Pagkatapos ng pangyayaring 'yon, hindi na rin kami nakapag-usap ni Von. Agad siyang umalis at hindi na ako nagbalak na sundan pa kung saan man siyang sulok ng mansyon nagpunta. Nagluto na lang ako ng pagkain dahil nagrereklamo ang tyan ko. Kaya kumakain ako ngayon dito sa dining room. Nagprito ako ng dalawang isda pero nakakaisa pa lang ako, parang puno na ang tyan ko.
Kanina para akong gutom na gutom tapos ngayon namang may pagkain, parang busog pa ako. Bwisit 'yan.
Habang kumakain, iniisip ko pa rin kung ano ang ibig sabihin nila Asti sa sinabi nila. Totoong nahawakan ko yung brief case pero wala 'yon ngayon sa akin. Inumpisahan ko na ring isipin kung anong nangyari nung araw na 'yon. Biglang inihagis sa akin ang brief case, may babaeng humila sa akin papalayo sa airport at may humabol din sa amin. Nakakabwisit lang, dahil iniwan niya ako knowing na delikadong kasama ko yung brief case.
Naabutan ako ng mga humahabol sa amin, tinapatan ako ng baril at nagising na lang ako sa hospital ng Estrella. Sa D'Or. Pagkatapos ng araw na 'yon, wala na akong balita kung nasaan ang brief case pero ang malinaw sa akin, hawak na 'yon ng iba, at hindi ko rin alam kung nakanino na ngayon. Sa huling subo ko ng kanin, tumayo ako at hinugasan ang plato. Pagkatapos maghugas, lumapit ako sa ref at nakakita ng dalawa pang bottled beer. Kinuha ko 'yon dahil hindi ko pa ramdam ang antok.
Papaantok muna ako para siguradong makatulog.
Nagikut-ikot muna ako dito sa ground floor habang naghahanap ng pwedeng tambayan. Nakasindi na rin pala ang mga ilaw kaya tanaw ko ang paligid. Hindi ko pa rin matandaan ang bawat kwarto dito dahil malaki. Nang wala akong mahanap na magandang lugar dito sa ground floor, umakyat ako sa ikalawang palapag. Nag-ikot ako ulit.
Natigilan ako sa tapat ng isang pintuan dahil nang huli ko itong makita kanina lang, may kandado, pero ngayon naman ay wala. May ilaw din sa loob. Hindi pa ako nakakapasok dito kaya masubukan nga. Hinawakan ko ang handle ng pintuan at sinubukang itulak na nangyari naman. Sumilip ako sa loob at walang tao, pero may isang lamesa doon na may nakapatong na sketchbook at nagkalat ang mga lapis, ballpen, pangulay at iba pa. Tumingin ako sa paligid pero walang tao, malakas din ang aircon kaya ito ang tamang lugar para tambayan.
Nice.
Isinara ko ang pintuan habang hawak ang dalawang bottled beer. Naglakad ako papalapit sa lamesa hanggang sa agad akong napahakbang paatras nang may lumitaw na kung sinong nilalang, "Bwisit 'yan," inis kong saad nang magkatinginan kami ni Von. Bigla siyang lumitaw galing sa gilid.
"Oh bat nandito ka? Namiss mo ata agad ako?" saad niya na ngumisi at naupo kaya tumabi ako.
"Asa ka," sagot ko, "Makaalis na nga. Baka kahit hindi ako uminom, kusang uminit ang ulo ko," tumalikod ako para lumabas. Sa ibang lugar na lang ako tatambay.
"Dito," dinig kong saad niya kaya napatingin ako sa likuran. Tumingin siya sa gawi ko habang may hawak siyang lapis, "Akin yang isa," saad pa niya.
"Ayoko, ako unang nakakita kaya akin to."
"Nasa ref ko yan, at ako ang bumili. Isa pa, lahat ng nandito sa mansyon, akin," paliwanag niya.
"Pake ko naman," nag-ikot ako ng mata at tinalikuran siya, "Maghanap ka ng iinumin mo. Try mo sa inidoro, unlimited pa."
