Hmm sarap.
Kanina ko pa nalalanghap 'tong piniprito kong manok na may breading. Syempre magaling akong magluto, di gaya mo. Nakikipag-gyera sa kumukulong mantika.
Binalik ko ang tingin sa plato na nakapatong sa lamesa at naka-siyam na prito na ako. Isa pa siguro niyan tutal marami pa namang ganto si Von sa ref. Kung di ba naman aadik-adik ang isang 'yon, hinayaan akong lumabas at hindi man lang sinabi na may malaki pala siyang ref. Nandon lahat ng fresh meat kaya walang laman ang ref na maliit dito sa kusina. Tapos eto pa, sa kabilang kwarto, maraming mga ingredients. Mantika, asin, asukal, sili at iba pa. Kaya sa tuwing nakikita ko siya mas lalo akong nabwibwisit. Nangabugbog pa ako sa Trescalion dahil lang sa paglabas para bumili ng pagkain eh meron naman pala siya.
Malilintikan sa akin ang taong 'yon.
Back to work, sinala ko muna saglit ang manok para hindi masali ang mantika bago ko kinuha ang plato at nilagay doon ang piniprito ko. Binalik ko ang plato sa lamesa at humarap sa kalan. Nga pala, electric microwave ang gamit ko. Mansyon kasi 'to kaya ganon, mahal talaga ang mga gamit. Nagmukha lang namang hunted house dahil hindi ata ginagalaw ni Von. Pake ko naman. Parang wala nga siya, kanina pa kasi hindi nagpapakita. Baka lumabas dahil tinakot kong babalatan ko siya ng buhay.
Deserb.
Isang hita na lang ng manok ang nakabalot sa breading. Nakalagay 'yon sa plato sa tabi ng microwave kaya nilagay ko na yung pinakahuling manok sa prituhan. Sumiklab ang mantika at napalayo ako nang konti. Hinarapan ko ang mga pinrito ko na nasa lamesa at kumuha ng isa. Hinipan-hipan ko muna at saka kumagat. Habang maingay ang pagpriprito. Dinig kong may nagsarang pintuan. Napatingin ako sa labas ng dining room at madilim. Nga pala, hindi ko pa nabuksan. Binaba ko ang kinakain na manok sa plato at kinuha ang remote sa tabi. Ito yung hawak na remote ni Von nung nagkita kami sa mala-kwarto niyang ref at kelan ko lang napagtanto ang gamit nito. Nabitawan niya kasi ata kanina sa hagdanan kaya nakakalat. Pinulot ko at sinubukang pagpipindutin. Tapos nalaman kong nandito pala ang switch ng mga ilaw dahil nung pinagpipindot ko, iba-ibang ilaw ng mansyon ang sumindi.
Pinindot ko ang isang numero kaya sumindi ang ilaw sa buong mansyon. Mas ayos na 'to para makita ko ang paligid. Sigurado, kung may magbalak mang pumasok, agad siyang magtatago dahil sa liwanag, at pwede ko siyang mahuli dahil makakagawa siya ng ingay bunga nang pagmamadali. Dahan-dahan akong humakbang papalabas at ibinulsa ang remote bago sumilip sa paligid. Wala namang tao.
Nagikut-ikot na lang ako sa mansyon para masiguro na wala ngang pumasok. Maayos kong inoobserbahan ang paligid. Baka kasi Trescalions sila, lalo na't dito nila ako nakitang pumasok.
Pagdating sa bandang dulo ng mansyon, halos wala ng mga gamit. Maya-maya pa, napatingin ako sa sahig at napako doon ang tingin. May mga patak ng dugo. Lumapit ako at lumuhod. Idinampi ko doon ang daliri at mamasa-masa pa. Tumingala ako at nasa mismong tapat na ako ng pintuan o exit ng mansyon sa dulo. Unti-unti akong napatayo at tinignan ang door knob. May bahid rin ng dugo 'yon.
Imposible namang may magtatangka na pumasok dito kung sugatan siya?
Hinawakan ko ang door knob at binuksan para sumilip sa labas. Malamig na hangin naman ang naramdaman ko kasabay ng madilim na paligid. Inikot ko ang tingin at mga puno lang at matataas na damo ang nandito. May mataas pa na pader na paniguradong mahirap akyatin. Kung ganon, dito siguro dumaan ang nakapasok sa mansyon. Pero sino?
