Chereads / Mateo Leoron Teodoro / Chapter 2 - Kabanata 2: Pagtuklas

Chapter 2 - Kabanata 2: Pagtuklas

SAMPUNG minuto ang lumipas bago nila narating ang Sulbang kung saan nakatira sina Ofelia.

Mabilis silang bumaba ng bangka at nilakad ang mamasa-masang lupa. Pagkatapos madaanan ang ilang matatangkad na punong nakapalibot sa paligid, isang lumang bahay ang sumalubong sa kanila.

"Ito ang bahay ko, Anak."

Matagal iyong pinagmasdan ni Alex. "Nay, kung matagal na kayong umalis dito, bakit buo pa rin itong bahay n'yo?"

"Dito kasi nakatira ang pinsan ko. Mula nang umalis ako, dito ko na siya pinatira. Bihira nga lang kami magkausap dahil mahina raw ang signal dito sa kanila."

"Alam po ba niya na nandito na tayo?"

"Hindi nga, eh. Naging biglaan kasi ang pag-alis natin kaya hindi ko na siya nasabihan. Pero alam ko namang nandito lang siya lagi. Wala naman kasi siyang ibang mapupuntahan dahil mahirap lang siya gaya natin."

Tumuloy na sila at kumatok sa pinto. Di nagtagal ay nagbukas ang bintanang yari sa kawayan. Isang matabang lalaki na may bigote ang bumungad sa kanila.

Gulat na gulat ito nang makita si Ofelia. "Aru ginu ko! Ot atyu kayu keni?" Nagtatanong ang lalaki kung ano raw ang ginagawa nila roon.

Bahagyang nagulat si Alex sa lakas ng boses nito. Masayang lumabas ang lalaki at sinalubong sila.

Nag-iyakan pa ang dalawa habang mahigpit ang pagkakayakap sa isa't isa. Halatang napakatagal na panahon nilang hindi nagkita.

Awtomatiko naman siyang nagmano rito nang lumingon ito sa kanya.

"Manyawad kung panupaya nung edaka asabinan king pamagdatang mi keni," ani Ofelia, na ang ibig sabihin sa Tagalog ay humihingi ito ng pasensiya sa biglang pagdating nila roon.

"Mekeni, salangi kayu!" pagbati ng lalaki, na ang ibig sabihin ay welcome daw sila sa loob.

Naupo agad si Alex sa isang upuan na tila bagong barnis pa lang. Lahat ng mga gamit doon puro makaluma. Doon pa lang niya nadama ang presensiya ng kanilang probinsiya.

"Ala ku pang alulutu, itung. Mebigla ku kasi king pamagdatang yu. Sali ku pang maski nanu king palengki, ne?" wika sa kanya ng lalaki na ang ibig sabihin ay wala pa raw itong naluluto dahil sa biglang pagdating nila, at bibila lang daw muna ito ng kahit ano sa palengke.

Ngisi lang ang itinugon ni Alex dito. Sa kanya nakatingin ang lalaki pero wala siyang maisagot sa mga sinabi nito.

"Pisuk, tagalugan me pa ing anak ku. E yapa biyasang Kapampangan yan," anang ina niya rito, na ang ibig sabihin ay tagalugin daw muna siya nito dahil hindi pa siya marunong magkapampangan.

"Ah ganoon ba? Sige, sige pasensiya na! Oo nga pala, ngayon ka lang nakapunta rito 'di ba? Gusto mo bang sumama sa `kin sa palengke? Para mailibot na rin kita."

"Naku! Galing na kami sa palengke ng Masantol kanina. Sasama na pala ako sa inyo. May ipapakita rin kasi ako sa kanya," sabat ni Ofelia.

"Ako nga pala si Pisok. Ikaw, si Alexander ka 'di ba?"

"Ah, opo."

"O, sige. Magpahinga muna kayo. Mayamaya aalis din tayo. Pupunta tayo ng Masantol, doon ako mamamalengke para marami tayong stock ng pagkain dito."

Tatlong tango ang itinugon niya. "Medyo malayo po pala ito, 'no? Kailangan pa ng bangka, tapos pagdating doon matagal din ang biyahe sa motor."

"Ah, oo. Malayo talaga kaya nakakapagod din lalo na kung hindi ka sanay rito."

"Ah, Pisok," biglang singit ni Ofelia. "Dito na pala muna kami titira."

"O talaga? O, sige walang problema! Aayusin ko mamaya 'yung kabilang kuwarto para matulugan n'yo."

Ngumiti si Ofelia. "Dakal a salamat!"

