Chapter 5 - 03

03

"Bakit 200?!" gulat na sabi ng kapatid ko matapos kong iabot ang perang babaunin niya. "125 lang, Kuya. Oh, pahingi 75." inabot niya sa akin ang isang daan.

Pakipot pa ang gago.

"Kunin mo na, para may extrang pera ka. Kung hindi mo magagastos, ibalik mo na lang sa akin o ibili mo ng ulam mamaya." sabi ko. Naisip ko kasi baka may gusto rin siyang ibang kainin bukod sa handa nila, at least may pambili siya.

Sinuklay na ang buhok kong medyo mahaba na bago pinusod ang kalahati. 'Tsaka na lang ako magpapagupit kapag makaluwag-luwag na sa pera. Ang pogi ko pa rin naman kahit ganito kahaba ang buhok ko.

"Salamat, Kuya. Una na ako." paalam niya at hinampas pa ako sa likuran ko bago siya mabilis na tumakbo palabas ng bahay. "Ma, alis na ako!" paalam niya kay Mama na nasa bakuran ng bahay, nagwawalis.

"O, sige! Mag-ingat ka, Rainer. Uuwi kang maayos dito sa bahay."

"Opo, Mama."

"Huwag ka nang uuwi!" pahabol kong sigaw.

"Pangit mo, Kuya!"

Saglit ko pang pinagmasdan ang mukha ko sa salamin at nang masigurong mukhang presentable na ako ay pinaulanan ko na ng pabango ang buo kong katawan. Nakakahiya naman sa mga customer kung mukhang dugyot ako at amoy pawis.

Nagpaalam na ako rito kay Ana na nagsusulat dito sa may sala bago siya hinalikan sa kanyang noo at lumapit kay Mama para magpaalam din sa kanya.

"Alis na ako, Ma. Ingat kayo ni Ana rito. Tawagan niyo ako kapag may problema," sabi ko at hinalikan siya sa kanyang noo.

"Oo. Mag-ingat ka rin," aniya.

"Opo. Love you, Mama." nakangiting sabi ko sa kanya. Nakangiti naman siyang tinusok ang aking malalim na biloy sa aking mga pisngi na namana ko sa kanya. Buti na lang kapogian lang ang ipinamana sa akin ni Papa, hindi ang kanyang ugali.

"Love you too, anak. Mag-iingat ka." huling sabi niya bago ko sila iniwan sa bahay.

Pagdating ko rito sa grocery store ay inasar na ako kaagad ni Aaron at Carl tungkol doon sa babaeng mataray. Tang ina naman. Bakit ba hindi na lang sumabay 'yong ala-alang iyon sa pagkawala ng hangover nila?

"Ganda nung babae mo kagabi, a." panunukso ni Carl. Inambahan ko siyang hahampasin nitong karton. Mabilis naman siyang gumalaw para ilagan ito.

"Hindi ko nga 'yon babae." irap ko sa kanya at pumunta na ako rito sa counter para ilagay ang mga pinamili nila rito.

"Sakit nun, p're. Anak ni Mayora Hera," sabi ni Aaron at binigyan pa niya ako nang naaawang tingin. Tingnan mo 'to, parang tanga.

Tang ina. Hindi ko nga siya gusto. Mas magaling pa 'tong mga kumag sa akin, e. Kung kagaya ko mang mahirap ang magkagusto sa kanya, talagang masakit dahil mahihirapan siyang abutin iyong babae. Kumbaga, langit siya at lupa ka. Para mo na rin sinusubukang abutin ang buwan, posible pero kakaunting tsansa lang ang mayroon ka para mapagtagumpayan 'to.

"Gideon, pwedeng pabuhat hanggang sa may tricycle?" hinging pabor sa akin ni Ate Marilou.

Tumango ako. "Sige, Ate." sabi ko at binuhat itong dalawang karton na puno ng ipinamili niya.

"Salamat," aniya.

Sinundan ko siya hanggang dito sa tricycle at pinasok ang isang karton dito sa loob habang ang isa naman ay nilagay ko sa tuktok. Bumalik na ako rito sa loob pagkatapos para tumulong maglagay ulit ng mga pinamili ng sumunod na customer. May dalawa kaming counter dito at si Aaron naman ang bahala ngayon roon sa isa. Hindi ko alam kung nasaan si Carl, baka nag-aayos ng mga paninda.

