Chapter 12 - RedStar: 10

Halos kanina pa ako paikut-ikot sa mansyon niya at wala talaga akong mahanap na ebidensya lalo na't sarado lahat ng pinto. Kahit anong klasi ng sipa ang gawin ko, hindi sila nasisira. Gawa naman sa kahoy ang mga yon pero sadyang matibay. Umatras ako ng konti para sipain ang door knob, baka sakaling bumukas na to kahit walang susi. Aktong tatamaan ko pa lang 'yon ay may nagsalita, "Pwede mo namang sirain yan basta bayaran mo 'ko pagkatapos," napatingin ako sa gilid at sinamaan siya ng tingin.

Boses nanaman ng isang nakakabwisit na tao ang narinig ko. Kaya pala nag-uumpisa nanamang kumulo ang dugo ko.

"Kanina ka pa paikut-ikot, huwag mong sabihing hanggang ngayon wala ka pang nahahanap?" hindi ko man kita ang mukha niya pero halata sa mata at tono nito na nakangiti siya ng masama. Nakapamulsa pa nga ang bwisit.

"Ano bang pake mo?" sagot ko na tinalikuran siya. Makalipat na nga lang nang ibang lugar. May epal dito. Ramdam ko naman na nakasunod siya sa akin.

"Tulungan na ba kitang maghanap?"

Hindi ko siya pinansin hanggang sa natawa siya, "Magsabi ka la— "

"Manahimik ka," napataas ng konti ang boses ko na natigilan sa paglalakad at sinamaan siya ng tingin. Naghahanap ako ng ebidensya laban sa kanya tapos sasabihin niyang tutulungan ako? Anong kahibangan yon? Kasabay noon ay sabay kaming napatingin sa tyan ko nang magreklamo ito. Sa dinami-rami ng oras, bakit ngayon pa?

Ibinalik ko ang tingin sa kanya na halatang malapad ang ngiti, "Ayan, nagutom kakahanap. Kung nagpatulong ka na lang kasi sa ak— " mabilis akong naglakad papalapit sa kanya at mahigpit na pinikot ang tainga nito dahilan para mapayuko siya ng konti at mapasunod sa akin "Arayyy!"

"Ang laki-laki ng mansyon mo pero walang laman ang ref," saad ko na hila-hila naman siya sa tainga habang mabilis akong naglalakad pababa kaya halos makaladkad na siya. Bagay sa kanya. Binibwisit niya ako.

"Bitawan mo 'ko, arayyy!" reklamo ng tange.

Pagbaba namin ay tinungo ko ang pintuan. Buti na lang at maliwanag dito pagka umaga, ang hirap kasing makita ng mansyon niya kapag gabi dahil walang kailaw-ilaw bukod sa library at kusina. Aswang ata to?

"Ano bang gagawin mo?" tanong pa niya.

"Sasamahan mo 'kong bumili ng pagkain," ani ko.

"Ikaw na lang nga sabi," angal nitong bata na 'to habang hila-hila ko pa rin siya papalabas ng pinakamamahal niyang mansyon.

"Hindi, sasama ka sa akin. Hindi mo kayang alisin yung mga trap sabi mo, kaya sasama ka sa akin para pareho tayong masugatan at matamaan. Sabay na rin tayong mamatay," binuksan ko ang pintuan hanggang sa naalis niya ang pagkakahawak ko sa kanya kaya napatingin ako rito. Syempre sa isang mata niya lang ako lagi nakatingin dahil halos takip na ang buo niyang mukha.

"Ayoko nga sabi. Ikaw na, kaya mo na 'yan," reklamo niya na kinamot ang tainga nito. Namula pa nga 'yon. Seryoso ko siyang tinignan mula ulo hanggang paa hanggang sa ilingan ko siya, "Parang bakla," sabay talikod ko. Kung makareklamo, daig pa ang babae.

"Anong sabi mo?" sabay harang niya sa harapan ko. Itinuro niya ang sarili niya, "Ako bakla? Sa gwapo kong 'to?"

Seryoso pa rin ang tingin ko sa kanya, "Paanong gwapo eh mata lang nga ang kita," nilagpasan ko na siya. Bahala siya kung ayaw niya, ano namang pake ko kahit magutom siya dyan.

"Baka kapag nakita mo 'ko, maglaway ka," hindi ko na lang siya pinansin at diretso nang lumakad papalabas. Mabuti na lang at mataas ang sikat ng araw ngayon.

