Chapter 25 - RedStar: 23

Napamulat ako ng mata ng maramdaman ang pagrereklamo ng tyan ko. Naupo ako sa couch. Bakit ba palagi na lang akong gutom? Pakiramdam ko gutom na gutom ako.

Napahikab pa ako ng isang beses dahil ramdam ko pa rin ang antok. Gusto ko pa sanang bumalik sa pagtulog dahil hinihila ako pahiga ng couch... pero mas malakas ang pwersa ng alaga ko sa tyan kaya kailangan ko munang kumain.

Umupo ako at napatingin sa wall clock. 8:46 pm... sandali akong natigilan at tulalang napatingin sa kawalan. Ramdam ko ang kalutangan ko ngayon dahil na rin siguro kakagising ko lang. Tila mataas pa sa lipad ng eroplano ang kinalalagyan nang isip ko. Isip lutang.

Sa pagkakatanda ko, natulog na ako kagabi ng umayos na ang pakiramdam ko at hindi na sumisikip ang belt ko sa hita. Inisip ko pa kung anong oras ako natulog... mga 9:36 pm ng gabi? Pero 8:46 pm na ngayon?

Ibig sabihin ba, nakatulog ako buong araw? Paano nangyari yon? Kinuha ko ang cellphone sa bulsa at tinignan ang araw pati na rin ang date. Napabuntong-hininga ako at ibinalik ang cellphone sa bulsa. Buong araw nga akong nakatulog.

Bwisit, pano nangyari yun? Dahil ba masyado akong nahirapan kagabi o dahil nag-inom ako? Di naman ako nalasing.

Napakamot ako at tumayo. Lumabas ako ng library at dumiretso sa kusina. Walang hiyang Von, hindi man lang ako ginising. Sabagay, paki ba noon sa akin. Pake ko rin sa kanya. Nakapatay ang mga ilaw at pagdating ko sa kusina, dito lang maliwanag katulad ng palagi niyang ginagawa. Balak na siguro talaga ng batang 'yon na gawing sementeryo ang mansyon dahil sa sobrang dilim.

Tinignan ko ang kaldero at walang sinaing na kanin. Ito pa yung tutong kahapon na tira. Wala ring nakahapag na ulam sa lamesa. Kumain ba siya? Tinignan ko ang alababo pero wala ring laman. Tuyung-tuyo nga na halatang walang gumamit. So kung hindi ako magluluto, wala na rin siyang balak na kumain? Bwisit talaga kahit kelan.

Kinuha ko ang kaldero at binabad muna sa tubig. Lumabas ako sa dining area para pumunta sa malaki niyang ref. Nandon kasi lahat ng pagkain at pwedeng lutuin. Kung hindi ko pa natuklasan ang tungkol doon, wala siyang balak na ipaalam sa akin. Hindi na ako magtataka kung bakit panay na lang ang pagkulo ng dugo ko sa kanya. Umuusok pa nga ata, malala.

Habang papunta ako sa mala-kwarto niyang ref, bigla kong naisip na gisingin muna siya. Mas magandang tignan ko, baka kasi patay na pala sa gutom hindi ko lang alam. Una ko siyang pinuntahan kung saan ko siya ikinulong kahapon. Katulad ng sabi niya, sa bintana daw siya dumaan kaya nakalabas agad kagabi. Malayong nandito siya dahil nakapadlock pa din hanggang ngayon ang pintuan. Naisip ko na baka nandon siya sa gaming room niya kung saan ko siya nakita nung isang kagabi.

Pinuntahan ko siya roon at binuksan ang pintuan. Pagpasok ko, dilim ang bumati sa akin. Pati mga led lights na kulay blue na nakadikit sa bawat sulok ng kwarto niya ay nakapatay. May napansin akong isang bagay na umiilaw na nakapatong sa harap ng computer niya. Lumapit ako doon at natanaw siyang nakaupo at nakayuko sa harap ng computer, balot ng makapal na kumot at halatang tulog dahil nakapatong ang ulo at mga kamay sa lamesa.

Kinuha ko ang umiilaw na bagay at isa itong picture frame. Tinignan ko ang nakalagay pero sa kasamaang palad, hindi naman picture ang laman. Para silang pirma, pirma nang tatlong tao. Kitang-kita ang mga pirmang 'yon dahil tila isang glow in the dark pen ang ginamit. Umiilaw ang mga sulat ng kulay puti.

Galing naman.

Ibinaba ko 'yon at tinanaw si Von, "Tsss," mukhang masarap ang tulog. Bahala siya dyan, wala naman akong pake. Humihilik pa nga.