"Oh, gosh! This place is stressing me out. Wala ngang malakas na signal dito. It always buffers everytime I watch on Netflix. What the fuck?! Very pleasant naman ang surroundings, tho. But hindi ko alam kung magtatagal ako rito. Ngayon pa nga lang I want to go home na." naagaw ng atensyon ko 'yong babaeng nagsabi nun, papasok siya rito sa loob ng grocery store.

Hindi ko alam pero tila bigla akong hindi mapakali nang mapagtanto kung sino. Siya 'yong babaeng mataray, may kausap siya sa selpon niyang halatang mamahalin.

Medyo magulo ang pagkakapusod ng kanyang buhok. May ilang hibla ang naiwan sa kanyang noo at harapan ng kanyang mga tainga, pati sa batok niya. Mga baby hair yatang lumaki ang tawag doon. Nakasuot siya ng itim na ternong sports bra at running shorts, may suot din siyang puting long sleeves. At puting running shoes ang suot niyang kasuotan sa paa. Tila kagagaling niyang mag-jogging o mag-gym.

Para akong tanga dahil pinanood ko pa kung paano niya ipunas iyong panyo sa kanyang leeg. Tinagilid niya 'yong ulo niya sa bandang kanyang para mas mapunasan niya ng maigi 'yong kaliwang bahagi ng leeg niya. Gagi! Iyong panyo ng crush ng kapatid ko 'yon!

"Ganda, 'no?" agad kong binalingan 'tong si Giandra. Hindi ko siya kaibigan pero malapit kaming dalawa sa isa't-isa. Pumapasok lang siya rito tuwing wala siyang pasok sa eskwelahan.

Umismid ako at pinagpatuloy ang paglalagay ng mga pinamili nila rito sa karton. Matagal ba akong nakatitig sa babae o sadyang mabilis lang 'tong si Giandra kaya ang dami kaagad?

"Crush mo?" tanong pa niya.

Lumabi ako at umiling para sabihing hindi habang nakatingin lang sa inaayos kong pinamili rito sa karton.

"Gideon–"

"Magtrabaho ka na lang, Carl." sabi ko dahil tila alam ko kung ano ang sasabihin niya. Humalakhak siya kaya alam kong tama ang hinala kong aasarin niya lang ako roon sa babae.

"Nandito 'yong babae mo kagabi. Ang ganda, p're…" sabi niya at mahinang tumawa.

Siniko ko ang kanyang tiyan. "Hindi ko nga babae 'yon, kumag. Magtrabaho ka na nga lang kung ayaw mong isumbong kita kay boss at makaltasan ang sahod mo ngayong araw." banta ko sa kanya.

"Ito na, babalik na sa trabaho. Pero nandito 'yong babae mo–" tumigis siya at humalakhak nang ambahan ko ng suntok. "Ito na, aalis na." hay, buti naman umalis na.

"Babae–"

"Giandra, magtrabaho ka na lang." ubos pasensya kong sabi at talagang tinawanan pa niya ako.

"Ikaw, a. May girlfriend–"

"Hindi ko 'yon girlfriend, tol." inis kong sabi at tinawanan niya ako.

"Kaklase ko 'yon. Matalino 'yan at mabait." sabi niya. Nursing student nga rin pala itong si Giandra. Pero mabait? Duda ako. Baka mataray lang pero mabait. "'Tsaka ang dami kaagad nagkakagusto roon sa kahit anong department sa school. Minsan pa nga dadaan sila roon sa nursing department para tingnan siya. Iyong iba ngang hindi naman namin kaklase sa P.E, parang sinasadyang umabsent sa time nila para pumasok sa time namin just to see her. Model din pala siya." hindi na ako nagulat nung sinabi niyang model siya dahil halata naman sa pisikal na anyo niya. Dati rin na modelo si Mayora Hera. "Anak din ni Mayora. Yaman, 'no?" tipid lang akong tumango.

Pag-aari lang naman ng pamilya niya ang Mermelada de Valenierra na malaking pagawaan ng iba't-ibang flavor ng jam dito sa amin. Ang binebenta nilang jam ang madalas na ginagamit ng mga taga-Casa Ethereal o sa buong probinsya, isa ito sa pinagmamalaki ng lugar namin. Sa kanila rin 'yong limang walong palapag na apartment sa may bayan. Bukod pa roon, ang dami rin nilang pag-aaring lupain sa buong probinsya.

Kumunot ang noo ko nang makita iyong babae na pumila rito sa amin. Hawak-hawak niya iyong mga bibilhin niya, puro gamit sa banyo. May basket naman kasi itong grocery store, ang dami pa nga, bakit hindi siya kumuha? Hindi iyong hawakan niya lahat. Paano kung mangalay ang mga kamay niya? Napailing na lang sa akin kaloob-looban bago itinuon ang buong atensyon ko sa ginagawa kong trabaho.

