Chapter 13 - Chapter 13

Sa Tarlac General Hospital nagpunta sina Sam at Kenneth.

"Pupuntahan natin ang daddy mo?" tanong ni Kenneth sa kanya.

Umiling si Sam. "Si Ninong Vic. Siya iyong Medical Director namin dito. Kaibigan siya ni Daddy, matagal na. Kasama nga siya nito na nagtatag nitong hospital."

Dumiretso sila sa opisina ni Dr. Victor de Villa. Ang sekretarya nito ang una nilang napasukan sa Medical Director's office.

"O Sam!" bati sa kanya ng sekretarya ni Doc Vic. Nginitian siya nito, na nawala nang mapansin nito ang pamumugto ng kanyang mga mata. Napakunot ang noo nito.

"Hi Ate!" Pilit siyang ngumiti. "Nandiyan po si Ninong?"

"Ah, oo. Pasok na lang kayo."

"Salamat po."

Tumuloy na sila ni Kenneth sa opisina ng nasabing doktor. Nadatnan nila ito na nasa mesa nito at may isinusulat. Napaangat kaagad ang tingin nito nang makita siya.

"O, Sam!"

"Ninong…" Hindi na niya napigilan pa ang sariling maiyak.

"What's wrong?" Napatayo kaagad ang manggagamot at napalapit sa kanya.

"Ninong…"

Kaagad na yumakap si Sam dito. Niyakap din naman siya ni Doc De Villa.

"Ano bang nangyari?" tanong ni Doc kay Kenneth.

"Sinabihan po kasi siya ni Ryan Arcilla na ampon," ngiming sagot ni Kenneth. First time niyang makilala ang manggagamot, kaya naman nandoon iyong hiya kahit pa nga magaan naman ang pakiramdam niya dito.

"Ha?" Tinignan ni Doc Vic ang inaanak. "Totoo ba iyon?"

Tumango ang umiiyak na si Samantha.

"Oh Sam! Don't ever believe in that." Pinunasan nito ang luha niya.

"Para po kasing totoo. Ang sabi po niya, iyon daw po ang sinabi ng daddy niya."

"Hindi totoong sasabihin iyon ni Jomari, dahil alam niya kung ano ang totoo. Ganito… ang mabuti pa, maupo muna tayo."

Dinala ni Doc Vic sa may sofa si Sam.

"Let's sit here," anito kay Sam na ang tinutukoy ay ang isang three-seater sofa. "Ikaw din Hijo, maupo ka," ang sabi nito kay Kenneth.

Naupo si Kenneth sa isang club chair malapit sa magninong. Nagsimula namang magkwento si Doc Victor.

"Siguro nagduda ka kasi malayo ang agwat ng edad ninyo ng Ate Glory mo, ano?"

Tumango si Sam. Iyon mismo ang iniisip niya.

"Nagulat kaming lahat noong ianunsiyo ng daddy mo na magkakaanak ulit sila ni Elena. Sino ba naman ang mag-aakala na mangyayari pa iyon? At forty-three, nakabuo pa ang daddy mo. Iyong mommy mo naman, forty-one na at that time. Pero higit sa pagkagulat ay ang excitement naming lahat."

"Natuwa kami sa blessing na dumating sa maga magulang mo," pagpapatuloy ni Vic. "Tsaka, ang totoo niyan, na-curious kami kung tao nga ba ang lalabas sa sinapupunan ng mommy mo."

Napasimangot si Sam. "Ninong naman, eh…"

"Joke lang," anang doktor na likas na mapagbiro. "But seriously, you were really a blessing. Hindi lang sa mga magulang mo, kundi sa aming lahat. Aba, simula noong ipagbuntis ka ni Elena, gumanda na lalo ang itinakbo nitong ospital. Feeling namin ikaw ang swerte sa aming lahat."

Napangiti si Sam. Somehow, she felt better hearing that.

"Pero hindi naging madali ang pagbubuntis ng mommy mo." Biglang naging seryoso si Doc Vic. "Nagkaroon ng kumplikasyon ang pagbubuntis niya. Sobrang sakit ng naranasan niya noon. Sobra siyang naghirap, pati na rin ang daddy mo na ginawa ang lahat para lang masiguradong maliligtas kayong dalawa ng mommy mo… Mabuti na lang, nairaos niya ang siyam na buwang pagbubuntis. Ipinanganak ka through cesarean delivery, at hindi naging madali iyon. Napakatagal ng opersayon, at talagang kinakabahan ang lahat sa maaaring mangyari.

"Pero alam mo, nang makita ko ang mukha ng mga magulang mo noong una ka nilang makita, I realized that whatever they've been through, it was all worth it. Sobrang saya nila. Walang katumbas ang kaligayahang naramdaman nila the moment the nurse took you to your mom's hospital room."

Sobrang na-touch si Sam sa narinig. Bukod sa katotohanang ipinaglaban siya ng kanyang mga magulang para lang mabuhay siya, naligayahan siya na malamang napaligaya niya ang mga magulang.

Doc Vic held her hand. "So, don't ever think that you're adopted. And don't ever believe it when someone tells you that. I will not lie to you, you know that, Sam. Kung gusto mo, ililibre pa kita ng DNA test."

Napangiti siya. "Huwag na po, Ninong. Convinced na po ako."

"Eh, kung ganoon pala, ice cream na lang ililibre ko sa'yo. Mabuti nga at mas mura iyon."

Tuluyan na siyang napangiti. Tuluyan na ring gumaan ang pakiramdam niya.

"Thanks, Ninong." Muli niyang niyakap ang kaibigan ng ama.

"You're welcome, Hija. Huwag ka nang umiyak at hindi worth ng luha mo iyong nangyari."

Nang biglang bumukas ang pintuan ng opisina ni Doc Vic.

