Chereads / Mateo Leoron Teodoro / Chapter 4 - Kabanata 4: Muling Pagkikita

Chapter 4 - Kabanata 4: Muling Pagkikita

ALAS-SIETE ng umaga. Kasalukuyan nang nagbibihis si Alex para pumasok sa trabaho. Habang nag-aayos ng sarili sa harap ng salamin, isang itim na usok ang hindi niya alam ay nakalutang sa kanyang likuran.

Wala itong repleksyon sa salamin kaya hindi niya ito nakikita. Habang abala siya sa pagbibihis, bigla namang natigilan ang kanyang ina na kasalukuyang naghuhugas ng mga pinagkainan sa labas.

Natigilan ito. Bigla na lang nakaramdam ng kakaiba sa paligid. Huminto ito sa ginagawa at nilibot ang bahay. Mas lumakas ang kakaibang pakiramdam nito nang mapalapit sa kuwarto.

Natigilan sa pagbibihis si Alex nang bumukas ang pinto. Nakita niya ang ina na seryoso ang anyong luminga-linga sa paligid ng kuwarto niya.

"Bakit, Nay? Anong problema?"

"Anak, may naramdaman ako!"

Napatakbo siya sa matanda at bahagyang dumikit dito. "A-ano pong naramdaman n'yo? Gumana ba ulit ang Kalam n'yo?"

"Marahil nga. Dahil ngayon lang ako ulit nakaramdam nang ganito. Ibig sabihin…m-may elementong umaaligid kanina rito sa kuwarto mo. Nawala lang agad noong pumasok ako."

Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Alex. "Hala, 'Nay! Ano kayang elemento 'yun?"

"Hindi ako sigurado pero sa tingin ko, kakaibang elemento ito. Mabagsik at makapangyarihan."

"Paano n'yo ba nalalaman kung anong elemento 'yung nararamdaman n'yo sa paligid?"

"Kadalasan kasi, kapag nagtaasan ang mga balahibo ko at nakaramdam ng kakaibang lamig, ibig sabihin multo ang nasa paligid. Kapag naman sumakit ang ulo ko at nakaramdam ng kakaibang init, ibig sabihin engkanto ang nasa paligid. Pero kapag sumikip ang dibdib ko habang binabalutan ng magkahalong init at lamig, ibig sabihin nito, demonyo o kasing lakas ng demonyo ang nasa paligid!"

"Hala! May nakapasok na Demonyo rito sa kuwarto ko?"

May kinuha sa bulsa ang matanda. Isa iyong kuwintas na rosaryo. "Heto, anak. Suotin mo muna ito para hindi ka malapitan ng elemento. Huwag na huwag mong huhubarin 'yan lalo na kapag nasa labas ka."

Sinunod niya agad ang utos ng ina. Pagkasuot sa rosaryo, nagpaalam na siya rito na papasok na sa trabaho.

"Mag-ingat ka, anak! Huwag mong huhubarin ang rosaryong 'yan!"

Sumakay na siya ng bangka. Ilang minuto ang tinagal bago siya nakarating sa Kontrol. Mula roon ay nilakad na lang niya ang patungo sa sakayan ng mga motor. Saka siya sumakay ng motor papunta sa palengke ng Sto. Nino.

Sakto lang siya nang makarating sa grocery store. Seven thirty kasi ng umaga ang pasok nila roon.

Pagkapasok sa loob, inutusan na agad siya ni Aling Len na pumunta sa konsignasyon para kunin ang mga bagong deliver nilang kahon. Nandoon na rin daw ang mga kasama niya.

Dahil walang araw sa langit ay hindi na siya naghubad ng t-shirt. Dumiretso na siya sa sinabi nito para magsimula.

Pagdating niya roon, dalawang malalaking kahon agad ang ipinasa sa kanya nina Ramon at Kerby Jeric. Batid kasi ng mga ito na siya lang ang may kakayahang buhatin iyon nang sabay dahil sa laki ng katawan niya.

Nakakadalawang balik pa lang siya sa grocery store ay pinagpapawisan na muli siya kahit wala pa mang araw. Kaya naman naghubad na siyang muli ng t-shirt at ipinatong ito sa kabilang balikat niya.

