Chereads / Mateo Leoron Teodoro / Chapter 7 - Kabanata 7: Itim na Misa

Chapter 7 - Kabanata 7: Itim na Misa

ISA sa mga tauhan ni Padre Mateo na naglilingkod sa simbahan ang pumanaw dahil sa sakit sa puso. Nagkaisa silang lahat at nag-alay ng munting misa para dito.

Sa loob ng simbahang iyon, makikita ang imahe ng iba't ibang mga Demonyo sa paligid. Mula sa kisame hanggang sa mga de salaming bintana na binabalutan ng iba't ibang kulay. Agaw-pansin din ang mga salitang nakasulat sa Kulitan na nagkalat naman sa mga pader.

May kadiliman sa paligid dahil sa pulang ilaw na nagsisilbing liwanag sa buong simbahan. Dagdag pa ang mga kandilang nakatayo sa gilid ng sahig malapit sa mga nakasarang pinto.

Sa harap ng altar, makikita ang malaking rebulto ng nilalang na nahahati sa tao at ahas ang katawan, may tatlong sungay sa ulo, may mga mata sa dibdib at nagtataglay ng mabalasik na anyo. Iyon ang nagsisilbing rebulto ng ama nina Padre Mateo, ang unang nagtatag sa simbahang iyon at nagpakalat ng Kalam sa buong lugar noong unang panahon.

Isang misa ang kasalukuyang nagaganap doon na pinamumunuan ni Padre Mateo kasama ang dalawa nitong sakristan na sina Christian, isang Manlilingu at Renzo, isang Uple.

Sa harapan nito ay kasalukuyang nakaupo at nakayuko ang mga tao na pare-parehong itim ang kasuotan habang nakikinig sa kanya. Nasa bandang unahan naman ang mga naiwang pamilya at kamag-anak ng lalaking namatay.

Pagkatapos ng maikling dasal, inilagay na nila sa gitna ng altar ang katawan ng lalaki na nakahimlay sa mahabang lamesa.

Isa-isang tinawag ang pamilya at kamag-anak nito sa harap ng altar. Binigyan sila ni Renzo ng mahabang kandila.

Ang asawa ng pumanaw na lalaki ang unang humawak sa kandila. Pinatakan nito ng kandila ang ulo ng asawa. Pagkatapos ay iniabot naman nito iyon sa kanilang anak. Pinatakan din nito ng kandila ang bandang dibdib ng lalaki.

Isa-isang ipinasa ang kandila sa bawat miyembro ng pamilya at kamag-anak hanggang sa mapuno ng patak ng kandila ang bangkay ng lalaki.

Nang matapos ang seremonyas na iyon, muling pinabalik ang mga ito sa kanilang puwesto. Nagkaroon muli ng maikling panalangin kung saan sabay-sabay na nagdadasal ang lahat habang nakaluhod at nakayuko.

Pagkatapos niyon, lumapit ang Uple na si Renzo sa bangkay dala ang isang mahabang sandata. Sinimulan nitong katayin at hiwain ang bangkay na parang karne.

Iyon ang oras kung kailan kakainin ng pamilya at kamag-anak ang katawan ng namatay nilang mahal sa buhay. Isa iyong sinaunang tradisyon sa baryong iyon na hanggang ngayon ay ginagawa pa rin ng kampo nina Padre Mateo.

Sa lahat ng lugar sa Pampanga, sila na lamang ang gumagawa ng tradisyong iyon na kung tawagin ay Simut-Simot. Karaniwan iyong ginagawa ng mga sinaunang Kapampangan upang manatili sa loob ng kanilang katawan ang katawang-lupa ng kanilang pumanaw na mahal sa buhay.

Ang purpose nito ay para hindi mawala ang kapit o koneksyon ng kaluluwang iyon sa mundo ng mga tao. Upang sa ganoon ay maaari pa rin itong makausap sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga Lagayan, Mamalian at Katulunan, ang grupo ng mga Kalam na may kakayahang makaramdam, makakita at makipag-usap sa mga kaluluwa.

Nang mahiwa na sa maliliit na piraso ang katawan ng lalaki, muli itong nilapitan ng pamilya at kamag-anak nito. Sinimulan nilang kainin ang katawan at lamang-loob nito.