Tinalikuran ko siya at aktong lalabas ay bigla akong natigilan. Tinigil ko ng sandali ang hininga. Parang may naririnig ako kaya pinakinggan ko ng maayos. May humihinga nang malalim...

Muli kong hinarap si Von, sobrang lalim ng paghinga niya. Nilapitan ko siya ulit at pilit inalis ang balot na balot na kumot sa katawan niya. Naalis ko ang banda sa ulo niya at hinawakan ang balikat para kalugin, "Hoy, wala ka bang balak na gumising?" saad ko. Tulog mantika nanaman.

"Von, bwisit tumayo ka dyan. Hindi pa tayo kumakain," dagdag ko, "Ano matutulog ka buong araw? Huwag ka na kaya bumangon? Humimlay ka na mabuti pa."

Naghintay ako ng ilang segundo pero malalim pa rin ang paghinga niya. Mas hinigpitan ko ang paghawak sa balikat niya, "Hoy, ano ba?"

Nakaramdam ng init ang kamay kong nakahawak sa kanya. Nagsalubong ang kilay ko hanggang sa bigla kong maalala na nilalagnat siya kagabi bago ko iniwanan sa kwarto at pinuntahan ang mga Trescaliong nanloob. Kusang napahawak ng mabilis ang kamay ko sa leeg niya. Mainit 'yon. Hinipo ko rin ang noo niya at sobrang init. Nanginginig rin siya nang konti.

"Bw*sit talaga, bakit hindi ka nagsabi na mataas na lagnat mo?" inis kong tanong, "Natulog ka lang buong araw?"

Hindi pa rin siya nagigising kaya kinalabit ko ulit, "Von."

"Von." Tamo, tulog mantika ambwisit.

"Huy," mas nilakasan ko ang pagkalog sa kanya sa balikat. Naalimpungatan siya at sandaling nagbukas ng mata kasabay ng pag-ubo.

"Gumising ka muna, mataas lagnat mo," saad ko at napansin na nakatutok pa sa direksyon namin ang aircon. Kaya naman pala, di ba siya nag-iisip?

Lumapit ako sa aircon at pinatay, "Bat mo pinatay— mainit," reklamo siya na sinabayan ng ubo kaya napatakip ng bibig.

"Tanga, kaya tumaas lagnat mo dahil nag-aircon ka pa. Sinong matino ang gagawa nun?" katwiran ko na nilapitan siya. Napasandal siya sa upuan at pumikit ulit. Inuubo-ubo na rin siya.

"Wag ka munang matulog. Kumain ka na ba?" tanong ko. Dahil wala rin naman siyang pake, hindi niya ako pinansin, "Uminom ng gamot?" tanong ko ulit.

"De— " sagot niya habang inuubo. Buti naman. Dahil kung hindi niya ako sasagutin, ako na mismo ang maglulublob sa kanya sa mainit na tubig tapos sa bathtub na may yelo. Para tuluyan siyang humimlay.

"Anong ginawa mo? Natulog buong araw?" hindi makapaniwalang tanong ko. Wala naman akong pake sa kanya so bat ko pa tinatanong. Sabagay, hindi pa siya pwedeng mamatay dahil hindi pa ako tapos sa misyon ko. Kailangan, buhay siya.

"Dun ka nga, daming tanong," pagsusungit pa niya.

"Magluluto ako. Kumain ka muna tas uminom ka ng gamot bago ka matulog ulit," saad ko.

"Ayoko."

"Anong ayaw mo?" dami pang reklamo.

"Manahimik ka nga dyan. Okay lang ako," sagot niya habang nakasandal at pikit pa rin ang mata.

"Anong okay? Halos umapoy ka na sa init," nagkibit-balikat ako habang nakatayo sa harap niya.

Nagmulat siya ng mata at nagkatinginan kami, "Ikaw na lang kumain. Itutulog ko lang to," aktong yuyuko ulit siya sa lamesa ay sinapo ng kamay ko ang noo nito at pwersahan siyang isinandal ulit sa upuan. Salubong ang kilay niyang tinignan ako, "Bat ba kasi? Nagpapahinga ang tao eh," reklamo ng takte sabay pikit ng mata at huminga nang malalim.

Inilingan ko siya at nagpasyang lumabas sa kwarto. May nakita ako noon na kwarto kung nasaan ang mga damit panlalaki. Pumunta ako doon. Hindi rin naman kasi nakalock kaya nagawa kong pasukin nung isang araw. Kumuha ako ng isang bimpo sa isang cabinet at pumasok sa cr ng kwarto. Binasa ko 'yon saglit at pinaikot para pisilin. Maayos kong itinupi pagkatapos. Hindi naman mainit o malamig ang tubig kaya ayos na 'to. Ganito rin naman ang ginagawa sa akin ni mom noon.

