Yo, napadaing na lang ako sa sakit nang makuha akong masugatan ng mga nadaanan kong halaman habang gumagapang pasulong. Ang ibang tangkay kasi ay puno ng tusok. Dito nga pala ako sa likod ng mansyon dumaan. Sa pinakababa ng pader, natatabunan ng mga halaman. Pero may iisang parte na may butas at daanan kaya dito ako lumulusot. Secret passage ba kumbaga. Baka Von 'to, matibay sa lahat ng bagay. Tsk, basic.
Pinagpag ko ang bandang pwetan at napatingin sa paligid pagkatayo ko. Naglakad na ako papunta ng bayan, medyo maingay din ang inaapakan ko ngayon dahil puro puno lang naman at tuyong mga dahon ang nagkalat sa paligid. Tago rin kasi ang parteng 'to dahil liblib ang lugar at isa pa, hindi dinaraanan ng kung sinu-sino kaya dito ako mas komportable. May nilabasan akong kanto hanggang sa marating ko ang daan. Nakapamulsa akong naglalakad sa gitna ng dilim at mabuti na lang, may mga ilaw sa poste kaya walang dapat ipag-alala. Sa itsura kong 'to, maraming magtatangka. Buti na lang at nakahoody ako at mask katulad nang dating gawi. Syempre di mawawala ang eyepatch na 'to.
At 'yon na nga, nakarating na ako sa bayan. Bukod sa maingay ay marami pa ring tao at nagtitinda sa paligid. Hindi kasi sila natutulog at halos 24/7 mga tindahan dito, daig pa 7/11 sa Pilipinas. Marami rin kasing mga inuman dito at hindi naman bawal. Habang naglalakad at nagtitingin sa paligid, nakayuko rin ako para hindi makita ng mga tao. May nakita akong mga sandamakmak na prutas sa dinaanan ko, natigilan ako at napatingin doon. Humakbang ako papalapit. Dami oh. Kumuha ako ng ilang gintong barya sa bulsa at lima pa ito. Pagkatapos noon, kumuha ako ng isang mansanas at inabot ang isang barya sa nagtitinda. Wala ng hugas-hugas at kinagat ko na agad ang mansanas. Mas masarap maglakad kapag may nginangatngat eh.
Aktong maglalakad pa lang ako, bigla na lang may napaupong lalaki sa harapan ko. Para bang tinulak siya kaya nawalan ng balanse. Galing siya sa isang tindahan. Napaatras naman ako at natigilan dahil doon.
"P-Pasensya na po... w-wala lang po talagang pang-kain ang pamilya ko kaya hindi ko ito pwedeng ibigay," pinagdikit niya ang mga palad na parang nagmamakaawa sa kung sino. Napaluhod pa nga siya habang nangingitig, pinagpapawisan at umiiyak.
May lumabas na lalaki mula sa tindahan hanggang sa mamukhaan ko kung sino 'yon... Lorenzley Trescalion. So tama nga ang babaeng 'yon, sila nga talaga ang nakita kong humahabol sa kanya nung isang gabi. Buti at hindi sila nagtangkang tumuloy sa mansyon katulad nang ginagawa nila date?
Nakangisi siyang lumapit sa lalaki habang may hawak na baseball bat kaya yumuko ako at mabilis silang nilagpasan. Dinig ko pa ang paghambalos niya sa lalaki kaya natigilan ang lahat habang pinapanood ang nangyari. Ganyan kasi ugali ng pamilyang 'yan, kapag gumagawa sila ng kalokohan, lalo na kung nananakit ng tao, gusto nila nanonood ang lahat. Having the spotlight kumbaga para mas lalo nilang mapasunod ang lahat. Kaya nga sumingit ako sa maraming tao para patagong umalis. Pag nakita kasi akong naglalakad, paniguradong matsatsambahan nanaman ako. Kumagat ako ulit sa mansanas.