Balik muli sa trabaho. Ang dami nilang binuhat buong maghapon. Nautusan pa siyang mag-deliver ng mga kahon sa isang bagong tayong pabrika na kakilala ni Aling Len ang may-ari.

Pagsapit naman ng alas-sais, kinuha lang niya ang daily allowance kay Aling Len at nagpaalam na sa mga kasama.

Madilim na muli ang langit nang makarating siya sa Baryo Cambasi. Pagkababa pa lang niya sa motor, napansin niya ang makakapal na hamog sa paligid. Nagtaka siya kung bakit biglang nagkaroon ng hamog doon.

Kinilabutan tuloy siya habang naglalakad. Nawala lang ang kanyang takot nang makarating na sa sakayan ng mga bangka dahil sa mga taong nasa paligid.

Wala na ring hamog sa bahaging iyon.

Habang nag-aabang ng bangka na masasakyan, isang pamilyar na tinig ang tumawag sa pangalan niya. "Alex!"

Napalingon siya sa pinagmulan ng tinig. Laking gulat niya nang makita si Mary Jane. "Uy, buti nandito ka?" bungad agad niya rito.

"Nandito si Padre Mateo. May binisita lang siyang kakilala rito. Buti na lang hinayaan niya akong maglakad-lakad dito. Ikaw, kumusta ka naman?"

"Heto pauwi na sana ako, eh."

"Baka gusto mong magmiryenda muna. May mamihan banda roon. Tara?"

Hindi na tumanggi pa si Alex. "Oo naman game ako d'yan. Tara!"

Sumabay na siya rito sa mamihan. Habang kumakain ay nagkaroon sila ng pagkakataon na makapag-usap muli sa kanilang mga buhay. Dito na niya nabanggit sa babae ang masaklap na nangyari sa kanyang ina at kung paano siya napunta sa Maynila.

"Ngayon lang namin nalaman na wala na pala ang tunay kong ina. Namatay na raw pala ito noong bagong silang pa lang ako. Mga 1998 pa raw iyon. Ang alam ko lang, inilayo lang niya ako at binigay sa iba para hindi ako madamay sa gulo. Pero nang balikan namin siya rito, wala na pala siya. Ang saklap, ano? Kung kailan malaki na ako, doon ko pa lang nalamang wala na siya."

"Ang saklap nga talaga no'n. Ano naman ang naramdaman mo noong malaman mong wala na siya?"

"Sa totoo lang hindi naman ako sobrang nalungkot at nagluksa. 'Yung katamtamang lungkot lang ang naramdaman ko. Hindi ko na rin kasi gaanong pinanghiyangan ang pagkawala niya dahil napamahal na talaga ako kay Nanay Ofelia ngayon."

Nahinto ang usapan nila nang magsitayuan ang mga kostumer sa paligid at isa-isang nagsalita. "Mayap a bengi pu!"

Nagulat si Alex nang masilayan si Padre Mateo kasama ang dalawang tauhan nitong nakaitim din. Kaya pala ganoon na lang ang reaksyon ng mga tao. Parang mga aliping takot na takot at napipilitan lang magbigay-galang sa pinuno.

Pati ang may-ari ng mamihan ay bumati rin dito. Nang tanguan na sila ng lalaki ay doon palang sila nagsibalik sa dating puwesto na parang walang nangyari.

"Nandito ka pala, Mary Jane. Kailangan na nating umalis," ani Padre Mateo sa babae.

"Pero kumakain pa po kami ng kaibigan ko. Maaari po bang ubusin muna namin itong pagkain?"

Napalingon ang binatang pari kay Alex. Natuwa ito nang makita siya. "Nandito ka rin pala. Hindi ko akalaing dito tayo magkikitang muli."

"Kaya nga, eh." Hindi alam ni Alex kung ano ang sasabihin dito. Lalo na't alam na niya kung gaano ito kasama base sa kuwento sa kanya ni Ofelia at ni Mary Jane.

"Sige lang. Magpakabusog lang muna kayong dalawa. Mabuti at may kaibigan ka na rin dito, Mary Jane. Bakit hindi mo siya isama mamaya sa bahay ko? Para magkakilala rin kami."