"Pare–"

Natigilan si Sebastian de Vera nang makita ang anak na kayakap ang kaibigan.

"Sam?"

"Dad…" Muling naiyak si Sam dahil sa guilt na nadama. "Dad!" She rushed to her father and hugged him.

Niyakap din ni Baste ang anak. "Hey! What's wrong?"

"I'm sorry, Dad! Sorry…" Napahagulguol na siya ng tuluyan.

"Hey…" Pinilit kalmahin ni Baste ang anak.

"Sinabihan daw ni Ryan Arcilla na ampon. Ayun, pinuntahan ako dito at tinanong ang totoo," paliwanag ni Doc Vic sa kaibigan.

"Bakit ikaw ang pinuntahan? Bakit hindi ako?" tanong naman ni Baste.

"Because I thought it was true," sagot ng umiiyak na si Sam. "I'm sorry, Dad. Sorry at nagduda ako sa inyo ni Mommy."

"Shh… Hayaan mo na." Muling niyakap ni Baste ang anak upang tumahan ito.

"Oo nga naman Sam," ani Doc Vic. "Ililibre naman kita ng ice cream."

Kinalma ng magkumpareng Baste at Victor si Sam. Napatigil din naman nila ito ng pag-iyak.

"Huwag na huwag ka nang magduda na hindi kita anak, ha? Tignan mo, kamukhang-kamukha nga kita," ani Baste sa anak.

"Pare, kamukha ng asawa mo kaya maganda iyang inaanak ko," ang sabi naman ni Victor.

"Huwag ka nang kumontra!" ang sabi ni Baste kay Doc Vic.

"Sige na, ililibre na rin kita ng ice cream," ani Doc Vic.

Nagtawanan ang lahat sa biro ng doktor.

******************************************************************************************

Nanlibre nga ng ice cream si Doc Vic. Nagpabili na lamang ito ng ice cream sa kanyang sekretarya sa pinakamalapit na convenient store.

Noon naman naipakilala ni Sam si Kenneth sa kanyang ama at ninong. Kaagad na naging komportable si Kenneth sa presensiya ng dalawang magkumpare dahil na rin sa pagiging mabait at down to earth ng dalawa.

"Maraming salamat sa iyo, Kenneth," ang sabi ni Don Baste sa kanya. "Naikuwento ka na ni Sam sa amin. Ikaw lang daw talaga ang maituturing niyang kaibigan sa klase nila."

Natuwa naman si Kenneth sa narinig. "Wala po iyon. Ang totoo po niyan, ako nga ang dapat na magpasalamat sa kanya. Ako po kasi talaga ang binu-bully ni Ryan. Si Sam po ang laging nagtatanggol sa akin."

"Mukhang sumobra na ang anak ni Jomari na iyon," ang sabi naman ni Doc Vic.

"Mawalang-galang na po, pero… bakit po kaya ganoon si Ryan? Ganoon po ba siya dati pa?" tanong ni Kenneth sa dalawang matanda.

"May family problem kasi sila, Hijo," ang sagot naman ni Don Baste.

"Dad, baka pwede na nating sabihin kay Kenneth iyong totoong reason bakit ganoon si Ryan?" tanong ni Sam sa ama. "Para lang din maintindihan niya si Ryan kung bakit ito ganoon. I'm not saying na dapat palampasin iyong mga ginagawa ni Ryan dahil sa pinagdadaanan niya, pero para lang din malaman ni Kenneth kung ano ang dahilan ng pagbabago ni Ryan."

Saka tinignan ni Sam si Kenneth. "Actually, hindi naman kasi ganyan dati si Ryan. Tahimik lang iyon lagi kapag nakakasama ko siya sa mga event. Hindi siya nagsasalita lalo na kapag andun iyong mga parents niya. 'Di ba, Dad?"

Tumango si Don Baste bilang pagsang-ayon. "Oh well… I guess, Kenneth can know." Tinignan nito si Kenneth. "Basta Hijo, ipangako mo na hindi mo ito sasabihin sa iba, ha?"

Tumango si Kenneth.

"Mukha ka namang mapagkakatiwalaan, kaya sasabihin ko na sa iyo... Nadiskubre kasi ni Ryan na anak siya sa labas ng tatay niya."

Nagulat si Kenneth sa narinig.

"Iyong kinikilala niyang mommy, hindi iyon ang tunay niyang ina. Tingin ko, kaya ganoon si Ryan ay dahil nagrerebelde siya," ang sabi pa ni Don Baste.

Naintindihan na ni Kenneth ang lahat. Pero kahit ganoon ay hindi pa rin tama na gawin ni Ryan ang mga pinaggagagawa nito sa kanila ni Sam.

Pagkatapos ng pa-ice cream ni Doc Vic ay inihatid na nina Baste at Sam si Kenneth sa bahay nila. Bago umalis ay muling nagpasalamat si Sam sa kaibigan.

"Salamat Kenneth, ha?" Nasa may harapan sila ngayon ng bahay nina Kenneth.

"Wala iyon," ani Kenneth. "Ako naman kasi ang totoong dahilan ng mga nangyari sa iyo."

"Wala ka namang kasalanan. Huwag mong sisihin ang sarili mo."

Hindi na sumagot pa si Kenneth.

"Nakakahiya tuloy. Nakita mo akong umiiyak."

"Okay nga iyon, eh. At least, nakita ko iyong ibang side mo. Dati kasi, parang ang tapang-tapang lang ng dating mo lagi. Marunong ka rin palang umiyak."

Nahihiyang ngumiti si Sam.

"Sige na. Baka naghihintay na ang daddy mo."

Tumango si Sam. Bumalik na siya sa Toyota Corolla kung saan naghihintay si Don Baste.