Masaya naman ang naging salo-salo para sa birthday ni Sam. Masasarap lahat ang mga putaheng inihain ni Elena at sobrang nabusog ang lahat ng naroon. Dumating din ang boyfriend ni Glory na si Ricky, at nakasalo na nila ito sa tanghalian.
Pati mga kasambahay nina Sam na hindi nauwi para sa Pasko ay nakasalo din nila. Kasama nila itong kumain sa pagkahaba-habang mesa sa dining room ng mga de Vera.
Doon napatunayan ni Kenneth na talagang hindi arogante ang mga de Vera. Biruin mo? Kasama mong kakain ang mga tauhan mo lang sa magara mong mansiyon. Hindi ba sign iyon ng pagiging down-to-earth ng isang tao? Sa kaso ng mga de Vera, ng buong pamilya nila.
At pagkatapos nga ng tanghalian ay nagbukas na ng regalo ang lahat. Nauna iyong para sa Pasko. At maging ang mga katulong at iba pang tauhan nila ay may mga regalo din. Katunayan, maging si Kenneth ay meron din palang regalo mula sa parents ni Sam.
"Maraming salamat po," nahihiya niyang wika habang tinatanggap ang kahon na ibinigay nila.
Muli siyang nakaramdam ng hiya dahil nga sa wala naman siyang regalo para sa mga ito. Pero, naisip na lang niya na katulad ng mga katulong ng mga de Vera, wala din namang ibinigay ang mga ito kapalit ng mga regalong natanggap.
"Buksan mo na, Kenneth," utos sa kanya ni Elena. "Para alam namin kung kasya mo iyan at nang mapapalit kung hindi."
Nagtaka siya kung ano ang ibig sabihin noon, pero tumalima na rin siya at binuksan na ang regalo. At doon niya nalaman kung ano ang ibig sabihin ni Elena kanina.
Isang pares ng rubber shoes ang natanggap niyang regalo. Branded ang mga iyon, at pang-basketball talaga sila. Sobrang natuwa si Kenneth dahil sa mga ito.
"Ang sabi kasi ni Sam, player ka daw ng basketball sa CPRU," ang sabi naman ni Baste. "One time, maglaro tayo kahit dito lang sa Moonville. Aba, magaling din akong mag-basketball."
Ngumiti si Kenneth. "Sige po."
"Aba, sama ako diyan," ang sabi naman ni Raul. "Magaling din kaya ako. Mana ako sa daddy, eh."
"O siya, siya! Saka na kayo maglaro," ang sabi naman ni Elena. "Isukat mo muna iyang mga sapatos, Kenneth, para malaman natin kung kasya sa iyo."
Isinuot ni Kenneth ang mga sapatos, at parang sinukat talaga ang paa niya dahil kasyang-kasya ang mga iyon.
"Aba! Mukhang kasya lang sa iyo, ah!" ang sabi ni Sam. "At bagay. Parang ginawa talaga sa iyo iyang mga iyan."
Nginitian ni Kenneth at kaibigan. "Salamat, Sam."
Ngumiti din si Sam. "Ang galing ko talagang manghula ng size, ano?"
Natawa silang dalawa.
At pinakahuli ngang tumanggap ng regalo ay si Sam. Tatlo ang regalong natanggap niya – mula sa kanyang mga magulang, at sa dalawa niyang kapatid. Libro ang ibinigay sa kanya ng kanyang Ate Glory at Kuya Ricky, at game console naman ang mula sa kanyang Kuya Raul. Ang regalo naman ng mag-asawang ay isang Apple computer.
Kaagad na in-explore ni Sam ang mga bagong gadgets na iniregalo sa kanya. At siyempre, kasama si Kenneth sa pag-explore niyang iyon. Katunayan ay siya ang nakalaro nito sa unang game na nilaro nito sa game console na regalo ng kanyang Kuya Raul.
Nang mag-alas quatro ng hapon ay naghain ulit ng pagkain si Elena para naman sa meryenda. At muli ay nagsalo ang lahat sa masarap na pagkaing inihain naman sa may garden area ng kanilang mansion.
"Kenneth, magdala ka na lang ng dinner mamaya since hindi ka na makakasalo sa amin. Para na rin madalhan mo iyong mommy mo," ang sabi naman ni Elena.