Biglang may naalala si Alex. "Nay, saan na nga pala nakatira si Nanay Charito?"

"Bakit, Anak? Gusto mo na bang makita ang tunay mong ina?"

"G-gusto ko lang po malaman kung nasaan siya. Pero ayoko munang humarap sa kanya."

"Bakit naman? May karapatan pa rin naman siyang malaman na nandito ka. Lalo na't ikaw ang tunay niyang anak."

Bago pa makasagot si Alex, muling tinawag ng ina si Pisok na nagbibihis sa kuwarto. "Pisok, may itatanong pala ako sa `yo.

Lumabas si Pisok na nakahanda sa itatanong niya.

"Nasaan na nga pala si Charito?"

Bumakas ang pagtataka sa anyo ng lalaki. "Anong nasaan?"

"Si Charito, saan na nakatira dito? Gusto namin siyang makita ni Alex."

"Akala ko ba alam mo na?"

Nagtaka na rin si Ofelia. "Na ano?"

"Na patay na siya!"

Nagkatinginan agad ang mag-ina sa narinig. Pareho silang hindi makapaniwala sa masamang balita.

"Ano? P-paanong namatay? Kailan pa?"

"Ofelia, ang tagal ko nang binalita sa `yo! Bata pa lang si Alexander no'n! Nagpadala ako ng sulat sa `yo noon. Sinabi ko roon ang lahat."

Napatayo ang matanda sa gulat. "A-anong sulat? Wala akong natanggap na sulat! Mula nang umalis kami rito, hindi pa `ko nakatanggap ng kahit anong sulat mula sa inyo!"

Napaisip din si Pisok. "Kung sa bagay, masyado nga namang magulo noong mga panahong iyon. Marami ring mga sulat na hindi pinadala dahil hinarangan ito ni Padre."

Napaiyak agad si Ofelia. "Pero 'di ba nagkakatawagan pa naman tayo minsan? Bakit naman hindi mo sinabi sa `kin doon?"

"Akala ko kasi nakarating sa `yo 'yung mga sulat ko, kaya inisip kong alam mo na ang tungkol doon. Saka paano ko masasabi sa `yo, eh, sasaglit nga lang tayo nagkakausap sa telepono. Pero basta matagal na siyang patay. Kasama siya sa mga namatay sa huling giyera dito noong umalis kayo."

Kahit hindi lumaki si Alex sa tunay na ina, nakaramdam pa rin siya ng lungkot sa natuklasan.

Nilapitan siya ni Ofelia at hinagod ang kanyang likod. "Anak, wala na ang tunay mong ina," umiiyak nitong wika sa kanya.

Hindi na niya alam ang isasagot doon. Napayuko na lang din siya habang malalim ang iniisip. Ewan ba niya kung bakit siya naaapektuhan nang ganito sa natuklasan kahit hindi naman niya nakapiling ang tunay na ina.

PAGKAPUNTA nila sa palengke, iniwan na nila si Pisok na abala sa pamimili ng mga lulutuing ulam. Sila naman ay nagpunta sa kabilang bahagi ng palengke kung saan matatagpuan ang isang maliit na grocery store.

Ayon sa kanyang ina, kaibigan din daw nito ang may-ari niyon. Tuwang-tuwa rin ang may-ari ng grocery store nang makita si Ofelia.

"Grabe! Bakit ngayon ka lang? Hindi ko akalaing pupunta ka pa rito!" anang babae na nagpakilala sa pangalang Len. Aling Len ang tawag dito ng marami.

"Biglaan nga lang kase. Heto nga pala ang anak ko, si Alex." Saka siya iniharap ng ina rito.

"Magandang umaga po," bati niya sa babaeng halos kasing edad na rin ng kanyang ina. Mahilig itong manamit nang mamahalin at halata rin ang makapal na makeup.

"Ah, ganito kase, Len. Naghahanap kasi ng trabaho ang anak ko. Baka naman puwede mo siyang ipasok dito sa grocery mo. Para naman may pera din kami kahit papaano."

"Ay, naku! Puwedeng-puwede! Buti na lang pinakilala mo siya. Tamang-tama naghahanap pa naman din ako ng dagdag na tauhan dito. Okay lang ba sa kanya kung maging kargador siya?"

Si Alex na ang sumagot sa pagkakataong iyon. "Ah, wala pong problema sa `kin 'yon. Kahit ano pong trabaho okay lang. Salamat po!"

Natuwa sa kanya ang babae. Nahalata rin nito ang malaki niyang katawan na bumabakas sa suot niyang manipis na t-shirt.

"Ilang taon ka na pala, itung?"

"23 na po."

"Ah, graduate ka na ba?"

