INAAPOY ng lagnat si Pisok nang umagang iyon. Nagboluntaryo si Alex na bumili ng gamot sa botika ngunit pinigilan siya ng ina.
"Walang botika rito, Anak. Kailangan mo pang pumunta sa Plaza ng Masantol para makabili ng gamot. Pero hindi kami gumagamit ng mga gamot dito. Mangguguna ang kailangan natin."
"E, saan naman po tayo hahanap no'n?"
"Ako na ang maghahanap-hanap sa mga kapitbahay. Mas mabuti kung bantayan mo na lang dito ang Tito Pisok mo."
"Sige po." Hindi na umangal si Alex. Binantayan na nga lang niya si Pisok sa kuwarto nito na habang tumatagal ay tumitindi pa ang lagnat.
Hindi rin niya ito halos mahawakan dahil nakapapaso na ang init nito. Para siyang humawak ng mainit na takuri.
Mahigit isang oras bago dumating ang kanyang ina. May kasama na itong isang matandang Mangguguna.
Ayon sa ina, ito raw si Apung Magda, ang pinakamatandang Mangguguna sa kanilang baryo. Marami itong mga dala-dalang bote, langis, at dahon na bagong pitas pa lang.
Inilapag nito sa tabi ang mga kagamitan at nilapitan ang lalaki sa kuwarto. Kinapa nito si Pisok sa katawan. Kaunting haplos lang nito, alam na ng matanda ang sakit nito.
"Nakulam siya!" bulalas ng matanda. "Mabuti na lang at maaga kayong nagpakonsulta. Kapag hindi siya nagamot sa loob ng ilang araw, maaari siyang dapuan ng mga sugat sa buong katawan na hindi gumagaling. At iyon ang ikamamatay niya!"
Kinilabutan silang mag-ina. Naalala ni Alex ang tatlong panauhin na nakaaway nito kagabi. Hindi kalayuan sa kanila ang tahanan ng mga ito. Parang mga simpleng tao lang din ang mga iyon sa pisikal na kaanyuan pero may itinatago palang itim na kapangyarihan, o sa Kapampangan… Kalam.
Mabilis na nagtrabaho ang matandang Mangguguna. Dinurog nito sa palayok ang mga baon na dahon saka pinatakan ng tatlong kutsarang langis.
Muli nito iyong dinurog-durog at hinalo hanggang sa maging itim ang kulay ng langis. Isinalin iyon ng matanda sa maliit na kasirola at pinakuluan gamit ang kanilang kalan.
Nang kumalat na ang amoy nito sa paligid, doon ito isinalin sa isang maliit na bote at ibinilad sa araw ng kalahating oras.
Pagkatapos itong maibilad, pinausukan ito ng matanda gamit ang usok na nagmumula sa tabako nito. Saka ito lumapit sa kanila at ibinigay ang lunas na ginawa nito.
Sa Kapampangan, ang tawag nila sa lunas ay panulu. "Ito ang panulu na ginawa ko sa kanya. Ipahid n'yo lang ito sa kanyang katawan at hayaan n'yo siyang magpahinga. Bago lumipas ang araw na ito ay gagaling na rin siya," nakangiting paliwanag ng matandang Mangguguna.
"Dakal a salamat, Apung Magda," sagot dito ni Ofelia.
"Salamat din po," sabi na rin ni Alex.
Pagkaalis ng matanda, doon pa lang ipinahid ng kanyang ina ang ginawa nitong langis na gamot sa Kulam na dumapo kay Pisok.
"Mabuti na lang talaga, naagapan natin agad ang Tito Pisok mo. Dahil kapag napaglipasan pa ito ng ilang araw, doon pa lang lalala ang kulam niya."
"Hindi kaya kagagawan ito ng mga nakaaway niya kahapon? Bakit hindi natin sila ipakulong sa mga pulis? Sila ang nagpakulam kay Tito Pisok!"
"Anak, wala nang mga pulis dito. Hindi na rin sakop ang lugar natin ng mga batas na sinusunod sa ibang lugar. Dito, kapag kinulam ka ng kaaway mo, kailangan mo rin siyang kulamin o ipakulam sa mga kakilala mo. Uso ang gantihan dito. Ang paghihiganti ang pinakabatas nating lahat dito."
"Paghihiganti?" bulalas ni Alex. "So ibig n'yo pong sabihin, ipapakulam din natin 'yung mga nakaaway ni Tito Pisok kagabi? Kanino naman?"
