Dumaan ang mga araw at lalong naging malapit sina Sam at Kenneth sa isa't isa. Lagi silang magkasama sa school, sa klase man o sa break time. Kahit weekends, minsan nagkikita silang dalawa. Kalaunan ay in-embrace na nila ang katotohanang mag-best friend na silang dalawa.
Noong birthday ni Sam ay inimbita siya nito sa kanilang bahay. Simpleng salo-salo lang daw iyon, at silang magpapamilya lamang ang dadalo. Pati na rin siyempre iyong mga espesyal na kaibigan ng kanilang pamilya, katulad na lamang ng best friend ng mga kapatid niya. At siyempre, ang sarili niyang best friend na rin.
Gustong-gusto ni Kenneth na pumunta. Gustong-gusto niyang makasama ang kaibigan sa mahalagang araw sa buhay nito. Ang kaso, bigla siyang nahiya dahil wala siyang pambiling regalo para dito. Nakakahiya naman na magpunta na lamang siya basta-basta doon ng walang dalang kung ano man para dito.
Kung hindi lang sana natapat ng Pasko ang birthday ni Sam. Eh kasi, kung pagkatapos na ng Pasko ay magkakaroon naman siya ng pera kahit papaano. Meron din namang magbibigay sa kanya ng aguinaldo, at kung kulang man ito para sa makita niyang regalo ay pwede siyang humingi ng pandagdag sa nanay niya. Pero hindi, eh. Saktong Pasko ang kaarawan nito, at lunch pa ang salu-salo sa bahay nito kaya hindi na siya magkakaroon pa nga oras para mangalap ng aguinaldo at bumili ng regalo para dito.
Nagpasya siyang hindi na lang pumunta. Iisip na lamang siya ng dahilan kung bakit hindi siya makakapunta sa party nito. Maiintindihan naman siguro iyon ni Sam? Mabait naman ito kaya baka hindi naman ito magtampo o magalit sa pag-absent niya.
Dahil Christmas break noon, wala silang pasok na sa CPRU. Sinamantala naman iyon ni Sam para i-introduce kay Kenneth ang mundo ng The X-Files. Halos araw-araw siya nitong sinusundo sa kanila para manood siya sa kanilang bahay, o di kaya naman ay maglaro ng basketball sa may clubhouse.
Nang araw nga na iyon ay December 23 na, pero hayun at The X-Files pa rin ang inaatupag ng dalawang magkaibigan. Nagsimula sila ng umaga, at hapon na noong magpasya silang tapusin na muna ang panonood para sa araw na iyon.
"Sa makalawa, ha?" ang sabi ni Sam sa kanya, na ang tinutukoy ay ang pa-birthday nga nito. "Ipapasundo na lang kida kay Manong para hindi ka na gumastos pa."
"Ahm... iyon pala... Hindi pala ako makakapunta noon, Sam..." Bigla siyang kinabahan.
"Bakit naman?"
Napaiwas siya ng tingin dahil parang na-guilty siya noong makita ang pagsimangot ng kaibigan.
"Meron... meron pala akong kailangang gawin noon."
Hindi niya kayang tignan ang kaibigan hindi lang dahil sa nahihiya ito sa pagsisinungaling. Hindi niya rin kasi kayang makita na nalulungkot ito, lalo na kung dahil sa kanya.
"Hindi ba pwedeng sa susunod na araw mo na lang gawin iyon?" tanong ni Sam sa kanya.
Hindi nakasagot si Kenneth.
"Ikaw lang din kasi ang kaibigan ko na pupunta noon."
Napatingin siya dito.
"Never pa akong nag-invite ng kaibigan ko sa birthday ko. Ngayon lang."
"Eh iyong best friend mo dati? Iyong may-ari nung CPRU?"
"Si Stan? Wala iyon dito sa Moonville kapag ganitong Christmas break. Laging out of town ang mga iyon, o kaya naman out of the country. Madalas nandoon sila sa ancestral house nila sa Pangasinan."
Lalo namang nakonsensiya si Kenneth sa narinig.
"Hindi ka ba talaga pwede? Hindi ba pwedeng i-reshced mo na lang iyong gagawin mo sa Pasko?"
Hindi makasagot si Kenneth.
"Lunch lang naman iyon. Tapos, pwede ka nang umalis kung busy ka talaga."
Hindi na kayang magpalusot pa ni Kenneth. Hindi niya kayang magsinungaling lalo na sa best friend niya.
"Eh kasi, nahihiya akong magpunta."
"Bakit naman?" Parang for the first time ay nahirapang intindihin ng matalinong si Sam ang isang bagay.
"Siyempre, family nyo lang ang nandoon."
"Andoon din naman iyong best friend ni Kuya Raul, si Kuya Benjie. Tsaka iyong boyfriend ni Ate Glory. Alam mo iyon, dati friends lang sila tapos ngayon, sila pala magiging mag-boyfriend girlfriend."
Lalong nakaramdam ng hiya si Kenneth. Mukhang malalapit lang talaga sa kanilang pamilya ang nandoon.
"Tsaka, best friend din kita, di ba?"
Oo nga pala. Best friend na siya nito ngayon. Kilala na nga rin siya ng mga magulang nito. Kaya pwede sigurong masabing malapit na kaibigan na rin siya ng pamilya?
"Sige na, pumunta ka na."