Tumingala ako saglit pagkatigil sa tapat ng isang pub. Baka kasi mali ang mapasukan ko.
'Fermesco Tavern.'
Nang mabasa 'yon, diretso na akong pumasok. Tumunog pa nga ang pintuan dahil may nakasabit na wind chime. Diretso ako sa dulo at naupo sa may counter. Sandali kong ibinulsa ang hawak na mansanas. Agad naman lumapit si Peoni sa akin, "Oh, long time no see, Von. Bakit nandito ka? Akala ko bang ayaw mo nang lumabas?" sandali ko siyang tinignan. Nakita ko naman na inihahanda na niya yung gusto kong inumin. Madalas ako dito date kaya kilala na ako nito.
"Nainip lang," sagot ko sa kanya, "Bawal na ba magpahangin ngayon?" nginitian ko siya.
"No, hon... " lumapit siya at bumulong, "Pero hindi kasi safe ngayon, alam mo na bang bumalik na sila?" kung tignan niya ako, para nga siyang awang-awa. Tsk, baka Von 'to.
"Oo. Nakita ko pa nga kanina yung pinakamahina sa kanila. Mukhang lalong humina," dagdag ko pa hanggang sa matawa kami nang bahagya. Totoo naman kasi.
"Ikaw talaga, haha. Oh drink well," sabay patong niya ng basong may bughaw na likido sa harapan ko. May nakalagay ring yelo. Ito kasi ang paborito ko rito, Blue Curacao. Manamis-namis kasi na medyo mapait.
Kinuha ko naman agad, "Libre ba, Peoni?" nakangiting tanong ko. Dapat mabait ako sa kanya baka sakaling makalibre.
"Wala ng libre ngayon, Von," saad niya kaya uminom na lang ako sa straw. Ubusin ko muna 'to bago ako umalis. Habang nag-iinom, tumitingin-tingin ako sa paligid, "Mga gaano na rin katagal simula nang huling beses akong lumabas?" wala sa sariling tanong ko habang hawak ang straw.
"One month, hon," tinignan ko siya na nagpupunas ng kamay sa suot niyang apron, "I guess so. Akala ko may nangyari na sayo dahil hindi ka na nagpakita," halata ding dismayado siya kaya ngumiti ako.
"Lying low," sagot ko.
Dahil wala naman gaanong tao dito sa counter, umupo siya sa tapat ko at ipinatong ang dalawang kamay sa lamesa, "Anong plano mo ngayon?"
"Saan?"
"Ngayong bumalik na sila."
Hindi ako agad nakasagot. Nag-iisip pa rin kasi ako. Pero meron ba ako non? Wala naman ata.
"Dapat bang may gawin ako?" tinawanan ko siya ulit. Dapat kasi wala na akong pakielam doon.
"Given na may mga ginawa sila sayo noon, I don't think wala kang gagawin," sagot niya na napailing.
"Ano naman gagawin ko? Haha. Gaganti? Wag na," pag-iling ko. Bakit ko pa 'yon iisipin? Ayaw kong makasakit.
"Umalis ka muna kaya dito, Von. Malaki naman ang bansa. Baka ano pang mangyari pag nagkita kayo," nangingintab din ang mata niya.
"Kaya nga wala akong balak na magpakita. Ayaw ko rin namang makasakit. Tsaka wag kang mag-alala, basic lang sakin magtago. Nagawa ko nga ng ilang taon eh," pagtawa ko ulit. Masyado niya akong iniisip kasi. Iba talaga kapag may itsurang hinahangaan.
"Ikaw talaga. Osya, mag-iingat ka na lang palagi ha?"
May dumating na customer kaya 'yon muna ang inasikaso niya. Sakto namang paubos na ang iniinom ko. Napatingin ako sa paligid hanggang sa matanaw ko ang isang pamilyar na lalaki sa labas ng pintuan. Kakadaan niya lang. Matapos ang ilang segundo, may mga dumaan pa na dalawang lalaki... tapos dalawang babae... yung isa na matanda may hawak pa na bata— jackpot.
