Chereads / Mateo Leoron Teodoro / Chapter 3 - Kabanata 3: Bagong Kaibigan

Chapter 3 - Kabanata 3: Bagong Kaibigan

UNANG araw ni Alex sa trabaho. Wala pa mang isang oras ay halos maligo na siya sa sariling pawis.

Hindi naman siya hirap sa pagbubuhat ng mga naglalakihang kahon para ipasok o ilabas sa loob ng store.

Sadyang pawisin lang talaga siya lalo na't bukod sa medyo mainit sa loob ay tirik din ang araw sa labas. Nagkataon na itim din ang suot niyang t-shirt kaya mas matindi ang pasok ng init sa kanyang katawan.

Nang maipasok niya ang mga natitirang kahon, napasilong siya sa isang tabi at doon muling pinunasan ang tumatagaktak niyang pawis. Nakatatlong panyo na siya sa tindi ng kanyang pagpapawis.

Itong pangatlong panyo niya ay sobrang basa na rin, halos hindi na ito makatuyo ng pawis sa katawan.

Isa sa mga kapwa niya kargador ang lumapit sa kanya. Kerby Jeric ang pangalan nito.

"Mainit ba, pare?" tanong nito habang nakapamaywang pa. Wala itong damit sa pang-ibabaw kaya kitang-kita ang malaking tattoo nito sa dibdib.

"Oo, eh! Pawisin kasi talaga ako," aniya habang nagpupunas ng pawis sa ulo at leeg.

"Maghubad ka na lang, p're. Marami pa tayong bubuhatin mamaya."

"Ah, puwede ba 'yon, p're?"

"Oo naman. Puwede namang maghubad dito habang nagbubuhat. Nasa palengke lang naman tayo, eh."

Doon din niya napansin ang ilang mga trabahador sa paligid na nakahubad din at nakapatong lang sa balikat ang mga damit.

"Ah, sige. Salamat, ah!" pagkasabi ay hinubad agad niya ang suot na t-shirt at ipinatong sa balikat niya.

"Oy grabe, oh! Malaki naman pala ang katawan mo, eh. Bakit nahihiya ka pang maghubad?" puri nito sa kanya matapos makita ang maskulado niyang katawan na pinarisan ng six packs na abs.

"Akala ko kasi bawal, eh. Doon kasi sa Maynila, hinuhuli nila 'yung mga nakahubad sa labas."

"Ah, eh, sa Maynila naman kasi 'yon. Dito sa Pampanga puwede ka maghubad-hubad, lalo na kung ganito lang naman ang trabaho mo."

"Oo nga, eh. Buti na lang puwede rito, at least hindi na ako maiilang sa kapupunas ng pawis minu-minuto."

Tumawa ang lalaki. "Oo nga! Halika na! May kukunin pa tayong stock doon!" Nauna na itong lumakad sa kanya.

Pagkatapos punasan ang natirang pawis sa leeg at ulo ay patakbong sumunod na rin siya rito.

Hapon na sila natapos sa pagbubuhat. Sa mga oras na iyon ay naipasok na nila ang lahat ng mga bagong deliver na kahon. Naayos na rin nila ito sa kani-kanilang pinaglalagyan sa loob.

Palubog na rin ang araw kaya hindi na gaanong mainit. Nagbihis na muli sina Alex kasama ang dalawang kargador sa store na iyon.

Unang araw pa lang din ay kasundo na niya ang mga ito. "Pare, libre ka ba sa Linggo? Birthday kasi nitong si Pareng Kerby Jeric, eh. Pati si Aling Len pupunta rin," yaya sa kanya ni Ramon.

"Ah, titingnan ko kung wala akong gagawin sa Linggo," iyon ang naisipan niyang isagot dahil hindi siya sigurado kung gusto niyang sumama.