"High school graduate lang po ako, Ma'am. Nakapag-college naman ako kaso hanggang third year nga lang. Nagkaroon kasi kami ng financial problem kaya hindi na `ko nakapagtapos."

"Ah, okay lang sa `kin 'yon walang problema. Kakilala ko naman ang nanay mo kaya may tiwala na rin ako sa `yo."

Napangiti siya. "Maraming salamat po!"

Bukas na bukas din, puwede na raw siyang magsimula sa trabaho. Magdala na lang daw siya ng ekstrang damit at mga importanteng gamit.

Pag-uwi nila muli sa Sulbang, saglit muna siyang lumabas para maglibot-libot sa paligid. Nasa loob naman si Pisok at ang kanyang ina, nagluluto.

Napakapresko sa labas kahit tirik ang araw. Dahil na rin siguro sa nasa gilid sila ng ilog na sinabayan pa ng sariwang simoy ng hangin.

Sa isang puno na nadaanan niya, umagaw sa kanyang pansin ang matabang ahas na nakapulupot sa sanga.

Napatakbo siya sa gulat at mabilis na dumistansiya rito. Ngunit nang nasa malayo na siya, wala na ang ahas sa kinaroroonan nito. Sa halip, isang lalaking hindi nalalayo sa kanyang edad ang bumungad sa kanya. Nakasuot ito ng sutanang itim at may hawak na librong itim.

Matagal silang nagkatinginan bago ito lumapit sa kanya. "Ngayon lang kita nakita. Bago ka lang ba rito?" tanong sa kanya ng lalaki.

Wala naman siyang naramdamang panganib sa tinig nito kaya sumagot na rin siya nang maayos. "Ah, oo. First time ko kasi dito sa province namin, eh."

Tumango ang lalaki na tila nauunawaan na ang sitwasyon niya. "Ibig sabihin, hindi mo pa ako kilala?"

"Hindi pa, eh. Sino ka nga pala? Knights ka ba sa simbahan?" tanong niya rito. Ganito kasi ang karaniwang suot ng mga sakristan na nakikita niyang nagsi-serve sa simbahan.

Yumuko ang lalaki na tila pinigilan ang isang pagtawa. "Ako nga pala si Mateo del Puero Salvador. Pero tawagin mo na lang ako bilang Padre Mateo."

"P-Padre, Mateo? Bakit? Pari ka ba?"

Hindi nawawala ang ngiti ng lalaki. Para bang nagtatago ng libu-libong lihim ang mga ngiti nito. "Kung gusto mo, sumama ka na lang sa akin para madala kita sa aming simbahan. Doon malalaman mo ang lahat."

Nahihiyang sumama si Alex dahil hindi naman niya ito kilala. "Ah, sorry, pare. May inuutos kasi sa akin ang nanay ko. Hinihintay ko lang siya rito sa labas. Pasensiya na. Siguro sa susunod na lang," palusot na lamang niya.

"Sino pala ang nanay mo?"

"Ofelia po."

"Ofelia? Matalik na kaibigan ni Charito?"

Nagulat si Alex. "B-bakit mo kilala si Charito?"

Sa pagkakataong iyon ay nawala ang ngiti ng lalaki. Tila napa-isip ito sa mga isinagot sa kanya. "Kalimutan mo na iyon. Basta kung gusto mong sumali sa aming simbahan, sabihan mo lang ako."

Marami pa sana siyang nais itanong dito. Ngunit bigla na lang itong may nilingon sa likuran niya.

Nang lingunin din niya iyon, nakakita siya sa di kalayuan ng itim na usok na lumulutang sa hangin. Sinundan niya ito nang tingin hanggang sa lumipad palayo.

Ngunit pagharap niyang muli, wala na ang lalaking nakaitim sa kinatatayuan. Hindi na niya alam kung saan ito lumusot at ganoon na lang kabilis mawala.

Bigla na lang siyang kinilabutan sa nangyari. Napatakbo tuloy siya pabalik sa loob nang hindi oras.

"Bakit, hijo?" tanong sa kanya ni Pisok na tila nahalata rin ang takot sa kanyang anyo.

"Ah, w-wala po. Magpapahinga lang po ako sa kuwarto," paalam niya rito at dumiretso na sa kanilang silid ng ina.

Nakita pa niya ang mga gamit nila roon na nakakalat pa. Kaya naman siya na ang nag-ayos at naglagay sa tamang paglalagyan. Pati mga damit nila sa maleta ay inayos na rin niya sa aparador nila.