"Mag-grocery ka para sa akin ah!" sigaw pa niya habang papalayo ako. Bahala ka mamatay sa gutom. Wala akong pake sayo. Hinihintay ko na ring mag-activate ang mga laser pero mukhang wala naman. Siguro sa gabi lang aktibo ang mga trap dito. Wala din kasi akong napapansin na trap kahit malapit na ako sa gate.

"May trap!" sigaw niya kaya mabilis akong napahakbang paatras at napatingin sa paligid. Naging alerto ako nang wala sa oras. Maya-maya ay tumawa siya ng malakas kaya tinignan ko siya mula sa likuran.

"HAHAHAHA! Uto-uto amp!" sambit pa niya.

Nagkuyom ako ng kamay at nanginig pa ito. Bwisit na lalaki. Hindi ako natutuwa sa kanya. Todo halakhak pa siya. Nababaliw na ata. Kauma-umaga, binibwisit niya ako.

"Baliw," mahinang saad ko na pinapanood siya habang sinasaksak na siya sa paningin ko. Napahawak siya sa tyan na parang masakit na yon kakatawa niya. Mamatay ka sana sa tuwa. Hindi nagtagal ay kumalma siya ng konti at sumenyas na parang pinapaalis na ako, "Sige umalis ka na. Sorry nakalimutan kong sabihin na sa gabi lang pala may trap dito," at itinuloy ng baliw ang paghalakhak.

Sino nagtatanong? Bwisit talaga na lalaki.

Sinamaan ko pa siya ng tingin at tinalikuran. Madapa ka sana. Nagkibit-balikat ako at itinuloy ang paglapit sa gate. May oras ka din sa'king bata ka.

Nang makalapit ako, wala ang kadena at padlock kaya nabuksan ko agad ang gate. Wala ng paliguy-ligoy pa at tinungo ko na ang daanan. So totoo nga na walang trap kapag maliwanag? I see. Ano namang pake ko. May trap man o wala, hindi ko naman ikakamatay.

Hindi muna ata ako agad uuwi dahil kumukulo ang dugo ko sa lalaking 'yon. Habang nilalakad ko ang daan ay may mga nadaraanan akong factory at mga bahay na under construction pa. Hindi ko alam pero ibang klasi ang mga bahay dito. Gawa lahat sa marble at kahoy, at ang disenyo parang noong panahon pa ng mga Espanyol.

Ewan, hindi ko maintindihan basta ganun. Maski ang pananamit ng mga tao dito ay nakaskirt na hanggang baba ng tuhod tapos naka-long sleeves at trilby cap. Para bang sinaunang panahon except sa akin na naka pantalon lang at itim na oversized tshirt. Kailangan ko kasing takpan ang gofer sa hita ko dahil wala raw ibang pwedeng makakita.

Masasabing bagong bansa ito pero luma naman lahat, psh. New but outdated? Ano yun?

Makalipas ang halos ilang minutong paglalakad, nakarating na ako sa pinakabayan. Mas dumami na rin kasi ang tao. Nagtingin-tingin naman ako sa paligid nang pwedeng pagbilhan ng pagkain o tinapay. Wala rin akong makita na parang 7/11 dito. Tumigil ako sa paglalakad habang naglilibot ng tingin. Mabilis kong nasulyapan ang nasa tapat ko hanggang sa bumalik doon ang aking tingin. Ngayon lang din kasi ako nakapunta rito.

"Fermesco Tavern."

Kumpara sa ibang tindahan ay mas marami ang pumapasok doon, karamihan sa kanila ay lalaki. May ideya naman ako kung ano ang nasa loob ng isang tavern o pub pero hindi pa ako nakakapasok. Kung sakali man, ito na yung pagkakataon ko, tutal ayaw ko rin namang makita ang bwisit na yon sa mansyon. Dito na muna ako.

Kasabay ng ibang lalaki ay pumasok ako sa loob. Tumambad sa akin ang hindi kalakihang lugar ngunit maraming tao sa loob. Para yong isang restaurant pero puro alak ang nakalapag sa bawat lamesa. Halos grupo ng mga lalaki ang nandito. Malakas na nagtatawanan ang iba habang umiinom. May nagkwekwentuhan rin at kumakanta. Sa madaling salita, sobrang ingay. Pero dahil wala naman akong pake sa kanila, dumiretso ako sa pinakasulok kung saan hindi gaanong naookupahan ng mga tao, sa tapat mismo ng counter.