Lalabas na sana ako pero bigla namang inagaw ng bwisit na lalaki ang isa kong hawak na beer, "Hoy! Akin na yan," aktong aagawin ko, lumayo siya sa akin at mabilis na tumakbo't umupo sa tapat ng lamesa. Agad niyang binuksan ang beer at nainom doon. Napapikit pa nga ang tangek at napasandal na parang nasasarapan.
"Hmmm, sarap," sabay mulat niya ng mata at kahit hindi kita ang labi, alam kong nakangisi siya, "Oh gusto mo?" sabay lahad niya ng hawak sa akin kaya pinanliitan ko siya ng mata. Ininom na tas itatanong sa akin kung gusto ko?
"Edi wag," ipinatong niya ang hawak sa lamesa at nag-umpisang sumulat gamit ang lapis.
Sinamaan ko siya ng tingin at lumapit na rin doon. Naupo ako sa tabi niya at binuksan ang hawak kong beer, "Oh bat nandito ka pa rin? Akala ko bang kumukulo ang dugo mo sa akin?" tanong niya habang nagdradrawing sa sketchbook.
"Pake mo ba. Gusto kong umupo," sagot ko na nainom.
"Okay," halatang abala siya sa ginagawa kaya napatingin ako doon. Itinaas ko ang dalawa binti sa kinauupuan at itinaas ang mga tuhod. Sumandal na rin ako habang ninanamnam ang lasa ng beer. Malakas kasi ang alcohol tolerance ko kaya okay lang.
"Ano yan?" tanong ko.
Sandali niya akong tignan, "Tinatanong pa ba yan? May mata ka naman. Nagdradrawing syempre," tinuloy niya ang ginagawa.
Sinamaan ko siya ulit ng tingin. Tinignan ko ng mas malapit ang ginagawa niya at nag-ikot ng mata. Bumalik ako sa pwesto ko kanina, "Ts, isip bata. Nagdradrawing ng baril," saad ko at nainom. Iba-iba pa nga ang kulay ng bawat parte na para siyang nagdradrawing ng pambatang baril. Ano kaya yun.
"Pakielam mo ba," sagot naman niya.
Pagkatapos noon, tahimik lang kami habang umiinom ako nang pakonti-konti. Nang makaramdam ako ng inip, ipinatong ko ang isang siko sa lamesa at doon isinandal ang ulo habang nakatitig sa kanya, "Sino si Biel?" wala sa sariling tanong ko. Bunga na rin siguro ng pagka-inip kahit wala naman akong pake sa buhay niya.
Natigilan siya sa ginagawa at napatingin sa akin, "Bakit mo naman natanong yan?" nagdrawing siya ulit.
Napatingin ako sa kung saan, "Nabanggit nila kanina."
Wala na sa akin kung sasagutin niya o hindi. Bigla ko lang naman natanong.
Lumipas ang ilang segundo bago siya sumagot, "Kapatid ko," hinintay kong dugtungan niya pero hindi na nagsalita.
"Nasaan na ngayon?" tanong ko ulit. Kaya ayaw ko ring umiinom dahil masyado akong mapagtanong. Pero gusto ko kasing uminom bat ba? Pake niya naman kung gusto kong magtanong.
"Wala na," tipid niyang sagot.
"Paanong wala?"
Napakamot siya ng ulo, "Dami mo namang tanong eh. Patay na," saad pa niya na parang nairita.
"Bakit? Paano?"
"Wala ka na don. Manahimik ka na lang dyan."
Napatango ako at itinuloy na lang ang pag-inom. Bigla ko na lang naalala sina Uncle at Kuya Ronald. Gustung-gusto kong bumalik ng Pilipinas para malaman kung nailigtas ba nila sila mom at dad pero wala na akong balita. Sinubukan ko silang kontakin nung isang araw pero hindi na pwede ang numero nila.
Sa ngayon, isa na lang ang pinanghahawakan ko... 'yon ay ang pangako nilang susundan at hahanapin ako dito. Sa ngayon, sila na lang ang pag-asa ko. Kung pati sila wala, wala na ring saysay ang buhay ko. Sa totoo lang hindi ko alam kung bakit nabuhay pa ako. Parang wala naman kasi akong purpose sa mundo.
Gusto ko na lang maglaho ng walang nakakaalam.
"I should have been dead," wala sa sariling saad ko at uminom ng diretso.