GABI. Silang dalawa na lamang ng Nanay Ofelia niya ang gising. Si Pisok ay mahimbing na ang tulog sa kabilang kuwarto.

"Nay, baka puwede mo na palang sabihin sa akin 'yung mga dapat kong malaman dito sa baryo natin," biglang pag-iiba ni Alex sa kanilang usapan na kanina ay tungkol sa magulo nilang buhay sa Maynila.

"Hindi ko alam kung maniniwala ka sa mga sasabihin ko sa `yo. Pero dito sa Cambasi, lahat ng mga tao, may Kalam," paninimula ng matanda.

"Kalam? Ano ba kasi iyon, Nay?"

"Isang malalim na salitang Kapampangan iyon. Ang katumbas na kahulugan n'on sa Ingles ay 'The Gifted'. Nakukuha mo na ba ang ibig kong sabihin?"

Saglit na napaisip si Alex. "Ibig n'yo po bang sabihin, lahat ng tao rito, gifted?"

"Parang ganoon na nga, anak. May mga kakayahan sila na wala sa pangkaraniwang tao. Kabilang na rito ang mga mangkukulam at mambabarang na sinasabi ko sa `yo."

Hinayaan na niyang magkuwento ang matanda. Ayon dito, sa kanilang lugar ay may dalawang klase raw ng mangkukulam. Yung isa nananakit, at yung isa nanggagamot. Ngunit hindi lahat ng may Kalam ay isang Mangkukulam.

"Dapat mong malaman ang iba't ibang kapangyarihan ng mga taong may Kalam dito sa baryo. Para malaman mo kung ano ang mga kaya nilang gawin at nang makaiwas ka sa kapahamakan."

Tahimik lang siyang nakikinig sa ina habang isa-isa nitong pinaliliwanag ang iba't ibang Kalam na mayroon ang mga tao rito.

Bukod sa MANGKUKULAM, mayroon ding MAMBABARANG, ginagamit nila ang mga insekto para manakit ng tao. Mas matindi sila magbigay ng sakit.

May tinatawag ding MAGKUKUSIM, may kakayahan silang palabasin ang sariling kaluluwa para mangulam sa malalayong lugar.

Mayroon ding MANGGUGUNA, may kakayahan silang gumawa ng gayuma, lunas at anting-anting sa pamamagitan ng mga halaman.

Mayroon namang MANGGAGAWE, marami silang alam sa mga halaman na hindi alam ng karamihan. At ito ang ginagamit nila para makagawa ng itim na mahika o lason sa pamamagitan ng halaman.

Kasunod dito ang MAGBANTALA, may kakayahan silang gumawa ng mga dasal o panalangin na may iba't ibang epekto sa tao at sa paligid.

UPLE, ito ang tawag sa mga taong may kakayahang gumawa ng mga ilusyon para lituhin ang isip ng tao.

MANLILINGU, ito naman ang tawag sa mga taong may kapangyarihang kumilos nang mabilis, patago, gumamit ng sandata, mag-espiya sa isang tao at gumawa ng mga nakamamatay na patibong.

MANULA, sila ang mga taong nakakakita ng mga pangyayari sa hinaharap pero hindi nila matutukoy kung kailan iyon eksaktong mangyayari.

SIAK, mas malakas ang pangitain nila sa mga mangyayari sa hinaharap. Alam nila kung kailan ito eksaktong mangyayari at sila lang din ang may kakayahang maglakbay sa nakaraan o kasalukuyan.

MAMALUE, sila ang mga taong hindi tumatanda dahil may kapangyarihan silang panatilihing bata ang kanilang anyo. Bukod dito, may kakayahan din silang pabagalin o pabilisin ang pagtanda ng isang tao.

LAGAYAN, nakakaramdam sila ng mga multo o anumang elemento sa paligid.

MAMALIAN, may kakayahan silang papasukin ang mga ligaw na kaluluwa o elemento sa kanilang katawan.

KATULUNAN, taglay rin nila ang kapangyarihan ng Lagayan at Mamalian. Ngunit ang pinagkaiba ay may kakayahan silang kumausap ng mga kaluluwa at maglakbay sa kabilang buhay.

At kapag nakabisado ng isang tao ang lahat ng mga bagay na ito, ang tawag sa kanya ay UKLUBAN. Taglay nito ang lahat ng mga kapangyarihang nabanggit, at ito rin ang itinuturing pinakamataas na nilalang sa kanilang lugar.

"At iyon ang makulay na mundo ng mga taong may Kalam," pagtatapos ni Ofelia sa napakahabang salaysay.

Labis ang pagkamangha ni Alex sa mga natuklasan. Sa isang iglap ay tila nawala ang takot niya sa lugar na iyon. Sa halip ay napalitan iyon ng tuwa at pagkasabik.

