Chereads / Mateo Leoron Teodoro / Chapter 9 - Kabanata 9: Karibal

Chapter 9 - Kabanata 9: Karibal

ISANG makahulugang ngiti ang pinakawalan ng binatang pari. "Isa akong Ukluban, Alexander. Kaya taglay ko rin ang kapangyarihan ng mga Siak at Manula."

"Ay oo nga pala. Pasensiya na!" Ngumiti si Alex dito kapagkuwan.

"Kaya nga pala kita inimbita rito para anyayahin ka sanang sumali sa aking simbahan. Batid ko na ang iyong Kalam, at sigurado akong malaki ang iyong maitutulong sa aming organisasyon."

Nagulat siya sa sinabing iyon ni Padre Mateo. "Ah, a-alam n'yo po kung ano ang Kalam ko? Puwede ko po bang malaman?"

"Ikaw ang may kapangyarihan para maghatid ng kapayapaan at bagong kaayusan dito sa baryo. Ikaw rin ang itinakda para mapalawak at mapalakas pa ang ating tradisyon. Iyan ang Kalam mo."

Hindi makapaniwala si Alex. Sa wakas ay nalaman na rin niya kung ano ang kanyang Kalam. Pero napaisip siya, ano naman kaya ang ispesyal sa kakayahan niyang iyon? Maghatid ng kapayapaan at maglatag ng bagong kaayusan? Parang hindi rin siya naging ganoon kasaya nang malaman ang kanyang Kalam. Ang gusto sana niyang kapangyarihan ay gaya ng sa Mamalue, Magkukusim, Uple at Magbantala.

"Talaga? Iyon ang Kalam ko? P-pero paano ko naman magagamit 'yon? Saka kapangyarihan ba talaga 'yon? Maghatid ng kapayapaan tapos bagong kaayusan? Hindi ba lahat naman ng tao kaya iyong gawin kung gugustuhin nila?"

"Marami ka pang hindi alam sa iyong Kalam. Kaya nga nandito ako, kami, para tulungan kang mas maunawaan kung ano ang kaya mong gawin. Kaya rin kita iniimbitahang sumali sa aming simbahan para lumawak ang iyong kaisipan sa mundo ng mga taong may Kalam gaya natin."

Ang dami sanang gustong itanong dito ni Alex. Nais niyang sabihin kung bakit masama ang tingin dito ng lahat ng tao at maraming natatakot dito. Pero natakot din siyang baka kung ano pa ang mangyari sa kanya roon.

Iniba na lang niya ang tanong niya. "Pero may iba kasi akong nararamdaman sa sarili ko. May nagpapakita kasi sa akin na isang taong pugot ang ulo. Di ba ang may kakayahan lang na makakita ng kaluluwa ay ang mga Lagayan, Mamalian at Katulunan?"

"Lahat naman ng mga multo ay may kakayahang magpakita sa tao kung gugustuhin nila, may Kalam man o wala. Kung may isang multo na nagpakita sa `yo, ibig sabihin lang niyon ay may matindi siyang pakay sa `yo."

"Ganoon ba? E, paano ko malalaman kung ano ang pakay nila?"

"Ikaw lang ang makakasagot n'yan. Sa ngayon, ang nais kong marinig mula sa iyo ay kung papayag ka bang umanib sa aming simbahan. Upang matulungan ka na rin namin na mapalawak ang iyong Kalam."

Hindi siya agad nakasagot. Kinakabahan siya sa mga salitang bibitawan. Ayaw niyang magdulot ng sigalot sa kanilang pagitan ang magiging desisyon niya.

Gustong-gusto talaga niyang mapag-aralan ang kanyang Kalam. Pero hindi rin niya kayang magtiwala kay Padre Mateo lalo na't maraming hindi magagandang sinabi rito ang kanyang ina at ang ibang tao.

"Siguro babalik na lang ako rito sa mga susunod na araw," sagot na lamang niya.

"Puwede namang ngayon ka na magdesisyon. Madali lang naman sagutin ang tanong ko."

"Pag-iisipan ko muna. Basta pangako ko sa inyo, sa pagbabalik ko rito, may pasya na ako."

Naglaho ang ngiti sa mga labi ng binatang pari. "Kung ganoon, bumalik ka rito agad bukas. Kailangan ko na ang iyong desisyon. Sana'y huwag mo akong paghintayin nang matagal."

"Wag kang mag-alala. Tutupad ako sa usapan. Basta bigyan mo lang ako ng kaunting oras para makapag-isip," pagkasabi niyon ay nagpaalam na rin siya sa mga ito at lumabas na ng silid.

