Naging mas tahimik nga ang buhay ni Kenneth sa CPRU dahil kay Sam. Dahil sa proteksiyon nito, hindi na siya gaanong ginugulo ni Ryan. Bully pa rin naman ang nasabing kaklase nila, pero sa kanya ay medyo umiiwas na ito at ang mga alipores nito. Mukhang hindi na talaga siya guguluhin ni Ryan Arcilla.
Pero mali pala ang akala ni Kenneth. Nananahimik nga si Ryan, pero nag-iisip lang pala ito ng tiyempo para muli nitong pahirapan ang buhay ng iskolar ng bayan. At dahil nga si Sam ang pumoprotekta kay Kenneth, naisip ni Ryan na ito muna ang kailangan niyang labanan at patumbahin.
At alam ni Ryan kung ano ang ipambubully dito. Hindi siya ang unang nakaisip ng bagay na iyon, pero marami din ang nagsasabi na totoo ang chismis tungkol sa bunsong anak ni Sebastian at Elena de Vera. At iyon ang gagamitin niya para mapahina ang pwersa ni Sam.
Minsan ay tahimik na nagbabasa ng mga libro sina Kenneth at Sam sa may student lounge, nang bigla na lamang dumating ang grupo nina Ryan. Gawa sa semento ang pang-animang lamesa sa student lounge. Ang pinuntahan nina Ryan ay iyong katabi mismo ng inuupuan nina Kenneth at Sam. At binulabog talaga nila ang matahimik na pag-aaral ng dalawa sa malakas na pagkukwentuhan nila. Nang hindi makatiis si Sam ay sinita niya ang mga ito.
"Kung ayaw ninyong tumahimik, doon kayo sa wala kayong maiistorbo," ang sabi ni Sam sa mga ito.
"Ayoko nga! Ano, porke BOD ang daddy mo, may karapatan ka nang paalisin kami dito?" ang sabi naman ni Ryan.
"Ryan, please," pakiusap ni Kenneth.
"Uy! Anong karapatan mong makiusap sa akin?" tanong naman ni Ryan kay Kenneth.
"Ang bastos mo talaga, ano?" ang sabi ni Sam kay Ryan. "Hindi ka ba talaga titigil?"
"Why would I? Ang saya kaya," ang sabi pa ni Ryan upang lalong mainis si Sam.
"Ryan Arcilla… Konti na lang talaga," ang sabi ni Sam na halatang nagtitimpi lang.
"What? You'll tell everyone my secret?" nanghahamong tanong ni Ryan. "Eh di sige! Go! Tell them what you know about me. But if you do that, I will tell them your secret as well."
Napakunot ang noo ni Sam. "Anong ibig mong sabihin?"
Napangisi si Ryan. "O di na-curious ka ngayon? Oh well… I won't tell you."
Tumayo na si Ryan at saka umalis na, na sinundan naman ng kanyang mga kasama. Hindi nakatiis si Sam na hindi sila sundan. Si Kenneth naman ay napasunod na rin sa kanya.
"Sam!" tawag pa nito para lang subukan itong pigilan. Pero tuloy-tuloy na si Sam sa pagsunod at pagpigil kay Ryan.
Nagawa ni Sam na makahabol kay Ryan. Hinila nito ang kamay nito upang maiharap sa kanya.
"Aray!" angal ni Ryan na walang nagawa kundi ang harapin si Sam. "Ano ba?"
"What were you saying about my secret?" tanong ni Sam sa kanya.
"Oh, come on, Sam! Obvious naman na ang lahat."
Hindi sumagot si Sam. Nanatili lamang itong nakatingin kay Ryan.
Na natawa naman sa pananahimik nito. "Are you really that dumb?"
"Ryan!" Si Kenneth iyon.
"Hoy! Huwag kang makikialam dito, ha, Isko? Wala kang kinalaman dito," ang sabi naman ni Ryan kay Kenneth. Tsaka nito muling hinarap si Sam. "Hindi ka ba nagtataka kung bakit fourteen years ang tanda sa iyo ng ate mo? It's because… you were just adopted, Sam. Hindi ka totoong anak ng mga magulang mo."
Nagulat si Kenneth sa sinabing iyon ni Ryan. Ampon? Si Sam? Napatingin tuloy siya sa kaibigan, at medyo natigilan siya nung makitang parang isang pader na nalusaw ang katapangan ni Sam kanina. Kita ni Kenneth sa mga mata nito na apektado siya sa sinabi ni Ryan.
"Bawiin mo ang sinabi mo…"
At iyon na nga. Napatunayan ni Kenneth na dinibdib nga ni Sam ang sinabi ni Ryan. Galit na napatingin siya sa lalaki, pero hindi naman niya alam kung ano ang sasabihin.
