Chereads / Mateo Leoron Teodoro / Chapter 8 - Kabanata 8: Simbahan ng may Kalam

Chapter 8 - Kabanata 8: Simbahan ng may Kalam

PAGBALIK ni Renzo sa bahay ng amo, nakita niyang nakatambay sa labas ng gate si Christian, may yosi sa bibig at sa malayo nakatingin.

"Mayap a gatpanapun," bati niya rito na ang ibig sabihin ay magandang hapon. "Bakit ang lalim yata ng iniisip mo?"

Napalingon sa kanya ang binatilyo na parang nagbalik sa realidad ang isip. "Alam mo na siguro ang dahilan."

"Si Mary Jane?" alam na rin ni Renzo ang tungkol dito, dahil matagal na itong kinukuwento sa kanya ni Christian.

Ngumiti ang binatilyo. "Alam mo, hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip ni Mary Jane at ayaw pa niyang lumayo rito at sumama sa akin."

Ang seryoso ng pagkakasabi nito, pero tinawanan lang iyon ni Renzo. "Hindi ko rin alam kung ano ang tumatakbo sa isip mo dahil hanggang ngayon umaasa ka pa ring magiging kayo. Pareng Christian, nakakalimutan mo yata, 16 ka pa lang. 23 na si Mary Jane."

"Ano namang masama sa edad ko? Kaya ko naman siyang panindigan kung magtitiwala siya sa akin."

"Alam mo naman siguro na dito sa ating baryo, mahigpit na ipinagbabawal ni Padre Mateo na mag-asawa ang mga katulad nating sakristan sa simbahan niya. Isa iyong tradisyon na sinusunod natin hanggang sa mamatay tayo."

"Kaya nga magpapakalayu-layo ako, eh. Pupunta ako sa lugar kung saan hindi na ako masusundan ng Kalam ni Padre Mateo. Kasama si Mary Jane siyempre."

"Sa tingin mo sasama siya sa `yo? Bakit, ano ba'ng laban mo kay Padre Mateo kung sakaling takasan mo ang iyong responsibilidad dito? Nakasisigurado ka bang hindi niya ito malalaman? Ano kaya ang gagawin mo kapag nagkaalaman na? Kung sasama sa `yo si Mary Jane, lalo lang siyang mapapahamak kapag pumalpak ka sa balak mo. Kaya hindi mo rin siya masisisi kung bakit pinipili niyang magpaalipin kay Padre Mateo."

Sumama ang tingin sa kanya ng binatilyo pagkatapos niyon. "Pare, huwag kang tumitig sa akin nang ganyan. Sinasabi ko lang naman sa `yo ang totoo, para mapag-isipan mo nang mabuti ang mga desisyon mo sa buhay. Hindi basta-basta ang balak mong pagtalikod sa simbahan. Kamatayan ang magiging kapalit nito kapag nalaman ni Padre Mateo na nag-iisip ka ng ganyan. Kaibigan mo ako kaya concern lang naman ako sa `yo. Huwag mo sabihing kinakalaban kita o nilalaglag kita."

Agad din namang humupa ang tensiyon sa dibdib ni Christian. Saka ito napayuko at tinapon sa kalsada ang hindi pa nauubos na yosi. "Nagsisisi talaga ako, p're, sa pagpasok ko rito. Akala ko noong una, kakayanin kong tumanda na walang asawa at magsisilbi kay Padre Mateo habang buhay. Pero heto, wala pa man ako sa tamang edad, parang hindi ko na kinakaya ang ganito. Gusto ko pa ring makapag-asawa pagdating ng araw, at magkaroon ng sariling pamilya."

"Ilang taon ang ginugol natin bago maging miyembro ng simbahang Kalam, pare. Sa mga panahong iyon, hindi mo pa ba napag-isipan ang tungkol d'yan? Bakit mo pa pinasok ang ganitong mundo kung hindi mo naman pala kayang panindigan?"

"Natukso lang kasi ako noon sa kapangyarihan na makukuha natin oras na sumali tayo rito. Akala ko kasi, kapag nagkaroon ako ng Kalam, magiging masaya na ako sa buhay kahit hindi na umibig. Pero ngayon, nalaman kong…hindi pala kayang tumbasan ng kahit anong kapangyarihan ang kalayaang umibig sa kahit na sino."