"Naku, sumama ka na! Birthday ko 'yon, pare. Si Aling Len mismo sponsor ko, kaya maghahanda rin ako ng marami. Malapit lang naman, eh. D'yan lang naman sa Sto. Nino ang bahay ko. Walking distance lang din dito 'yon sa palengke."

"Ah talaga ba? Kasama si Aling Len?" paninigurado niya.

"Oo naman. Saka tuwing may nagbi-birthday sa mga tauhan niya, siya na mismo ang nag-i-sponsor tapos imbitado tayong lahat. Kaya kahit ayaw mo sumama kukulitin ka pa rin niya," paliwanag ni Kerby Jeric.

Nakumbinsi rin siya. "O, sige, sige pupunta na ako. Mga anong oras ba?"

"Sabay na lang kayo ni Ramon. Magluluto na rin kasi ako no'n kaya hindi ko na kayo masusundo pa."

"Oo sabay na lang tayo, p're," sabat sa kanya ni Ramon. "Dito na lang tayo magkita para hindi ka na mahirapan."

Tumango-tango siya. "Sige, sige. Pupunta ako."

"Nga pala, umiinom ka ba?" biglang tanong sa kanya ni Kerby Jeric.

"Oo naman," mabilis na sagot niya. Pagdating sa inuman ay mabilis talaga siya.

"Very good!" asik ng lalaki saka kinuha ang mga gamit nito.

Kinuha na rin niya ang kanyang bag na wala namang ibang laman kundi ang mga basang panyo at t-shirt niya.

Pagsapit ng alas-sais ay nagpaalam na rin sila sa kanilang amo matapos maibigay ang kanilang suweldo sa araw na iyon.

Sa ganoong oras ay tapos na ang trabaho nila roon kaya maaga na silang pinapauwi ni Aling Len.

Si Kerby Jeric ay nilakad ang bahay na malapit lang din sa palengke. Si Ramon ay sumakay ng wheeler patungo sa San Isidro Matua. Siya naman ay sumakay ng motor pauwi ng Cambasi.

Ganap nang latag ang gabi nang siya'y makarating. Pagkababa sa motor, isang babae ang nakita niyang nadulas sa isang tabi at nahulog ang mga pinamili.

Nakita niyang butas na rin ang plastic na hawak nito kaya dismayado ang babae sa anyo nito. Hindi na nito alam kung paano pa aayusin ang mga nahulog na pinamili. Karamihan ay mga gamit sa bahay at ilang mga prutas.

Nais sana niya itong tulungan pero nilamon naman siya ng katamaran. Medyo pagod na rin ang katawan niya dahil sa pagkababad sa initan kanina. Nais na niyang humiga at makapagpahinga.

Payukong dinaanan na lang niya ito at nagtungo sa sakayan ng mga bangka. Hindi pa man siya ganap na nakalalayo, narinig na niya itong tumawag sa kanya.

"Kuya… Kuya…"

Paglingon niya rito, umiiyak na ang babae. Doon na siya napilitang lumapit dito. "B-bakit po, Miss?"

"Kuya, pasensiya na po sa abala. Manghihingi lang sana ako ng tulong sa inyo. Nabutas kasi itong plastic na dala-dala ko. Wala na akong mapaglagyan ng mga pinamili ko. Mapapagalitan po ako ng amo ko kapag umuwi akong ganito kagulo ang mga dala ko. Nagmamakaawa po ako sa inyo,"

May bakas ng takot sa tinig ng babae. Nagdulot iyon ng alarma sa kanya. Para bang ganoon na lang kahigpit ang amo nito para umiyak ito nang ganoon.

Hindi na siya makatanggi rito kaya napilitan siyang tanggalin ang laman ng kanyang bag at ito ang ibinigay niya sa babae. "Heto na lang gamitin mo."

Mangiyak-ngiyak na ngumiti ang babae sa kanya. "Maraming salamat po, Kuya. Sobrang salamat po talaga! Hulog ka sa `kin ng langit. Niligtas n'yo po ang buhay ko."