"Salamat po." Nahihiyang ngumiti si Kenneth.
"Huwag kang mahihiya dito sa amin, Kenneth," ang sabi ni Glory. "Friend ka naman ni Sam, kaya welcome ka lagi dito sa bahay."
"Oo nga," ang sabi ni Elena. "Ganyan din naman sina Raul at Glory. Tignan mo si Ricky, at home at home na dito sa bahay."
Tinignan ni Kenneth si Ricky na ngumiti naman sa kanya.
"Dati andito din si Kuya Benjie," ang sabi naman ni Sam. Saka nito hinarap ang kapatid na si Raul. "Kuya, bakit ba kasi kayo nag-away ni Kuya Benjie?"
"Huwag na nating pag-usapan. Nasisira lang ang mood ko, eh," ang sabi naman ni Raul.
"Eh baka inaway mo kasi siya?" ang sabi naman ni Sam na ayaw tumigil sa pangungulit sa kapatid.
"Hindi ko siya inaway," ang sabi naman ni Raul. Halatang nagpipigil ito ng galit dahil medyo inis na ang tono nito. "Kung meron mang nang-away sa aming dalawa, hindi ako iyon."
Natigilan naman si Sam sa sinabi ni Raul. Mukhang seryoso nga ang naging alitan ng dalawa at hindi basta-basta tampuhan lang.
"Huwag na nga nating pag-usapan iyan," ang sabi ni Baste. "Kumain na lang tayo at baka meron pang mag-walk out dito."
Nagpatuloy na nga sila sa pagkain at muli ay sinikap nilang maging masaya ulit ang aura ng lahat.
Pero hindi pa rin maka-get over talaga si Sam sa nangyari kina Raul at Benjie. Kaya naman kinagabihan, pagkatapos ng hapunan ay niyaya niya itong maglaro ng game console na iniregalo nito mismo.
"Yes!" ang sabi ni Raul pagkatapos ng kanilang laro at siya ang nanalo.
"Ang daya mo naman kasi Kuya, eh." Napasimangot si Sam.
"Uy! Hindi ako nandaya, ah! Magaling lang talaga ako," depensa naman ni Raul. "Sige, maglaro ulit tayo ng ibang game. Para mapatunayan ko sa iyo na mas magaling ako sa iyo dito."
Namili si Raul ng game habang nakatingin lamang sa kanya si Sam.
"Gusto mo ito?" tanong ni Raul sa kanya.
Hindi sumagot si Sam. Nanatili lamang itong nakatingin sa kapatid. Nang mapansin naman ito ni Raul ay tumingin ito sa kanya.
"What?"
"Kuya..."
Medyo alanganin si Sam na i-brought up ang tungkol kay Benjie, dahil baka magalit na naman ang kapatid niya. Pero curious lang talaga siya sa nangyari. Naging malapit na rin naman kasi sa kanila si Benjie at parang kapatid na rin ang turing niya dito dahil simula noong magkaisip siya ay kaibigan na ito ng kanyang kuya.
Pero matalino din naman si Raul. Alam nitong may gusto siyang pag-usapan nila kaya kinorner siya nito ngayon.
"Si Benjie na naman, ano?"
"Bakit ba kasi kayo nag-away, Kuya?" tanong ni Sam, na naging confirmation sa tanong ni Raul.
Napabuntong-hininga si Raul. Saglit itong hindi nagsalita na parang nag-iisip kung magsasalita nga ba, o kaya naman ay kung ano ang sasabihin.
"Siguro nga, kasalanan ko rin," ang sabi niya pagkatapos. "Kasi ako iyong nagbago ng plano bigla."
"Anong plano?" tanong ni Sam.
"Tanda mo iyong plano namin na magtayo ng sarili naming accounting firm dito sa Tarlac? Eh, hindi na ako tutuloy."
"Ha?" Ikinagulat iyon ni Sam dahil sa first time niyang marinig ang bagay na iyon. "Eh, paano? Sa ospital ka na lang magwo-work?"
Umiling si Benjie. "Sa Manila pa rin. Doon na ako magsi-stay... with Helen..."
Natigilan si Sam.
"I realized na doon ko na gustong mag-stay. With Helen. Doon na lang ako magwo-work, at hindi na ako sasama kay Benjie kapag nagtayo siya ng accounting firm dito sa Tarlac."