Naupo ako doon at tinignan ang mga alak na nakalagay sa tapat. Hindi ako pamilyar sa kanila. Bigla pang nanlaki ang mata ko nang may lumitaw na isang babae sa tapat ko. Para kasing may pinulot siya sa sahig at umayos ng tayo kaya muntikan pa akong magulat sa biglaang pagsulpot niya. Kung titignan, mukhang siya ang taga-serve dito. Nginitian niya ako, "Ciao, cosa vorresti per oggi?" sabay punas nito ng dalawang kamay sa suot niyang apron na kulay brown.

Nagsalubong naman ang kilay ko, "Ah, what language do you speak?" tanong pa niya na kumuha nang baso sa ilalim.

"Tagalog?" inilapag niya ang baso sa harapan ko kaya napatingin ako roon.

"Hmm hmm," pagtango ko.

"I see," malapad siyang ngumiti at halatang nagulat pa, "Magkababayan pala tayo," hanggang sa may lumapit na isang lalaki sa tapat namin kaya hinarapan niya yon, "Cos'è signore?"

"One more dragon's breath please," ipinatong ng lalaki sa tapat ang maliit nitong baso na halatang pang-shot lang 'yon.

Tumingin ang babae sa likuran at tila may hinanap na bote hanggang sa kunin niya ang isang kulay itim na bote. Binuksan niya yon gamit lang ang kamay nito at dahan-dahang ibinuhos ang laman sa baso ng lalaki hanggang sa ngitian niya ito, "There you go."

"Grazie, ciao!" tinaas bahagya ng lalaki ang baso bago ako tinignan, nginitian at kinindatan bago tinalikuran. May suot din siyang brown trilby cap, brown coat at slacks.

"First time mo ba dito?" ibinaling ko ang tingin sa babae nang magsalita.

"Oo," tipid kong sagot.

"By the ways, you can call me Peoni," sabay lahad niya ng kamay kaya ganon na rin ang ginawa ko.

"Xel— Cyiarnai," muntikan pa akong nadulas sa pagpapakilala. Iba nga pala dapat ang pangalan ko.

"Nice name. I'm glad to meet you. Then, any idea what do you want to drink?"

"Iced tea?" di ko siguradong sagot.

"Oh hon, walang ganon dito," pag-iling niya at bahagyang natawa.

Tinignan ko ang mga bote sa likuran niya pero hindi ko gaanong mabasa ang mga nakasulat. Lumapit siya doon at may mga itinuro habang isa-isang sinasabi kung ano ang mga yon, "Alabamma Slammer, Slippery Nipple, B-52, Long Island Tea, White Zinfandel or.... " isa-isa pa niyang pinadaan ang daliri nito sa mga bote na parang may hinahanap hanggang sa tumigil yon sa isang itim na bote at may label yon na kulay pula sa gitna, "Wild Chokecherry mead?" tinignan niya ako.

"Magkano?" tanong ko naman.

"Two golds, pero dahil first time mo rito, one gold is sufficient," nginitian niya ako at kinindatan. Kumuha ako nang pera sa bulsa at buti na lang may natabi akong limang pirasong gold. Para silang mga barya. Ganon dito, madalang lang ang tumatanggap ng papel na pera dahil ginto ang bayaran.

Ibang-iba talaga ang bansang ito.

Inilapag ko ang isang ginto sa lamesa kaya binuksan niya ang bote gamit ang kamay. Mabilis lang na dumadaan ang kamay niya sa takip pero naaalis niya 'yon. Kumuha siya ng baso sa ilalim na mas malaki sa hawak ng lalaki kanina. Inilapag sa aking harapan at dahan-dahan niyang sinalinan nang kulay pulang likido. Hindi niya rin yon pinuno at wala rin sa kalahati. Pagkatapos salinan ay ngumiti siya at kinuha ang ginto.

"Wild chokecherry mead, there you go," saad niya. Kumuha siya ng panibagong takip at inilagay sa bote. Ibinalik niya 'yon sa lalagyanan nito at saka pumunta sa kabilang banda para asikasuhin ang iba pang kostumer na halos kakarating lang. Iniikot ko naman ang tingin sa paligid. Medyo maingay, may nagtatawanan at nagkakantahan.

Kinuha ko ang baso at tinitigan muna nang maayos ang likido. Mukhang okay naman. Inamoy ko pa yon at amoy cherry na matapang. Sinubukan kong uminom ng konti at nilasahan ng maayos. Tinignan ko ulit ang baso at masasabi kong mukhang juice lang to.

Hindi naman siguro nakakalasing.

