Chereads / Mateo Leoron Teodoro / Chapter 16 - Kabanata 16: Pasabog na Pagwawakas

Chapter 16 - Kabanata 16: Pasabog na Pagwawakas

HINDI pa rin tumitigil sa pag-iyak si Mary Jane habang pinagmamasdan ang paligid nilang puro abo at mga wasak na gusali. Naisipan na nilang bumalik sa Baryo Cambasi para kumustahin ang lugar.

Heto ang sumalubong sa kanila. Isang sunog at wasak-wasak na tanawin. Kasama pa rin niya sina Leoron at ang apat na matatandang may Kalam na tumulong sa kanila.

Sa kalagitnaan ng kanilang paglalakad, biglang bumigay sa lupa ang mga tuhod ni Mary Jane. Hindi na niya kinaya ang emosyon. Muli siyang napahagulgol nang iyak nang maalala na si Alex ang gumawa nito.

Hindi pa rin niya matanggap ang ginawang pag-alay ng buhay ng lalaki para lang mawakasan ang kasamaang ikinalat nina Mateo at Teodoro sa baryong iyon.

Habang siya'y tumatangis, isang pamilyar na boses ang tumawag sa pangalan niya. "Mary Jane."

At nang iangat niyang muli ang ulo, laking gulat niya nang makita si Alex na naglalakad papalapit sa kanila.

Nanlaki ang kanyang mga mata. Ilang beses pa niyang kinusot iyon para makasiguradong hindi siya nananaginip.

Dahan-dahan siyang tumayo habang titig na titig sa papalapit na lalaking nakangiti ngayon sa kanya.

Nang makalapit si Alex, inilahad niya rito ang mga kamay. Awtomatiko namang lumapit sa kanya si Mary Jane at yumakap nang mahigpit. Saka ito napahagulgol ngunit hindi na sa lungkot kundi dahil sa kaligayahan.

Masaya namang nakatitig sa kanila sina Leoron pati ang apat na matandang may Kalam.

Pagkatapos yumakap, humaplos naman ang babae sa kanyang pisngi. "A-Anong nangyari? B-Bakit buhay ka? A-Akala ko…"

"Salamat sa tulong ni Apung Magda. Siya ang nakaisip nito…" ngiting tugon ni Alex, saka siya lumingon sa matandang masaya rin ngayong nakatitig sa kanila.

Habang magkausap silang tatlo noon, biglang napatitig si Apung Magda kay Leoron. "Hindi ba't patay ka na?"

"Opo. Bakit po?" sagot ni Leoron.

"At ang katawang iyan… Hiram mo lamang?"

"Opo. Kay Nichole po ang katawang ito. Isa siyang Mamalian na nakatira sa Puti. Sa kanya ako pansamantalang pumapaloob ngayon."

"Hindi ko alam kung papayag kayo sa gusto kong mangyari, pero wala namang masama kung susubukan…"

"Bakit, Apung Magda? Ano po ba iyon?" tanong naman ni Alex. Nagkatinginan sila ni Leoron sa mga sumunod na sinabi ng matanda.

"Para magamit mo ang iyong Kalam nang hindi namamatay, kailangan nating makahiram ng ibang katawan gaya ng ginawa ni Leoron. Maaari ka pa rin namang makabalik sa tunay mong katawan oras na magawa mo ang iyong misyon sa hihiramin mong katawan," mungkahi ni Apung Magda.

"Nauunawaan ko po ang gusto n'yong mangyari sa kanya, Apu. Kaya lang po, napapaisip lang ako… Saan naman tayo kukuha ng katawan? Puwede bang kumuha tayo ng mga bagong libing na bangkay sa sementeryo?"

"Hindi iyon maaari, Leoron. Kailangan ay buhay na katawan ang makuha ni Alex at doon natin pansamantalang isasalin ang kanyang kaluluwa. Hindi rin siya mabubuhay kung sa patay na katawan siya papaloob."

"Pero sino naman po kaya ang gugustuhing ipahiram ang katawan sa kanya? Kung tutuusin, hindi na hiram iyon. Dahil oras na sumabog ang kanilang katawan, hindi na natin ito maibabalik sa tunay na may-ari."

"Kaya nga kailangan nating makahanap ng tao na gusto itong gawin…"

Ilang sandali pa ay biglang may naisip si Leoron. "Alam ko na!"

"Ano ang naisip mo, Leoron?" kabadong tanong ni Alex.

Saglit na umalis ng bahay si Leoron nang mga oras na iyon dala ang kanyang sandata. Palihim siyang nagpunta sa simbahan ng masasamang kapatid.

Isang tauhan ang naabutan niyang palabas ng simbahan. Kinalaban niya ito hanggang sa madaig, at iyon ang dinala niya sa bahay ni Apung Magda. Ang katawan ng tauhang iyon ang ginamit nila para pagsalinan ng kaluluwa ni Alex.

Nang araw ding iyon, nanghingi sila ng tulong sa Magbantalang si Apung Iru, pati sa isang Manggagawe na nakilala rin nila roon.