Agad kong isinara ang pintuan at mabilis na naglakad. Di tulad date, maliwanag ngayon kaya hindi ako mahihirapan na hanapin ang nanloob. Malalaki man ang hakbang pero sa tahimik na paraan ko 'yon ginagawa. May mga naiwan pa siyang bahid ng dugo sa sahig kaya 'yon ang sinundan ko. Tahimik akong naglalakad hanggang sa matigilan ako sa tapat ng isang pintuan. Sarado 'yon pero tulad kanina, may bahid ng dugo ang door knob.
Dahan-dahan kong hinawakan at iniikot ang door knob. Bumukas ang pinto kaya nakasilip ako sa loob. Walang tao. Dahan-dahan akong pumasok at hindi ko na tuluyang naisara ang pinto dahil baka gumawa ng ingay. Tinignan ko ang paligid at walang tao. Ni kaluskos, wala rin. Minabuti kong ikutin ang buong kwarto. Isa itong sala na may tv. May mga display na lamesa at paso ang mga nakapatong doon. Halatang mamahalin pa. May mga mamahaling paintings din ang nakasabi sa pader. Yaman nga naman nila. Makahingi nga bago ako umalis sa lugar na 'to. Ngayon lang din ako nakapasok dito kaya bahagya akong namangha sa paligid.
Mabilis akong napaatras nang makarinig ako ng kung ano. Para bang may sumisingot o sinisipon. Ewan, basta. Dahil hindi ko mahanap, sinundan ko na lang kung saan nanggagaling. Kumuha ako ng kutsilyo na palaging nakatago sa aking likuran at maayos na hinawakan habang papalapit ako sa sulok. Sa dulo ng isang malaking shelf, hindi ko pa man nakikita pero halatang may tao roon.
Tuluyan akong nakalapit hanggang sa makita ko ang isang lalaki. Nakaupo siya sa sulok at sa may sahig, parang nagpupunas siya ng ilong pero nang tignan niya ang kamay, may dugo 'yon. Namukhaan ko ang suot niyang hood. Kulay itim.
"Von?" tanong ko.
Halatang nabigla siya at agad isinuot ang mask nito, "Ginagawa mo dito?" tanong niya. Bigla ngang bumilis ang galaw na para bang isa akong multo na biglang sumingit sa kung saan. Agad siyang tumayo at hinarapan ako.
"Napano yan?" seryoso kong tanong. Napatingin siya sa hawak kong kutsilyo. Ibinaba ko 'yon at itinago sa likuran. Siya lang pala, akala ko sino.
"Wala ka na don," nilagpasan niya ako kaya hinawakan ko ang braso niya at hinarap sa akin.
"Napano ka? Bat may dugo?" naalala ko na lang na may mga patak ng dugo ang sahig at doorknob kanina. Sa kanya galing 'yon.
"Wala nga," sagot niya at halatang hindi ako sineseryoso. Inalis niya ang pagkakahawak ko at naglakad. Sumunod naman ako.
"Nagnonosebleed ka?" tinanong ko na kahit wala akong pake.
"Oo, mainit kasi."
"Akala ko bang ayaw mong lumalabas?" tinalikuran niya ako. Hindi ko alam kung saan siya papunta ngayon pero susunod na lang ako tutal kakain na din naman ako sa kusina.
"Ayaw ko nga."
"Oh bat lumabas ka?" ang gulo niya din kausap.
"Bakit? Masama na bang magchill sa labas ngayon?" sagot niya.
"Anong klasing chill yan, nagnonosebleed?" hindi niya nasabing ganon pala siya magchill. Okay, pake ko naman dba?
"Wala ka na don, pake mo ba," sagot niya pabalik. Wala akong naisip gawin kundi sipain ang isa niyang tuhod kaya dali-dali siyang napaluhod.
"Aray! Inaano ba kita?!" halos sumigaw na rin siya. Lumapit ako sa harap niya at nagkibit-balikat.
"Baka nakakalimutan mong may atraso ka pa sa akin." Hindi ko pa nakakalimutan yung sa ref. Gumaganti lang ako, kumukulo din naman kasi ang dugo ko sa kanya hanggang ngayon.
"Dun ka na nga," irita niyang sabi. Tinalikuran ko siya at naglakad papuntang kusina. Bahala ka dyan, wala naman akong pake.
Pero habang naglalakad, parang nakakarinig ako ng mga yabag na para bang may taong nagpupumilit tumayo pero hindi makatayo. Tumigil ako at tumingin sa likuran. Kahit medyo malayo na ang agwat namin, nakaluhod pa rin ang isa niyang tuhod. Ang dalawa niyang kamay nakalapat sa sahig at sa tuwing sinusubukan niyang tumayo, nanginginig ang mga binti niya kaya paulit-ulit siyang napapaluhod.