Dumukot ako ng dalawang baryang ginto sa bulsa at inilapag sa lamesa habang nakatingin sa labas. Tumayo ako at naglakad papalabas, "Where you goin, hon?" pahabol pa nga ni Peoni kaya di ko na lang pinansin. Pake ba niya, kahit libutin ko buong mundo gamit ang kalabaw.
Diretso akong lumabas doon at pagkalagpas ko sa pintuan, tulad ng inaasahan, sila nga yung dumaan dahil sinusundan ko sila ng tingin ngayon. Tumatabi pa nga ang mga tao habang naglalakad sila. Nakapamulsa akong naglakad at yumuko na sumunod sa direksyon nila. May kailangan lang kasi akong alamin. Ginagawa ko naman lahat para hindi nila ako mahalata dahil mahirap na. Hindi ako pwedeng mahuli ngayon. Buti na lang at suot ko hoody ko.
Habang naglalakad sila, natatahimik ang mga tao. Sa bandang unahan nila, may isang lalaking bumibili ng parang souvenir. Siguro mga nasa 40's na siya. Hindi niya napansin ang pagdaan nila at abala lang siya sa pagbili. Natigilan sila sa harap niya hanggang sa hinawakan siya nang mahigpit ni Lorenzley sa damit gamit ang dalawa nitong kamay. Napansin ko pa nga si Fabio at ang kaliwa niyang mata na nakapikit. Anyare dun? Di naman siya ganyan dati.
May sinabi pa si Lorenz sa lalaki pero pabulong lang kaya di ko nagawang marinig. Halos manginig na nga ang lalaki sa takot eh. Tulad nang nakita ko kanina ay nagmakaawa pa siya habang hawak siya nang mahigpit. Pero syempre, dahil sila ang boss kuno dito, malakas niyang itinulak ang lalaki kaya napaatras 'yon. Naatrasan niya ang lamesa na kasalukuyang ginagamit ng nagtitinda kaya pati 'yon ay nasira at nagsikalat ang mga keychain sa paligid. Natigilan ulit ang mga tao habang pinapanood ang nangyayari. Nabitawan ng lalaki ang plastik na hawak, lumabas pa ang mga pinamili niyang keychain at may isang maliit na flashlight pa nga ang gumulong papunta sa harapan ko.
Aktong lulusubin siya ni Lorenzley ay pinigilan ni Asti kaya nagkatinginan sila. Sinamaan niya nang tingin ang lalaki at inayos ang coat na suot. Itinuloy nila ang paglalakad. Nagkakanda-ugaga naman ang lalaki sa pagpulot ng mga nagkalat niyang pinamili. Maski ang tindera, nadamay pa.
"Kaya ikaw, huwag na huwag mo silang lalapitan ha?" dinig kong saad ng isang babae sa anak niya habang nagmamadali sila. Nasaksihan kasi nila ang buong pangyayari. Pinulot ko naman ang flashlight at naglakad para sumunod sa kanila. Pagkatapat ko sa matandang lalaki, pasimple kong hinulog malapit sa kanya ang hawak ko. Siguro naman mahahanap na niya 'yon?
"Maraming salamat po, dyos ko," dinig kong saad niya. Napatingin ako sa gilid dahil para namang ginto ang hawak niya at tuwang-tuwa siya. Hawak niya yung flashlight habang magkadikit ang mga palad at nakatingin sa kalangitan. Ganon na ba yun kahalaga? Tsk. Parang 'yon lang eh.
