Chereads / Mateo Leoron Teodoro / Chapter 6 - Kabanata 6: Walang Katapusang Gulo

Chapter 6 - Kabanata 6: Walang Katapusang Gulo

MAAGANG nagsara ang store nina Alex dahil may pupuntahan daw ang kanilang amo. Alas-tres pa lang ng mga sandaling iyon kaya naisipan niyang umuwi na muna para makapaglibot-libot sa kanila.

Nais lang niyang i-explore mag-isa ang kanilang lugar upang lumawak pa ang kaalaman niya tungkol sa kanilang baryo.

Pagkarating niya sa Kontrol, hindi na muna siya sumakay ng bangka. Sa halip ay dumiretso siya kung saan ang daan patungo sa bahay nina Padre Mateo.

Pero wala siyang balak magpunta roon. Ang nais lang niya ay lumibot sa bahaging iyon.

Dumampi sa kanyang balat ang malamig na simoy ng hangin habang naglalakad sa gitna ng malawak na kakahuyan. Nagbabakasakali siyang may makikita siyang ibang daan doon patungo sa iba pang mga lugar na sakop ng kanilang baryo.

Ngunit sa di kalayuan, hindi niya inaasahan ang kanyang makikita. Isa iyong babae na halos kaedad lang ng kanyang ina. Naka-indian seat ito habang nakasandal ang likod sa isang matabang puno.

Nakita niya itong nakapikit at umuusal sa paraang ito lang ang makakarinig. Nagtago siya sa isa pang puno at doon niya ito pinagmasdan.

Nagtataka siya sa kung ano ang ginagawa nito, at kung may kinalaman ba iyon sa Kalam nito.

Laking gulat niya nang bigla na lang itong bumagsak sa lupa at nawalan ng malay. Balak sana niya itong lapitan ngunit bigla na lang humapdi ang mga mata niya. Kasabay niyon ang pagsalakay ng napakalakas na hangin na halos magpataboy sa kanya palayo.

Hindi na siya tumuloy roon. Kumaripas siya nang takbo pabalik sa Kontrol. Nang marating niya ang sakayan ng mga bangka, doon pa lang nawala ang hapdi sa kanyang mga mata.

Kinilabutan tuloy siya sa nangyari. Hindi kaya inatake siya ng Kalam ng babaeng iyon? Ano naman kaya ang ibig sabihin ng malakas na hanging umatake sa kanya?

"MAGKUKUSIM ang nakita mo, Anak," sagot sa kanya ng ina matapos ikuwento rito ang naingkuwentro niya kanina. "Oras na makaramdam ka ng hangin na tumataboy sa `yo sa isang lugar kung nasaan ang katawan ng Magkukusim, nangangahulugan iyon na itinataboy ka niya dahil hindi ikaw ang target niya."

Nasa lamesa siya at tumutulong sa paghihiwa ng mga gulay. Si Ofelia naman ay nagpapakulo ng karne sa kanyang likuran.

"Ay ganoon po ba 'yun? Ano nga po kasi ulit 'yung kapangyarihan ng Magkukusim, Nay?" tanong niya rito.

"Sila 'yung mga tao na kayang palabasin ang kaluluwa sa katawan nila para mangulam sa malalayong lugar."

"O, talaga?" halata ang pagkamangha sa tinig ni Alex. "Oo nga pala. Pero ano naman ang purpose no'n, Nay? Para saan pa 'yung pagpapalabas nila ng kaluluwa kung puwede naman silang mangulam gamit ang sarili nilang katawan?"

"Alam mo kasi, mas makapangyarihan ang Magkukusim kaysa sa Mangkukulam at Mambabarang. Dahil nga sa nakakalabas ang kanilang kaluluwa sa kanilang katawan, madali nilang natutunton ang kinaroroonan ng kanilang biktima kahit saan pa ito magtago. At oras na makalabas ang kaluluwa nila, mas madali nilang natutuklasan kung sino ang mga taong nagkakasala sa kanila na dapat nilang pagbayaran. At oras na gamitin nila ang kanilang kapangyarihan, hindi sila basta-basta makikita sa visions ng mga manggagamot dahil nga kaluluwa lang sila."

