. Muli ay naramdaman ni Kenneth ang malaking diperensiya sa antas ng kanilang mga buhay. Lalo pa noong bahagyang natahimik si Elena na parang pilit ina-absorb ang katotohang nabulgar dito matapos marinig iyong sinabi niya.
"Hindi ka ba nahihirapan? Araw-araw kang nagko-commute," ang sabi ni Elena nang medyo maka-recover na sa sinabi ni Kenneth.
"Okay lang po. Nasanay na po ako." Ngimi siyang ngumiti.
"Ang galing mo namang bata ka," ang sabi ni Elena sa kanya. "Ang bata mo pa lang pero ang layo na ng nilalakbay mo papasok ng school."
"Sayang naman po kasi kung hindi ko ite-take iyong opportunity na makapag-aral sa CPRU. Scholar po kasi ako doon."
"Ah, talaga? Wow! Ang galing mo naman pala talaga."
Muling napangiti si Kenneth. "Hindi naman po."
"Naku! Hindi kaya madaling maging scholar sa CPRU. Tapos nakapasok ka pa. Ibig sabihin, magaling ka talaga."
Muli ay ngiti lamang ang isinagot ni Kenneth dito.
Noon naman ay nakabalik na si Sam mula sa silid nito. Nakabihis na ito ng T-shirt at shorts. Kasabay nito ang pagdating ng katulong nila dala ang kanilang meryenda.
"Doon na lang kayo kumain sa may patio. Mas mapresko doon," ang sabi ni Elena sa anak.
"Sige po," sagot naman ni Sam.
Lumipat sila ni Kenneth sa may patio, na katabi naman ng malaking swimming pool. Parang ang sarap mag-swimming doon dahil na rin sa medyo may kainitan ang panahon.
Dinala ng katulong ang champorado sa may lamesa sa may patio, at doon sila kumain ni Sam. May malamig na sago din sila na homemade din. Si Elena naman ay bumalik na sa ginagawa nito kaninang tawagin siya ni Sam.
"Lagi ka bang naglalaro ng basketball?" tanong ni Kenneth kay Sam.
"Hindi na masyado ngayon. Kasi nga, sa Manila na naglalagi si Kuya Raul. Busy na rin si Daddy sa ospital, at medyo tumatanda na rin kaya hindi na siya masyadong naglalaro ng basketball," sagot nito.
"Buti hindi ka sumasali sa mga team sa school?" tanong ulit ni Knneth.
"Hmm… Ayoko, eh. Ang basketball kasi para sa akin, hobby lang. Bonding moment lang namin nina Daddy at Kuya. Sa school mas gusto ko mag-focus sa studies, iyon bang malaman ang maraming bagay lalo na sa Science and History. Kung paano nangyayari ang mga bagay-bagay sa Earth, and kung paano nangyari ang mga kaganapan sa kasaysayan ng mundo."
"Kaya pala matalino ka," ang sabi ni Kenneth.
"Bakit mo naman nasabi?"
"Kasi curious ka sa lahat ng bagay. Ang dami mong gustong malaman. Interesado kang matuto. Sabi kasi nung isang teacher ko dati, iyon yung dahilan kung bakit nagugustuhan ng isang tao na matuto. Marami siyang gustong matutunan."
Natawa si Sam sa sinabi nito. "Eh kasi nga, gusto niyang matuto kaya marami siyang gustong matutunan."
Napaisip si Kenneth. Saka siya natawa nang ma-realize kung ano ang sinabi niya.
"Ang gulo mo naman, Ken, eh. Kumain ka na nga lang at nang makapaglaro na tayo."
Matapos kumain ay nagpalipas muna ng ilang minuto ang dalawa bago tumungo sa clubhouse ng Moon Village. Actually, hindi lang ito basta-basta clubhouse. Meron itong malaking function hall, katabi ang chapel, park at isang full-sized covered basketball at tennis court.
"Game?" Hawak ni Sam ang bola katapat ng dibdib nito.
"Game!" sagot sa kanya ni Kenneth.
Nagulat pa ito nang biglang ibigay ni Sam ang bola sa kanya.
"Ikaw muna," ang sabi pa nito.
"Sigurado ka?" tanong ni Kenneth.
"Oo naman."
Nagtataka man ay nagsimula nang mag-dribble si Kenneth. At saka lang niya nalaman kung bakit sobrang confident ni Sam. Ewan kung dahil ba sa mas maliit ito sa kanya, o dahil lang talaga mas mabilis itong kumilos. In an instant ay bigla nitong naagaw sa kanya ang bola.
"Hindi ka naman yata nagseseryoso, eh," tudyo pa ni Sam sa kanya.
Oo, sa totoo lang ay hindi siya masyadong seryoso noong una. Pero dahil sa ginawa ni Sam, at dahil na rin sa medyo nainis siya na parang tinukso pa siya nito, napagpasyahan ni Kenneth na seryosohin ang laro. Full game mode on siya nang depensahan si Sam. At dahil doon ay hindi rin nai-shoot ng kaibigan ang bola.