Pansin kong napatingin si Von sa akin at biglang kinuha ang hawak ko kaya tinignan ko siya. May mga natapon pa nga dahil sa ginawa niya, "Tama na yan. Matulog ka na," saad niya.
"Hindi pa ubos, pake mo ba," inaagaw ko 'yon pero nilalayo naman niya. Habang nasa pwesto ako, pilit kong inaabot ang beer sa kanya. Hindi pa kasi ubos. Umiinit nanaman ang dugo ko sa isang 'to. Ano bang problema niya?
"Akin na yan sabi," seryoso kong saad at unti-unti, napapalapit na ako sa kanya dahil sa ginagawa niya. Inabot ko ulit 'yon pero nilayo niya pa ulit.
"Anong kailangan nila sayo?" bigla na lang nag-iba ang ihip ng hangin. Natigilan ako at diretsong napatingin sa mata niya at ngayon ay seryoso ito.
"Ha?" tanong ko.
"Anong kailangan nila kako?" dagdag pa niya na ipinatong ang beer sa lamesa at muling nagdrawing. Alam ko na kung sino ang tinutukoy niya.
"Wala akong ginawa," aktong tatayo ako at tatalikuran siya, bigla na lang niyang hinawakan nang mahigpit ang braso ko kaya napaharap ako sa kanya habang nasa kinauupuan.
"Hindi ka nila lulusubin dito kung wala kang ginawa," seryoso niyang saad kaya pilit kong inalis ang pagkakahawak niya sa akin na nangyari naman.
"Buti sana kung nasa akin ang hinahanap nila pero maski ako hindi ko alam. At isa pa wala akong ginawa. Makitid lang ang utak nila. Tsaka ano namang pake mo don," bumalik siya sa ginagawa niya.
"Hindi mo sila kilala," seryosong ani nito habang nagdradrawing.
"Dapat ba kilala ko sila?"
"Mapapahamak ka sa ginagawa mo."
"Kailan ba ako hindi napahamak?" tinignan niya ako nagtaas ako ng kilay kaya nagdrawing ulit siya, "Kahit saan naman ako pumanig, mapapahamak pa rin ako." Kampihan ko man ang Estrella, LaCosa o ang sarili ko, walang magbabago.
"Ikaw, bakit ka nagsinungaling, Von?" tanong ko. Natigilan siya at tinignan ako.
"Tinanong kita kung kilala mo sila, ang sabi mo hindi. Pero kanina halata naman na magkakakilala kayo," seryosong saad ko. Hindi naman ako tanga para hindi ko mapansin at malaman.
Bumalik siya sa ginagawa, "Wag mo ng alamin."
"May alam ba sila sa kapatid mong si Biel?" tanong ko pa.
"Siguro. Ewan ko," tipid niyang sagot. Ni hindi niya nga nabanggit kung may sakit ba si Biel o ano. Basta sinabi lang niya, patay na. Parang hindi rin siya interesado sa usapan.
Napasandal ako sa kinauupuan at malalim na huminga, "Von, kung matatapos ang lahat ng problema mo sa mundo, anong gusto mong gawin?" ang dami kong alam na tanong kapag nakainom.
"Pumunta sa buwan."
Napatingin ako agad sa kanya, "Pangarap namin ni Biel na makapunta sa buwan," dagdag niya habang abala sa ginagawa.
"Bakit don pa?" tanong ko. Kinuha ko ang beer na ipinatong niya sa lamesa at doon uminom.
"Tahimik. Walang istorbo. Masaya kaming dalawa kahit kami lang," sagot niya.
"So hindi ka masaya ngayon?" tinignan niya ako, "Dahil wala na siya?" dagdag ko pa. Halatang hindi siya open sa ganitong mga usapan dahil hindi niya ako sinagot at bumalik sa pagdradrawing.
"Ikaw ba?" tanong niya. Muli siyang tumingin sa gawi ko, "Hindi ka rin ba masaya?"
"What made you think na hindi ako masaya?" nainom ako.
"Hindi pa kita nakitang ngumiti," sagot niya, "Oh baka pinanganak ka lang talaga na nakasimangot," sabay tawa niya at nagdrawing ulit. Ah funny.
"I lost my parents, kaya ano pang dahilan para sumaya?" saad ko.