Mabilis na kinuha ng babae ang bag at dito inilagay ang mga pinamili. Hindi na niya iyon pinanghinayangan. Mumurahin lang naman kasi ang bag na iyon at makakabili naman siya ng bago bukas sa palengke.

"Saan ka pala umuuwi?" wala sa loob na tanong niya rito.

"Doon po ako didiretso." Tinuro nito ang daan na tatahakin nito.

"Ah, sige. Mukhang magkaiba tayo ng uuwian. Ako kasi sasakay ako ng bangka, eh."

"Ganoon ba. Sige po, Kuya. Salamat po ulit nang marami. Hinding-hindi ko po kayo makakalimutan. Niligtas n'yo po ang buhay ko."

Nawirduhan siya sa tono ng babae. Napilitan na siyang magtanong. "Ah, Miss, kung hindi mo sana mamasamain, pero puwede bang malaman ang dahilan kung bakit ganoon na lang ang reaksyon mo kanina?"

Tumango ang babae na tila naiintindihan ang mga katanungan niya. "Katulong po kasi ako sa bahay ni Padre Mateo. Buhay ko ang kapalit kapag pumalpak ako sa trabaho ko."

Nagulat siya nang marinig ang pamilyar na pangalan. "Padre Mateo? A-amo mo siya?"

"Opo, Kuya. Pasensiya na po. Hindi na ako puwedeng magsalita pa. B-baka kasi naririnig niya tayo. Basta mag-ingat na lang po kayo sa kanya. Iyon lang po. Sige po, aalis na ako."

Ang dami pa sana niyang nais itanong pero umalis na ang babae. Nagmamadali ito at halatang may sinusunod na oras kung kailan ito dapat makabalik sa bahay.

Lalo tuloy siyang nahiwagaan sa pagkatao ng lalaking iyon na naingkuwentro na niya kahapon. Ang lalaki na bigla na lang lumitaw malapit sa kanila ngunit bigla ring naglaho.

Naalala rin niya ang sinabi ng ina tungkol dito na isa raw itong Ukluban. Ibig sabihin ay gamay nito ang lahat ng mga kapangyarihang nakapaloob sa Kalam.

Nang makasakay na siya sa bangka, si Padre Mateo pa rin ang nasa isip niya. Gaano nga kaya kadelikado ang taong ito at bakit lahat ng tagaroon ay ito ang kinatatakutan?

KINABUKASAN, balik si Alex sa dating gawi. Babad silang muli sa init ng araw habang nagbubuhat ng malalaking mga kahon.

Habang inaayos sa isang tabi ang mga naipasok na kahon, isang babae ang nakita niyang pumasok sa grocery store.

Nagulat siya. Ito ang babaeng tinulungan niya kagabi. Walang atubili na nilapitan niya ito at binati. "Hi!"

Halatang nagulat din ang babae nang makita siya. "Oh, hi! I-ikaw ba 'yung kagabi?"

"Oo ako nga! Buti napadaan ka rito." Hindi na siya nahiyang humarap dito kahit walang suot na pang-ibabaw. Maganda naman kasi ang kanyang katawan at confident siya roon.

"Dito kasi ako madalas namimili dahil mura at mas nakakatipid ako. Lumilipat lang ako sa ibang grocery kapag wala rito 'yung pinapamili ko," nakangiting sagot ng babae.

"Ganoon ba? So ano naman 'yung mga bibilhin mo ngayon?"

"Ah, wala naman. Mga personal na gamit lang sa bahay, saka mga sangkap na kailangan para sa iluluto ko mamaya."

Napatango na lang siya. Nagawa pa niyang sundan ang babae habang namimili ito ng mga gamit sa paligid. Mukhang hindi rin naman ito naiilang sa kanya. Gusto rin nito ang daloy ng kanilang usapan.

"Gaano ka na katagal nagsisilbi kay Padre Mateo?"