Nilapitan ni Renzo ang kaibigan at tinapik-tapik sa balikat. "Huwag mo nang sayangin ang buhay mo sa babaeng iyon, pare. Maayos na ang buhay mo ngayon sa ilalim ng mga kamay ni Padre Mateo. Huwag mo na siyang bigyan ng dahilan para parusahan ka. Dahil magkaibigan tayo, hindi kita isusumbong sa kanya. Pero sana, itigil mo na ang kahibangang ito. Mahalin mo na lang ang iyong Kalam at isuko ang iyong sarili kay Padre Mateo at kay Bathalang Dalumdum."

Pagkasabi ay pumasok na siya sa loob ng bahay at iniwan doon ang kaibigan na nag-iisip pa rin.

SAKTO namang dumating si Alex sa bahay at si Christian ang naabutan niya. Pagkababa sa motor, agad siyang lumapit dito at nagtanong. "M-magandang hapon."

"A-anong kailangan mo?" sagot sa kanya ng binatilyo.

"Isa ka ba sa mga tauhan ni Padre Mateo? Pinapupunta niya kasi ako rito."

"Wala pa siya. Nasa simbahan pa. Pero pumasok ka na lang sa loob at doon mo na hintayin."

Tumuloy na nga siya sa loob. Hindi na niya nakita ang paglingon sa kanya ng lalaki na may makahulugang titig.

Pagpasok ni Alex sa loob, si Mary Jane agad ang nakita niya na pababa pa lang ng hagdan dala ang wallet bag nito.

Tuwang-tuwa ang babae nang makita siya. "Alex! Magandang hapon! Buti at napadalaw ka!" Nagmamadali itong lumakad patungo sa kanya.

"Magandang hapon din, Mary Jane. Pinapupunta raw kasi ako ni Padre Mateo rito. Hindi ko alam kung ano ang kailangan niya. Napilitan lang akong pumunta para makita kita."

"Oh, talaga? Salamat, ah! Sobra akong natutuwa sa pagdalaw mo rito!" halata nga sa anyo ng babae ang labis na tuwa.

"Ikaw lang kasi ang inaalala ko rito, eh. Alam kong wala kang kakampi rito. Kaya gusto ko ring makadalaw rito paminsan-minsan para may makausap ka rin. Iyon ay kung papayagan ako ni Padre Mateo."

"Salamat talaga, Alex. Naku papunta rin kasi ako ngayon sa palengke ng Masantol baka gusto mong sumama. Inutusan kasi akong bumili ng hipon dahil nagpapaluto ng Tortang Paro si Padre Mateo."

"Talaga? Sige ba. Tara!"

"Kaya lang kararating mo pa lang, eh. Sigurado pagod ka pa lalo na't ang layo ng biniyahe mo."

"Naku wala 'yun! Hindi naman ako napapagod pagdating sa galaan, eh. Tara samahan na kita!"

Lumaki ang tuwa ng babae. "Talaga? Sige na nga!"

Palabas na sana sila nang biglang sumingit sa eksena si Renzo na kapapalit pa lang ng damit nito. Isang sutanang pula naman ang suot nito.

"Saan kayo pupunta?" Ang lalim ng pagkakatitig sa kanila ng binatilyo.

"Ah, bibili na kasi ako ng hipon ngayon. Magpapasama na lang ako kay Alex. Wala kasi siyang kasama rito sa bahay, eh," sagot dito ni Mary Jane.

"Pero may usapan sila ni Padre Mateo na magkikita ngayon. Bakit hindi mo na lang siya iwanan dito? Pauwi na rin si Padre."

"Babalik din naman ako agad. Sabihin mo na lang sa kanya sumama siya sa akin. Kilala na rin naman niya si Alex, eh. Nagkausap na sila dati, at alam na rin niyang magkaibigan kami."

Hindi na nakasagot dito si Renzo. Pero nanatili pa rin itong nakatitig sa kanila hanggang sa paglabas nila ng bahay.

Pagkalabas naman ng dalawa sa gate, biglang bumilis ang tibok ng puso ni Christian sa nakita. Iba ang naramdaman niya nang makita kung gaano kasaya si Mary Jane habang kasama ang lalaking iyon.

Sakto namang dumating si Renzo at lumapit muli sa kanya. "Tara, inom na lang tayo sa loob," yaya nito.

"Sino 'yung kasama ni Mary Jane?" tanong agad niya.

"Ah iyon ba? Alexander Soriano raw ang pangalan n'yan. Bagong kaibigan lang yata 'yan ni Mary Jane."

"Kaibigan?" halata ang pagkayamot sa kanyang tinig. "Alam na ba ni Padre Mateo ang tungkol dito?"

"Kilala na rin siya ni Padre Mateo, kaya nga pinapupunta rito 'di ba?"

"E, bakit daw? Ano naman ang kinalaman niya kay Mary Jane?"