Bumalik sa dati si Padre Mateo. Lukot na naman ang mukha nito at parang gustong lumamon ng tao. "Taksiapu na!"

"Bakit, Padre? Ano ba ang nababasa n'yo sa isip niya?"

"Batid kong alam na niya ang tungkol sa akin! Binasa ko rin pati ang mangyayari bukas. Hindi siya tutupad sa usapan! Hindi siya aanib sa atin! Nakikita ko sa aking pangitain, kakalabanin niya ako! Siya ang sisira sa lahat ng mga plano ko!"

"Kung ganoon, ano na ang dapat nating gawin sa kanya? Dapat iligpit na natin siya kung wala rin siyang magiging pakinabang sa atin," mungkahi ni Christian.

"Hindi puwede, Christian! Hindi siya puwedeng mamatay! Delikado tayong lahat kapag nangyari iyon!" histerikal na wika ng binatang pari.

"Bakit naman, Padre? Ano ba kasi ang Kalam ng lalaking iyon? Sa pagkakaalam ko, wala namang Kalam na nakakapaghatid ng kapayapaan. Ano ba kasi talaga ang kapangyarihan niya?"

Halata ang takot sa anyo ng binatang pari. "Basta, kailangan natin siyang makumbinsi na pumasok sa simbahan! Iyon na lang ang paraan para magbago pa ang kanyang kapalaran at hindi matuloy ang propesiya."

Dito nagpakitang-gilas si Christian. Nais din niya kasing mawala sa landas nila ang lalaki upang mawalan siya ng kaagaw sa babaeng napupusuan. "Ako na ang bahala sa kanya, Padre Mateo. Gagawin ko ang lahat para mapapayag siya." Saka ito tumayo sa kinauupuan at lumabas na rin ng silid.

Nakipagkuwentuhan lang saglit si Alex kay Mary Jane sa kusina. Pagkatapos ay nagpaalam na rin siya rito. "Baka gabihin na kasi ako. Babalik na lang siguro ako sa susunod na mga araw."

"Ihahatid na kita!" Iniwan ng babae ang trabaho sa kusina para maihatid siya hanggang sa gate.

Lingid sa kanilang kaalaman na nakamasid sa di kalayuan si Christian. Hindi nito nagustuhan ang paraan ng pag-uusap at tinginan nina Alexander at Mary Jane sa isa't isa.

Nilamon ng matinding galit at selos si Christian. Napilitan siyang gamitin ang kapangyarihan para sundan si Alexander.

Ang mga Manlilingu na tulad niya ay may kakayahan ding kumilos nang mabilis. Ito ang ginamit niya para sundan ang motor na sinasakyan ni Alex.

Tumakbo siya nang pagkabilis-bilis. Halos naging kapantay niya sa bilis ang humaharurot na motor. Nagawa niyang sundan si Alex hanggang sa Kontrol.

Pagkababa pa lang nito sa motor ay muli siyang nagtago sa likod ng mga puno habang pinagmamasdan kung saan ito pupunta.

Bago pa ito makarating sa sakayan ng mga bangka, muli siyang tumakbo nang mabilis at sa isang iglap lang, nasa likuran na siya nito. Mabilis niyang hinila ang lalaki at dinala sa isang bahagi ng kakahuyan kung saan walang makakapansin sa kanila.

Doon niya ito itinulak hanggang sa matumba ito sa lupa. Awtomatikong nagkuyom ang kanyang mga kamao habang nakatitig dito.

"I-Ikaw si Christian 'di ba? Ano'ng ginagawa mo rito? Bakit sinundan mo `ko?"

"Makinig ka sa akin dahil minsan ko lang itong sasabihin. Habang maaga pa, tanggapin mo na ang iyong kapalaran at ang lahi na iyong pinagmulan. Isa kang Kapampangan na may Kalam. Hindi ka katulad ng ibang normal na tao, kaya huwag ka nang mag-inarte pa sa alok ni Padre Mateo na makapasok sa aming simbahan! Hindi mo alam ang hirap na pinagdaanan namin sa loob ng ilang taon bago kami nakapasok doon. Napakapalad mo dahil ikaw puwede kang makapasok ora mismo dahil sa kagustuhan niya. Huwag mong sayangin ang pagkakataong iyon!"

Tumayo ang lalaki at tumalim ang mga titig sa kanya. "Teka, sino ka ba para diktahan ako sa kung ano ang dapat kong gawin? Buhay ko ito. Ako ang masusunod sa kung ano ang gusto kong mangyari."

Lalo siyang nainsulto sa panlalaban nito. Hindi na siya nakapagpigil na suntukin ito. Ngunit palaban din pala ang lalaki. Nilabanan siya nito hanggang sa magpalitan sila ng suntok.