Habang nagsasalu-salo sa harap ng altar ang pamilya, nakaluhod naman muli ang mga taong dumalo sa misa at nagdadasal nang tahimik.

Nagtungo si Padre Mateo sa isang silid na nasa likod ng altar kasama sina Christian at Renzo.

"Christian, umuwi ka muna sa bahay. Utusan mo si Mary Jane na bumili ng hipon sa palengke. Gusto ko ng Tortang Hipon mamayang gabi. Ikaw Renzo, gamitin mo ang iyong Kalam at puntahan si Alexander Soriano. Kailangan natin siyang makumbinsi na pumanig dito sa simbahan sa lalong madaling panahon.

Sabay na tumango sa kanya ang dalawa. "Masusunod po, Padre Mateo."

Pagkaalis ng dalawa, lumitaw naman sa tabi niya ang itim na usok na hugis ulo. Agad naman itong nilingon ni Mateo. "Eka migaganaka, Malugud kung Kapatad. Malapit ne ing pangasubli na ning kekang biye. Meyari ne ing pangading gewa mi king Biyernes Santu at Sabado de Gloria. Panayan mu ne mu ing pangasubli na ning lub nang Alexander king pisamban bang kanita ala nang salabat king kegana-gana," pahayag nito sa itim na usok na ang ibig sabihin ay malapit na raw maibalik muli ang buhay nito at tapos na raw ang ritwal na ginawa nila para dito.

Nagpakawala ng malulutong na halakhak ang itim na usok. "Bisa na kung akit ing bayung yatu, Kapatad kung Mateo. Enaku makapanenayang akit ing bayu kung gamat, bitis ampong mabilug a katawan!" anito na ang ibig sabihin ay sabik na raw itong masilayan muli ang mundo at ang pagkakaroon nito ng panibagong katawan.

Ginugol ni Mateo ang kalahati ng kanyang buhay para mag-alay ng taimtim na ritwal sa kaluluwa ni Teodoro tuwing sasapit ang Biyernes Santo at Sabado de Gloria. Noong nakaraang buwan ay nakumpleto na niya ang limampung orasyon para dito.

Sakto namang nakauwi na si Alexander sa probinsiyang pinagmulan na nagtataglay ng makapangyarihang Kalam na hindi batid ng lahat. Ang Kalam na iyon ang dahilan kaya nais niyang makuha ang loob nito at maging kasapi ng kanilang simbahan.

Sa paraang iyon ay wala nang makakahadlang sa plano nila na buhayin muli ang kapatid at sakupin ang iba pang mga lugar. Nais nilang palawakin pa ang mundo ng mga taong may Kalam. At magagawa lang niya iyon kapag nakabalik na sa mundo ang kapatid niyang si Teodoro na katulad niya'y isa ring Ukluban.

Mas mapapalakas nila ang kanilang puwersa kapag magkasama silang dalawa. Sinisigurado niyang mas marami pa silang lugar na masasakop, at mas marami pa silang tao na mapapasahan ng kanilang masasamang Kalam.

KATATAPOS lang mag-attend ni Alex sa birthday party ng kaibigan at katrabahong si Kerby Jeric. Pauwi na siya sa mga oras na iyon.

Pagkababa ng motor, dumiretso na siya sa sakayan ng mga bangka. Nagulat siya nang makitang iba na ang lugar kung saan siya sumasakay ng bangka pauwi. Wala na ang sakayan ng mga bangka roon. Napalitan iyon ng kakahuyan na sa pagkakaalam niya ay nasa ibang daan.

Binalot siya ng pagtataka. Ano ang nangyayari sa paligid niya? Bakit tila nag-iba yata ang daan? Pati mga taong madalas na nakatambay roon ay wala na rin. Maging ang bagong tayong mamihan kung saan sila kumain ni Mary Jane ay naglaho ring bigla. Tila nag-iba ang lugar sa bahaging iyon na dinadaanan niya pauwi.

Nagbalik siya sa dinaanan kanina at sinubukang dumaan sa iba pang daanan. Wala naman siyang napansing kakaiba roon. Ngunit tuwing babalikan niya ang kanilang lugar ay nananatili pa ring ganoon ang hitsura nito. Tila nabura sa mapa ang daungan ng mga bangka papunta sa kanilang tahanan sa Sulbang.