"Maglilimang taon na rin."

Nagulat siya. "Limang taon? Buti nakayanan mong magtagal nang ganoon sa kanya? Di ba sabi mo mahigpit siya at mapang-abuso?"

"Wala naman din kasi akong magagawa. May Kalam siya, at ang mga kasama niya sa bahay. Ako, wala. Kaya wala rin akong laban sa kanila. At wala akong ibang magagawa kundi ang sumunod."

"Wala kang Kalam?"

"Hindi naman kasi ako tagarito, kaya wala akong Kalam. Si Padre Mateo kasi ang dumampot sa akin mula nang maglayas ako noon sa amin at dito ako napadpad. Akala ko, magiging masaya na ang buhay ko dahil nakaalis na ako sa poder ng tatay kong lagi akong minamaltrato. Hindi ko akalaing mas didilim pa pala ang kapalaran ko sa mga kamay ni Padre Mateo. Pero gaya nga ng sinabi ko, wala na akong magagawa, dahil siya ang may kapangyarihan. Siya na ang may hawak sa buhay ko."

"Hindi mo ba sinubukang tumakas?"

"Kahit gawin ko iyon, masusundan din nila ako. Makapangyarihan si Padre Mateo. Taglay niya ang lahat ng Kalam, kaya may kakayahan din siyang tukuyin kung saan ako pupunta. Wala na akong kawala sa kanya." Bakas sa tinig ng babae ang labis na lungkot.

Naawa tuloy siya sa kalagayan nito. Para bang nais na niyang malaman kung ano ang taglay niyang Kalam upang matulungan din niya ito.

Mabuti na lang talaga at tadhana na ang nagtagpo sa kanila. Kung pinili niyang talikuran lang ito kagabi at hindi tinulungan, malamang hindi rin niya malalaman na ganito pala ito kabait at kagaan kausap.

Pati nga ang babae ay magaan na agad ang loob sa kanya kahit ilang minuto pa lang silang magkakilala at nag-uusap.

"Nga pala, puwede ko bang malaman ang pangalan mo?" aniya sa babae bago ito dumireto sa counter para magbayad ng mga pinamili.

"Mary Jane nga pala. Ikaw ba?"

"Alexander Soriano. Pero Alex na lang para mas madali."

"Nice to meet you, Alex. Salamat nga pala ulit sa tulong mo kagabi."

"Wala 'yun! Sana magkita pa tayo ulit sa susunod. Para naman magkaroon ka rin ng kaibigan dito." Batid na kasi niya na walang kaibigan ang babae dahil lagi lang itong nakakulong sa bahay ni Padre Mateo.

"Sige ba! Kapag maggo-grocery ulit ako, puwede tayong magkita rito. Iyon lang kasi 'yung oras na makakalabas ako. Hindi kasi ako pinapayagang lumabas nang wala ring kinalaman sa trabaho."

"Ang higpit naman pala ng walang hiya mong amo. Kung may Kalam lang ako, ipagtatanggol kita sa kanya."

Lalo tuloy lumambot ang puso ng babae sa kanya. "Naku salamat na lang. Mas mabuti kung mag-ingat na lang tayo sa kanya. Kahit naman kasi may Kalam ka pa, isa naman siyang Ukluban. Alam mo na siguro kung ano 'yon, 'no?"

"Oo naman. Pero sige, ingat ka, ah? Sikapin mong huwag painitin ang ulo niya, para palabasin ka pa niya uli."

Tumango ang babae sa kanya. "Salamat talaga, Alex. Dito ka ba nagtatrabaho?"

"Oo, eh. Kargador ako rito at helper."

"Sige, dito na lang ako bibili lagi. Para madalas tayong magkita."

Ewan ba niya kung bakit bahagyang lumakas ang tibok ng kanyang puso sa sinabing iyon ng babae. "Sige ba! Mas okay 'yun! Basta kung may iba ka pang kailangan, huwag kang mahihiya magsabi sa akin. Mula ngayon magkaibigan na tayo, ah?"