Sa tulong ng kapangyarihan ng Magbantala at Manggagawe, nagawa nilang palabasin ang kaluluwa ni Alex sa sarili nitong katawan. Saka nila isinalin ang kanyang kaluluwa sa katawan ng naturang tauhan.

At nang maging kamukha na rin ni Alex ang katawang iyon, ito ang ginamit niya para sumugod sa simbahan at gawin ang kanyang misyon.

Sinabi na rin ng nakausap nilang Manggagawe na hindi gagana ang Tagak sa kanya dahil hindi naman niya pag-aari ang katawang iyon.

Labis-labis ang tuwa ni Mary Jane sa mga natuklasan. Sa pagkakataong iyon, gumuhit na ang matamis na ngiti sa mga labi nito at huminto na ang pagpatak ng luha.

"Maraming salamat, Alex… Buhay ka…" Muli itong napayakap sa kanya nang mahigpit.

Gumanti naman ng yakap si Alex at ipinaramdam dito ang namumuo niyang pagmamahal kahit magkaibigan pa lang sila.

Lumapit sa kanila si Leoron. "Binabati kita, Alexander. Nagtagumpay ka sa iyong misyon. Natalo mo ang mga kapatid ko."

Saglit siyang bumitaw sa babae at niyakap na rin ito. "Salamat din, Leoron, sa mga tulong na ginawa n'yo. Hindi ko naman magagawa ito kung wala rin kayo."

Matagal bago nakasagot si Leoron. "Ngayong wala na rin sina Mateo at Teodoro, wala na ring dahilan para manatili pa ako rito."

Nagulat silang lahat. "A-Ano'ng ibig mong sabihin?" kinakabahang tanong ni Alex.

"Tapos na ang aking misyon na gabayan ka, Alexander. Kailangan ko nang umakyat sa kabilang buhay at doon mamuhay nang mapayapa. Kailangan ko na ring ibalik sa tunay na may-ari ang katawang ito…"

Napayakap sila ngayon lahat kay Leoron. Pati ang apat na matanda ay maluha-luhang nagpasalamat na rin sa kanya.

At ilang sandali pa, bumagsak na sa lupa si Leoron at lumabas sa bibig nito ang isang puting pusok.

Sinundan nila nang tingin ang puting usok na lumipad pataas hanggang sa unti-unti itong maglaho sa kanilang paningin.

Sa pagkakataong iyon, nagbalik na rin ang dating anyo ni Nichole sa sarili nitong katawan. Wala na rito ang kaluluwa ni Leoron. Tuluyan na itong naglakbay sa kabilang buhay.

Agad itong niyakap nina Apung Grasya at Apung Asyu. "Nagbalik ka na, mahal naming apo… Nagagalak kaming makita kang muli…" maluha-luhang sabi ng matandang babae.

Sina Alex at Mary Jane naman ay muling nagkatinginan, habang hindi nila namamalayan ang paghawak nila sa kamay ng isa't isa.

Di nagtagal, nagpaalam na rin silang dalawa sa apat na matanda pati na rin kay Nichole. Nagpasya silang lisanin na ang naturang baryo at magsimula ng bagong buhay sa ibang lugar.

"Mary Jane, gusto mo bang sumama sa akin at magbagong buhay?"

"Oo, Alex. Isama mo na ako kahit saan. Wala na rin akong uuwian. Ikaw lang ang gusto kong kasama," ngiting sagot ng babae sa kanya.

"O, sige. Pero naalala ko pati ako wala na rin palang uuwian. Wala na akong pamilya dito sa Pampanga."

"Eh, di doon na lang tayo sa Maynila. Mas maraming bahay roon na puwede nating tirhan. Mas malawak at mas maraming trabaho na mapapasukan."

"Pero… P-parang hindi ko pa kasi kayang bumalik sa Maynila, eh."

"Bakit naman?"

"Alam mo naman siguro ang dahilan 'di ba? May mga utang kami roon ng Nanay Ofelia ko. Kung hindi kami makukulong, baka naman patayin na kami ng mga kapitbahay namin doon na pinagkakautangan namin. Basta, hindi na ako puwede roon."

"E, saan naman tayo titira n'yan? Ako naman hindi na puwede rito sa Pampanga dahil ayoko na rito. Masyado nang maraming masasakit na alaala rito, lalo na ang mga ginawa sa akin nina Father Mateo. Gusto ko sa ibang lugar naman, 'yung malayo rito…"

"Hayaan mo na. Maghahanap na lang tayo ng paraan. Siguro, sa ibang panig ng Maynila na lang tayo titira. Tama. Doon sa medyo malayo sa amin para wala na ring makakita sa akin. At pagkabalik ko roon, aayusin ko na rin ang buhay ko. Hindi na ako magnanakaw muli…"

Habang sila'y nagkukuwentuhan, nalampasan na rin nila ang Baryo Cambasi na kasalukuyan pa ring umuusok sa tindi ng naganap na sunog.