"Ang tindi naman pala ng Magkukusim! Ibig sabihin, puwede nila akong matunton dito at kulamin kahit wala silang mga dalang gamit? Dahil kaluluwa nila ang ginagamit nila sa pangungulam?"

"Parang ganoon na nga," mabilis na sagot ng matanda.

"Aba! E, ano naman po ang pangontra sa kanila? Paano malalabanan ang sumpa ng Magkukusim?"

"Sa pagkakaalam ko, kailangan mo raw hanapin ang patay na katawan ng Magkukusim na kumulam sa `yo. Bago pa makabalik ang kaluluwa nito, kailangan mo na raw sunugin ang kanyang katawan upang maputol ang mga sumpang ibinigay niya sa mga taong kinulam niya. Pero iyon din ang pinakamahirap na paraan. Dahil nga sa sobrang dami ng Magkukusim dito, paano mo malalaman kung sino sa kanila ang kumulam sa `yo?"

Napahinto sa ginagawa si Alex at napaisip. "Maliban na lang po kung kilala n'yo 'yung Magkukusim na 'yun, gaya ng mga taong nakaaway ni Tito Pisok. Dahil nga kilala natin kung sino ang mga iyon, madali lang natin silang nagantihan."

"Parang ganoon na nga, Anak. Pero bihira lang mangyari iyon. Napakailap kasi ng mga Magkukusim sa paggamit ng kanilang kapangyarihan. Sinisigurado nilang nasa ibang lugar sila tuwing ginagawa ito para hindi sila agad mapaghinalaan ng mga taong nakakakilala sa kanila."

"Pero, Nay. Kailan ba kayo maghahanap ng Manula para malaman ko na kung ano ang Kalam ko?" pag-iiba niya sa usapan.

"Ang dami pa kasing gawain dito sa bahay, eh. Sa susunod na lang kapag nagkaoras muli ako."

"Kasi, Nay, ang totoo n'yan. May nararamdaman akong kakaiba."

Napalingon sa kanya ang matanda. "Ibig mong sabihin, parang katulad iyan ng Kalam ko? Na kayang makaramdam ng kaluluwa sa paligid?"

"Hindi po ganoon ang sa akin, Nay. Mula kasi nang pumunta tayo rito, may mga nakikita ako na hindi ko maipaliwanag. May isang lalaking pugot ang nagpapakita sa akin. Di ba sabi n'yo, 'yung mga Katulunan lang ang may kakayahang makakita sa mga kaluluwa?"

"Ibig sabihin, isa kang Katulunan?"

"Siguro nga po. Kasi iyon talaga ang nakikita ko, eh."

"Hayaan mo. Kapag nakakita tayo ng Manula, mabibigyang-linaw din ang lahat ng mga iyan."

Pagkatapos niyang tulungan sa kusina ang ina, pinapunta naman siya nito sa kabilang kuwarto para kumustahin ang kanyang Tito Pisok.

"Tito, kumusta na po ang pakiramdam n'yo?" aniya sa lalaki na bagamat nakahiga pa rin ay halatang masigla na ang pakiramdam.

"Heto mabuti na ang pakiramdam ko, Itung. Nagpapahinga lang ako at mamaya lalabas na rin. Epektibo ang panulu na ginawa sa akin ng nakausap n'yong Mangguguna. Maraming salamat, ah!"

"Walang anuman po. Ang mahalaga magaling na kayo. Huwag kayong mag-alala. Pinasumpa na rin namin sa Magbantala 'yung mga nakaaway n'yo. At patay na sila ngayon. Inatake ng mga aswang, dahil gumawa pala ng dasal 'yung Magbantala para magtawag ng aswang na papatay sa kanila," tumatawa niyang paliwanag.