"Kung tungkol kay Mary Jane, hindi ko alam. Pero si Padre Mateo, kailangan daw niya ang lalaking iyan na maipasok din sa atin. Sa pagkakarinig ko kasi, may taglay daw na Kalam 'yan na sa tingin ko ay napakalakas, kaya ganoon na lang ang kagustuhan ni Padre na maging miyembro natin 'yan. Alam mo naman si Padre Mateo, tuwing makakatagpo ng mga taong may Kalam na malalakas, pinapasok agad niya sa simbahan para hindi maging kalaban, at para hindi makasagabal sa mga plano niya."

Nagkuyom ang mga kamao ni Christian. Hindi niya tanggap na mas magiging masaya pa ito sa isang lalaki na ngayon lang nito nakilala kaysa sa kanya na matagal nang pumoporma at nanliligaw rito.

"Kaya siguro ayaw akong sagutin ni Mary Jane, dahil sa lalaking iyan!"

Umiling si Renzo. "Hindi ako boto sa kanilang dalawa, pero huwag mo ring pag-isipan ng masama si Alexander. Wala siyang kinalaman kung bakit ayaw kang sagutin ni Mary Jane dahil ngayon pa lang sila magkakilala. Ikaw, matagal ka nang nanliligaw sa kanya."

Hindi pa rin nawawala ang galit niya. Parang nais niyang makapatay muli gamit ang kanyang Kalam, gaya ng ginawa niya noon kung saan pumatay siya ng apat na lalaking mas matanda sa kanya para patunayan ang sarili kay Padre Mateo. Kaya nga naging miyembro na siya ngayon ng simbahan nito.

"Alam mo, halika na lang sa loob. Iinom na lang natin 'yan habang naghihintay kay Padre. Tara na!" Hinila na siya ng kaibigan kaya wala na siyang nagawa.

"HINDI ka pa ba binubugbog muli ni Padre Mateo?" mayamaya'y tanong ni Alex habang naglalakad sila sa palengke ni Mary Jane.

"Sa ngayon hindi pa. Medyo maganda-ganda pa kasi ang mood niya. Ewan ko kung bakit, pero sana lagi na lang ganoon. At least, mag-iisang buwan na akong hindi nabubugbog ngayon."

"Bakit nagtitiis ka pa sa kanya? Puwede ka namang tumakas ngayon mismo tutal nakakalabas ka naman."

"Nakakalimutan mo yatang isang Ukluban si Padre Mateo. Taglay niya ang lahat ng kapangyarihan. Kayang-kaya niya akong matunton kahit saan ako magpunta. Lalo na't ordinaryong tao lang ako at walang Kalam, kaya mas magiging delikado ang buhay ko kapag tumakas ako."

"Grabe naman talaga! Hindi mo deserve na pagbuhatan ng kamay ng kahit sinong lalaki. Walang kahit sinong lalaki sa mundo ang dapat manakit ng babae, pisikal man o mental na aspeto!"

"Alam ko naman 'yon. Pero ano bang magagawa ko? Si Padre Mateo na nga ang may hawak ng buhay ko. Wala na akong magagawa dahil matagal ko nang isinuko ang sarili ko sa kanya, para lang mabuhay pa ako."

"Wala na bang ibang paraan para makatakas ka? O para makalayo ka man lang sa kanila?"

"Wala na, eh. May magagawa lang siguro ako, kung mamamatay si Padre Mateo. Pero paano naman mangyayari 'yon kung hindi nga siya tumatanda. Mahigit 100 years na siya rito sa mundo, 'no!"

Nagulat ang babae nang biglang humawak sa kamay niya ang lalaki at pinisil iyon nang mahigpit.

"Hayaan mo. Kapag nalaman ko na ang Kalam ko, gagawin ko ang lahat para mailigtas ka."

Hindi niya naiwasan ang pamumula ng pisngi. Hindi na rin niya nagawang bumitaw sa pagkakahawak nito. Ewan ba niya pero parang nagustuhan niya ang sandaling iyon.

"Talaga ba? Ano naman ang magagawa mo para labanan si Padre Mateo? Isa nga siyang Ukluban di ba? Kaya kahit ano pa ang maging Kalam mo, mayroon na siya lahat niyan!"

"Kahit na. Hindi lang naman Kalam ang puwedeng ipanlaban sa kanya. Kahit sinong nilalang pa siya, siguradong tinatablan pa rin siya ng bala. Marami akong mga kakilalang gang member sa Maynila. Puwede ko siyang ipabaril sa mga iyon. Tingnan ko lang kung mabuhay pa siya kapag nabaril siya sa ulo."