Kinuha ko ang mansanas sa bulsa at kumagat doon. Tinuloy ko na ang pagsunod sa mga Trescalion. Pero sa totoo lang, hindi ko nagustuhan ang mga nasaksihan ko ngayon. Sabagay, kailan ko ba sila nagustuhan? Papalayo kami sa bayan. Nakarating kami sa isang kanto at halos iilan na lang ang tao na dumadaan. May ilaw pa rin naman sa mga poste kaya medyo maliwanag. Nang wala nang dumadaan, sila na lang at ako. Nagtago na lang ako sa mga pwedeng pagtaguan habang nakasunod pa rin sa kanila. Minsan kasi napapatingin si Iosefina sa likuran niya, yung pinakamatanda sa kanila. Mahirap na kapag natanawan niya ako. Sumandal ako sa pader at sinilip sila. Pumasok sila sa isang bahay na gawa sa kahoy. Habang maingat na nakasunod sa kanila, kumakain pa rin ako ng mansanas.
Tignan mo, ang yaman-yaman at daming pera pero pampagawa ng bahay, wala. Buti pa ako kahit ganto, may mansyon. Madami pang baboy, isda at manok sa malaki kong ref. Owshi, sarap.
So dito pa rin pala sila mula noon hanggang ngayon. Aalis na sana ako pero pagtingin ko sa likuran, kapag minamalas ka nga naman. Kahit di maliwanag, namumukhaan ko sila. Mga pekeng kambal ng Trescalion. Ibang klasi makipag-sagupaan ang mga 'to. Dalawa lang ang daan, urong o sulong. Either didiretso ako o aatras pero kung aatras man, malaki ang tyansa na makilala nila ako. Lasing pa naman sila, mas pagtritripan ako.
Hindi pwede, Von. Kaya kumalma ka. Kalma lang.
Huminga ako nang malalim at diretsong naglakad. Pero kung sinusundan ka nga naman ng kamalasan, lumabas din ulit ang pamilya mula sa kahoy nilang bahay. Bw*kanangsht!
Natigilan ako agad at napatingin sa taas, may pwede namang akyatan na pader. Tinignan ko sila pati yung kambal sa likuran at saka ko ibinulsa ang mansanas. Inakyat ko na agad ang pader bago pa man nila ako makita. Agad akong tumalon sa kabila kaya napadaing nanaman ako.
"May balita na ba kay Kash?" aalis na sana ako pero narinig ko 'yon galing kay Iosefina kaya kusa akong natigilan. Tsismoso kasi ako kaya gusto kong pakinggan, pakielam niyo ba.
"Wala pa, La." -Skyienna
"Sa tingin niyo ba buhay pa ang pangatlo kong apo?"
"Huwag ka naman ganyan, La. Buhay 'yon si Kash, 'yon pa. Lakas non eh." -Lorenzley
Talaga ba? haha
"At kung gaano siya kalakas, ganon ka kahina?" -Fabionsley
Aktong may mag-aaway pa nga pero mukhang may umawat ata. Obviously si Asti 'yon. Lagi kasing nag-aaway si Lorenz at Fabio. Epitome of arrogance ba ang dalawang yan? Singkayabang.
"Naalala ko nga pala. Nung huling beses na nandito tayo, bago tayo umalis... " -Lorenzley
Amoy ko pa ang usok hanggang dito. Halata namang sumisindi rin sila ngayon. Habang nakikinig sa kanila, umupo ako at sumandal sa pader, "Buti na lang at napuruhan natin ang batang 'yon."
"Who the hell?" -Asti
"Biel," nang marinig ko yon, kusang kumuyom ang kamay ko. Pero pinilit kong kumalma. Ikalma mo, Von. Chill lang. Kahit anong mangyari, kailangan mong kumalma.
"Don't mention someone's name. Baka biglang mabuhay."
"Glad to know namatay ang isang 'yon, parang kuya niya. Sanang namatay nalang sila pareho."
Mas lalong humigpit ang pagkakakuyom ng kamay ko. Kulang na lang at bumaon ang pudpod kong kuko sa palad ko. Pero sabi ko nga, kalma lang. Kailangan kong kumalma.
Ilang segundo akong naghintay pero mukhang wala na sila. Baka pumasok na ang mga Trescalion sa loob, "Boys, dito," napatingala ako nang makita ang isang batang lalaki sa harap ko. May hawak pa siyang dalawang bola na pambasketball.