Natawa ang lalaki. "Sa Magbantala talaga kayo lumapit?"

"Opo, para maiba naman," natatawa ring sagot niya. "Nga pala, may itatanong sana ako, Tito Pisok."

"Sige lang, Itung. Nanu ita?" anito na ang ibig sabihin ay ano iyon.

"Gusto ko lang pong malaman kung may Kalam din ba kayo?"

Nag-iba ang paraan ng pagtawa nito. "Ah, bakit mo gustong malaman?"

"W-wala po. Gusto ko lang pong malaman kasi sobrang interesado po talaga ako sa Kalam. Parang ang sarap po kasi sa pakiramdam na may kakaiba kang abilidad na wala sa pangkaraniwang tao."

Tumango-tango ang lalaki. "Tama ka nga naman. Masarap talaga magkaroon ng Kalam, lalo na kung nakakatulong ka sa iba at may malaki kang pinaggagamitan nito. Nga pala, kung ang nanay mo ay Lagayan, ako naman ay isang Mamalian."

"Mamalian?" biglang may naalala si Alex sa sinabi ng ina. "Ibig sabihin, may kakayahan po kayong papasukin ang mga ligaw na kaluluwa at elemento sa inyong katawan?"

"Tama ka, Itung. Kapag may mga namatayan dito sa amin, at gusto nilang makausap ang kaluluwa nito, ako ang tinatawag nila at sa akin sumasapi ang mga kaluluwang nais nilang makausap."

Ang laki ng tuwa niya. "Grabe naman pala ang Kalam, n'yo Tito! Si Nanay naman po, isang Lagayan. Kaso ako, hindi ko pa alam kung ano ang sa akin."

"Lumapit kayo sa isang Manunula o Siak, para malaman mo kung ano ang Kalam mo. Puwede nilang basahin ang iyong nakaraan. Kadalasan kasi, ang mga magulang mo ang nakakaalam nito, pati ang kumadronang nagpaanak sa nanay mo."

Lumapit siya rito at naupo sa tabi nito. "Tito, nagtataka lang po ako. Sino kaya ang tatay ko? Kasi si Nanay Ofelia, lagi niyang sinasabi sa akin na hindi rin daw niya kilala ang tatay ko. Dahil noong mga panahong nabuntis daw si Nanay Charito, hindi raw ito nagsalita tungkol sa asawa nito."

Nawala ang ngiti sa anyo ng lalaki. "Naku, Itung. Kahit ako hindi ko rin alam 'yan, eh. Dapat siguro talaga lumapit ka sa isang Manula, para malaman mo kung ano ang iyong nakaraan. Sila lang ang makakasagot sa tanong mong iyan."

"Sana nga po," matipid na tugon niya. Isa rin ang bagay na iyon sa matagal nang bumabagabag sa kanya, kung may ama ba siya, at kung sino ito. Parang napakamisteryoso kasi ng pagkatao nito dahil wala nang nakakaalam sa mga natitirang buhay na kakilala ng tunay niyang ina ang tungkol sa kanyang ama.

SAMANTALA, isang ligaw na kaluluwa ang gumagala at nakalutang sa lupa. Tahimik at payapa ang buong Masantol nang gabing iyon. Habang nagkakasiyahan ang lahat sa paligid, lingid sa kaalaman nila ang nangtatagong presensiya ng kaluluwa na nakalutang sa ere.

Napadpad ang kaluluwa ng babaeng ito sa isang lugar sa Macabebe. Tumagos ito sa pader hanggang sa makapasok sa isang silid kung saan bumungad dito ang isang eksena.

Magkatabi sa kama ang isang lalaki at babae na walang patid ang lambingan. Galit na galit ang kaluluwa nang makita ang asawa niyang may kalaguyong iba. Ang mas masaklap, pareho pang nakahubad ang mga ito.