Nagulat si Alex. Kung siya lang ang tatanungin, ayaw niyang sumama rito. Pero nang makita niya ang pagkasabik sa anyo ni Mary Jane, napilitan na lang din siyang pumayag. Para sa babae.

Lalo na't tuwang-tuwa ang babae nang payagan ito ng amo na magsama ng kaibigan sa kanilang bahay. Palibhasa ay bihira lang ito maging mabait kay Mary Jane.

"Pero sandali lang ako, ah. Baka hanapin kasi ako ni Nanay, eh."

"Oo naman!" tuwang sagot ng babae. "Saglit lang talaga. Para lang mailibot kita sa bahay. Ang laki kaya ng bahay ni Padre Mateo!"

Nababasa niya sa anyo ng babae na napipilitan lang itong magsalita ng magagandang bagay tungkol sa amo dahil kaharap nila ito ngayon at nakikinig sa kanila.

Pagkatapos nilang kumain doon, sumabay na siya sa mga ito pauwi sa bahay ni Padre Mateo sa bandang dulo ng baryo.

Habang nasa sasakyan, panay ang salita ng binatang pari sa wikang Kapampangan habang kausap ang dalawa nitong tauhan. Sila naman ni Mary Jane ay tahimik lang na magkatabi sa likuran.

Labinlimang minuto ang lumipas bago nila narating ang isang bahay na umaabot ng hanggang ikatlong palapag. Ang bubong niyon ay may pagkakahawig sa disenyo ng mga bubong noong Iron Age. Sa labas naman ay makikita ang mahabang tarangkahan at ang garahe ng sasakyan sa bandang kaliwa.

Sa likod nito ay makikita ang napakalaking hardin kung saan nagtitipon-tipon ang mga miyembro ni Padre Mateo sa simbahan nito. Iyon na ang pinakadulong bahagi ng Cambasi. At ang tawag na rin sa lugar na iyon ay "Dulo".

Nilibot sila ni Padre Mateo sa buong bahagi ng bahay mula sa labas hanggang sa loob. Wala siyang ibang nakita roon kundi mga sinaunang kagamitan na pawang mga antigo.

May malalaki ring larawan sa paligid ng mga namayapang ninuno ni Padre Mateo. Basta, bawat sulok ng bahay nito ay sinauna.

May mga nakasulat din sa pader na hindi niya maunawaan. Nang tanungin niya ang lalaki tungkol doon, sinabi nito na iyon daw ang Kulitan Script, isang makalumang kasulatan ng mga Kapampangan.

"Kung sa mga Tagalog may tinatawag silang Baybayin, dito naman sa amin ay may tinatawag kaming Kulitan. At iyon ang sarili naming panulat. Bihira na lang sa aming mga Kapampangan ang gumagamit at nakakaalam sa Kulitan. Halos limot na ito ng mga bagong henerasyon ngayon," paliwanag sa kanya ng binatang pari.

Hindi niya naiintindihan ang mga nakasulat sa paligid pero aminado siyang medyo nagandahan siya roon. Hindi lang sa pader makikita ang Sulat Kulitan, pati na rin sa iba pang mga antigong kagamitan at furnitures na naroroon.

May mga malalaking tipak din ng bato at kahoy ang naka-preserve sa isang malaking eskaparateng salamin kung saan nakaukit ang Sulat Kulitan. Ang mga kahoy at batong naroroon ay nagmula pa raw sa mga ninunong Kapampangan. Dito raw nila isinusulat ang kanilang komunikasyon noon gamit ang alpabetong Kulitan.

Namangha si Alex sa kanyang natuklasan. Ngayon lang niya nalaman na may sarili din palang alpabeto ang mga Kapampangan, at hindi lang pala Baybayin ang nag-iisang writing system sa bansa.

Matapos silang ilibot sa buong bahay, dumiretso na sila ni Mary Jane sa kusina para ipaghanda siya ng makakain doon. Si Padre Mateo naman ay umakyat na sa kuwarto nito para magpahinga.

"Mabuti na lang maganda ang mood niya ngayon. Ewan ko kung bakit. Pero sana laging ganito si Padre Mateo. Mas ganado kasi akong magtrabaho rito sa bahay kapag malamig ang ulo niya."

"Halata ko nga," sagot niya kay Mary Jane.