Nagbalik siyang muli sa Kontrol at ginawa ang isang bagay na sumagi sa isip niya. Sinubukan niyang hubarin at baligtarin ang pagkakasuot sa kanyang damit. Naalala kasi niya na isa iyong makalumang pamamaraan na nabanggit sa kanya ng ina para mawala ang kanyang pagkaligaw.

Nang balikan niyang muli ang lugar, nakahinga siya nang maluwag dahil nagbalik na iyon sa dati. Nasilayan na muli niya ang sakayan ng mga bangka.

Bago pa man siya makalapit doon, may isang kamay nang humawak sa balikat niya. Mabilis niya itong niligon. Bumungad sa kanya ang isang lalaki na tila mas bata nang kaunti ang edad sa kanya.

Nakasuot ito ng karaniwang kasuotan ng mga sakristan sa simbahan. Ang pinagkaiba lang ay itim ang kulay niyon.

"S-sino ka?" kinakabahang tanong niya.

"Ako nga pala si Renzo, tauhan ni Padre Mateo. Ikaw si Alexander Soriano 'di ba?"

Nagulat siya. "Bakit mo ako kilala?"

"Pinapahanap ka nga pala ni Padre Mateo. Nais niyang magkita kayong muli sa kanyang tahanan."

"Bakit? Anong kailangan niya sa akin?"

"Siya na lang ang nakakaalam niyon. Malalaman mo rin kapag nagkita kayo. Anong oras ka ba makakapunta?"

"Pasensiya na. Pagod ako ngayon. May nilakad akong malayo. Pauwi na rin ako ngayon. Sa ibang araw na lang siguro."

"Hindi ka ba makakapunta ngayon?" mapilit ang lalaki.

"Pakisabi na lang sa kanya sa susunod na araw na lang ako pupunta. Salamat."

Tinalikuran na niya ito. Ngunit pagharap niya sa pupuntahan, bigla namang tumambad sa kanyang harapan si Renzo. Nagulat siya. Ang bilis naman nitong makapunta sa harap niya.

"T-teka… P-paano mo nagawa 'yon?" kinakabahang tanong niya. "Huwag mo sabihing…"

"Alam mo na siguro ang tungkol sa akin, Kaibigan. Isa akong Uple. At 'yung pagbabago ng lugar kanina sa paligid mo? Ako rin ang may gawa niyon."

"Uple?" sambit ni Alex. "Kayo 'yung mga taong may kapangyarihang manlinlang?"

"Tama ka. Kaya nakikiusap ako sa iyo nang maayos. Pumunta ka na kay Padre Mateo kung ayaw mong gamitin ko uli ang kapangyarihan ko para iligaw ka at hindi na makabalik sa inyo."

"Tinatakot mo ba ako?"

"Oo, tatakutin talaga kita kapag hindi ka sumunod. At baka sa susunod, bahay n'yo na ang ilayo ko sa `yo. Kaya sige na. Pumunta ka na. Hihintayin na lang kita sa bahay. Pati si Mary Jane, naghihintay rin sa `yo."

Sa isang kurap lang niya, biglang nawala ang lalaki sa kanyang harapan. Gulat na gulat siya. Kahit saan siya lumingon ay hindi na niya ito makita.

Nang marinig niya ang pangalan ni Mary Jane, parang nakumbinsi na siyang pumunta roon. Nais din kasi niya itong makita. Isa pa, natatakot din siya sa puwedeng gawin ng isang Uple sa kanya.

Lalo na't ito pa naman ang may kakayahang manlinlang at gumawa ng mga ilusyon para lituhin ang isip ng tao. Ano ba ang laban niya rito? Hangga't hindi niya natutuklasan ang kanyang Kalam, hindi pa niya maaaring labanan ang mga ito.

"MARY JANE!" tawag ni Christian sa babae nang makauwi siya sa bahay ng amo.

Tarantang lumapit ang babae sa kanya. "A-ano po iyon, Ginoong Christian?"

Isang tahimik na tawa ang pinakawalan niya. "Hangga't maaari sana, huwag mo na akong tinatawag na Ginoo. Mas matanda ka pa sa akin. Naiilang ako."