Ngunit dahil sa pagiging Manlilingu niya na eksperto rin sa paggamit ng sandata at pakikipaglaban, nagawa niyang talunin ang lalaki nang walang kahirap-hirap.

Muli itong bumagsak sa lupa matapos niyang pakawalan ang kanyang mabibigat na suntok at atake. Nagpakitang gilas pa siya rito sa pamamagitan ng paglundag-lundag sa ere sa pinakamabilis na paraan. Isang pambihirang bilis at lakas na hindi makikita sa pangkaraniwang tao lamang.

"Isa akong Manlilingu kaya wala kang laban sa akin. May kapangyarihan din akong sundan ka kahit saan ka magpunta kaya huwag mo na ring balakin na tumakas dito! Sundin mo na lang ang gusto ni Padre Mateo na makapasok sa simbahan kung ayaw mo ng gulo!"

Kahit duguan ang mukha ng lalaki, hindi pa rin ito nagpatinag sa kanya. "Dahil sa ginawa mo, lalo mo lang akong binigyan ng dahilan para hindi pumanig sa inyo! Para sa kaalaman mo, alam ko na ang tungkol sa pagkatao ng Padre Mateo n'yo. Alam ko lahat ang mga ginawa niyang kasamaan dito kaya hanggang ngayon bihag pa rin ng kadiliman ang baryong ito! Pasensiyahan na lang tayo, pero hindi ako papanig sa mga katulad n'yo!"

Muli niya itong nilapitan at sinipa-sipa hanggang sa sumuka ng dugo. Nagbitaw rin siya ng mabibigat na suntok sa mukha nito hanggang sa pumutok ang mga labi ng lalaki.

Suntok dito, sipa roon, inikot-ikot pa sa ere sabay bagsak sa lupa. Hindi talaga niya pinatawad ang lalaki hanggang sa tuluyan itong manghina.

Sa pagkakataong iyon, tuluyan na itong hindi nakagalaw sa kinaroroonan. Halos paralisado ang buong katawan nito sa tindi ng mga bugbog na tinamo.

"Huwag na huwag kang magkakamali na labanan ang isang Manlilingu… Sa lahat ng may Kalam, kami ang pinakadelikado… Dahil kayang-kaya naming patayin ang mga biktima namin sa pinakamadaling paraan! Hindi gaya ng mga Mangkukulam, Mambabarang at Magkukusim na kung anu-anong ritwal pa ang ginagawa, kaming mga Manlilingu, kamay lang ang ginagamit namin para pumatay! Kaya huwag mo akong susubukan, hayop ka! Kapag hindi ka pumayag sa gusto ng aking pinuno, ako mismo ang tatapos sa `yo! Pati sa pamilya mo! Pati na rin kay Mary Jane!"

Isang mabigat na suntok ang pinakawalan niya sa tiyan nito bago iniwan ang lalaki. Tumakbo siyang muli nang mabilis at wala pa mang isang minuto, nasa bahay na agad siya ng pinuno. Sadyang pambihira ang taglay na bilis ng mga Manlilingu.

Mahigit kalahating oras ang nagdaan bago nakatayo si Alex. Hindi niya kinaya ang lakas ng kalaban.

Parang nainsulto rin siya sa nangyari. Dahil kahit mas matanda at mas malaki ang katawan niya rito, hindi niya akalaing matatalo lang siya nang ganoon ng binatilyo.

Ngayon niya nalaman kung gaano kalakas ang kapangyarihan ng isang Manlilingu. Parang ito na tuloy ang Kalam na gusto niyang maging kanya.

Pag-uwi nga niya sa bahay, napuna agad ng kanyang Nanay Ofelia ang mga dugo at pasang tinamo ng kanyang mukha.

"Anong nangyari sa `yo, Anak? Bakit may ganyan ka?"

"W-Wala po, Nay. Napaaway lang po."

"Ano? Kanino? Saan? Naku, baka gantihan ka ng mga--"

"Huwag po kayong mag-alala, Nay. Hindi siya tagarito. Doon ito nangyari sa Plaza ng Masantol. May nakainitan lang kami ng mga kasamahan ko sa trabaho," dahilan na lamang niya upang hindi ito mag-alala kapag nalamang isang Manlilingu ang gumawa niyon sa kanya.

"Hindi ka pa rin nakasisigurado, Anak. Marami ring may Kalam ang gumagala sa Masantol araw-araw, lalo na sa Plaza!"

"Gusto ko munang magpahinga, Nay. Mamaya n'yo na lang ako kausapin." Tuloy-tuloy siya sa kuwarto at isinara ang pinto.