Isang tibuk-tibok, putong nasi at iba pang malalagkit na pagkain ang inilapag nito sa harapan niya.

"Ako mismo ang gumawa n'yan. Mahilig kasi sa putong nasi at tibuk-tibok si Padre Mateo. Iyan ang lagi niyang panghimagas. Isa rin iyan sa mga masasarap na delicacies dito sa Pampanga."

Napatango siya. "Noon pa man, the best talaga ang Pampanga pagdating sa malalagkit na pagkain gaya nito," komento niya.

"Alex, curious lang. May mga natikman ka na bang Kapampangan foods before?"

"Ah, wala masyado, eh. Laking Maynila kasi ako. Ang alam ko lang sa Kapampangan foods ay 'yung Mekeni Hotdog na nakikita ko minsan sa commercial," natatawang sabi niya. Pati ang babae ay natawa na rin doon.

Inuna niyang kainin ang putong nasi. Sa lahat ng mga ito, dito lang siya pamilyar dahil ito ang laging ibinibili sa kanya noon ni Ofelia.

"Ang sarap ng pagkakagawa mo!"

Natuwa naman ang babae sa sinabi niya. "Salamat, Alex! Nga pala, may ipapakita ako sa `yo."

"Ano 'yun?"

"Tumingin ka sa likod mo."

Ginawa nga niya iyon. Bumungad sa kanya ang nakasabit na malaking picture frame. Makikita roon ang tatlong lalaking pare-parehong nakaitim na sutana. Nasa gitna niyon si Padre Mateo.

"Sino itong mga kasama niya sa picture?"

Pabulong na sumagot si Mary Jane. "Iyan ang mga kapatid niya. Sina Leoron, 'yung nasa kaliwa, at si Teodoro, 'yung sa kanan."

Napatango siya. "Ang galing, ah. Lahat sila may mga hitsura. Parang mga mestizo lahat."

"Pero alam mo ba, ang larawang iyan ay kinuha pa noong 1896. Pina-remaster lang kamakailan para maipalagay sa picture frame at maidikit d'yan."

Unti-unting nangungot ang noo ni Alex. Inabot ng ilang segundo bago nag-process sa utak niya ang narinig. "A-ano? 1896?" Bigla siyang napaisip. "Teka nga lang. A-ano kamo? 1896? E, bakit ganyan pa rin kabata si Padre Mateo hanggang ngayon? Kung 1896 pa 'yan, dapat lampas 100 years old na siya ngayon!" natatawa pang sambit niya rito.

"Iyon na nga, eh! Isa iyan sa mga Kalam ni Padre Mateo," ani Mary Jane.

Bigla siyang may naalala sa sinabi ni Ofelia. Nagbalik sa isip niya ang tungkol sa Mamalue, ang mga nilalang na may kapangyarihan para panatilihing bata ang kanilang anyo at pabagalin ang kanilang pagtanda.

"Oo nga pala. Naalala ko, isang Ukluban nga pala si Padre Mateo. Kaya hindi na ako magtataka kung bakit hindi siya tumatanda."

Bigya siyang sinenyasan ng babae. "Huwag mo lakasan ang boses mo! Baka marinig ka niya! Kapag siya ang pinag-uusapan natin, dapat mahina lang ang boses para hindi niya tayo marinig sa Kalam niya!"

"Ay, sorry! Naku po! Baka hindi na ako makalabas nang buhay rito!" biro pa ni Alex.

"Pero anyway, pinakita ko lang naman sa `yo 'yan para madagdagan ang idea mo sa pagkatao niya. Ngayon alam mo na, ah? Sa totoong buhay, mahigit 100 years old na si Padre Mateo. Pero sa pisikal na anyo, parang 25 pa lang siya. Halos kasing edad mo lang din."

"Kaya nga, eh! Parang ang sarap siguro maging Mamalue, ano? Hindi ka tumatanda. Puwede ka maging bata habang buhay. Sana ganito na lang din ang Kalam ko. Dahil ayoko nang umalis pa sa ganito ang hitsura ko." Saka niya ibinida sa babae ang maskulado niyang katawan.

Tumawa naman ito na tila nagustuhan ang pagbibiro niya. "Ikaw talaga."

