Sa may sulok ng canteen pumuwesto sina Kenneth at Sam. Mukhang sinadya iyon ni Sam dahil na rin nga sa hindi maiwasang mahiya ni Kenneth sa mga estudyanteng naroon. Tapos ay panay din ang tingin sa kanila noong mga kaklase nila. Lalo tuloy nahihiya si Kenneth na kung maaari lang ay bigla na lang siyang maglaho.
"Nasaan na iyong baon mo?"
Atubiling inilabas ni Kenneth ang kulay green niyang lunch box. Parang nahihiya siyang itabi iyon sa Kare-Kare ni Sam. Pero parang sisinghalan na siya nito kung hindi niya susundan ang utos nito. Kaya inilabas na rin niya ang baon at binuksan iyon.
"Wow! Adobo!" ani Sam na parang takam na takam sa nakita. "Pahingi, ha?"
Wala nang nagawa si Kenneth nang kumuha ito ng isang piraso ng baboy at kainin ito. Napatingin na lamang siya sa parang sarap na sarap na pagkain nito.
"Hmm! Ang sarap, ah! This is the best Adobo that I've ever tasted! Luto ba ng nanay mo ito?"
Napatango na lamang si Kenneth na nagugulat sa reaksiyon ni Sam.
"Pahingi pa, ha? Heto, oh. Kuha ka nitong Kare-Kare ko."
Bago pa siya makakuha ay si Sam na mismo ang naglagay ng Kare-Kare sa baunan ni Kenneth.
"Ang sarap magluto ng mommy mo, ah. Marami pa ba siyang alam na lutuin na ulam?"
Tumango si Kenneth bilang sagot.
"Talaga? Si Mommy marunong din siyang magluto. Minsan tinutulungan ko rin siya. Pero mas masarap itong Adobo ng mommy mo kaysa sa luto ni Mommy."
"Iyan kasi ang paborito niyang niluluto," ani Kenneth na nagsimula na rin sa pagkain.
"Specialty niya, ano?"
"Oo. Paborito kasi iyan ni Papa."
"Ah, parang si Mommy din. Specialty niya iyong seafood paella. Iyon kasi ang favorite ni Daddy."
Muli ay nanliit na naman si Kenneth sa narinig. Para kasing ang layo ng adobo ng nanay niya sa seafood paella ng mommy ni Sam. Pangalan pa lang, wala nang panama ang adobo sa kasosyalan.
Pero natuwa naman si Kenneth na parang sarap na sarap si Sam sa pagkain ng adobo ng nanay niya. Siguradong matutuwa ang nanay niya kapag nalaman nito na nagustuhan ng kaklase niya ang luto nito. At hindi lang basta kaklase, kundi ang pinakamayaman yata niyang kaklase.
Pero sa kilos ni Sam, hindi mo maiisip na anak ito ng may-ari ng pinakamalaking ospital sa buong probinsiya. Sobrang simple kasi nito at napakababa ng loob. Naiintindihan na niya ang sinabi noon ni Mang Mario tungkol dito.
"Kenneth, bakit ba sobra kang nahihiya?"
Hindi inaasahan ni Kenneth ang tanong na iyon ni Sam.
"Kung tutuusin, ikaw higit sa lahat ang pinaka-qualified sa section natin. Kita mo nga, ikaw lang yata ang hindi nahihirapan sa mga lessons natin."
Gustong sabihin ni Kenneth na siya rin naman, mukhang hindi nahihirapan sa mga lessons nila. Kung tutuusin nga, mas mataas pa kaysa sa kanya ang score ni Sam sa ibang mga quizzes nila. Pero hindi na iyon binanggit pa ni Kenneth at nagpatuloy na lang sa pakikinig.
"Alam mo kasi iyong mga grades sa elementary, minsan nakukuha iyan sa impluwensiya ng mga magulang. Kaya iyang mga kaklase natin, kung mataas man ang final average noong elementary ay hindi pa rin iyong kasiguraduhan na matalino sila at pang-first section talaga ang kalidad nila."
Napansin na rin iyon ni Kenneth. May mga kaklase nga siya na hirap sa mga lessons nila. Meron din namang iilan na nakaksunod din talaga.
"Kita mo, pagdating niyan ng second year halos iba na lahat ang mga kaklase natin. Sana nga pati iyang si Ryan Arcilla mahulog na sa section natin, eh. Sa pinapakita niyang kalokohan, malamang ganoon nga ang mangyari."
"Pero iba pa rin ang public school sa private school," ani Kenneth. "Mas advanced iyong pinag-aaralan ninyo dito."