"Gaganti tayo sa kanila. Pero hindi Mangkukulam ang lalapitan natin. Kundi Magbantala. Oo. Magbantala ang hahanapin ko."
"Magbantala? Iyon po ba 'yung sinasabi n'yong gumagawa ng mga dasal? Hindi ba dapat Mangkukulam din ang hanapin natin dahil iyon ang ginawa nila kay Tito?"
"Malalaman agad nila na gumanti tayo kapag pinakulam din natin sila. Kaya ibang hakbang ang gagawin natin. Hihingi tayo ng tulong sa isang Magbantala. Hindi lang naman kulam o barang ang kailangan para makapanakit ng kapwa. May kakayahan ang mga Magbantala na gumawa ng mga dasal na magbibigay ng sumpa o kamalasan sa isang tao. At iyon ang gagamitin natin sa kanila."
Tumango na lang si Alex. Labis talaga siyang naninibago sa mga patakaran sa kanilang lugar. Doon ay ini-encourage ang lahat na gumanti sa pinakamaduming paraan upang parusahan ang mga kaaway nila.
Malayo ito sa mga batas at patakarang nakasanayan niya sa Maynila bilang isang normal na tao. Dito ay kailangan na siguro niyang kalimutan ang pagiging normal dahil lahat ng tao roon ay may tinatagong Kalam. At iyon ang nagsisilbi nilang kapangyarihan para pagharian ang kanilang nasasakupan.
NANG hapong iyon, sinamahan ni Alex ang ina sa labas para magtanung-tanong kung saan may pinakamalapit na Magbantala sa kanilang lugar.
Nakarating pa sila sa lugar kung saan malapit ang bahay ni Padre Mateo. Doon nila natagpuan ang matandang lalaki na nagngangalang Apung Iru. May kahabaan ang namumuti nitong balbas at nakasuot ng tradisyonal na Kapampangan clothes na may pagkakahawig sa sinaunang kasuotan ng mga Malaysian.
Malawak ang bahay ng matanda na yari sa kawayan. Mga antigo rin ang lahat ng gamit sa paligid. Tulad ng nakita niya sa bahay ni Padre Mateo, may mga nakasulat din sa pader na hindi niya maintindihan dahil ito ay nakasulat sa Kulitan Script, ang sinaunang writing system na nagmula sa Pampanga, at bahagi ng malalim na kultura ng mga sinaunang Kapampangan.
"Mayap a abak pu, Apung Iru," bati rito ni Ofelia.
Ginaya na rin niya ang pagbati nito. Iyon pa lang kasi ang alam niyang Kapampangan, ang ibig sabihin niyon sa Tagalog ay "Magandang Umaga".
"Mayap a abak mu naman kekayu. Nanung atin at mipunta kayu keni?" tugon ng matanda sa kanila, nagtatanong kung ano raw ang pinunta nila roon.
Sinabi agad nila ang kanilang pakay sa matandang Magbantala. Alam na agad ng matandang lalaki ang gagawin nito.
"Ang gusto ko po sanang mangyari, bigyan ng kamalasan ang mga taong gumawa niyon sa pinsan ko."
"Nauunawaan ko. Halikayo. Mekeni, malaus kayu."
Pinatuloy sila ng matanda sa isang silid kung saan ito gumagawa ng mga dasal at ritwal. Napakadilim doon dahil bukod sa walang ilaw ay nakasarado rin ang mga bintana.
Nasa isang tabi lang sila nakaupo habang pinapanood ang matanda sa paggawa ng dasal.
Nagsimula ito sa pag-upo sa harap ng bilog na lamesa habang inilalapit ang mukha sa umuusok na palayok.
Nang malanghap na nito ang init ng usok na iyon, nagsimula itong bumulong at umusal ng panalangin na dinig nilang dalawa.
"Ing gawan kung pangadi, magpadalumdum ya king biye da ring mituran kanini… Ing gawan kung pangadi, magpadalumdum ya king biye da ring mituran kanini…" paulit-ulit nitong sambit.
Mahigit kalahating oras itong nakayuko habang sinasambit iyon nang paulit-ulit. Makalipas ang ilang sandali, bigla na lang tumirik ang mga mata nito at bahagyang nagwala sa kinauupuan na parang sinasapian.