Nag-apoy ang mga mata ng kaluluwa at mabilis na umusal ng mga ritwal na tanging siya lang ang nakakaalam.

Hinayaan niyang maglambingan at mag-usap sa maikling sandali ang dalawa. At kung kailan ipapasok na ng lalaki ang alaga nito sa kaharian ng babae, doon siya lumapit dito at itinapat ang mga palad sa ulo nito, saka ipinagpatuloy ang taimtim na ritwal.

Kasunod niyon ay kakaibang init na bumalot sa katawan ng lalaki. Mabilis itong pinagpawisan. "Parang ang init naman! Nakasindi ba ang electric fan?"

"Diyos ko! Kaharap na nga natin itong electric fan, oh! Sige na! Ituloy mo na!" sabi ng babaeng atat na atat.

Muli siyang sumambit ng ritwal habang nakatitig nang matalim sa asawa. Pagkatapos ay binitawan niya ito habang patuloy pa rin siya sa pag-usal ng makapangyarihang dasal.

Bago pa maipasok ng lalaki ang alaga nito sa kuweba ng babae, bigla na lang iyong humapdi at namula. Gulat na gulat ang lalaki nang makita kung paano madurog na parang kamatis ang alaga nito.

Kasunod niyon ang walang kapantay na sakit na halos magpatili rito na parang bata.

Pati ang babae ay gulat na gulat sa nakita. Napabangon ito sa kama at nagsisigaw. Nagkagulo ang dalawa habang patuloy na nalulusaw ang alaga ng lalaki. Nagsimulang dumanak doon ang sariwang dugo.

Sa sobrang takot, napalabas ng kuwarto ang babae at hindi alam kung saan pupunta para manghingi ng tulong. Ang lalaki naman ay napasandal na lang sa isang sulok habang pumapalahaw pa rin sa pagkadurog ng alaga.

Bago pa man makabalik ang babae sa kuwarto, nalagutan na ito ng hininga dahil sa dami ng dugong nawala rito. Tuwang-tuwa ang kaluluwa habang pinagmamasdan ang madugong pangyayari.

Tapos na ang misyon niya roon. Nakaganti na siya sa taksil niyang asawa. Di nagtagal ay naglakbay siyang muli pabalik sa kakahuyan ng Baryo Cambasi. At mula roon, nilapitan niyang muli ang walang buhay niyang katawan sa harap ng isang matabang puno.

Hinigaan lang niya ito. At makalipas lang ng ilang sandali, nagkamalay na muli ang kanyang katawan. Tumayo siyang medyo nanghihina at paika-ika sa paglakad.

Pagkauwi sa kanyang maliit na bahay na yari sa pinagtagpi-tagping yero ay nagpahinga siya sa maliit na banig. Maraming enerhiya ang nawala sa kanya dahil sa paggamit niya sa kapangyarihan bilang isang Magkukusim.

Kailangan niyang magpahinga ng ilang linggo upang maibalik ang dati niyang lakas. At habang siya'y nakahiga, tahimik na tumutulo ang kanyang luha dahil hindi pa rin matanggap ang ginawang pagtataksil sa kanya ng asawa.

Akala niya, mamahalin siya nito kahit mahirap lang sila. Hindi niya akalaing ipagpapalit pa rin siya nito sa ibang babae na may kaya sa buhay. Sobrang sikip ng dibdib niya sa sama ng loob.

Wala siyang pinagsisihan sa ginawang pagpatay rito. Tama lang na pagbayarin nito ang ginawang pagtataksil sa kanya. Dahil iyon naman talaga ang isa sa pinakakilalang katangian ng mga Kapampangan sa Baryo Cambasi, ang kanilang pride na hindi puwedeng tapakan ng kahit na sino.

Kapag may nang-api sa kanila, kailangan nilang gumanti sa paraang mas higit pa sa ginawa sa kanila. Kailangan sila ang laging panalo. Kaya siguro hindi matapos-tapos ang gulo sa kanilang lugar dahil na rin sa pride na lumalason sa isip ng mga tao.