Lumabas ako para bumalik sa kinaroroonan niya. Lumapit ako at nakita siyang nakapikit pa rin habang nakasandal sa upuan. Inilagay ko ang bimpo sa noo niya pero agad akong natigilan nang bigla niyang hawakan ang kamay ko. Tinignan ko siya at unti-unti itong nagmulat nang mata, "Ano yan?" reklamo niyang tanong kaya sinamaan ko siya ng tingin.

"Tutuluyan na kitang patayin," pilit kong pinatong ang bimpo sa noo niya kaya hindi na rin siya nakapalag pa, "Wag mong aalisin 'yan kung ayaw mong ikaw ang alisin ko sa mundo," saad ko at napansin ang inis niyang pagtingin sa akin. Edi mainis ka, pake ko. Mas may pake ako sa misyon ko kaya binubuhay kita.

"May mga gamot naman siguro dito no? Nasaan?" tanong ko na napasandal sa lamesa habang kibit-balikat na nakatingin sa kanya.

Tinignan niya lang ako at pumikit, "Di ako umiinom ng gamot. Mapait."

Arte pa.

Nag-ikot ako ng mata, "Alam mo, kulung-kulo na ang dugo ko sayo. Pati ba naman gamot wala ka? Anong klasing mansyon to? Normal ka pa ba?" Bw*sit talaga. Huwag niyang sabihin na may mansyon siya pero walang pera?

"Bahala ka. Dun ka nga," inis niyang saad.

Napayuko na lang ako at sandali siyang tinignan, "Wala ka talagang kwentang kausap," tumayo ako, "Bibili na lang ako ng gamot. Nakakahiya naman kasi sayo," naglakad ako papalabas ng kwarto. Ayaw ko pa namang lumabas dahil sa mga bwisit na Trescalion kaso epal ang lagnat ng isang 'to, bat kasi di pa kusang nawala at kailangan pang gamutin. Bibilisan ko na lang bumili at patagong lalabas.

Mamaya na lang din ako magluluto dahil baka kabalik ko, tustado na si Von at ang mansyon niya. Matulog lang naman ang alam nang isang 'yon. Diretso akong lumabas ng mansyon. Natigilan ako at nagkibit-balikat habang tanaw ang mga laser sa labas. Kadalasan nag-aactivate ang mga 'to kapag may nadedetect na tao... di ko alam kung may nagtangka nanaman bang pumasok ngayon kaya sila nakailaw o baka inactivate talaga ni Von gamit yung remote. Bahala na nga.

Humakbang ako papalabas. Handang-handa na ako na umiwas sa mga pailaw na 'to. Hindi pa man ako nakakarami ng hakbang, isang mainit na kamay ng kung sino ang humawak sa braso ko at pinaharap ako sa kanya, di na ako nagdalawang-isip na tirahin siya dahil paniguradong may pumasok nanaman dito sa mansyon.

Pero aktong titira pa lang ako, sumalubong na sa akin ang mata niyang seryoso kaya natigilan ako, "Wag ka na dito dumaan. Parang di ka inaabangan ah?" saad niya. Ibinaba ko naman ang kamay at tinignan siya mula ulo hanggang paa.

"Ginagawa mo dito? Bumalik ka sa taas, matulog ka," sabay turo ko sa taas.

Hinigpitan niya ang hawak sa akin at hinila ako papunta sa kung saan, "Hoy, san mo 'ko dadalhin?" ramdam ko rin ang init ng palad niya. Tinatahak namin ngayon ang likod ng mansyon.

"Basta sumunod ka lang, t*ngna ang ingay-ingay mo," reklamo pa ng tangek.

Pagdating namin sa likod ng mansyon, mataas na pader and sumalubong sa amin kaya kailangan pang tingalain, "Bat tayo nandito?" tanong ko sa kanya.

"Dito ka na dumaan. Walang trap dito," saad niya.

Tinignan ko ulit ang pader, "Ano yan, liliparin ko? Ang taas-taas nga oh," balak niya atang patayin ako sa pag-akyat ko dyan.

"Sinabi ko bang dyan? Dito sa baba, tanga," sabay turo niya sa baba. Sinundan ko ng tingin ang itinuro niya. Puro halaman naman at nagsisitaasang damo ang nakita ko.

"Ano yan puputulin ko pa isa-isa para lang makadaan? Bulag ka ba?" Ano gusto niyang gawin ko at mangyari sa akin, tuklawin ng ahas?

"Tsaka may pader," tinuro ko ang pader,"Di ako nag-iinvisible para makadaan sa pader. Grabe naman ang tama ng lagnat mo sayo, nawala ata utak mo?" seryosong saad ko.