Hindi pa rin nagsalita si Sam. Wala din naman siyang alam sabihin.
"So nagalit siya. Tapos may mga nasabi siya na hindi maganda... Sabi niya, medyo nararamdaman na daw niya iyong naging decision ko. Tapos sinisi niya si Helen... Nagalit ako kasi wala naman kinalaman si Helen doon. Hindi naman niya sinabi sa akin na mag-stay na lang sa Manila. Pinili ko iyon kasi iyong ang gusto ko."
"Pero, pwede namang dito na lang maging doktor si Ate Helen, di ba?"
"Oo pero, mas maganda kasi sa Manila. Mas marami siyang mae-experience at mas madami siyang malalaman. Alam mo kasi, si Helen, parang ikaw din iyon. Matalino kasi masyadong maraming gustong malaman. Lalo na sa Medicine... Iyon nga ang isa sa mga nagustuhan ko sa kanya."
Ngumiti si Raul, iyong ngiting parang may naiisip na maganda. Eh kasi pala, naalala niya iyong una nilang pagkikita ni Helen.
"When I first met her... well, she's you're Ate Glory's friend, right? Alam mo ba ang naging una naming topic sa conversation? Accounting!" Natawa si Raul. "She made me explain to her kung ano ang accounting, kung ano ang mga ginagawa namin sa trabaho, kung ano ang significance niya sa business and sa life in general... Basta! Ang dami niyang tanong noon. Ako naman, naengganyo mag-explain."
Alam ni Sam na gustong-gusto ni Raul na mag-explain ng mga bagay-bagay lalo na tungkol sa mga bagay na alam na alam niya, tulad na lamang ng Accounting. Tingin nga niya ay magiging magaling itong teacher dahil kaya nitong ipaintindi sa kahit kanino ang isang topic sa madaling pamamaraan.
"Right at that first moment, I realized, she's someone that I would always like to talk to. She also told me about her profession. About her studies kasi nga, Med school pa lang sila noon. And I was hooked."
Muling natawa si Raul. "Ang pangit, ano? Na-attract kayo sa pagiging nerd ng isa't isa."
Muling natahimik si Raul na wari ay nag-iisip. Hinayaan lang naman siya ni Sam.
"Is it wrong for me to be devoted to her so much na i-give up ko na iyong plano namin ng kaibigan ko, at iyong kaibigan ko na rin mismo?"
Hindi alam ni Sam ang isasagot doon. Hindi pa naman kasi niya na-experience ang bagay na iyon.
"I guess I was wrong. It was my fault."
Nalungkot bigla si Raul. Naawa naman si Sam dito.
"Hindi naman siguro, Kuya. Hindi mo rin gusto na magkaganoon kayo ni Kuya Benjie."
"Nakakapanghinayang lang kasi nga, halos 8 years na kaming magkaibigan. Since first year college kami na ang buddies. Best friends. Tapos, in just a snap of a finger, it all fell apart."
"Pwede nyo naman ayusin pa, hindi ba, Kuya?"
"I don't know... Things has been said. Hurtful things. Dahil doon sa confrontation na iyon, nasabi namin sa isa't isa iyong mga bagay na ayaw namin at kinaiinisan sa bawat isa. It was so ugly, Sam. It was also so painful."
Mukhang grabe nga talaga ang naging awayan ng dalawa. Nalungkot bigla si Sam sa realisasyong iyon.
"My advice to you, Sam, is to be always honest and open to your friends. Huwag mong tiisin ang isang bagay kasi nahihiya kang masira ang friendship ninyo. Kapag kasi tumagal iyan, mas malaki ang pinsala at mas masakit kung sasabog. Kaya habang maaga, kung meron ka mang hindi gusto o napupuna sa kaibigan mo, tell them right away. Huwag mong hintaying maipon iyon at sumabog na lang isang araw."
Hindi masyadong maintindihan ni Sam ang sinasabi ni Raul, pero tumatak pa rin sa kanya iyong advice niya. Always be honest and open to your friends. At ipinangako niya sa sarili na iyon mismo ang gagawin niya. No lies, no secrets. Iyon ang magiging susi upang tumagal ang pagkakaibigan nilang dalawa ni Kenneth.