Chereads / Mateo Leoron Teodoro / Chapter 11 - Kabanata 11: Nakatagong Kalam

Chapter 11 - Kabanata 11: Nakatagong Kalam

GULAT na gulat si Alexander sa nangyari. Mabilis nitong sinalo ang babae upang hindi tuluyang bumulagta sa lupa.

Akmang aatake pa sa kanila si Christian ngunit pinigilan na ito Padre Mateo. "Itigil mo ito, Christian! Hindi siya puwedeng mamatay!"

Hinayaan na sila ng binatang pari na makatakas. Isinama na rin niya si Mary Jane sa kanila. Nagbalik silang muli sa tahanan ni Apung Magda upang ipagamot ang sugat nito.

"Dito ka na muna tumira sa amin," ani Alex habang binabantayan ang babae na nagpapahinga sa kama niya.

"Salamat, Alex. Kaya lang kinakabahan ako sa puwedeng mangyari, lalo na sa `yo, dahil tinulungan mo akong makalayo roon."

"Gagawin ko ang lahat para maprotektahan kita. Susubukan ko ring magpagawa ng anting-anting kay Apung Magda para hindi ka nila magamitan ng kanilang Kalam."

Pagkatapos nilang mag-usap ng babae, iniwan na niya ito roon para tuluyan itong makapagpahinga. Nagtungo naman siya sa kusina at muling nagpaalam sa ina.

"Babalik lang po ako kay Apung Magda. May nakalimutan kasi akong ipagawa sa kanya kanina."

"Sigurado ka ba sa tinutulungan mong iyan, Anak?" biglang tanong sa kanya ni Ofelia. "Kasambahay siya ni Padre Mateo. B-Baka kung anong kapahamakan ang dalhin ng babaeng 'yan dito!"

"Nanay naman…" gumuhit ang pagkadismaya sa anyo ni Alex. "Huwag naman kayong magsalita nang ganoon sa kanya. Tingnan n'yo naman ang nangyari, binugbog siya ng sarili niyang amo. Kaya nga inilayo ko na siya kay Padre Mateo. Gusto ko lang naman siyang tulungan, Nay, dahil kaibigan ko siya."

"Nauunawaan ko naman. Kaya lang, baka lalo lang tayong pag-initan n'yan ni Padre Mateo dahil sa ginawa mo! Pati kami na pamilya mo damay!"

"Ako na po ang bahala, Nay. Magtiwala lang kayo sa akin. Gagawan ko po ito ng paraan."

Hindi na sumagot ang matanda sa kanya. Halatang hindi pa rin nito tanggap ang pananatili roon ng isang babaeng nagmula sa tahanan ng kinatatakutan nilang tao.

Binalikan na lang niya si Apung Magda at humiling ng anting-anting para kay Mary Jane na magagamit nito laban kay Padre Mateo.

"Ipagpaumanhin mo, Itung. Pero hindi ako makakagawa ng anting-anting para sa kaibigan mo."

Larawan ng pagkadismaya si Alex. "Bakit naman po?"

"Kung isang Ukluban ang kumakalaban sa kanya, wala akong kakayahan para kontrahin ang anumang nais nitong gawin sa iyong kaibigan. Balewala ang kahit anong anting-anting na gawin ko kung gagamitin lang ito laban sa Ukluban."

Labis-labis ang panlulumo ni Alex. Hindi na niya kinulit ang matanda. "Salamat pa rin po, Apung Magda. Isang tanong na lang sana po. May kakilala ba kayong Manula na puwede kong lapitan?"

"May isa akong kakilala pero wala na siya rito sa Cambasi. Nasa Puti na siya. Kailangan mong sumakay ng bangka patungo sa kanila. Mahigit labinlimang minuto rin ang itatagal ng iyong biyahe roon."

"Talaga po? Sige, salamat po! Maaari ko bang malaman kung saan siya banda sa Puti na sinasabi n'yo?"