Hindi ko man aminin, pero nakita ko ang sitwasyon ko sa kanya. Bigla na lang may nag-udyok sa akin na mabilis maglakad papabalik sa gawi niya, "Kailangan mo ata ng tulong?" seryosong tanong ko.
Sandali niya akong tiningala, "Dun ka nga. Nakainom lang ako kaya hindi makagalaw nang maayos," katwiran niya.
Yumuko ako sa harap niya at inamoy-amoy ang paligid nito. Nagkalat pa nga ng konti ang dugo sa ilong niya. Para tuloy batang dugyot. Maayos akong tumayo, "Hindi ka naman amoy alak. Pinagloloko mo pa 'ko."
"Dun ka na nga kasi, istorbo ka eh," irita niyang sabi na sinamaan pa ako ng tingin. Parang pareho lang na kumukulo ang dugo namin sa isa't isa.
Nagbuntong-hininga ako at dali-daling yumuko para hawakan ang magkabila niyang braso, "Baka bukas ka pa makatayo dyan. Napakabagal mo," saad ko. Habang unti-unti siyang nakakatayo, di niya ata napansin na napahigpit siya ng hawak sa braso ko kaya medyo napadaing pa ako. Abala siyang tumayo kaya siguro ganon.
"Lumabas ka lang, nalampa ka na," dagdag ko pa. Mukhang hirap na hirap ang mga binti niya at nanginginig 'yon habang tumatayo. Habang nakapokus siya sa pagbalanse, napatingin ako sa mata niya. Kahit isa lang ang nakikita ko, ramdam kong may hinanakit siya. Siguro sa katawan o ewan. Muntikan pa siyang mawalan nang balanse kaya mas hinigpitan ko ang hawak at ganon na rin siya sa akin. Habang pilit siyang tumatayo, bigla na lang may nahulog na kung anong bagay mula sa bulsa niya. Para bang may bakal na bumagsak sa sahig. Nagkatinginan pa nga kami at aktong makikipag-unahan pa siya sa akin na kunin 'yon, inunahan ko na siya. Agad akong yumuko para kunin 'yon. Isang susi na kulay gold at gawa sa bakal. Agad niya 'yong kinuha sa akin at saka ibinulsa kaya hindi ko na lang pinansin. Ano kaya 'yon, susi ng kayamanan niya? Pake ko naman. Tuluyan siyang nakatayo pero hindi ko maiwasang tignan siya mula ulo hanggang paa.
May mali sa taong 'to, lahat ng sinasabi niya, gawa-gawa lang ata?
"Anong klasing nosebleed yan? Pati katawan mo masakit?" seryosong tanong ko pa na hindi niya sinagot.
"Pake mo ba, tanong ka ng tanong eh," nilagpasan niya ako at paika-ika siyang naglalakad kaya sinundan ko siya ng tingin. Tutal mahina naman siya ngayon, may pagkakataon na akong gawin ang gusto kong gawin.
Mabilis akong lumapit sa kinaroroonan niya at hinawakan ang braso nito, "Aray masakit!" daing niya. Hinila ko siya papunta sa pupuntahan ko.
"Tiisin mo na lang, gumaganti pa ako," sagot ko na hindi siya nililingon.
"Di nga ako makalakad nang maayos eh," reklamo niya.
"Kung ganon, kinakarma ka na sa ginawa mo sa akin," diretsong sagot ko. Halos naririnig ko nga ang yapak niya dahil paika-ika siya.
Pumasok kami sa dining room, "Child harassment to ah?" saad pa niya.
"Hoy ano yang niluluto mo? Bakit sunog?" tanong niya. Sinundan ko siya nang tingin at oo nga pala. May piniprito ako. Binilisan ko ang paghila sa kanya at tumigil kami sa kabilang dulo ng lamesa kung saan madilim. Hinarapan ko siya at sapilitang pinaupo sa upuan, "Umupo ka dyan kung ayaw mong ipakain ko sayo yang lamesa," utos ko. Baka magbalak na tumayo ang bata.
"Ano ba kasing problema mo?" pagkakamot niya ng ulo.
Mabilis akong lumapit sa kalan at pinatay 'yon. Sobrang itim na nung manok na piniprito ko. Kahit saang anggulo, daig pa ang uling.
"Balak mo atang sunugin ang mansyon ko habang wala ako?" tanong pa niya na hindi ko pinansin, "Bahala ka na nga dito."
"Umupo ka dyan sabi," sinamaan ko siya ng tingin, "Mahina ka, kayang-kaya kong dagdagan ang sakit mo sa katawan ngayon. Kaya mamili ka kung makikinig ka sa akin o tuluyan kitang babalian ng buto," seryoso man pero nilaksan ko ng konti ang boses dahil aktong tatayo siya at aalis. Nagkatinginan kami at natigilan siya. Hindi ko pinutol ang tingin sa kanya.