Hindi na niya napigilan ang malakas na pagtawa. "Ikaw talaga. Hayaan mo na 'yun! Basta sundin mo na lang kung ano ang gusto niya para lagi kang makadalaw sa amin, at para lagi rin tayong magkita. Alam mo kasi, parang sobrang good mood niya talaga ngayon mula nang makilala ka niya."

"O, talaga? Bakit naman kaya? May sinasabi ba siya tungkol sa akin?"

"Actually, meron, eh. Minsan kasi, narinig ko silang nag-uusap ng mga tauhan niya sa simbahan tungkol sa `yo. Hindi ko nga lang gaano maintindihan dahil Kapampangan, pero ang alam ko gusto raw mapalapit sa `yo ni Padre Mateo. Lagi ka nga rin niya tinatanong sa akin at wala naman siyang sinasabing masama sa `yo. Ibig sabihin no'n, gusto ka niya! Kaya huwag mo siyang gagalitin, ha? Para hindi rin magalit sa akin."

Binigyan siya nito ng isang matamis na ngiti. "Mabuti naman kung ganoon. Hayaan mo, bobola-bolahin ko 'yang amo mo para lagi siyang good mood at hindi ka na bugbugin."

Sa haba ng kanilang usapan, hindi niya namamalayang lumampas na pala sila sa tindera ng mga hipon. Nandito na sila ngayon sa kabilang bahagi ng palengke kung saan puro prutas na ang tinda.

Sabay silang nagtawanan at naglakad pabalik sa pinanggalingan.

MAHIGIT isang oras ang lumipas bago sila nakabalik sa bahay. Pagkarating nila roon, nasa loob na si Padre Mateo at naghihintay sa kanila.

Malaki ang pagkakangiti ng lalaki nang humarap sa kanila. Mukhang maganda pa rin ang mood nito.

"Mayap a aldo kekayung adwa," bati nito sa kanila na ang ibig sabihin ay magandang araw sa kanilang dalawa.

"Alexander, dakal a salamat sa iyong pagdalaw rito. Puwede ba tayong mag-usap sa aking silid?"

Nagulat si Alex. "Ah, s-sa kuwarto mo?"

"Oo. Huwag kang mag-alala. May mga kasama naman tayo roon." Saka nito itinuro sina Christian at Renzo na nasa isang tabi at nakatingin din sa kanya.

"Ah, s-sige lang. Walang problema!" Hindi na siya nakatanggi.

Sabay-sabay na silang umakyat sa taas. Naiwan naman si Mary Jane sa kusina para magluto ng kanilang hapunan.

Naupo si Padre Mateo sa harap ng lamesa nito. Siya naman ay naupo sa isang silya malapit sa pinto. Habang sina Christian at Renzo ay magkatabi sa gilid ng kama.

"Ano pala ang pag-uusapan natin dito?" tanong agad ni Alex. Hindi niya maiwasang kilabutan sa dilim ng paligid dahil sa pulang ilaw na naroon. Dagdag pa ang mga lumang litrato ng pamilya at angkan nito na nakapaskil sa bawat sulok ng pader.

"Nakalimutan ko palang magpakilala nang pormal sa `yo," turan ng binatang pari. "Ako nga pala si Mateo del Puero Salvador. Isa akong Ukluban at ako ang may-ari ng Pisamban Ning Mikakalam dito sa Baryo Cambasi. Iyon ang pangalan ng ating simbahan."

Isang pilit na tango ang ibinigay niya rito. "Ah, kaya pala. Nice to meet you, Padre Mateo."

"At sila naman ang dalawang kanang-kamay ko sa simbahan. Sila ang may mataas na katungkulan sa aking mga sakristan. Ito si Christian na isang Manlilingu, at si Renzo na isang Uple."

"Kilala mo na siguro ako dahil nagkita na tayo kanina. At nakita mo na rin ang kapangyarihan ko, 'di ba?" biglang turan sa kanya ni Renzo.

"Ah, oo naman. Huwag kayong mag-alala. Ginagalang ko lahat ang mga Kalam n'yo," ngiting tugon niya sa mga ito.

"Batid kong ikaw ang anak ni Charito Soriano. Namatay nga pala ang nanay mo dahil sa giyerang naganap dito noon. Kaya naman ibinigay ka niya sa kanyang kaibigan para mailayo rito at nang hindi ka madamay sa gulo. Tama ba?"

Doon siya nagkaroon ng interes sa usapang iyon. "Ah, oo. P-Pero bakit alam mo ang tungkol sa nakaraan ko?"

TO BE CONTINUED…