Habang papalapit siya ay naaamoy ko na ang kanyang pabango.

"Oh, thanks." dinig kong sabi niya na tila nakaginhawa siya matapos ilapag sa counter ang mga binili niya. "Hai, Giandra." bati niya sa mala-anghel niyang boses.

"Selene, hello." masayang bati naman ni Giandra.

"Oo nga pala. Wala akong mahanap na feminine wash. Mayroon ba kayo nun?"

"Ay, oo! Doon lang din malapit sa mga pinagkukunan mo ng mga 'to. Kukuha ka pa ba? Pwede kong utusan si Gideon." sabi niya.

Kunot-noo akong bumaling sa kanya. "Huh?"

"Aangal ka?" tinaasan niya ako ng kilay, pero hindi nakakatakot dahil natatawa naman siya.

"Hindi naman. Ano ba 'yon?" baling ko rito sa babae. Anong pangalan nito? Serene? Selene? Selene yata.

"You really have the power to control guy," manghang sabi niya kay Giandra.

"Ah, hindi. Crush ka kasi niya kaya siya pumayag–"

"Hindi ko siya crush, tol. Huwag kang nagpapakalat ng fakenews." sabi ko kaagad sa kanya dahil kumunot na naman noo nung babae. Bakit ba ayaw niyang naririnig na crush ko siya? Ayaw ba niya? Ano naman? Hindi naman ako apektado. "Miss, hindi kita crush." mahinahon ko pang sabi sa babae.

Umurong ang dila ko nang mas lalong sumama ang tingin niya sa akin. Ano na naman ba ginawa kong mali? May nasabi ba akong mali?

"Gosh! You're ruinung my day! Ako na lang kukuha!" inirapan niya ako at naglakad na paalis, binunggo pa ang braso ko.

"Anong sinabi ko?" nagtatakang tanong ko kay Giandra na mukhang nagulat din pero natatawan na ewan.

"Selene, sa kanan!" habol ni Giandra sa kanya bago pigil tawang bumaling sa akin. "Binadtrip mo." mahina siyang tumawa bago ginawa muli ang trabaho niya.

"Saan naman?" sabi ko habang nilalagay sa supot ang mga binili niya.

Tumawa siya. "Hindi ko alam. Bahala ka r'yan."

"Ikaw kasi. Bakit mo sinabing crush ko siya kahit hindi naman?" paninisi ko sa kanya.

"Sorry naman. Sadyang lumabas sa bunganga ko, e. Peace?" nag-peace sign pa siya sa akin at malapad na ngumiti. Pigil tawa akong umiwas ng tingin sa kanya at umiling.

Hanggang sa bumalik itong babae ay badtrip siya sa akin. Ewan ko kung sa akin nga pero iyong mukha niya, hindi pa rin maipinta. Nang umalis siya ay tila may nagtutulak sa akin na humingi ng tawad sa kanya sa kung ano mang kasalanan ang nagawa ko.

Hindi ko na sana susundan kaso kinukonsensya ako ni Giandra kaya wala akong nagawa kundi utusan si Carl na siya muna sa trabaho ko para sinundan iyong babae. Buti na lang hindi pa siya nakakasakay ng tricycle.

"Selene!" tawag ko sa pangalan niya. Ayan na naman ang pamatay niyang tingin. "Sandali!" pahabol ko pa at tinakbo na ang distansya sa pagitan naming dalawa.

"What?" suplada niyang sabi. Minasahe ko ang aking ilong at hinila siya papunta rito sa silong. Hindi ko alam pero tila may kung anong dumalay sa katawan ko nang hawak ko siya. "Bakit mo ako hinihila? Are we close?!"

"Hinila mo nga ako kagabi, e. Are we close?" panggagaya ko sa sinabi niya. "Anong kasalanan ko sa 'yo? Bakit ka naiinis?" mainahon kong tanong sa kanya.

Umirap na naman siya at pinagkrus ang kanyang mga braso sa tapat ng dibdib niya. "Hindi mo ba talaga ako crush?"

Agad akong umiling. "Hindi nga. Huwag kang nagpapaniwala roon kay Giandra."

Gulat kong inatras ang ulo ko nang ilapit niya sa akin ang mukha niya at tumingkayad siya. "Weh?" medyo nanlaki ang mga mata ko nang makita ko siyang ngumisi. Ngayon ko lang siya nakitang ngumisi.