"Anyare? May sakit sila?" doon pa rin ang atensyon niya.
"Pinatay," maikling sagot ko dahilan para tignan niya ako.
"Sinong pumatay?"
"Ewan ko. Pero pinagplaplanuhan kon— " bigla akong natigilan at tahimik na napadaing sa sakit. Naibaba ko ang mga paa at patagong napasubsob sa lamesa. Napahigpit na rin ang hawak ko sa beer kaya medyo nalukot at binitawan ko sa lamesa. Bigla kasing sumikip ang belt sa hita ko. At alam ko na ang ibig sabihin.
Hindi na ako pwedeng magkwento o magsalita pa. This is the sole reason kung bakit kailangan kong kontrolin ang pagsasalita. Hindi ako pwedeng basta-basta magkwento. Estrella controls my words. Pinigilan ko ang pagdaing para hindi marinig ni Von at halos mamalipit ako sa sakit nang maramdaman na bumabaon na ang metal nito sa aking balat.
"Oh, anyare sayo?" tanong niya pagkatingala ko.
"W-Wala, masakit tyan ko."
"Ayan inom pa."
Agad kong tumayo at mabilis na naglakad papalabas ng kwarto. Napapahawak na rin ako sa pader habang naglalakad dahil pasikip 'yon nang pasikip. Bwisit na belt to. Ito ang kaisa-isang kumokontrol sa kilos at galaw ko ngayon kaya hindi ako makapalag sa kanila.
Pinilit kong maglakad habang naninikip pa rin ang belt. Kahit ilang ulit ko na 'tong nararamdaman, hindi pa rin ako sanay sa sakit na ibinibigay nito sa akin. Habang pilit akong naglalakad, may natamaan ako dahilan para bumagsak ang isang vase kaya nabasag at nakagawa ng ingay.
Sh*t!
Ang mahal pa naman. Pano ko babayaran?
Tuluyang bumagsak ang mga tuhod ko sa sahig at aktong kukunin ko ang mga nabasag na parte para linisin, may humawak sa kamay ko at natanaw ito. Habang nakatingin sa kanya, mas lalong sumikip ang nasa hita ko kaya napakuyom ako ng kamay habang pinapakitang normal ang aking mukha, "Yaan mo na yan. Ano, magccr ka ba? Di ka na makalakad oh. Inom kasi ng inom eh," saad niya na tinignan ako mula ulo hanggang paa.
"Wag na," pag-iling ko, "Kaya ko."
"Anong kaya? Baka madagdagan pa mabasag mo dito. Mamahalin kaya mga gamit ko. Unless babayaran mo? Tara na, samahan kita," pangungulit niya.
Hinawakan niya ang magkabila kong braso kaya wala na akong nagawa nang alalayan niya ako patayo. Kailangan kong maitago agad 'to sa kanya. Baka may sumirit na dugo sa pantalon ko. Hindi niya pwedeng makita ang belt dahil malalaman niyang spy ako.
Kitang-kita ko ang panginginig ng isa kong tuhod habang pilit na tumatayo. Nakaalalay lang si Von sa akin hanggang sa hindi ko na kayanin dahil sobrang sikip na. Kusang napahigpit ang pagkakahawak ko sa mga braso niya. Lumapit ako at ipinatong ang ulo sa balikat niya. Napapikit na lang ako habang iniinda ang sakit. Mas okay nang gawin ko 'to at itago ang sakit kesa malaman niya ang totoo.
Hindi ko alam ang reaksyon niya pero hindi siya nagsalita at hindi rin gumagalaw. Tila may binunot siya sa bulsa nito at sapilitang nilagay sa kamay ko kaya hinawakan ko 'yon. Hindi ko naman mapagtanto kung ano dahil nakapikit lang ako habang tinitiis ang sakit, "Bibigay ko susi ng mansyon sayo. Tapusin mo agad yung misyon mo para makaalis ka na dito. Hindi ka nila titigilan hanggat hindi nila nakukuha ang gusto nila. At kung magtatagal ka pa rito, mas malala pa dyan ang mararanasan mo. Do what you must. Iligtas mo sarili mo ah?" saad niya.... na hindi ko nakuhang intindihin.
To be continued...