"Nakakatuwa namang malaman na ganito pala ang mga tao sa lugar natin, Nay! Alam n'yo sa totoo lang pinapangarap ko rin magkaroon ng kapangyarihan noon. Ibig sabihin ba nito, katulad din ninyo ako? May Kalam din ba ako?"

"Paniguradong mayroon. Ngunit dahil patay na ang nanay mo, hindi ko na alam kung ano ang Kalam mo. Kaya iyan ang aalamin natin sa susunod. Maghahanap ako ng Manula rito upang ipahula ang nakaraan ng nanay mo na hindi ko pa alam. Baka sakaling makakuha tayo ng impormasyon doon kung anong Kalam ba ang taglay mo."

"Pero diba meron din kayong Kalam ni Nanay Charito? Ano nga po kasi uli iyon?"

"Pareho kaming Lagayan ng iyong ina. Kaya nga kami nagkasundo noon at nagkaroon ng tiwala sa isa't isa. Dahil pareho kami ng Kalam."

"Ibig sabihin po ba nito, nakakaramdam din kayo ng mga kaluluwa sa paligid? May nararamdaman ba kayo ngayon?"

Umiling si Ofelia. "Sa ngayon, wala. Saka matagal ko na rin kasing tinalikuran ang aking Kalam mula noong lisanin ko ang baryong ito. Hindi ko na iyon nagamit pa, kaya hindi na rin ako sigurado kung may Kalam pa ba ako."

"Sayang naman, Nay. Sana hindi mo pa rin tinalikuran. Ang sarap kaya sa pakiramdam na mayroon kang kakayahan na wala sa iba. Kaya bukas samahan mo ako sa sinasabi mong Manula, ah? Para malaman ko na rin kung ano ang Kalam ko."

"O, sige. Pero may trabaho ka bukas 'di ba? Kaya sa susunod na araw na lang siguro. At dahil lalabas ka bukas, may isang bagay nga pala akong dapat pang sabihin sa iyo."

"Ano naman po iyon?"

"Mag-iingat ka kay Padre Mateo."

Natigilan si Alex sa narinig. Pamilyar sa kanya ang pangalang binanggit ng ina. Kung hindi siya nagkakamali, ito rin ang pangalang pinakilala sa kanya ng lalaking nakausap niya kanina na bigla na lang nawala.

"A-ano po ang meron kay Padre Mateo?"

"Siya ang may-ari ng simbahan ng mga may Kalam dito. Siya ang kaisa-isang Ukluban na nabubuhay pa hanggang ngayon. Mag-ingat ka sa kanya, dahil nga sa Ukluban siya, taglay niya ang lahat ng kapangyarihan. Sisiw na lang sa kanya ang manakit ng tao."

Biglang kinilabutan si Alex. Naalala niya kanina ang itim na usok na nakita, pati ang biglang paglaho ng lalaking kausap na parang bula. Naalala rin niya ang pag-aanyaya nito sa kanya na sumali sa kanilang simbahan.

"Walang kapantay ang kasamaan ni Padre Mateo. Dahil sa kanya kaya nagkaroon ng giyera dito na nagdulot ng malaking kalbaryo sa buhay ng mga tagarito. Naglaban ang may mabubuting Kalam at may masasamang Kalam. Subalit dahil isang Ukluban si Padre Mateo, nagwagi sa huli ang kasamaan, kaya hanggang ngayon laganap pa rin dito ang kadilimang dulot niya."

Muling napaisip doon si Alex. Hindi kaya ito ang dahilan kung bakit napilitan ang kanyang ina na ipamigay siya at ipadala sa malayong lugar? Upang hindi siya madamay sa matinding giyera na pinasimulan noon ni Padre Mateo?

"Tandaan mo, lahat ng mga tao dito sa baryo ay may Kalam. Kaya mag-iingat ka sa mga taong pakikisamahan mo. Hindi mo alam kung sino sa kanila ang mabuti o ang masama."

Tumango siya at pinisil ang mga palad ng ina. "Huwag po kayong mag-alala sa akin. Gagawin ko naman po ang lahat para mag-ingat." Malakas ang loob ni Alex, dahil alam niyang may Kalam din siya kahit hindi pa niya natutuklasan kung ano iyon.

Nang matapos ang pag-uusap nila ng ina, bumalik muli sa kanyang alaala ang naging pagkikita nila kanina ni Padre Mateo. Ito ang unang nagpakita sa kanya. Ano kaya ang pakay nito?

TO BE CONTINUED…