"Ganoon bang ka-seryoso?" tanong pa niya dito. Kung marunong itong manukso sa kanya, ganoon din naman siya.
Ngumisi lamang si Sam. "Pwede na."
Napangiti din si Kenneth.
Nagpatuloy nga sila sa paglalaro. Sa sobrang galing ng dalawa, wala kahit isa man sa kanila ang makapuntos. Dahil sa mas maliit si Sam at hindi niya masyadong madepensahan si Kenneth, stealing ang naging strategy nito. Na gumana naman dahil lagi niyang naaagaw ang bola. Hindi nga lang niya mai-shoot dahil sa depensa ni Kenneth.
Doon naman lumamang si Kenneth kay Sam. Dahil sa likas na mas matangkad kaysa dito, madali niyang nasusupalpal ang perfect shot sana nito. Minsan ay nadi-distract din si Sam sa depensa nito kaya pumapalya ang mga tira nito sa ring.
Lumipas ang sampung minuto na wala pa kahit isa man sa kanila ang nakakapuntos. Medyo nag-aalala na si Kenneth na baka gabihin siya ng uwi, pero alam niyang hindi siya papayagang makauwi ni Sam hanggang walang nananalo sa kanilang dalawa. Kaya naman naisipan niyang magpaubaya na lang.
Sa pagkakataong iyon, niluwagan niya ng kaunti ang kanyang depensa. Sa wakas, nakapuntos din si Sam.
"One-zero!" proud na wika ni Sam.
Ngumiti lamang si Kenneth.
"Mukhang napagod ka na kakadepensa, ah."
Tumango na lamang si Kenneth.
"Bawi ka." Ipinasa nito ang bola sa kanya.
"Gumagabi na," ang sabi ni Kenneth. "Malayo pa ang uuwian ko."
Napatingin si Sam sa paligid. Papalubog na nga ang araw ng mga oras na iyon.
"Ipapahatid na kita," ang sabi ni Sam.
"Huwag na," tanggi ni Kenneth.
"Sige na. Hindi ako matatahimik kung hindi ako sure na safe kang nakauwi. Halika na sa bahay at nang masabihan ko iyong driver namin."
Walang nagawa si Kenneth kundi ang sumunod na lamang sa sinabi ni Sam. Alam naman kasi niyang hindi siya mananalo dito. Isa pa ay pabor din naman sa kanya iyon dahil malilibre siya ng pamasahe.
Pagdating sa bahay ng mga de Vera ay dumiretso ang dalawa sa may sala kung saan naroon si Elena. Ipinagpaalam ni Sam na ipapahatid niya sa kanilang driver si Kenneth.
"Of course, my dear," ang tugon ni Elena sa anak.
Tinawag ni Elena ang katulong para masabihan ang driver. Pagkatapos nito ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kanyang asawa.
"Hindi na daw dito magdi-dinner ang daddy mo. Niyaya daw siya ng Ninong Vic mo dahil birthday nung anak niyang inaanak naman ng daddy mo," pagbabalita ni Elena kay Sam.
Tumango lamang ang huli.
Dumating na noon ang driver na maghahatid kay Kenneth. Nagpaalam na rin ito at nagpasalamat kay Elena.
"You're welcome, Hijo. And since friend ka naman nitong si Sam, you are always welcome na pumunta dito."
"Minsan pumunta ka dito ng weekend, tapos manood tayo ng The X Files," ang sabi ni Sam na parang kumikislap pa ang kanyang mga mata.
"Ugh! That series again," ang sabi ni Elena sa anak.
"Ang ganda kaya noon, Mom."
Hindi na lamang nagkomento pa si Elena, pero dahil sa facial expression nito na parang nauumay na sa kakaibang hobby ng anak ay napangiti si Kenneth.
Pagkauwi ni Kenneth sa bahay ay nadatnan na niya ang kanyang ina. Kaagad niyang ikinuwento ang tungkol kay Sam dahil na rin sa iyon ang dahilan kung bakit siya ginabi ng uwi ngayong araw.
"Natutuwa ako na mayroon ka nang kaibigan sa school mo, Anak," komento ni Marie sa kwento ni Kenneth.
"Ako rin po, Nay, natutuwa."
Hindi lang basta natutuwa. Nagagalak si Kenneth na mayroon na siyang kaibigan sa CPRU sa katauhan ni Sam de Vera. Hindi dahil sa ito ang pinakamayaman niyang kaklase, o dahil nililibre siya nito madalas sa canteen, o iyong kinain nilang masarap na champorado kanina sa bahay nila. Natutuwa siya kasi sobrang bait ng kaibigan niyang iyon, at hindi ito arogante kahit pa nga langit at lupa ang agwat nilang dalawa sa buhay.