"Basta't pagkarating mo roon, ipagtanong mo na lang ang pangalan niya. Kilala na rin naman siya ng mga tao roon. Apung Grasya ang pangalan niya."

Nabuhayan siya ng loob. "Dakal a salamat po, Apung Magda!"

Pagkauwi sa bahay, ang Nanay Ofelia niya agad ang hinanap niya. "Puwede n'yo po ba akong samahang bumiyahe sa Puti?"

"Bakit, Anak? Anong gagawin mo roon?"

"May kakilala raw na Manula roon si Apung Magda. Doon na lang tayo lumapit, Nay. Doon na tayo magpahula para malaman na natin kung ano ang Kalam ko!"

"B-bakit parang nagmamadali ka yata? Ano ba kasi ang balak mong gawin?"

"Inay, kailangan ko na pong malaman ang Kalam ko. Paano ko maililigtas si Mary Jane pati kayo kung hindi ko alam kung anong kapangyarihan ang mayroon ako?"

Bakas ang pag-alala sa anyo ng matanda. "Pero, Anak, isang Ukluban ang makakalaban mo kung saka-sakali. Hindi basta-basta si Padre Mateo! Siya ang pinakamalakas dito! Kahit ano pa ang maging Kalam mo, lahat 'yan meron na rin siya! Ano pa ang magiging laban mo sa kanya?"

"Mas mabuti pa rin po na malaman ko kung ano ang Kalam mo, para kahit papaano mapaghandaan natin at makagawa tayo ng hakbang. Sige na po, Nay! Tulungan n'yo naman ako. Mapapahamak tayo kapag wala pa tayong ginawang hakbang!"

"Kung bakit pa kasi dinala mo pa rito ang babaeng iyan! Binigyan mo lang tuloy ng dahilan si Padre Mateo para kalabanin tayo!"

Halos lumuhod na siya sa harapan nito para lang mapapayag niya ang matanda. Sa huli, lumambot din ang puso nito at sinamahan na nga siyang bumiyahe sa Puti.

Sumakay sila ng bangka patungo roon at mahigit labinlimang minuto rin ang itinagal ng biyahe nila.

Pagkarating doon, nagtanung-tanong agad sila sa mga tambay sa paligid kung saan makikita ang tirahan ni Apung Grasya.

SA ISANG mahaba at bakal na lamesa, nakalatag ang agnas na bangkay ni Teodoro. Ilang daang taon din iyong itinago ni Padre Mateo sa secret room na iyon ng kanilang simbahan sa ilalim ng lupa na ginawang silid.

Buhat-buhat ni Renzo ang malaking bote na naglalaman ng pinaghalu-halong abo ng mga taong pinatay nila noon sa ritwal. Tuwing sumasapit ang Biyernes Santo at Sabado de Gloria, may dalawang tao silang pinapatay bilang alay kay Teodoro. Sinusunog nila ito, ginagawang abo at iniipon sa boteng iyon para pagdating ng araw, magagamit nila ito upang buhayin muli ang bangkay ni Teodoro.

At ngayon na ang araw na iyon. Ibinigay na ni Renzo sa amo ang bote.

Nakapalibot ang mga sakristan sa bangkay habang umuusal ng dasal sa wikang Kapampangan.

Sinubli yang mebiye ing Ukluban na ning sikluban.

Sinubli yang mebiye ing Ukluban na ning sikluban.

Habang ginagawa nila iyon, unti-unting binubuhos ni Padre Mateo ang abo sa buong katawan ng kapatid. Pagkatapos ay sumabay na rin siya sa orasyon ng mga ito.

Sinubli yang mebiye ing Ukluban na ning sikluban.

Sinubli yang mebiye ing Ukluban na ning sikluban.

Paulit-ulit lang nila iyong inuusal habang itinatapat ni Padre Mateo ang mga palad sa ulo ng bangkay. "Mibalik ya ing kaladua mu, misubli ya ing biye mu…" bulong niya rito saka hinalikan ang ulo ng bangkay.