Wala na sila roon. At hinding-hindi na sila babalik pa.

SAMPUNG taon ang lumipas bago tuluyang nakabangon ang Baryo Cambasi sa napakatinding pagsabog na sumira dito. Sa mga panahong ito, maayos na ang pamumuhay ng mga tao sa bagong henerasyon. Hindi na rin kinatatakutan ang baryong ito ng iba pang mga karatig na lugar.

Nabura na ang kasamaang idinulot dito ng hukbo nina Mateo at Teodoro. Nabura na rin sa mapa ang simbahang itinatag nila. Sa panahon ngayon, isa na lang silang masaklap na alaala sa kasaysayan ng Baryo Cambasi.

May mga tao pa ring nagtataglay ng Kalam doon. Ngunit sa pagkakataong iyon ay hindi na nila ito ginagamit sa masama. Bagkus ay ginagamit na nila ito sa iba upang makapagbigay ng tulong sa mga nangangailangan.

Kung bakit kasi kailangan pang sumabog nang buhay ni Alex bago makamit ng Baryo Cambasi ang kapayapaan. Kapayapaan na matagal ipinagkait sa kanila ni Padre Mateo.

Sa mga panahong iyon, pareho nang nasa Cavite sina Alex at Mary Jane. Kasal na rin silang dalawa at may dalawang anak na. Doon sila dinala ng kanilang kapalaran at nakapagpatayo ng sariling tahanan.

Nagtatrabaho bilang room attendant si Mary Jane sa isang five-star hotel. Isang operation manager naman si Alex sa isang malaking factory.

Nakalimutan na nga nila ang tungkol sa Baryo Cambasi, pati na ang Kalam na nananalaytay sa lalaki.

Wala na siyang balak na gamitin pa ito. Wala na rin naman kasing dahilan para magamit pa niya iyon. Sino ba naman ang gugustuhing pasabugin ang kanilang sarili?

Ang nasa isip na lang ngayon ni Alexander Soriano ay ang pamilya niya na hindi matutumbasan ng kahit na anong uri ng Kalam.

Magkasama silang buong pamilya sa Luneta Park nang araw na iyon. Parehong day-off ng dalawa sa trabaho kaya naisipan nilang ipasyal ang kanilang mga anak.

"Ano bang gusto mong lutuin ko mamaya pag-uwi, mahal?" mayamaya'y tanong ni Alex sa asawa habang pinagmamasdan nila ang dalawa nilang anak na naglalaro.

"Puwede bang sa labas na lang tayo kumain? Parang tinatamad kasi akong kumain ngayon sa bahay, eh!" natatawa namang sagot ni Mary Jane.

Natawa na rin ang lalaki saka humawak sa kamay ng asawa. "Sige ba!"

Habang nagkakasiyahan ang lahat ng tao sa Luneta Park, isang matandang babae naman ang pumasok doon at naupo sa isang tabi.

Butas-butas na ang damit ng babae at punong-puno na rin ng dungis ang buong mukha nito. Ilang taon nang namumuhay sa kalsada ang babae.

Taga-Pampanga ito pero napadpad na ngayon sa iba't ibang lugar dahil sa kawalan ng tirahan. Palipat-lipat na lang ito ng matutulugan sa gabi. Minsan sa ilalim ng tulay, minsan sa gilid ng kalsada, at minsan sa tabi ng basurahan.

Isa ang matandang babae sa mga nawalan ng pamilya dahil sa pagsabog na naganap sa Baryo Cambasi sampung taon na ang nakalilipas.

Wala siya sa baryo noong maganap iyon. Ngunit pagbalik niya roon ay sunog na ang buong paligid. Nadamay sa matinding pagsabog ang pamilya niya na napasailalim sa kapangyarihan noon ni Padre Mateo.

Hindi niya matanggap ang pangyayaring iyon. At habang tumatagal ang panahon ay lalo siyang nasisiraan ng bait sa mga nangyari. Hindi siya makapaniwalang sa isang iglap lang ay nawala na lahat ang kanyang pamilya at kamag-anak.

Dahil dito lalo siyang nabaliw. Nabaliw sa labis na pag-iisa. At ang labis na pag-iisa ang nagdulot sa kanya ng matinding galit sa mundo.

Lingid sa kaalaman ng lahat na isa siya sa mga natitirang Ustuang sa naturang baryo. At dahil wala na rin naman ang mga mahal sa buhay, parang ayaw na niyang manatili pa rito sa mundo.

Kaya naman ang galit na naipon sa kanyang puso sa loob ng mahabang panahon ay unti-unti nang lumabas. Nagbaga ang kanyang mga mata, at wala nang ibang nasa isip niya kundi pasabugin ang buong mundo!

Isang sigaw ang pinakawalan niya na umagaw sa atensiyon ng lahat. "Pagkawasaaaaaak!"

THE END.

MATEO LEORON TEODORO

A Novel by Draven Black

All Rights Reserved 2022