Irita siyang nagkamot ng ulo na parang batang pinagalitan at naupo. Sinamaan ko siya nang tingin at tinuloy ang ginagawa. Kumuha ako ng plato at nilagyan ng kanin. Nilagyan ko na rin ng apat na pritong manok. Halos pakpak at hita lahat. Kumuha na rin ako ng kutsara at tinidor. Tinignan ko siya nang masama bago siya nilapitan. Nilapag ko sa harapan niya ang hawak ko.
"Kumain ka," saad ko.
Tinignan niya pa 'yon, "Ayoko, baka may lason."
"Kakain ka o lalasunin talaga kita?" kanina pa 'to, bakit kaya hindi na lang makinig. Nakakabwisit.
Napakamot siya at halatang inis na inis na, "Eto na. T*ngina!" kumuha siya ng manok at aktong kakagat, napatingin sa akin at natigilan. Kailangan niyang alisin ang mask niya.
Nag-ikot ako ng mata at kinuha ang remote sa bulsa, may pinindot ako kaya mas dumilim sa parte kung nasaan siya. Napag-aralan ko na nga pala ang ilaw nang bawat mansyon dahil sa remote. Nabanggit na rin kasi sa akin nang LaCosa na ayaw nagpapakita ni Von. Kaya laging takip ang mukha at isang mata lang ang kita.
"Siguro naman, wala ka ng problema?" tanong ko. Narinig ko na lang na kumakain na siya. Tinalikuran ko siya saglit para kumuha ng baso at nilagyan 'yon nang tubig.
"Bakit apat lang to?" tanong niya.
"Nasunog yung isa," sagot ko habang nagsasalin ng tubig mula sa dispenser.
"Eh andami pa dyan oh," siguradong nakita niya yung lima pa sa lamesa na malapit sa kalan.
"Akin 'yon. Ako nagluto tas di ako kakain?" saad ko habang papalapit sa kanya.
"Pahingi pa nang isa."
Kanina halos ayaw makinig, ngayon naman gustong kumain ng kumain.
"Ayon nasunog, kainin mo."
"Bakit sa akin mababawas yung nasunog?" tanong pa niya.
"Kasalanan mo kaya nakalimutan kong may pinprito pa ako. Lunukin mo na lang yung buto kung kulang pa sayo."
Inilapag ko sa harapan niya ang baso. Tumalikod ako para kumain na pero naramdaman ko ang kamay niyang hinawakan ang kamay ko kaya napaharap ako sa kanya at halos masubsob, "Ano ba problema mo?" bakit bigla siyang nanghihila? "Kung tapos ka na, lumayas ka na dyan. Ako naman ang kakain," saad ko. Parang wala siyang narinig. Nakahawak pa rin siya at walang kibo. Hindi ko alam kung anong trip niya dahil hindi ko siya matanaw kung seryoso ba ang mukha, nang-aasar o kung ano.
Pilit kong inalis ang pagkakahawak niya pero mas lalo yong humihigpit, "Ano ba? Pinakain na kita kaya tigilan mo na ako sa mga trip mo, Von," saad ko.
"Bakit?" seryosong tanong niya.
"Anong bakit? Tsaka kung pwede bitawan mo— " hinila niya bigla ang kamay ko kaya mas napalapit ako sa kanya. Medyo mainit ngayon kaya siguradong sobrang lapit namin sa isat isa.
"Akala ko bang naiinis ka sa akin? Bakit mo ko pinakain?" tanong niya. Hindi ako sumagot. Pinakain na ang dami pang demand.
"Hindi mo naman siguro ako lalasunin no?" dagdag pa niya.
Lumipas ang ilang segundo, "Gusto mo ng totoong sagot?" seryosong tanong ko. Siya naman ang hindi sumagot pero halatang naghihintay.
"It's my way of appreciation, Von. You saved me last night against people who almost made my life in a miserable state. And as much as gusto kitang tulungan sa sitwasyon mo ngayon, alam kong hindi ka papayag," napayuko ako at malalim na huminga bago siya tiningala kahit madilim, "Kaya ito na lang siguro ang nag-iisang paraan para makabawi ako," lumuwag ang pagkakahawak niya sa akin.
"So thank you," mahinang saad ko. Ni hindi ko alam kung narinig niya ba dahil halos hangin lang ang lumabas sa bibig ko.
It felt like I heard Xeline once again. When will you be back, self?
To be continued...