"P-Pasensiya na. Nagbibigay-galang lang naman ako sa inyo. Dahil kayo ang may kapangyarihan. At ako'y pangkaraniwang tao lamang."

Nilapitan niya ito. "Huwag mong maliitin ang sarili mo, Mary Jane. Kung gusto mong magkaroon din ng Kalam, bakit hindi mo ako pakasalan? Upang maturuan din kita ng kapangyarihang taglay ko."

Agad itong nagpumilgas nang hawakan niya ito sa pisngi. Halatang ilang na ilang ang babae. "Pakiusap, Christian. Ikaw na mismo ang nagsabi na mas matanda ako sa `yo. Sana naman huwag mong gawin ito."

"At bakit hindi? Wala namang masama kung magkagusto ang isang binatilyong katulad ko sa isang dalagang gaya mo. Saka hindi naman ganoon kalayo ang agwat ng edad natin. Puwede pa rin naman siguro akong umibig sa isang katulad mo." Nagtangka siyang muli na hawakan ito sa pisngi.

Itinulak siya ng babae sa pagkabigla. "Pakiusap, Christian! Huwag!"

Natawa na lang siya sa naging reaksyon nito. Ang tagal na niyang nagpaparamdam ng pag-ibig dito ngunit tila hindi pa rin binubuksan ng babae ang puso nito sa kahit sino.

"Bakit ba ayaw mo akong ibigin ka, Mary Jane? Ano naman kung mas bata ako sa `yo? Hindi ba gusto mo nang makaalis dito? Gusto mo nang makalayo kay Padre Mateo? Magagawa mo lang 'yun kung pakakasalan mo ako! Ako mismo ang maglalayo sa `yo rito! Magpapakalayu-layo na tayo. Handa rin akong talikuran si Padre Mateo kung sasama ka sa akin!"

"Wala akong tiwala sa inyong lahat na mga may Kalam! Wala akong tiwala sa kahit sinong tao rito sa baryo! Nandito ako para magtrabaho at maging alipin ni Padre Mateo habang buhay. Kaya pakiusap lang, huwag mo nang guluhin pa lalo ang buhay ko!"

"Papayag ka na lang ba na habang buhay kang maging alipin? Mag-isip-isip ka nga, Mary Jane! Sinong babae ang magtitiis sa palagiang pagmamaltrato sa kanya ng sarili niyang amo? O baka naman sa kanya ka may gusto kaya ayaw mong iwan. Baka nakakalimutan mo, dahil lang sa kapangyarihan niya kaya siya nagiging bata. Pero sa totoong buhay, matanda na 'yan si Padre Mateo!"

"Alam ko ang tungkol doon, hindi mo kailangang ipaalala sa akin. At isa pa, wala rin akong gusto sa kanya. Wala na akong balak na mag-asawa pa. Gusto ko nang maging matandang dalaga! Kaya pakiusap lang, Christian! Huwag mo na sana akong lalapitan uli kung hindi rin importante! At tigil-tigilan mo na rin ang panliligaw mo sa akin dahil ngayon pa lang, sinasabi ko na sa `yo wala kang pag-asa!"

Hindi na sumagot si Christian. Pero hindi rin siya sumuko. Umaasa siya na balang araw makukuha rin niya ang loob nito. Kailangan lang siguro nitong maghirap pa nang husto sa mga kamay ng kanilang amo hanggang sa ito mismo ang sumuko.

Kapag din dumating ang araw na hindi na nito kayang tiisin ang labis na hirap, baka mapilitan din itong tanggapin ang alok niya na magpakasal sa kanya at lumisan sa baryong iyon.

Tinalikuran na niya ito. "Pumunta ka na lang sa palengke ngayon. Bumili ka ng hipon at ipagluto mo raw ng Tortang Paro si Padre Mateo mamayang hapunan." Pagkasabi ay lumabas na siya ng bahay.

Naiwan doon si Mary Jane na tila paralisado ang buong katawan sa kinatatayuan. Nagsisisi ito kung bakit nito sinabing nais nitong maging matandang dalaga kanina. Hindi iyon totoo. Nais pa rin naman nitong magkaroon ng asawa. Hindi nga lang si Christian o kahit sino sa mga tao sa baryong iyon…

TO BE CONTINUED…