Ibig maiyak ng babae ngunit pinipigilan lang nito dahil maraming tao sa loob. "Salamat talaga nang marami, Kaibigan!" Saka gumuhit ang napakatamis na ngiti sa mga labi nito.

Sa mga pinag-usapan nila ni Mary Jane, ang dami niyang natuklasan tungkol kay Padre Mateo.

Dito niya nalaman na ang lalaki palang iyon ang may hawak ngayon sa buong baryo ng Cambasi. Lahat din daw ng mga nandoon ay kilala nito mula sa pangalan hanggang sa hitsura.

Kaya tuwing may dayo na mapapadpad doon ay pinupuntahan daw talaga nito para kilalanin. Kaya siguro nagpakita sa kanya ang lalaki para siya'y kilalanin. At dahil nagkita na raw sila, nakalista na rin sa utak nito ang kanyang hitsura. Kaya anumang oras ay magagawa nitong puntahan siya sa kahit saang lugar na kanyang puntahan.

Nang matapos ang trabaho nila, sumama siya kay Kerby Jeric para maglibot-libot sa Plaza. Pareho pa kasi silang walang ganang umuwi dahil medyo maaga pa naman.

Si Ramon ay nauna na sa kanila dahil may aasikasuhin pa raw ito sa bahay.

Sa kalagitnaan ng kanilang paglalakad, bigla siyang napatanong kay Kerby Jeric. "Pare, may Kalam ka ba?"

Natawa ang lalaki. "Wala kaming gano'n dito, p're. Sa Cambasi lang may mga Kalam ang mga tao."

"Ay ganoon? Akala ko kasi buong Masantol, eh."

Natawa muli ito. "Luh? Hindi, ah! Sa Cambasi lang may ganoon, dahil lugar iyon ni Padre Mateo, eh. 'Di ba siya ang may hawak sa lugar n'yo?"

"Iyon ang pagkakarinig ko. Pero curious lang ako, hindi ba kayo naaapektuhan tuwing may nangyayaring gulo roon? Wala bang pumupunta rito para gamitan kayo ng Kalam nila?"

"Dati, noong kapanahunan ng tatay ko, marami rin daw mga nagpupunta rito para manakit ng mga inosente. Ang iba pinipilit nilang i-convert sa sarili nilang religion na si Padre Mateo mismo ang gumawa. Pero ngayon hindi na. May pangontra na kasi kami sa mga taong may Kalam, eh." Saka nito dinukot sa bulsa ang plastic na naglalaman ng dinurog na bawang, asin at siling pula.

"Ano naman ang nagagawa n'yan?" takang tanong niya rito.

"Kapag meron ka nito sa bulsa, hindi ka tatablan ng kahit anong Kalam, lalo na 'yung kapangyarihan ng mga Uple at Manlilingu pati na rin 'yung mga Manggagawe at Magbantala."

Napatango siya. "Ganoon pala 'yon…"

"Ikaw ba, may Kalam ka ba?" tanong nito sa kanya.

"Sabi ng nanay ko, meron daw. Pero hindi namin alam kung ano. Kasi mula raw nung pinanganak ako, inilayo na ako rito para hindi raw ako madamay sa giyera noon."

"Kaya pala. Sana huwag mo akong sasaktan, ah?" natatawang biro pa sa kanya ng lalaki.

Nakitawa rin siya at bahagyang tinapik ang braso nito. "Naku! Hindi, ah! Wala naman akong balak abusuhin ang kapangyarihan ko, eh. Kung meron man talaga… Ang problema, hindi ko rin alam kung ano ang taglay kong Kalam…"

Nang mapasulyap si Alex sa di kalayuan, isang lalaking nakasutanang itim ang kanyang nakita. Laking gulat niya nang mapagtantong wala itong ulo!

TO BE CONTINUED…