Para kasi sa kanilang mga Kapampangan na may Kalam, isang sagradong bagay kung maituturin ang Pride. Katumbas ito ng Maratabat na matatagpuan naman sa kultura ng mga Mranaw.

SA LIKOD ng simbahan na kung tawagin ay Pisamban Ning Mikakalam, nakahilera ang sampung kalalakihan na sumasalang sa isang initiation para makapasok doon bilang sakristan ni Padre Mateo.

SIya mismo ang nagsasagawa ng initiation sa mga ito. Gamit ang latigo na ginamitan ng kapangyarihan ng Manggagawe, sinusubok nito ang lakas ng isang binatilyo kung hanggang saan ang kaya nitong tiisin.

Habang pinapalo kasi sila ng latigong iyon, nag-iiwan ito ng kakaibang kuryente sa kanilang mga sugat na pumapasok hanggang sa kaloob-looban ng katawan. Marami nang namamatay sa initiation na ito dahil hindi biro ang boltahe ng kuryenteng pumapasok sa katawan nila.

Pero sa bagong batch na ito, halatang matatapang at malalakas ang katawan ng mga binatilyong iyon. Wala pa sa kanila ang naghihingalo sa ngayon.

Nang matapos ang 300 na palo, dinala naman sila sa altar ng simbahan kung saan gagawin ang pinakahuling bahagi ng kanilang initiation.

Mayroong sampung mga bihag doon na nakagapos ang buong katawan. Kailangan lang nila itong patayin sa harap mismo nina Padre Mateo. Kapag nagawa nilang pumaslang nang hindi nakakaramdam ng kunsensiya, nangangahulugan iyon na karapat-dapat silang maging miyembro ng simbahan.

Nalalaman ni Padre Mateo ang tumatakbo sa isip at puso ng mga binatilyong ito dahil sa taglay nitong kapangyarihan.

Pinalapit na sa mga bihag ang sampung binatilyo at hinayaan silang mamili ng bihag na gusto nilang patayin. Ang iba sa mga iyon ay bata, sanggol, matanda, may kapansanan, magandang dalaga, guwapong binata, at marami pang iba.

Isa-isang tinawag ni Padre Mateo ang pangalan ng sampung binatilyo. At sa pagbilang niya ng tatlo, kailangan nilang gitilan ang leeg o pugutan ng ulo ang bihag na kanilang napili.

Isa-isa na rin silang binigyan ng mga sandata na magagamit nila. Isang uri ng sandata iyon na may basbas mula sa Magbantala. Higit ang talim niyon kumpara sa ibang mga espada.

Natawag ang pangalan ng unang binatilyo. Pagbilang ng tatlo, mabilis niyang pinugutan ng ulo ang sanggol na hawak niya. Nagpalakpakan ang mga kasamahan ni Padre Mateo na nasa likuran nito.

Sumunod naman ang pangalawa. Pagbilang ni Padre Mateo ng tatlo, mabilis nitong itinaas ang sandata at itinarak sa bibig ng matandang babae.

Ganoon din ang ginawa ng pangatlo.

Mabilis na natapos ang bahaging iyon ng initiation. Sa sampung binatilyo, walo lamang dito ang nakapasa. Dahil ang dalawa, dinapuan ng kaunting kunsensiya, isang bagay na mahigpit na ipinagbabawal ni Padre Mateo.

Kaya naman nang matapos ang initiation, pinaupo na muna sa harap ang walong binatilyong nakapasa. At ang dalawang binatilyong bumagsak ay pinaluhod ni Padre Mateo sa altar. Pinulot niya ang isang sandata at walang anu-anong tinabas ang leeg ng mga ito.

Gumulong sa sahig ang ulo ng dalawang binatilyo. Tulad na rin sila ngayon ng mga bihag na pinugutan din nila ng ulo.

