Chapter 11 - 09

09

Aaron:

Nandito si Selene sa AHTC, p're.

Kumunot ang noo ko at bumangon ako mula sa pagkakahiga sa sasakyan ko nang mabasa ang mensahe ni Aaron. Wala akong load na pang-text kaya rito ko siya sa Messenger minessage.

Gideon Lander Ilarde La Forte: Sa bar?

Malapit lang naman ang AHTC dito sa paradaan ng tricycle kaya nagtungo na ako roon. Nagpabango pa ako at inayos saglit ang buhok ko bago ako naglakad papunta sa loob.

Aaron Degamo: oo, p're. kasama niya iyong mga kaibigan ni Giandra. halika rito, libre kita ng alak. iinom nalang natin 'yan dahil magkatabi silang dalawa ngayon ni Quintin. ang sweet nila, p're. nagtatawanan silang dalawa.

Uwi na lang ako.

Hindi na ako namasada at dumiretso na lang ako rito sa bahay para matulog. Alas diyes na rin naman ng gabi at si Rainer na lang ang nakadilat pa sa bahay pagkarating ko dahil kausap niya 'yong crush niya. Halos gabi-gabi na lang yata silang ganito at itong kapatid ko naman kilig na kilig, amputa. Pinapainggitan pa niya ako na akala mo naman may nakakainggit. Pwe! Ang corny nilang dalawa.

Panigurado naman na hindi pababayaan ni Quintin si Selene. Makakatikim siya sa akin ng sapak kapag may nangyaring hindi maganda sa babaeng 'yon. Ano namang namamagitan sa kanila? Sila na ba? Ano naman kung sila nga? Bagay naman silang dalawa.

Naging abala ang iba para maghanda sa darating na pista rito sa amin. Masaya at maganda ang pista rito sa amin dahil lahat ng tao ay nakikisama. May nagbibigay ng donasyong pera sa Munisipyo para pambili nila ng pagkain na kakasya para sa buong mamamayan ng Casa Ethereal, nagbigay na rin kami pero hindi kalakihan. Sa bayan kami kumakain, boodle fight. May tatlong tig-iisang kilometrong lamesa ang hinahanda sa daan na punong-puno ng iba't-ibang pagkain tapos kanya-kanyang pwesto na.

Ang Casa Ethereal ang kapital ng Province of Chermona kaya rito rin sa lugar namin madalas ginaganap ang Araw ng Province of Chermona at Amaris Festival kung saan binibida namin ang mga agrikultura rito at mga naani namin na ipinagkaloob sa amin ng Diyos. Kabilang ang Probinsya namin sa isa sa mga nagpoproduce at nag-eexport ng iba't-ibang pananim sa iba't-ibang lugar.

"Ang gaganda ng pangalan ng mga Barangay rito sa inyo, 'no? Pangalan ng mga goddess. Even the name of Municipalities here, ang gaganda," sabi niya habang nakatingin doon sa malaking bracket na nakapaskil dito sa bulletin board ng istadyum dito sa labas. Nagpasama siya sa akin dito para tingnan daw niya ang lugar kung saan sila maglalaro bukas.

"Pangalan 'yan ng mga ninuno namin na may malaking naitulong sa mga Barangay namin kaya ayon, pinalitan namin." sabi ko. "Aglaia pala ang una niyong makakalaban." sabi ko.

"Oo nga. Sabi nila magagaling daw iyong players nila. Nawalan na nga bigla ng pag-asa iyong teammates ko noong nalaman nila."

"Back to back champion sila noong mga nakaraang liga."

"Oh, they must be really good players."

"Oo pero Esperanza noon ang laging nananalo pero simula noong wala na si Amara sa team, humina na sila. Ang laking kawalan nga ni Amara sa team nila."

"Yeah. She is good at blocking and spiking."

"Sa spiking, huwag kang hampas nang hampas. May ilang segundo pa naman bago hampasin iyong bola kaya tingnan mo muna kung saan mas makakatakas 'yong bola. Kapag mang-b block ka, huwag kang basta-basta tatalon lalo na kung hindi pa naitataas ng setter iyong bola. Dapat basahin mo muna siya pero huwag lang magpapadala sa tingin-tingin nung setter dahil pwedeng nililinlang ka lang niya. Magaling 'yong setter nila."