"Nasa tao rin lang naman iyon," ani Sam. "Kung matalino ka, kahit saan ka pa mag-aral, pareho lang. Kagaya mo. Tsaka, alam kong mahirap ang requirements para makapasok ka sa CPRU as a scholar. BOD kasi ang daddy ko dito, kaya naikukwento niya minsan ang tungkol sa mga bagay-bagay dito sa school. Katulad noong sa scholarship."
"Kung tutuusin, ayaw naman talaga ng ibang BOD members na magkaroon ng scholar dito," dagdag pa ni Sam. "Siyempre ang gusto nila iyong kumita lang. Kaya talagang sinigurado na magiging mahirap ang requirements pati na rin ang screening ng mga candidates. Iyon bang kulang na lang wala talagang papasa. Pero ikaw, nagawa mong makapasok. Kaya, ibig sabihin lang noon ay magaling ka talaga."
Bigla siyang naging proud sa narinig.
"Tapos, ikaw pa ang bagong star player ng basketball team. Ang dami kayang naging idol ka in an instant after nung unang laro mo. Biruin mo, first year ka pa lang pero isa ka na sa mga nagdala ng team. Kung wala ka doon, malamang hindi mananalo iyong team natin."
Napangiti si Kenneth sa narinig. Para siyang kinilig na ewan dahil sa papuri ni Sam sa paglalaro niya ng basketball.
"Kaya dapat hindi ka mahihiya sa mga kaklase natin."
"Pero kasi, hindi naman talaga ako bagay sa school ninyo."
"School natin," ani Sam. "Estudyante ka rin dito, hindi ba? Tsaka, huwag mo ngang sabihin iyon. Kaya lang naman mahal dito sa CPRU kasi quality education talaga. Sadly, iyong mga mayayaman lang talaga minsan ang nakakakuha ng quality things. Katulad ng education. Pero hindi ibig sabihin, para sa kanila lang iyon. Katulad nga ngayon. Nandito ka."
Sa pakikinig kay Sam ay parang unti-unti na ngang gumagaan ang loob ni Kenneth sa kanilang eskwelahan. Parang ang pakiramdam niya ay talagang kabilang nga siya doon.
"Kaya, be proud! Nakakapag-aral ka nga dito ng libre, eh. Iyong ibang estudyante, nahihirapan na ang mga magulang para lang makapag-aral dito. Meron akong kaklase noong elementary pa ako. Ordinaryong empleyado lang ang tatay niya. Pero dahil gusto nilang dito siya mag-aral ay talagang nagsikap ang tatay niya. Kaya hayun, konting bayaran lang nagrereklamo na siya. Pagagalitan na naman daw siya ng tatay niya kasi sobrang gastos namin."
Napangiti siya sa kwento nito. Mabuti pala at hindi ganon ang nanay niya sa kanya.
"Kaya huwag mo nang ikakahiya ang sarili mo. Kaya ka nabu-bully, eh. Kasi wala kang self-confidence. Kung ipapakita mo lang kay Ryan na hindi ka niya basta-basta matitinag, siguradong titigilan ka na noon. Ipakita mo sa kanya na magaling ka at kayang-kaya mo siyang labanan para hindi ka na niya guguluhin pa."
Tuluyan nang napangiti si Kenneth at gumaan na rin ang pakiramdam niya.
"Salamat, ha? Ikaw pa lang iyong kumausap sa akin ng ganito katagal dito sa CPRU."
"Okay lang. Wala rin kasi akong makausap ng matino sa mga kaklase natin. Iyong iba kasi, masyadong pasosyal. Lalo na iyong mga babae. Nakakainis lang minsan. Ang aarte!"
Natawa si Kenneth sa sinabi nito. Alam niyang naiinis si Sam sa kaartehan ng iba dahil hindi siya ganoon. Wala kasi itong kaarte-arte sa katawan.
"Kung gusto mo, sabayan mo na akong mag-lunch lagi para hindi ka na ginugulo ni Ryan. Pero okay lang naman kung hindi. Nasa sa iyo iyan."
Ang totoo, gusto nga niya itong makasama dahil sino ba ang ayaw ng mapayapang lunch break? Nami-miss na nga niya iyong ganitong may nakakakwentuhan siya tuwing lunch break sa school, kagaya doon sa dati niyang eskwelahan.
"Maraming salamat." Nginitian niya ito.
"Wala iyon," ani Sam. "Basta ba lagi mo akong dinadalhan ng luto ng mommy mo. Lalo na itong adobo. The best talaga ito!"
Natawa si Kenneth sa sinabi nito. Lalo siyang natuwa na nakausap niya si Sam at nakasama ngayon lunch. Sa lahat ng pambu-bully ni Ryan, ito ang pinakamagandang bagay na nangyari sa buhay niya dito sa CPRU.