Wala siyang ganang makipag-usap. Ang gusto lang niya ay magpahinga dahil sobrang sakit pa rin ng katawan niya.

Pagkahiga nga niya sa kama, wala siyang ibang nasa isip kundi ang pagkatalo niya sa isang binatilyo. Hindi niya iyon tanggap. Parang nainsulto ang kanyang pagkalalaki dahil mas matanda siya rito. Siya dapat ang mas malakas.

Parang nais na tuloy niyang tanggapin ang alok ni Padre Mateo na umanib sa simbahan nito upang mapalawak pa ang kanyang kapangyarihan at magantihan ang gumawa nito sa kanya.

SAMANTALA, habang abala si Padre Mateo sa pagpapalit ng kasuotan na pangtulog, muling lumitaw sa kanyang tabi ang itim na usok.

"Mayap a bengi, Kapatad kung Mateo…"

Walang lingon na tumugon ang binatang pari. "Ali ya mayap ing ikit ku nandin kang Alexander!" anito sa tagalog na ibig sabihin ay hindi raw maganda ang nakita nito sa nakaraan ni Alex.

"Nanu wari ing ikit mu?" anang usok, tinatanong kung ano raw ba ang nakita niya.

"Magsilbi neng agamit kaku ing keyang Kalam istung abalu na ing tungkol keta, inya pin ekunepa sinabi ing tutu kaya. Manyawad kung saup keka, Kapatad. Sopan mu kung abayu ing lub nang Alexander bang ayabe ke king pisamban tamu. Ali ne magsilbing gamitan ing keyang Kalam kekatamu! Dapat abayu taya ing lub na!" pahayag ni Padre Mateo na ang ibig sabihin ay kailangan daw nilang mabago ang kalooban ni Alexander para pumasok sa kanilang simbahan, upang hindi raw nito magamit ang taglay nitong Kalam sa kanilang lahat.

Napaisip tuloy ang itim na usok na nagngangalang si Teodoro. Maging ito ay nagtataka kung ano nga ba ang taglay na Kalam ni Alex, at ganoon na lang ang takot dito ng kapatid.

"Nanu ya wari ing Kalam na? Ot eme sabyan kanakung daretsu?" anito kay Padre Mateo, tinatanong kung ano ba raw ang Kalam na taglay ni Alex.

Nang ibulong ng binatang pari ang tungkol doon, maging si Teodoro ay nagulat. "Ali ya magsilbi ini! Ot iya pa! Ot iya pa!" sigaw nito sa malalim na tinig, na ang ibig sabihin ay hindi raw iyon puwede, bakit iyon pa raw ang naging kalam ni Alexander.

SAMANTALA, mahimbing na ang tulog ni Alex sa mga oras na iyon. Malalim na ang gabi. Nakabibingi ang katahimikan.

Sa di kalayuan, biglang lumitaw ang itim na usok at muli itong naghugis ulo na walang mukha. Nagtungo ito sa harap ng bahay nina Alexander.

Kitang-kita ni Teodoro ang lalaking humihilik pa sa lalim ng tulog. Tumagos ang katawang-usok niya sa bintana at tuluyang nakapasok sa loob. Nilapitan niya ang katawan ng binata at nagpaikot-ikot dito.

Gumagawa siya ng ritwal. Sa pamamagitan ng natirang kapangyarihan niya, susubukan niyang pasukin ang utak ng lalaki upang mabago ang katapatan nito. Sa paraang iyon ay madali na lang niya itong maipapasok sa kanilang simbahan.

Ngunit bago pa siya makapasok sa loob ng bibig nito, bigla namang nagising ang ina nitong si Ofelia. Awtomatiko itong napabangon at luminga-linga sa paligid. Hindi siya nito nakikita pero batid niyang nararamdaman siya nito.

Naalala niya, isa nga palang Lagayan ang matandang ito. Kahit ano ang gawin niya, mararamdaman at mararamdaman siya nito. Hindi niya magagamit ang kapangyarihan hangga't may isang tao sa paligid na nakakaramdam sa kanyang presensiya.

Napaatras si Teodoro nang makita si Ofelia na dinampot ang holy water sa katabing mesa. Iyon ang binditadong tubig na hiningi nito sa simbahan na matatagpuan sa Plaza ng Masantol.

Mabilis na naglaho ang itim na usok bago pa maisaboy ni Ofelia sa paligid ang holy water. Mabilis ding gumaan ang pakiramdam nito, ibig sabihin ay wala nang masamang elemento sa paligid.

Nilingon nitong muli ang anak at kinumutan. Saka ito yumakap nang mahigpit sa lalaki upang protektahan ito.

TO BE CONTINUED…