Diretso ko yong ininom at matamis agad ang lasa na dumikit sa dila ko. Pero habang tumatagal, parang nag-iiba na yung lasa. Mapait? Bakit pumapait? Lalo na kapag dumaraan sa lalamunan ko.

Binalikan ako nung babae, "Oh an— " napatingin siya sa baso kong wala ng laman at para siyang binuhusan ng malamig na tubig.

Problema niya? Natae ba siya bigla?

"Diniretso mo?" nanlalaki ang mata niyang nilapitan ako.

"Oo. Isa pa nga," nasarapan ako kaya dumukot ulit ako ng gintong barya at nilapag sa lamesa.

Nginitian niya ako at kinuha ang bote. Nagsalin naman siya ulit kaya diretso ko yong ininom. Matamis talaga pero pag tumatagal, pumapait na. Pero masarap pa rin naman siya. Wala naman akong nararamdaman na hilo o ano kaya juice lang siguro talaga to.

"Isa pa nga," naglapag ulit ako ng barya kaya nilagyan niya yon.

"Broken hon?" tanong niya na di ko pinansin. Wala nga akong pakielam sa pagjojowa, mabroken pa kaya?

Bigla na lang akong may naalala. Sa ngayon, wala pa akong nakikitang ebidensya na si Von ang pumatay sa tatay niya. Hindi ko rin alam kung paano aalamin kung sino ang boss ng LaCosa dahil mukhang wala namang alam si Von. Wala naman ata akong mapapala sa taong 'yon.

Takutin nga yon at hindi lumalabas, pano siyang may alam? Napahawak ako sa ulo ko at hinilot yon gamit ang isang kamay. Parang biglang sumakit ang ulo ko dahil sa lalaking 'yon.

Kung wala siyang alam, edi nagsasayang lang ako ng oras.

Bumalik sa akin ang babae at natigilan nang makitang wala nanamang laman ang baso ko kaya nagsalubong ang aking kilay, "Bakit? Masara— " bigla niya akong hinipo sa noo.

"You okay hon?" nag-aalala niyang tanong.

Inilayo ko ang sarili sa kanya, "Bakit ba?"

"Hindi ka nahihilo or what?"

Mas lalong kumunot ang noo ko, "Di naman."

"What a strong woman," sabay ngiti niya nang malapad at nagkibit-balikat.

"Bakit ba?"

"Kadalasan kasi, one to two shots lang yan pero malakas na ang tama sa mga babae. However, you made it to three. You sure have a strong alcohol tolerance, huh?" pagngisi niya at nag-ikot na lang ako nang mata.

Pake niya ba.

Sabay-sabay kaming lahat na napatingin sa pintuan nang biglang may pumasok at pabagsak na binuksan ang pintuan. Nang maayos kong tignan, para silang pamilya dahil may babae, lalaki, matanda at bata. Isang lalaki na parang nasa 30's nito ang nangunguna sa kanila. Lahat natahimik sa ginagawa at napatingin sa direksyon nila. Ang maingay na inuman, biglang nawalan ng sigla.

Nagring naman ang cellphone kong may keypad pa kaya sinagot ko yon, "Anong ginagawa mo dyan? Dba ang utos, sa mansyon ka lang at babantayan si Von?" bungad ng walang gana niyang boses.

"Ginagawa ko naman trabaho ko kaya wala kang pake," sagot ko.

"Kung ako sa'yo, umalis ka na dyan. Umuwi ka na. Mas safe sa mansyon ni Von kesa sa labas."

"Wala naman akong mapapala sa taong yon. Mukhang wala siyang alam sa mga gusto kong malaman."

"Kunin mo lang ang loob niya. Magsasalita siya."

"Psh, ang gusto kong gawin ay literal na kunin ang lamang loob niya," nakakabadtrip ang taong yon.

"Huwag masyadong bayolente ate. Baka malaman mo na lang na mas bayolente pa pala si Von sayo."

Nag-ikot ako ng mata. As if, takutin nga eh.

"Bahala ka dyan," aktong ibababa ko, may pahabol pa siya.

"Bumalik na sila, ate," saad niya. Hindi ko alam pero parang nag-iba ang boses niya na ngayon at tila may pag-aalala.

"Sino?" tanong ko.

"Mag-iingat ka sa kanila. Hindi mo sila kilala," pagkatapos noon ay namatay na ang tawag kaya napatingin ako sa cellphone.

"You must have missed us, people of this colony," saad ng isang lalaking nangunguna sa pamilyang pumasok. Nakuha pa niyang ngumisi ng masama.

To be continued...