Pagkatapos niyon, pinalapit naman niya sa bangkay ang kasamahan nilang Magbantala. Ito ang Magbantalang inutusan niya para gumawa ng dasal na makakapagpabuhay sa bangkay ni Teodoro gamit ang ritwal na iyon.

Kung tutuusin, kaya rin naman niya iyong gawin dahil isa siyang Ukluban. Taglay niya ang lahat ng kapangyarihan.

Ngunit nais din niyang lumawak ang kaalaman ng kanyang mga miyembro sa simbahan kaya madalas dito na niya pinagagawa ang mga bagay upang magamit din nila ang kanilang Kalam.

Mas pinatibay pa ng Magbantala ang ginawa nitong panalangin sa pamamagitan ng paghawak sa katawan ng bangkay. Mag-isa nitong sinambit ang mga inusal nilang dasal magmula kanina hanggang sa matapos.

Biglang nagalit ang langit at nagpakawala ng mga kulog at kidlat. Napakaagresibo ng mga kidlat na iyon. Umaabot sila hanggang sa lupa.

Isang payapang oras iyon sa Kontrol nang bigla na lang bulabugin ng mga kulog at kidlat ang kanilang katahimikan. Kasunod niyon ang pagbuhos ng malakas na ulan.

Napatakbo palayo ang mga tao sa Kontrol. Hindi na rin natuloy ang pagbiyahe ng isang bangka kaya napilitang bumaba rito ng mga pasahero.

May dalawang kidlat na naligaw sa lupa. Tumama iyon sa tatlong pasahero na kabababa pa lang sa bangka.

Nagulat ang mga tao, kitang-kita nila kung paano nasunog at natusta ang tatlong pasahero. Pagbagsak ng katawan nila sa lupa, pare-pareho na silang walang mga buhay.

"Aru Diyos ko!" anang isang matandang babae. "Ating mebiye a meteng Ukluban inya pin malyayari ini!" wika nito na ang ibig sabihin ay may isang Ukluban daw na nabuhay muli kaya iyon nangyayari.

Sa kanilang lugar kasi, sadyang napakamakapangyarihan ng mga Ukluban. Sila ang itinuturing hari o reyna sa buong baryo. At oras na isa sa mga ito ang nabuhay muli sa pamamagitan ng ritwal, magpapakawala ng ganoon kalalakas na kidlat ang langit.

At sa pagkakataon ding iyon, ganap nang nagbalik sa dati ang katawan ni Teodoro. Hindi na ito isang bangkay. Nagkaroon na itong muli ng laman, buto at balat. Tumubo na rin ang buhok nito at muling dumaloy ang dugo.

Ilang sandali pa, dumilat na ang mga mata nito at unang bumungad sa harap nito sina Padre Mateo at ang mga sakristan nito.

"Malugud kung kapatad… Sinubli na ka ping mebiye…" natutuwang wika rito ni Padre Mateo, na ang ibig sabihin ay natutuwa ito sa pagbabalik ng kapatid. Kasunod niyon ang palakpakan ng mga tauhan sa paligid.

Dahan-dahang bumangon si Teodoro at inilinga ang paningin sa paligid. Ganoon na lamang ang paghalakhak nito nang masilayan muli ang mundo. Nagpakawala ito ng malulutong na halakhak.

"Padre, ngayong buhay na muli ang iyong kapatid, ano na ang balak n'yong gawin?" tanong ni Renzo sa amo.

Nilingon ito ni Padre Mateo. "Itutuloy na namin ang plano na sakupin ang buong Masantol at palawakin pa ang pagtuturo ng Kalam sa mga tao."

Napangiti si Renzo. "Dalawa na kayong Ukluban. Mas malakas na ang ating puwersa."