Dalawang lalaki pa ang lumapit sa kanya. Nang makita nila ang itsura ko, masama silang ngumiti sa isat isa. Problema ng mga to? Kapogian ko?
Tumayo ako at kumagat sa hawak na mansanas dahil alam ko na ang mangyayari. Aktong lalagpasan ko sila ay hinawakan ako ng isa sa braso, "Ay takip ang mukha, siguro panget ka no?" saad ng isa.
Ts, wala akong oras sa ganto. Kalma lang, Von. Bata lang sila.
"Hahahaha panget!" pagtatawanan pa nila habang tinuturo ako. Inis kong inalis ang pagkakahawak sa akin ng isa at tinuloy ang paglalakad.
Maya-maya, may tumamang matigas na bagay sa likuran ng ulo ko. G*gs nakakahilo. Ano yun? Nang tumalikod ako, pansin kong isa na lang ang hawak niyang bola. 'Yong isa pala ang pinambato sa akin. Bukod pa rito, mabilis na may hinagis ang isa nitong kasamahan papalapit sa akin, iiwas sana ako pero tumama na sa mukha ko. Napaatras ako at napaupo sa sahig, nahulog pa sa sahig ang mansanas ko. Bw*kanangshit! Inalis ko ang suot na mask at napahawak sa ilong. Ang hapdi ah. Tinignan ko ang kamay at may dugo na. Binato ba naman ako.
Kalma lang, Von. Kalma. Bata sila.
Titingala pa sana ako pero pagsipa na ng isa ang sumalubong sa akin at napahiga ako sa sahig. Nakita ko pa nga, maraming bituin sa langit ngayon. Sana palaging ganyan.
Sunud-sunod na akong nakaramdam ng sakit nang tuluy-tuloy sila sa pagsipa sa akin. Paulit-ulit nila akong pinagsusuntok habang naririnig ko ang mga tawanan nila. Naalis na rin ang suot kong eyepatch dahil sa pinag-gagagawa nila. Kaya ayaw kong lumabas eh. Binubully lang ako pero tulad date, kailangan kong tiisin. Mahirap na kapag nawalan ako nang kontrol. Baka makalimutan kong bata sila.
Pero sa totoo lang, sobrang sakit na talaga ng ginagawa nila. Hindi na lang ako kumikibo dahil mas kawawa sila kapag pumatol ako. Kaya kailangan kong tiisin kahit parati na lang. Kahit gaano kasakit, kailangan kong tiisin. Pagtitiis na lang siguro ang nag-iisang bagay na kailangan kong gawin para sa sarili ko.
Ilang minuto rin sigurong tumagal bago nila ako tinantanan, sana masaya na sila sa ginawa nila. Kung hindi pa, ewan ko na lang. Diretso akong nakahiga sa sahig habang nasa langit ang tingin. Ramdam ko rin ang hapdi na iniwan nilang lahat, bukod sa kirot nang katawan. Pumikit ako at malalim na huminga.
"Biel," mahinang banggit ko at mapait na ngumiti. Muli kong iminulat ang mata. Napatingin ako sa gilid at pilit inabot ang mansanas gamit ang isang kamay. Tamo may buhangin pa. Pilit akong umupo habang iniinda ang sakit. Tinaas ko pa nga ang mga tuhod para mas komportable. Takte parang pinagbabali ang buto ko. Ramdam na ramdam ko ang mga pasa ko.
Pinunasan ko ang mansanas gamit ang suot na hoody at muling kumagat doon. Ubusin ko muna to bago ako umuwi.
Sa kalagitnaan nang dilim, may isang poste ng ilaw sa tabi ko. Taimtim akong kumakain kahit puro bugbog at pasa. Ayos lang naman haha, sanay naman ako mag-isa. Dibaleng ako yung masaktan, wag lang ako yung makasakit.
To be continued...