Ikinatuwa naman ni Ryan ang obvious na pagkatinag ng depensa ni Sam. "Bakit ko babawiin? Totoo naman ang sinabi ko, eh. Kung totoong anak ka nina Tito Baste, at totoong ipinanganak ka ni Tita Elena, dapat magkalapit lang ang edad ninyo ni Ate Glory. Parang sila ni Kuya Raul. Pero hindi, eh. Kasi, iba ang mga magulang mo. Ipinaampon ka lang sa mga de Vera dahil hindi ka nila kayang buhayin."
"Hindi totoo iyan!" Nangingilid na ang mga luha ni Sam.
Na lalong ikinatuwa ni Ryan. "Sam, ang daddy ko mismo ang nagsabi noon. Hindi ka talagang anak ni Don Baste. Ampon ka lang, Sam. Ampon! Tapos kung umasta ka akala mo kung sino ka? Eh ampon ka lang naman! Ampon!"
"Tama na!" sigaw ni Kenneth na hindi na nakapagtimpi pa. Pumagitna siya kina Ryan at Sam.
Natawa lang si Ryan sa ginawa ni Kenneth. "Magsama kayong dalawa ng kaibigan mong ampon."
Umalis na ito kasama ang mga kagrupo niya. Naiwan doon sina Kenneth at Sam, na pinagtitinginan na ng ibang mga estudyante sa may student lounge. Parang naniwala ang mga ito sa sinabi ni Ryan.
Tinignan ni Kenneth ang umiiyak na si Sam. Nakaramdam siya ng pag-aalala para dito.
"Sam…"
Hindi siya pinansin nito. Tinalikuran siya nito upang bumalik doon sa inuupuan nila kanina. Sinundan na lamang ito ni Kenneth. Siya rin ay naupo sa inuupuan niya kanina.
"Sam… huwag mo nang pansinin iyong sinabi ni Ryan."
"Paano kung totoo? Paano kung ampon lang talaga ako?"
Natigilan si Kenneth. Paano nga ba?
"Lagi kong iniisip, bakit ang layo ng agwat namin ni Ate? Fourteen years. Parang hindi tama."
Iyon naman pala. Kaya kaagad siyang naapektuhan ng panunukso sa kanya ni Ryan ay dahil matagal na nitong iniisip din ang bagay na iyon. Matagal na itong naghihinalang may mali sa pagkasilang niya at pagiging parte ng Pamilya de Vera.
"Pwede naman iyon, ah. Malay mo, late ka lang talagang ipinanganak ng mama mo."
Umiling si Sam. "Kung sa daddy ni Ryan nanggaling iyon, maaring totoo."
"Baka naman nagsisinungaling lang si Ryan?" tanong ni Kenneth. "Baka sinabi lang niya iyon para maniwala ka?"
"Pero paano kung totoo?"
Hindi iyon nasagot ni Kenneth.
"Paano kung ampon lang ako?" Lalo namang napaiyak si Sam.
Naaawang tinignan ni Kenneth ang kaibigan.
"Wala naman akong problema kina Daddy. Ramdam ko naman na mahal na mahal nila ako. Pero mabait talaga sina Mommy at Daddy, eh. Kaya nilang magmahal kahit hindi nila tunay na anak."
"Huwag mo muna kasing isipin iyon," ang sabi ni Kenneth. "Ang mabuti pa, kung hindi ka talaga sigurado, tanungin mo sila. Kausapin mo."
Umiling si Sam. "Hindi nila sasabihin ang totoo. Ayaw nilang masaktan ako."
"Kung talagang mahal ka nila at pinahahalagahan na parang sa tunay na anak, magiging tapat sila sa iyo, dahil alam nilang mas masasaktan ka kung magsisinungaling sila," ang sabi naman ni Kenneth.
Umiling lamang si Sam.
Napabuntong-hininga naman si Kenneth. "Eh paano pala natin malalaman kung totoo ang sinasabi ni Ryan? Gusto mo ba, kausapin iyong daddy niya para mapatunayan natin na sinabi nga talaga niya iyon?"
Halatang nag-iisip si Sam. Hinintay naman ni Kenneth ang magiging sagot nito. Pero iba pala ang naisip nitong paraan.
O mas tamang sabihin, ibang tao pala ang naisip nitong pagtanungan. "Merong isang tao na alam kong hinding-hindi magsisinungaling sa akin."
"Eh di puntahan natin siya," ang sabi ni Kenneth.
Napatingin si Sam sa kanya. "Sasamahan mo ako?"
"Oo naman." Nginitian niya ito. "Kahit saan ka magpunta, sasamahan kita."
Napakaraming pagkakataon na tinulungan siya nito. At sa pagkakataong ito na siya naman ang kailangan nito, paano naman siya makakatanggi? Kung anuman ang kailangan nitong tulong mula sa kanya, ibibigay niya.
"Thanks, Kenneth."
Ngumiti lamang si Kenneth.
Nagligpit na sila ng kanilang mga gamit at umalis na upang puntahan ang taong sinasabi ni Sam.