Isang tango ang itinugon niya. "Ngayong dalawa na kaming maghahari dito, magiging madali na lang sa amin na bihagin si Alexander. Pagsasamahin namin ni Teodoro ang aming kapangyarihan para makagawa ng pinakamatapang na gayuma na babago sa katapatan ni Alexander…"

Umalingawngaw ang mga halakhak sa silid na iyon…

GULAT na gulat si Apung Grasya sa nakita nito sa nakaraan ni Alexander. Binitawan na nito ang ulo ng binata at tumayo mula sa pagkakaupo sa gitna ng lamesa.

Hindi ito mapakali. Bigla itong nagpalakad-lakad na puno ng takot ang anyo.

Nagkatinginan dito ang mag-ina. Pati si Alex ay nag-alala na rin. "A-ano po ang nakita n'yo sa nakaraan ko?"

Matagal bago nakasagot ang matandang Manula. "Hindi biro ang nakita ko sa iyong nakaraan! H-Hindi ko ito kayang sabihin… Tatawagin ko na lang ang kapatid kong Siak at siya na ang magpapakita sa iyo ng nakita ko…"

"Mawalang galang na ho, Apung Grasya. Pero kung nakita n'yo na rin naman ang nakaraan ng anak ko, bakit kailangan pa nating tumawag ng Siak? Hindi ba sapat ang nakita n'yo?" si Ofelia.

"Hindi ko ito kayang sabihin! Natatakot ako!" Nanginginig na lumabas ang matanda.

Nagkatinginan na lang muli sina Alex at Ofelia. Ilang sandali pa, isang matandang lalaki naman ang pumasok sa silid. Iyon ang Siak na kapatid ni Apung Grasya. Ito naman si Apung Asyu.

Pareho lang silang may kakayahang makakita ng pangyayari sa nakaraan at hinaharap. Ngunit ang pinagkaiba, ito ang may kakayahang maglakbay sa nakaraan at sa kasalukuyan. May kakayahan din itong ipakita sa vision ng isang tao ang nasilip nito sa nakaraan o kasaluyan. Isang bagay na wala sa mga Manula, dahil limitado lang ang mga bagay na kaya nilang hulaan.

"Pagpasensiyahan n'yo na ang aking kapatid. Sadyang matatakutin lang talaga siya. Ako na lang ang magpapakita sa iyo ng nakaraan na nakita sa iyo ni Grasya." Umupo ito sa harap niya at humawak sa kanyang ulo.

Ilang saglit lang, biglang nagbago ang paningin ni Alex sa paligid. Tila naglakbay siya sa isang nakaraan kung saan nakita niyang nakikipaglaban sa giyera ang kanyang nanay na si Charito.

Matindi ang kaguluhang nagaganap nang mga panahong iyon. Kalat na kalat na rin ang dugo at mga bangkay sa paligid. Marami nang nasawi dahil sa giyera.

Matapos madaig ng grupo nina Charito ang mga tauhan ni Padre Mateo, ang binatang pari mismo ang lumapit sa kanyang ina at sinaksak ito gamit ang banduana.

Ang banduana ay isang uri ng ginintuang patalim na kapag nasaksak ito sa isang tao, hinding-hindi na mabubuhay ang taong iyon kahit anong ritwal pa ang gamitin dito.

Iyon lang din ang bukod-tanging sandata na maaaring makapatay kay Mateo. Ngunit sa kasamaang palad, siya ang may hawak nito at nakatago iyon sa simbahan hanggang ngayon.

Sa sumunod na vision na lumitaw sa paningin ni Alex, nakita naman niya kung paano siya isilang ng kanyang ina noong sanggol pa siya. Tuwang-tuwa ang kumadrona nang makita siya.

Narinig pa niyang nagsalita ang kumadrona at umusal ng maikling ritwal. Isa itong babaeng Manggagawe na maraming alam sa mga halaman.

Kumuha ito ng kapirasong halaman at ipinahid sa kanyang katawan. Sa pamamagitan niyon ay nalaman nito kung ano ang kanyang Kalam.