"Bakit ka nagsasabi sa akin? We are from different Barangays and you have your own team, dapat sa kanila ka magsabi."

Ngumisi ako at humalukipkip bago bumaling dito sa bulletin board. "Ilang beses na nilang nakalaro ang mga 'yon kaya paniguradong alam na nila ang gagawin nila. Galingan niyo para makalaro kayo ng semifinals." sabi ko.

"Yeah. I'll do my best. I don't want to lose. I hate losing..." bumaling din siya sa bracket at humalukipkip. Kinunan pa niya 'to ng litrato para at ipinadala sa group chat nilang players ng Esmeralda. "Manonood ka ba bukas ng volleyball?"

Bumaling ako sa kanya. "Oo. Panonoorin kita," Zaltana at Gaia naman ang kasabay nilang maglalaro bukas.

Napansin ko ang pagpigil niya ng ngiti. "Tara na. Nagdidilim na," sabi niya at hinawakan ako sa may braso ko, bolta-boltaheng kuryente na naman ang dumaloy sa buong katawan ko.

Tuwing hinahawakan niya ako o hinahawakan ko siya, para akong kinukuryente sa hindi malamang dahilan.

Maaga ang simula ng parada kinabukasan kaya maaga rin kaming nagising para masaksihan 'to. Lahat ng kasama sa parada ay nakasuot ng barong tagalog at baro't saya. Rattan festival din namin ngayon kaya 'yong ibang mamamayan sa Casa Ethereal ay may dala-dalang iba't-ibang kagamitan na gawa sa rattan. Iyong mga kandidato ng bawat Barangay sa Mr. and Ms. Casa Ethereal ay nakasuot ng magagarbong damit na gawa sa rattan.

"Ang gaganda ng mga anak ni Mayora Hera…" manghang sabi ni Mama habang nakatingin kila Mayora Hera na papalapit sa amin.

Parang tumigil gumalaw ang mundo ko at ang mga mata ko ay napako kay Selene na nakasuot ng elegante at modernong kulay pulang baro't saya. Mas lalong tumingkad ang kagandahan at kaputian niya dahil sa kulay ng kanyang suot. Maayos at malinis din ang pagkakaayos ng buhok niyang may pulang bandana. Sobrang aliwalas tingnan ng mukha niya. 'Yong ganda niya, hindi nakakasawang pagmasdan. Kahit siguro ilang oras ko siyang titigan, hindi ako magsasawa.

"Kuya, si Ate ganda!" sabi ni Ana at hinila ang braso ko. Bumaba ang tingin ko sa kanya, nakatingin siya at nakaturo kay Selene na nasa harapan lang ang tingin. Tinatawag siya ni Ana pero hindi niya maririnig dahil sobrang lakas nung kanta.

Pumunta silang lahat sa harap ng Municipal Dome dahil doon gaganapin ang seremonya. Nandoon ang lahat, maging ang Gobernador ng buong Province of Chermona.

Pagkatapos ng seremonya roon ay nagsimula na ang rattan dance competition per Barangay. Pagandahan sila ng rattan costume at props. Kanya-kanyang sigawan dahil malaki ang puntos ng audience impact. Halos umabot ng dalawang oras ang kompetisyon dahil labing anim na Barangay ang nagpakitang gilas. Pinakita rin nila ang mga manlalaro ng bawat Barangay kasama iyong mga muse at escort nila.

Naging abala na ang mga tao sa pag-aayos ng lamesa at paglalagay ng mga pagkain sa tatlong mahahabang lamesa. Si Mama ay tumulong na rin sa kanila kaya ako ang nagbabantay rito sa kapatid ko dahil si Rainer ay kasama ang teammates niya.

"Ako na magbabantay kay Ana. Tulungan mo sila sa paglalagay ng lamesa," sabi ni Mama sa akin at binuhat si Ana.