Gustong-gusto talaga niyang pumunta. Kaya nga lang...
"Hindi pa ako nakakabili ng regalo, eh..." ang sabi na lamang niya. Talagang hindi niya kayang magsinungaling dito.
"Ano ka ba? Okay lang iyon. Hindi naman iyon ang dahilan kung bakit kita iniimbita, eh. Sabi ko nga, ikaw lang kasi ang close friend ko. Kaya sige na, pumunta ka na."
Hindi niya kayang tiisin si Sam. Hindi niya kayang hindi sumunod sa gusto nito, lalo na kung alam niyang ito ang magpapasaya dito. Kaya sa huli ay pumayag na rin si Kenneth.
Tama nga ang sinabi ni Sam. Silang magpapamilya lang talaga iyong nandoon sa birthday party nito. Hindi nga ito party kundi kakain lang sila ng lunch. Ang kaibahan nga lang sa lunch ay mas maraming pagkain ang nakahain noong araw na iyon.
Alam iyon ni Kenneth kasi ilang beses na rin siyang nakikain ng lunch sa bahay nina Sam. Marami na ang pagkain sa ordinaryong lunch sa bahay ng mga de Vera. Hindi lang dadalawa ang ulam na nakahain. Ngayon nga ay sampung putahe yata ang nakahain sa mahabang mesa ng mga de Vera.
Pagdating ni Kenneth sa bahay ng mga de Vera ay naroon na lahat ng mga bisita para sa pabirthday ni Sam. Nandoon ang mga magulang nito at kapatid. First time niyang makilala ang mga kapatid ni Sam, at medyo kinabahan siya nung ang Kuya Raul nito ang makilala niya.
"Friend? Talaga?" Tinignan ni Raul si Sam na parang nagsususpetsa sa pakilala nito kay Kenneth.
"Oo. Ano ba dapat?" tanong naman ni Sam.
Tinignan lamang ni Raul si Sam na inosente namang nakatingin lang din sa kuya niya. Si Kenneth ang nakakuha ng ibig ipahiwatig ni Raul. Dahil doon ay nahiya siyang bigla. Up to that moment ay friendship lang talaga ang label na idinikit niya sa relasyon nila ni Sam. For the first time since makilala niya ito, ngayon lang niya napagtanto na pwede pala itong mangahulugan ng iba pa bukod sa pagkakaibigan.
"Kuya, bata pa iyang si Sam. Masyado ka namang mag-isip diyan," ang sabi naman ng Ate Glory ni Sam.
"Naniniguro lang ako," ang sabi n Raul.
"Ano ba kasi iyon, Kuya?" inosente pa ring tanong ni Sam.
"Wala!" sagot naman ni Raul. "Akala ko kasi..."
"Akala mo ano?"
Matamang tinitigan ni Raul ang kapatid. Ilang segundo din bago niya ito sinagot.
"Akala ko hindi mo siya totoong best friend," sagot ni Raul.
"Bakit naman hindi totoo? Best friend ko siya. Parang kayo ni Kuya Benjie."
Natigilan si Raul sa sinabing iyon ni Sam.
"Nasaan na pala si Kuya Benjie? Bakit hindi pa siya dumarating?" tanong ni Sam nang maalala ang kaibigan ng kapatid.
"Hindi siya darating," sagot naman ni Raul.
"Huh? Bakit?" Nagtaka si Sam dahil lagi naman ay nandoon si Benjie sa mga mahahalagang okasyon sa buhay nilang magpapamilya.
"Hindi ko na siya kaibigan."
Nagulat si Sam sa sinabi ni Raul. Napatingin na lamang siya kay Ate Glory niya na nagkibig-balikat na lamang sa sinabi ng kanilang kapatid.
"Mula ngayon, hindi na pupunta si Benjie dito sa bahay," ang sabi pa ni Raul.
"Pero bakit, Kuya? Anong nangyari?" tanong ni Sam.
Pero hindi na iyon sinagot pa ni Raul.
"Halina! Nagugutom na ako," ang sabi na lamang nito bako tumuloy sa dining room ng kanilang mansiyon.
Naiwan ang nagtatakang si Sam kasama si Kenneth at si Glory na napabuntong-hininga na lamang sa inarte ng panganay nilang kapatid.
"Ano bang nangyari sa kanila, Ate?" tanong ni Sam kay Glory.
"Kuya will not say anything," ang sabi ni Glory. "Basta hindi na namin kasabay umuwi si Kuya Benjie, tapos sabi ni Kuya, nag-away daw sila at hindi na sila magkaibigan."
"Ano namang pinag-awayan nila? Ang tagal na nilang magkaibigan, ah," ang sabi ni Sam.
"Hindi ko rin alam, eh. Ayaw naman magkwento ni Kuya. Ayaw ko rin namang pilitin kasi parang galit siya every time mapag-uusapan iyong topic na iyon," paliwanag ni Glory.
Medyo naguguluhan si Kenneth sa mga nangyayari, pero wala naman siyang magawa kundi ang mag-obserba na lang sa mga nagaganap sa tatlong kapatid. Hindi naman nga kasi niya kilala ang Kuya Benjie na iyon, at kung gaano talaga ito kalapit sa mga de Vera para malungkot si Sam ng ganoon ngayong hindi na nga ito magiging parte ng mga malalapit na tao sa kanilang pamilya.