"Charito, isang Ustuang ang anak mo…"

Pagkatapos niyon, lumipat naman ang kanyang paningin sa isang lugar kung saan makikita ang isang engkanto na kahalikan ng kanyang ina. Ang engkantong ito ang nakabuntis sa kanyang ama. Dito rin nagmula ang kakaiba niyang Kalam na bihira lang dumapo sa isang tao.

Doon naputol ang kanyang vision at nanumbalik sa dati ang paningin ni Alex. Nanlaki ang mga mata niya sa mga natuklasan.

"Nanung ikit mu, Itung?" tanong nito sa kanya na ibig sabihin ay ano raw ang nakita niya.

"Si Padre Mateo po ang nakapatay sa nanay ko? At noong isilang ako, tinawag akong Us…tu…ang ng Manggagawe na nagpaanak sa nanay ko?" bigla niyang naalala ang lalaking pugot na nagpapakita sa kanya, pati na ang salitang sinambit nito sa kanya. Kaparehong-kapareho iyon ng salitang binanggit ng kumadronang Manggagawe na nagpaanak sa Nanay Charito niya.

"Hindi mo pa ba nauunawaan ang lahat?" tanong sa kanya ng matanda.

"Apung Asyu, a-ano po ang ibig sabihin ng Ustuang? Bakit ako tinawag na Ustuang ng nagpaanak sa nanay ko?"

"Iyon ang Kalam mo, Itung," sagot nito.

"A-Ano po ba kasi ang meron sa isang Ustuang?"

"Bihira na lang magkaroon ng Ustuang sa mundong ito. Alam mo kung bakit?" Napatayo ang matanda sa pagkakataong iyon.

Uhaw na uhaw na si Alex na malaman ang sagot. "Pakiusap, sabihin n'yo na po! Ano ba ang meron sa akin?"

Matalim na tumitig sa kanya ang matanda. "Ang mga Ustuang ay may kapangyarihang isakripisyo ang kanilang buhay para lumikha ng matinding pagsabog na wawasak sa isang lugar o sa buong mundo!"

Parehong nagulat sina Alex at Ofelia sa narinig. "Ustuang? May ganoon bang Kalam? Ngayon ko lang po narinig ang tungkol doon kahit tagarito ako!" turan ng kanyang ina.

"Dahil nga sa taglay nilang kapangyarihan, bihira lang ang nakakaalam sa kanila. Madalas nga, isang alamat na lang kung sila'y iturin dahil sa panahon ngayon wala na talaga kaming kilalang Ustuang na nabubuhay pa sa mundo. Isang beses lang nila puwedeng gamitin ang kanilang kapangyarihan. At oras na mangyari iyon, isang matinding pagsabog ang magaganap sa isang lugar. Kasing tindi ng tinatawag na nuclear bomb sa Ingles. Marami ang maaapektuhan, may kalam man o wala. Maraming mamamatay!"

"P-Pero may sinabi po kayo na hindi lang iisang lugar ang kaya nilang pasabugin, pati na rin ang buong mundo! A-ano po ang ibig sabihin niyon?" nalilitong tanong ni Alex.

"Tama ang narinig mo. May kakayahan din ang Ustuang na pasabugin ang buong mundo at lumikha ng matinding pagkawasak na tatapos sa buhay ng lahat. Depende ito sa may Kalam kung saang lugar nila nais gamitin ang kanilang kapangyarihan. Kung iisang lugar lang ba, o buong mundo na."

Hindi matanggap ni Alex ang kanyang taglay na Kalam. "I-Isa po akong Ustuang?"

"Iyon ang itinakda ng bathala sa `yo, Itung. Wala tayong magagawa. Hindi natin puwedeng baguhin ang iyong Kalam."

"P-pero paano ko po maililigtas ang mga mahal ko sa buhay kung pati ako mamamatay rin kapag ginamit ko ang kapangyarihan ko?"