"Sige, Ma." sabi ko at tumakbo na papunta rito sa mga nag-aayos ng mga lamesa.

Tumulong ako sa pagbubuhat nitong isang lamesa at dinugtong namin dito sa isang lamesa bago nila pinatungan ng malinis na dahon ng saging bago ang pagkain.

Isang oras ang inabot namin sa pag-aayos nitong mga lamesa kaya saktong pananghalian na. Pagkatapos naming dasalan ang pagkain namin ay kanya-kanya na kaming pwesto ngunit nagulat ako nang may biglang humigit sa braso ko at hindi ko naituloy ang pag-apila ko nang mapagtantong si Selene. Bumaba ang mga mata ko sa palad kong hawak-hawak niya.

"Doon tayo sa malayo," sabi niya. Nagpatangay lang ako sa kanya at pasimpleng pinagsiklop ang mga daliri namin para mas masiguro kong hindi namin mabitawan ang isa't-isa.

Baka biglang maging anghel ito at isama na ako sa pagpunta niya sa langit, a. Ayos lang naman sa akin, wala akong reklamo.

Pumwesto na kaming dalawa at masaya na rin na nakisalo sa pagkain ng mga tao rito. Natutuwa ako habang pinagmamasdan si Selene na subo nang subo, halatang nagugustuhan niya ang pagkain.

"Ito, masarap." sabi ko at sinubo sa bunganga niya ang kaunting chicharon bulaklak. Tumingala naman siya at binuksan ng kaunti ang bunganga niya para mas malaya ko 'tong maipasok sa loob. "Ito pa." sabi ko at sinubo sa kanya itong pritong kamaru.

"What's that?" tila nandidiring tanong niya.

"Huwag ka ngang mandiri. Masarap 'to, promise. Mas masarap pa sa chicharon bulaklak." sabi ko.

"Hindi ako nandidiri. I was just wondering kasi ngayon lang ako nakakita ng gan'yan and ngayon lang–the fuck?!" mura niya nang ipasok ko sa bunganga niya iyong kamaru. Nagpipigil ako ng tawa habang nakatingin sa kanya at sumubo. Pinanood ko ang dahan-dahan niyang pagnguya na para bang ninanamnam niya ito. "Pasalamat ka masarap siya kundi, I will punch you straight in the face."

Tumawa lang ako at muling kumain.

"Girlfriend mo, Gideon?" tanong sa akin ng isang kaklase ko noong grade 12 kami.

Umiling ako. "Hindi." sabi ko at mahinang tumawa.

"Gideon, pahingi pa nung kamara." sabi niya sa akin.

Kunot-noo ko siyang binabaan ng tingin. "Anong kamara?"

"'Yon, oh!" turo niya sa kamaru.

"Hindi 'yan kamara. Bahala ka, hindi kita bibigyan hangga't hindi mo binibigkas ang tamang pangalan." sabi ko at kumuha ng kamaru, sinubo ko sa harapan niya para ipainggit sa kanya.

Bumaling siya sa katabi niya at hindi ko napigilan ang kamay kong ilagay sa pagitan nilang dalawa at tinukod sa gilid nitong lamesa. Kumuha ako ng ilang pirasong kamaru at inilagay sa pagkain niya.

"Oh, kainin mo na." sabi ko at hindi na niya itinuloy ang pagtatanong sa katabi niya.

"Thank you," sabi niya.

Pagkatapos naming kumain at uminom ng buko juice ay nagtungo kaming dalawa sa iba't-ibang lamesa rito na nagbibigay ng libreng pagkain. Kumuha kami ng tag-isa naming brownies at pakwan bilang panghimagas naming dalawa. Kinain na muna namin bago namin pinuntahan ang lamesa para kumuha ng libre nilang pagkain.

"Oh my, gosh! I'm so full na!" sabi niya at hinaplos ang kanyang tiyan.

"Kaya pa 'yan. Ang sarap." sabi ko at sinubo sa kanya itong kalahati ng shanghai na kinagatan ko, nabigla ako sa ginawa ko pero buti na lang sinubo naman niya kaagad. Hindi siya maarte. Kahit ano ngang ipakain ko sa kanya basta sinabi kong masarap, kakainin na niya.