Makalipas ang ilang oras, nagsagawa ng maikling seremonyas ang simbahan para basbasan ang walong binatilyong nakapasa. Pinasuot na sila ng sutanang itim at pinatayo sa harap ng altar.

Isa-isa silang nilapitan ni Padre Mateo at tinanong ang mga ito kung anong Kalam ang gusto nilang maging taglay.

Ang una, pinili na maging Magbantala.

Ang pangalawa, pinili maging Mangkukulam.

Ang pangatlo at pang-apat ay pinili maging Katulunan.

Ang panglima at pang-anim ay pinili maging Magkukusim.

Ang pangpito ay ninais na maging Uple.

At ang pangwalo ay ninais naman na maging Manggagawe.

Nang mapili na nila ang Kalam na kanilang gusto, isa-isa silang binasbasan ni Padre Mateo habang dinadasalan. Pagkatapos ay pinatong ng binatang pari ang kamay nito sa ulo ng mga binatilyo saka umusal ng ritwal sa tahimik na paraan.

"Ini ing kekayung Kalam, tanggapan ye king kilub ning katawan yu at gamitan ye king paralang buri na ning pisamban tamu," pagbati ni Padre Mateo na ang ibig sabihin sa tagalog ay ganap na raw silang may Kalam at gamitin daw nila ito sa paraang nais ng kanilang simbahan.

Kasunod niyon ang magarbong palakpakan ng mga tauhan sa unahan. "Bukas, bumalik kayo rito upang maituro ko nang mabuti kung paano at kailangan gagamitin ang inyong Kalam."

"Dakal a salamat!" sabay-sabay na bati ng walong binatilyo at isa-isang yumuko rito sabay patong ng kanang kamay sa dibdib bilang pagbibigay-galang sa kanilang kura paroko.

Nang araw na iyon, walong sakristan ang nadagdagan sa Pisamban Ning Mikakalam. Dumami na naman ang puwersa nina Padre Mateo.

Kasabay niyon ang paglitaw ng itim na usok sa tabi ng binatang pari. "Malugud kung Kapatad. Makalunus la rugu itang adwang lalaki a mibagsak nandin. Patune mung atin la pang lugud keng pusu ra," wika nito na ang ibig sabihin ay nakakaawa raw ang sinapit ng dalawang binatilyo na bumagsak kanina, patunay lang daw iyon na may kabutihan pa raw sa puso nila.

"Paburen mu la. Ing importanti kanaku ngeni, atin tamung bayung tau kening pisamban. Eya mate ing makuleng yatu tamung Mikakalam," sagot naman ni Padre Mateo na ang ibig sabihin ay mas mahalaga raw sa kanya ngayon na may bago silang miyebro at hindi tuluyang mamamatay ang makulay na mundo ng mga gaya nilang may Kalam.

Ang mga sakristan sa simbahang iyon ay naiiba kumpara sa mga sakristan ng simbahang Katoliko. Lahat sila ay binabasbasan para mabigyan ng Kalam na dapat nilang gamitin sa kasamaan.

Bawal dito ang may mabuting puso at mahina ang loob. Ipinagbabawal na rin sa bawat sakristan ang mag-asawa o umibig, dahil oras na sumali sila sa samahang iyon, ibinibigay na nila ang kanilang buong buhay at pagkatao kay Padre Mateo. Kaya wala na silang ibang mamahalin o iibigin kundi ang kanilang pinuno, ang kanilang taglay na Kalam, at ang kanilang simbahan.

Nasa dalawang taon din ang kailangan nilang gugulin bago sila tuluyang isabak sa initiation na magtatagal naman ng isang buwan. Sa paraang iyon, labis-labis na kahirapan ang daranasin ng mga gustong maging miyembro. Dito masusukat kung karapat-dapat ba silang makapasok sa simbahan at mabigyan ng Kalam.

TO BE CONTINUED…