"Katunayan n'yan, kapantay din ng Ustuang ang mga Ukluban. Silang dalawa ang itinuturing pinakamalakas at pinakamakapangyarihan sa lahat ng may Kalam. At ang mas nakakamangha pa rito, ang Ustuang lang din ang may kakayahang pumatay sa Ukluban. Walang kakayahan ang mga Ukluban na gayahin ang kapangyarihan ng Ustuang. Kaya oras na pasabugin ng Ustuang ang sariling katawan nito, hindi rin makaliligtas ang lahat ng Ukluban sa mundo. Kahit gaano pa sila kamakapangyarihan, mamamatay pa rin sila at madadamay sa pagsabog…"

Doon naging malinaw kay Alex ang lahat. Doon na rin siya naliwanagan sa mga sinabi sa kanya ni Padre Mateo.

"Kaya pala…" sambit niya habang inaalala ang kanilang mga pinag-usapan. "Kaya pala gusto nila akong pumanig sa kanila…"

Alam na niya ang dahilan kung bakit ganoon na lang katindi ang kagustuhan ni Padre Mateo na maging miyembro siya ng simbahan. Nais nitong magkasundo sila upang hindi niya magamit dito ang kanyang kapangyarihan. Batid kasi nito na siya lang ang puwedeng makatalo rito dahil sa taglay niyang Kalam.

At nais din nitong gamitin niya ang kanyang kapangyarihan para pasabugin ang buong Masantol at lumikha ng panibagong kaayusan. At ang kaayusang iyon ay itatatag ni Padre Mateo kapag nalagas ang mga inosenteng tao sa buong lugar. At ang ititira na lang nito ay ang mga katulad nitong masasamang tao na may Kalam.

Bagong kapayapaan… Bagong kaayusan… Ito ang ibig mangyari ng binatang pari. At magagawa lang nito iyon kapag naging miyembro siya ng simbahan, dahil kapag nangyari iyon, magiging magkakampi na rin sila.

Labis-labis ang pagkasindak ni Alex. Hindi niya alam kung matutuwa ba siya sa kapangyarihang pumapaloob sa kanyang katawan. Nasa mga palad lang pala niya nakasalalay ang magiging katapusan ng lahat…pati na rin ang katapusan ng kanyang sarili.

"Pero may isa pa po akong katanungan," pag-iiba ni Alex sa usapan. "May nagpapakita po kasi sa akin… Isang lalaking walang ulo… Alam n'yo ba kung sino siya? At kung ano ang pakay niya sa akin?"

"Iyan ang hindi ko masasagot. Mas mabuti siguro kung ang apo na lang namin ang inyong kausapin. Tatawagin ko lang siya sa labas at siya naman ang papapuntahin ko rito." Lumabas na ang matandang lalaki.

Doon napayakap si Alex kay Ofelia. "Inay, bakit ganoon po ang Kalam ko? H-hindi ko po tanggap!"

Mangiyak-ngiyak na yumakap din sa kanya ang matanda. "Hindi mo gagamitin ang iyong kapangyarihan, Anak. Tatakas na lang tayo rito. Magpapakalayu-layo na lang muli tayo upang hindi na tayo masundan nina Padre Mateo. Iwanan mo na rin ang babaeng iyon dito dahil siya ang dahilan kaya ka nalalagay ngayon sa alanganin!"

Doon labis nasaktan si Alex. Hindi kasi niya sigurado kung kaya niyang iwan si Mary Jane. Labis siyang naaawa rito. Ilang taon din itong inalipin at pinahirapan ni Padre Mateo, at nais niya itong matulungan upang may magawa rin siyang mabuti sa mundo.

Sa tingin nga niya, ito na ang karma niya dahil sa pagiging magnanakaw noong nasa Maynila pa lang sila. Pareho silang magnanakaw ng kanyang ina. Iyon ang pangunahing pinagkukunan nila ng pera kaya nagawa nilang magtagal doon. Pero ngayon, tila ang kapalaran na niya mismo ang gumawa ng paraan para makaharap niya ang magiging pinakamapait niyang karma.

TO BE CONTINUED…