Kusang lumapat ang hinalalaki ko sa gilid ng kanyang labi para alisin 'yong sibuyas na naiwan roon. Umiwas na ako ng tingin sa kanya at muling kumuha ng shanghai na kakainin. Sunod kaming nagtungo rito sa libreng tinapay na may palamang jam. Inabot ko sa kanya itong tinapay na may palamang grapes jam dahil ito raw ang pinakapaborito niya sa lahat ng flavor.

"Mas masarap 'tong strawberry," sabi ko sa kanya bago kinagatan itong tinapay ko.

"No. Mas masarap 'tong grapes." giit niya.

"Ate, ano ang pinakamasarap na flavor ng jam Mermelada de Valenierra para sa 'yo?" tanong ko rito sa nagbabantay.

"Siniguelas," sagot naman ni Ate.

Talagang nagtanong-tanong pa kaming dalawa sa mga taong nasa malapit sa amin kung ano pinakamasarap na flavor ng jam para sa kanila. Maraming nagsabing grapes pero mas marami ang nagsabi ng strawberry.

"Strawberry talaga, huwag mo na ipilit." sabi ko.

"Whatever. Ang pangit ng taste niyo," irap niya at inubos na ang kanyang tinapay.

Umupo na muna kami rito sa hagdan ng overpass bridge para ipahinga ang mga tiyan naming busog na busog.

"I think I couldn't jump later and it's your fault," sabi niya at sumandal sa gawa sa kontretong railings nitong hagdan.

Mahina akong tumawa. "Kasalanan ko pang matakaw ka, a."

"What? I'm not matakaw! Hindi ko lang matanggihan ang mga food dito dahil ang sasarap." pangangatwiran niya na mas lalong nagpatawa sa akin. "Pero ang saya. Ngayon ko lang naranasan 'to."

"Sa Araw ng Province of Chermona ulit at Amaris festival, may paganito rin sila at mas marami dahil lahat ng Munisipalidad ng Province of Chermona ay magbibigay ng donasyon para sa pagkain."

"Really? When?"

"Sa 28."

"Oh, 20 days from now pa."

"Mabilis lang 'yan. Gusto mo pang kumain? Marami pa tayong hindi natitikman," natatawang sabi ko sa kanya.

Umismid siya at sinandal ang kanyang ulo. "Mamaya muna, Gideon. 10 minutes. Ipagpahinga mo muna 'yang tummy mo kung ayaw mong mawala ang abs mo,"

"Huh? Bakit mo alam na may abs ako?"

"I just know! Based naman sa body built mo." kahit na nakapikit siya ay alam kong umirap siya.

Matakaw kaming pareho kaya hindi namin pinalampas ang ibang nagbibigay ng libreng pagkain bago kami pumunta rito sa Istadyum. May trenta minutos pa naman bago magsisimula ang laro kaya umakyat na muna kami rito sa burol, sa ilalim ng puno ng mansanas para magpahangin. Maraming tao rin ang nasa iba't-ibang parte ng burol para magpahangin at pagmasdan ang tanawin. Napapalibutan ng mga berdeng burol ang istadyum namin dito.

Tinukod ko patalikod ang aking mga kamay para suportahan ang bigat ko at hindi tuluyang mapahiga rito sa damuhan. Bumaling ako rito kay Selene na nakatingala sa kulay asul na langit at puting ulap. Ang ganda, nakakaginhawang pagmasdan. Umawang ang mga labi ko nang bumagsak ang mga balikat niya at pumikit siya.

"I wonder who's going to cheer for me since my only one cheerleader is already in heaven…" bumuntong-hininga siya. "Mommy won't come because she will be watching badminton…" yumuko siya at bumuga ng hangin.

"Ako," sabi ko at kaagad siyang nag-angat ng tingin sa akin.

"Really?"

Bumaling ako sa kalangitan, sa gilid ng mga mata ko, pansin kong nasa akin parin ang tingin niya.

"Kaya nga kita panonoorin para suportahan."