Nang maubos na niya ang mga panghimagas, nagpaalam na siya kay Mary Jane. "Baka kasi hinahanap na ako ng nanay ko."

"Sige. Ako na ang maghahatid sa `yo hanggang sa sakayan."

"Hindi ba tayo magpapaalam muna kay Padre Mateo? Baka magalit 'yun."

"Ako na lang ang magsasabi sa kanya pag-akyat ko. Okay lang 'yun!"

Sabay na nga silang lumabas ng babae at tinahak ang napakadilim na daan. Walang mga ilaw sa poste kaya ginawa niyang flash light ang liwanag ng cellphone niya.

SAMANTALA, habang abala sa pagbabasa ng mga lumang libro si Padre Mateo sa lamesa nito, bigla namang lumitaw sa kanyang tabi ang isang itim na usok na hugis ulo ngunit walang mukha.

"Mayap a bengi, Kapatad kung Teodoro. Makapagal ing aldo ngeni," bati ni Mateo rito, na ang ibig sabihin ay bumabati ito ng magandang gabi, nakakapagod daw ang araw na ito.

"Pintalan ke nanding abak ing amanuan mung lalaki. At atin kung abalu king keyang pangatau…" wika ng itim na usok, na ang ibig sabihin ay pinuntahan daw nito si Alex kaninang umaga at may natuklasan daw ito sa pagkatao ng lalaki.

"Balu ku ne ing tungkul keta. Abasa ke ing kayang penibatan nanding akasabi ke king luwal. Iya pin ing payntunan ku. Iya ing anak nang Charitu," sagot naman ni Mateo na ang ibig sabihin ay alam na rin daw niya ang tungkol doon dahil nabasa na niya ang nakaraan kanina ni Alex habang kausap niya ito.

Lumipat sa kabilang bahagi ang itim na usok. "Nanung buri mung gawan kaya?" anito na ang ibig sabihin ay ano raw ang nais niyang gawin dito.

"Kailangan keng akwa ing lub na. Inya pin pekisabyan keng malugud nandin bang ali ya tumakut kanaku. Agamit taya ing keyang Kalam bang asakup ing mabilug a Masantol, at akalat taya pa ing kekatamung Kalam ka reng aliwa," sagot niya rito na ang ibig sabihin ay nais daw nilang gamitin ang itinatagong Kalam ni Alexander para masakop ang buong Masantol at maikalat ang pagtuturo ng Kalam sa iba pang lugar.

Nagpakawala ng malalim na halakhak ang itim na usok, saka ito unti-unting naglaho at tinangay ng hangin.

Gumuhit naman ang mapanuksong ngiti sa mga labi ni Padre Mateo, habang bakas sa kanyang anyo ang masamang binabalak.

PAGKAUWI naman ni Alex sa kanila, bumungad sa kanya ang tatlong panauhin sa harap ng kanilang bahay. Ang lalakas ng boses ng mga ito. Dinig din niya ang boses ni Pisok.

Nang makatapak na siya sa lupa, doon lang niya napagtanto na nag-aaway na pala ang mga ito. Halos magrambulan sila roon. Pilit lang pumapagitna si Ofelia para awatin sila.

Sumali rin siya sa pag-awat sa mga ito at ipinasok na sa loob si Pisok na ayaw pa ring tumigil sa pagmumura gamit ang wikang Kapampangan. Halatang matindi ang pinag-aawayan ng mga ito.

Agad din namang natapos ang gulo sa pagdating niya. Niyaya na rin niyang pumasok sa loob ang kanyang ina. Saka niya sinarado ang mga pinto at bintana.

Bago tuluyang nakaalis ang tatlong panauhin na nakaaway kanina ni Pisok, narinig pa niyang nagsalita ang isa sa mga ito.

"Iya na pin ing menakong babi king bale ku, iya pa ing mimimwa! Ali ye paburen mibating king panimanman yu ing taknidung Pisok a yan! Miadya ya kaku ing animal a yan bukas! Taknidu nang anak puta!"

Hindi niya maintindihan ang sinabing iyon ng lalaki. Pero kinutuban siyang bigla sa tono ng pananalita nito. Para bang may binabalak itong masama na hindi lang niya mawari kung ano.

TO BE CONTINUED…