Napakamot siya ng ulo at hindi na nagsalita. Paano ba naman kasi, hindi na niya ata alam ang pinag-gagagawa niya sa buhay niya. Maya-maya, bigla niya akong itinulak papalapit sa mga halaman kaya nawalan ako ng balanse at napaluhod. Diretso akong napasulong sa gitna ng mga nagsisitaasang damuhan. Napadaing pa ako dahil sa iilang suksok ng halaman na sumugat sa mga braso ko. Bwisit na Von, daming alam na trip sa buhay, nilagnat lang.

"Bakit ka ba nanunulak, dati ka bang adik?" nagtaas na rin ako ng boses habang nakatingin sa likod pero hindi ko na siya gaanong matanaw dahil nga napapaligiran ako ng mga damo at halaman.

Gagapang sana ako paatras hanggang sa masilayan ko ang liwanag ng buwan na tumatama sa mga tuyong damo sa labas. Nagsalubong ang kilay ko hanggang sa gumapang ako pasulong. Sinalubong ako ng malamig na hangin nang marating ang dulo. Tinignan ko pa ang paligid at nakalagpas na ako sa pader. Ibig sabihin, labas na to? Tumayo ako agad at pinagpag ang damit habang may gasgas sa braso.

"Bwisit na lalaki, di man lang nagsabi na may daan pala dito. Pinahirapan pa talaga ako ng husto."

Kung alam mo lang kung paano bumubukal ang dugo ko ngayon dahil nanaman sa natuklasan kong tinatago niya.

Na. Ka. Ka. I. Nis.

Nung una hindi niya sinabi ang tungkol sa ref, ngayon naman ito. Wala talagang oras na hindi pinakulo ng lalaking 'yon ang dugo ko. Sarap niyang ilublob sa kumukulong mantika.

"Wag talaga yan papakita sa akin, at baka maibaon ko siya ng buhay sa ilalim ng mansyon niya," pagsasabi-sabi ko pa.

Kusa akong napatingin sa likuran ng makarinig ng kaluskos. Kakatayo niya lang. Tignan mo nga naman at sumunod pa sa akin.

"Hoy, anong ginagawa mo rito?" nilapitan ko siya pagkatayo niya.

"Lalabas din, bulag ka ba?" sagot niya.

"Tanga, nilalagnat ka. Dun ka na lang. Ako na bibili."

"Nandito na rin naman ako kaya sasama na ako," diretsong niyang sagot.

"Huwag na nga. Dun ka na lang at matulog. Magcollapse ka pa sa daan, dagdag ka nanaman sa pasanin ko," katwiran ko pa na sinundan siya ng tingin dahil lumapit siya sa pader habang nakapamulsa. Pagkasandal niya doon ay nakatingin siya sa akin.

"Tignan mo nga, hindi ka makagalaw ng maayos." Paniguradong nahihilo ang tanga. Sama-sama pa kasi, "May atraso ka nanaman sa akin, hindi mo sinabing may daan pala rito. Nagpakahirap pa akong umiwas sa mga trap."

"Di ka naman nagtanong," sagot niya.

"Ayokong magtanong kasi wala naman akong pake sayo. Umalis ka na nga. Ako na bibili ng gamot. As if mawawala 'yan kapag hindi ka uminom. Mukhang wala ka namang balak na magpagaling," tinalikuran ko siya at naglakad. Tanging ingay ng pag-apak ko sa mga tuyong damo ang naririnig. Nang makailang hakbang, tinignan ko siya ulit sa likuran.

"Hoy tanga, bumalik ka na don sabi. Ano, matutulog ka dyan?!" napataas na rin ang boses ko. Pasalamat siya't may lagnat siya kaya kahit konti, may paki ako. Sumunod pa rin kasi siya.

Mas isinandal niya ng diretso ang ulo sa pader at napapikit. Huminga pa ito ng malalim, "Red, I'm trying my best to be calm as of this moment. Anytime sooner, mawawalan ako ng kontrol, kaya kung pwede kumalma ka muna rin so it won't trigger me."

Ugali kong sagut-sagutin ang mga tao kung hindi ko nakukuha ang ibig nilang sabihin. Pero noong oras na 'yon, ilang beses lang akong napakurap at tila naputulan ng dila.

Nag-iba ang tono niya, maski ang pananalita. Binuksan niya ang mata at nagkatinginan kami, ibang-iba siyang tumingin ngayon. Parang hindi siya si Von. Pero ang nagpagulo ng tuluyan sa isip ko, ang pangalan na tinawag niya sa akin... Red?

To be continued...