Mahina kong tinulak ang noo niya–napalakas yata pala kasi muntik siyang natumba at kusang yumapos ang braso ko sa kanyang baywang kasabay nang pagyapos niya ng kanyang braso sa batok ko. Hinihintay ko siyang umiwas ng tingin sa akin pero hindi niya ginawa, nakatitig lang siya sa mukha ko.

Hindi ko napigilan ngumisi. "Bakit titig na titig ka? Napopogian ka sa akin, 'no?"

Inirapan niya ako at tinulak ang dibdib ko. Nang masigurong maayos ang kanyang pagkakatayo, inalis ko na rin ang braso ko sa kanyang baywang.

"Ikaw yata may crush sa akin, e." panunukso ko pa. Hindi na ako nagulat o natakot nang masama niya akong tinignan. "Ouch!" daing ko nang hinampas niya ang braso ko. Hinaplos ko ito, nagbabakasakali na mabawasan ang sakit. Kababaeng tao pero ang lakas humampas. "Sinabi mo naman talagang pogi ako noong pangalawang beses na sinakay kita, a? Tinanong mo pa nga kung may girlfriend ako." sabi ko na dahilan para mas lalo siyang mainis sa akin.

"Bwisit ka talaga! D'yan ka na nga." agad kong hinawakan ang braso niya bago pa siya tuluyang makalakad palayo.

"Wait lang. Magsosorry ako dahil hindi kita crush," natatawang biro ko. Mas lalo akong nagpigil ng tawa nang mas lalong nainis ang mukha niya.

"What?! As if naman masasaktan ako kapag hindi mo ako crush. For your information, hindi kita type. Duh!" umirap na naman siya.

"Same." pinagtupi ko ang aking mga labi.

"Ano ba talagang gusto mo?!" sigaw niya sa akin kaya kaagad akong natarantang bumaling sa paligid. Nadali na! Ang daming bumaling sa kinaroroonan namin.

"Akin na 'yong panyo. Hinahanap na kasi ng kapatid ko 'yan. Ako na lang ang maglalaba." sabi ko sa kanya.

Nagkasalubong ang mga kilay niya. "What? Excuse me! May kahihiyan ako sa katawan. Pinahiram mo sa akin 'tong malinis kaya isasauli kong malinis. It wasn't dirty naman pero may pawis." umirap na naman siya.

"Ibalik mo na bukas. Baka bugbugin na ako ng kapatid ko," sabi ko sa kanya.

"Fine! If you want this tomorrow, sunduin mo ako bukas sa Esmeralda!"

"Sabi na, e. Crush mo ako, 'no? Sabihin mo na lang na gusto mo akong makita." natatawang sabi ko, mas lalo akong natatawa nang umakto siya na tila nandidiri sa sinabi ko.

"Hindi ko alam na may makapal ka palang mukha." ngumisi siya at umiwas ng tingin, umiling pa.

"Hindi ako namamasada ng umaga, gabi lang. May trabaho ako sa grocery store." sabi ko.

"Kapag uwian sa school, sunduin mo ako at ihatid sa may kanto. For sure, marami kang makukuha pasahero roon since uwian. Hindi ka na lugi." kalmadong sabi niya at kumalma na rin ang mukha niya.

"Ano bang oras ng uwian mo?" tanong ko.

"Depende sa instructor namin pero madalas naman, 7 pm na gano'n."

"Kapag late na ako ng sampung minuto, sa iba ka na sumakay. Baka hintayin mo na naman ako," ngumiti ako.

"Never again." umirap siya at humalukipkip.

Kusang gumalaw ang mga daliri ko at pinisil ang kanyang baba. "Tawa ka nga r'yan, mga 203 billion." sabi ko.

Naiinis niyang hinampas ang kamay ko. "Uwi na ako."

Tinaasan ko siya ng kilay. "Bakit ka nagpapaalam?"

"Duh!" tumalikod na siya at hindi ko na pinigilan nang maglakad na siya paalis.

"Serene!" tawag ko.

Inis siyang bumaling sa akin. "It's Selene, not Serene."

"Selene Gomez?" biro ko.

"What the heck?! It's Selena Gomez and I am Andromeda Selene Valenierra Cervantes!" sabi niya.

Ang ganda ng pangalan, kasing ganda niya.

"Ah, okay. Andromeda, ingat." sabi ko at ngumiti. Natawa na lang ako nang irapan niya ako bago sumakay roon sa tricycle.