Napatayo si Alex sa takot. Agad naman siyang pinakalma ng ina at muling pinaupo. Ayon dito, normal lang daw iyon sa mga Magbantala. Iyon na kasi ang oras kung kailan binibigyan na ng bisa ang dasal na ginagawa nito.
Pagkatapos ng ritwal na iyon, kumuha ito ng papel at balahibo ng manok. Isinawsaw nito ang panulat na bahagi ng balahibo gamit ang tintang nagmula sa pulang likido ng tao.
Nagsulat ito ng isang dasal na nabuo sa isip nito habang sinasapian ito kanina ng isang makapangyarihang puwersa. At ito ang mababasa sa papel:
Malaso ya ing yatu king dalumdum na ning bengi
Mabaldug ya ing bulan king lalam na ning danum
Datang ya ing uran kumalbug ya king danum ing dalan
King kilub na ning metung a oras ala nang datang a aldo
King karatang na ning bulan, dalumdum ya ing biye yu
King karatang na ning bulan, dalumdum ya ing biye yu
Malaso ya ing yatu
Mabaldug ya ing bulan
Masilab ya ing aldo
Magisan ya ing uran
King karatang na ning bulan, dalumdum ya ing biye yu
King karatang na ning bulan, dalumdum ya ing biye yu
King kapamilatan na ning amanu kung sisuan a menibat king lalam na ning mapaling gabun, king karatang na ning bulan, dalumdum ya ing biye yu
Sa likod naman ng papel na iyon, isinulat ng matanda ang kaparehong dasal gamit ang Sulat Kulitan. Iyon ang magsisilbing puso ng papel na iyon upang magkaroon ng buhay ang mga nakasulat na dasal doon.
Nang matapos ang kabuuan ng ritwal, ibinigay na ng Magbantala ang papel na naglalaman ng ginawa nitong dasal.
"Para umepekto iyan, puntahan n'yo ang lugar o tahanan ng taong gusto n'yong isumpa. Sambitin n'yo iyan malapit sa kanilang tahanan at pagkatapos, punitin n'yo ang papel at itapon sa kanilang tirahan. Ganoon lang kasimple. At pagsapit ng gabi, matutuwa kayo sa mangyayari."
Tumango na lang si Ofelia sa matandang lalaki. Ito na rin ang kumuha sa papel. "Dakal a salamat, Apung Iru. Mayap a aldo keka."
Nang gabi ring iyon nang sila'y makauwi, pinuntahan nila agad ang tahanan ng tatlong lalaking nakaaway kagabi ng kanilang pinsan. Pagkatapos bigkasin ang dasal, pinunit nila ito at itinapon sa harap ng bahay.
Doon sa lugar nila, normal na ang mga taong pagkatapos mag-away ay maggagantihan sa pamamagitan ng kanilang Kalam. Hindi na mahalaga kung sino ang nauna at kung sino ang nagkasala. Mas mahalaga ay kung sino ang labis na maaapektuhan oras na ginamit na nila ang kanilang mga Kalam.
Habang naglalakad sina Alex pauwi sa kanilang bahay, bigla siyang nakaramdam ng tila malamig na kamay na humawak sa kanyang balikat.
Pinakiramdaman niya ito nang mabuti kaya medyo bumagal ang paglakad niya. Naunahan na tuloy siya ng ina na makapasok sa loob ng bahay nila.
Hindi siya nakatiis at lumingon siya sa kanyang likuran. Isang pugot na lalaking nakaitim na sutana ang nakita niya sa di kalayuan.
Kinilabutan siya. Nakita na niya ito noong nakaraan. Ngunit sa pagkakataong iyon, may hawak itong ulo sa mga kamay nito. Hindi niya makilala ang ulo sa tindi ng dugo na bumalot dito.
Nagsimulang maglakad ang lalaking pugot patungo sa kanya. Sa takot ay napatakbo na siya patungo sa kanila at mabilis na kinandado ang pinto. Habol niya ang hininga habang pilit pinakakalma ang sarili sa kilabot na idinulot ng elementong nakita kanina. Dalawang beses na itong nagpakita sa kanya. Sino kaya ito? At ano ang pakay sa kanya?
MALALIM na ang gabi nang maalimpungatan sa pagtulong sina Alex at Aling Ofelia. Nakarinig na lang sila ng mga sigaw sa labas ng bahay. Parang may nagkakagulo.
Napabangon silang dalawa at lumabas ng bahay. Pagdating doon, bumungad na rin sa kanila ang iba pang mga kapitbahay na napalabas din dahil sa pagtataka.
Nagulat sila sa nakita. Ang bahay ng mga taong nakaaway ng kanyang Tito Pisok ay inaatake ngayon ng malalaking mga paniki. Hindi nila nakikita ang nagaganap sa loob pero dinig na dinig nila ang sigaw ng mga nakatira doon.
Hirap na hirap sila at nagmamakaawa sa kanilang mga buhay. Halos hindi mabilang kung ilang mga malalaking paniki ang pumasok sa bintana at umatake sa kanila.
Biglang nagsalita ang isa sa mga taong nasa tabi nila. Ayon dito, hindi raw pangkaraniwang mga paniki iyon, kundi isang aswang! Isang malaking grupo ng mga aswang.
Nagtagal ng mahigit dalawampung minuto bago huminto ang mga sigawan. Doon na rin nagsilabasan ang mga paniki at lumipad palayo.
Nakipag-unahan sina Alex sa mga tao para makasilip sa bintana ng bahay na iyon. At pagdungaw nila roon, halos bumaligtad ang sikmura nila sa nakita.
Tatlong bangkay ng pamilya ang bumungad sa kanila, wakwak ang mga tiyan at dibdib. Napuno rin ng mahahabang sugat ang balat ng mga ito. Halatang nilapa sila ng kung sinong masiba at matatapang na nilalang.
Biglang naalala ni Alex ang dasal na ginawa ng Magbantala kanina sa kanila. Ganoon pala ang epekto ng dasal na iyon.
May kakayahan din palang manakit ang mga Magbantala sa pamamagitan ng pagbuo ng mga dasal na puwedeng magbigay ng kamalasan o kapahamakan sa isang tao.
Akala niya noong una, mga dasal na nakapagpapagaling lang ng sugat at karamdaman ang nagagawa ng mga ito. Hindi pala. Kaya rin palang makipagsabayan ng mga Magbantala pagdating sa pagbibigay ng matinding sumpa o karma sa isang tao.
Namangha tuloy si Alex sa kapangyarihang iyon ng mga Magbantala. Noong una, ang gusto niyang maging Kalam ay Mamalue. Ngayon naman, parang gusto na niyang maging Magbantala.
SAMANTALA, sa isang kakahuyan na bahagi ng Cambasi ay makikita ang lalaking may kalumaan ang kasuotan. Nakaluhod siya sa harap ng isang malaking puno at umuusal ng ritwal.
Ilang sandali pa, biglang may lumitaw na portal sa kanyang harapan. Unti-unti siyang hinigop ng portal na iyon.
Tuwang-tuwa ang lalaki nang makarating sa kabilang buhay. At mula roon ay nakausap niya ang mga namatay nitong mahal sa buhay. Nais na sana niyang sumama sa mga ito pero pinigilan siya ng mga kaluluwa.
Ayon sa mga ito, marami pa raw siyang misyon sa mundo na dapat tapusin. Hindi pa raw niya oras para mamatay. Kailangan na raw niyang kalimutan ang mapait na trahedya noon at magsimula ng panibagong buhay. Tulungan daw niya ang kanyang sarili na maka-recover sa mga nangyari.
Naliwanagan din ang lalaki sa huli. Kaya naman nagkaroon ito ng panibagong dahilan para ipagpatuloy muli ang buhay.
Hindi na rin siya nagtagal sa mundong iyon ng mga patay. Nagtungo na muli siya sa kinaroroonan ng portal at ilang sandali pa, nagbalik na siya sa mundong pinanggalingan, sa harap mismo ng puno na kaharap niya kanina.
Tumayo na ang lalaki at pinunasan ang mga luha, saka niya nilisan ang lugar na iyon. Isa siya sa mga Katulunan sa baryong iyon. Bahagi na ng kanilang kapangyarihan ang makapaglakbay sa kabilang buhay at makipag-usap sa mga kaluluwa o elemento.
At marami rin sa mga tagaroon ang gumagawa niyon. Sa ganoong paraan nila kinakausap ang kanilang mga mahal sa buhay kapag ito ay biglaang pumanaw. Doon din nila madalas kinakausap ang mga taong namatay sa krimen para itanong kung sino ang pumatay rito.
Sadyang hindi kumpleto ang makulay na mundo ng mga taong may Kalam kung wala ang mga Katulunan tulad ng lalaking iyon.
TO BE CONTINUED…