10
Magsisimula na ngayon ang first set at iyong team nila ang unang mag-s serve ng bola. Magsisimula na rin ang laro ng Zaltana at Gaia sa kabila. Dito ako sa kinaroroonan ng Barangay Esmeralda pumwesto dahil si Selene naman ang susuportahan ko.
"Anak ni Mayora Hera 'yong nakasuot ng jersey'ng number 2, 'di ba? Sabi ng isang teammate niya, hindi naman daw 'yan magaling. Kinuha lang dahil anak ni Mayora." kumunot ang noo ko nang marinig ko ang sinabi ng babaeng nakaupo sa tabi ko. Players sila ng Esperanza.
"Balita ko naging player 'yan ng DLSU." medyo mayabang kong sabi sa kanila.
"Talaga?"
"Oo, magaling 'yan." pagmamalaki ko.
"Let's see…" dinig kong sabi ng isa niyang kasama.
Nang pumito na ang referee ay itinuon ko na ang buong atensyon ko sa laro. Pinanood kong maigi ang bawat galaw ni Selene at halatang pokus na pokus din siya sa laro.
Napamura ako sa isipan ko nang hindi niya tuluyang na-block si Shan pero tumama naman ng kaunting iyong bola sa kamay niya. Ang lakas kasi ng hampas ni Shan at mabilis ang bola niya kaya mahirap talagang hulihin. Si Amara palang ang natatandaan kong na-b block siya ng perpekto noon.
"Cervantes, number 2 blocked by Imperial, number 1!" sigaw nung commentator.
Sunod-sunod ang atake ni Shan at hirap na hirap silang hulihin ang bola niya. Maging ang libero nila Selene ay sobrang nahihirapan din. Ang lakas kasi ng hampas niya sa bola, parang mawawalan ka kaagad ng malay kapag na-facial ka. Malakas din ang floor defense nila kaya kahit hindi nahuhuli ng ibang blockers ang bola ng mga ispiker ng Esmeralda ay nahuhuli naman nung iba.
"Go, Selene!" sigaw ko at pumalakpak pa ako. Bumaling siya sa akin pero kaagad din siyang umiwas nang pumito na 'yong referee. Epal naman nun.
Halatang naiinis na rin si Selene at ibang teammates niya dahil kanina pa hindi maipinta ang mukha niya, inaangasan kasi sila ng kabilang team kapag nakakapuntos sila.
"Woah!" sigawan ng mga tao sa gulat dahil akala nila hahampasin ni Selene iyong bola ng malakas pero mahina niya lang itong tinulak sa tuktok ng daliri nung isang nang-block sa kanya. Sinubukang iligtas nung libero nila 'yong bola pero hindi umabot.
"Drop ball over the blockers. That was nice…" dinig kong bulong ng katabi ko.
Tumawa ako sa isipan ko nang makitang madilim ang tingin ni Selene roon sa libero nila na nakadapa pa rin sa sahig at nakatingin sa kanya. Siya 'yong grabe makaangas sa grupo nila, e. Iyong tingin ni Selene sa kanya parang hinuhusgahan na buong pagkatao niya. Umiwas ng tingin 'yong libero at tumayo na pero hanggang ngayon ay hindi pa rin inaalis ni Selene iyong tingin niya sa kanya.
"Mas nakakatakot pala siya kapag nag-staredown." dinig kong sabi ng babaeng nakaupo sa may likuran ko.
"I like her siren eyes, though." sabi naman nung kasama niya.
Napa-woah kami sa gulat nang nagawang hulihin ni Selene iyong bola ni Shan kahit na medyo dehado siya. Nagsitakbuhan ang mga teammates niya para hulihin 'yong bola habang siya ay mabilis na tumayo mula sa kanyang pagkakadapa. Mabilis siyang tumakbo papunta sa harapan, hinahanda ang sarili para i-block iyong bola ng kabilang team.
"Woah!" malakas kong sigaw at pumalakpak ako nang nagawa niyang i-block iyong bola ni Andrea, opposite hitter ng Aglaia.
"Kill block by Cervantes, number 2!" sigaw nung commentator.
Saglit na tiningnan ni Selene ang mga players na napaupo sa sahig dahil sa pagsubok na hulihin iyong bola bago siya tumalikod at confident na naglakad papunta sa service line, siya na kasi ang mag-s serve ng bola. Ang daming naangasan sa lakad niyang parang isang modelo, modelo naman talaga siya.
"Hoy! Tang ina mo, nandito ka pala!" sabi ni Aaron at umupo sa tabi ko, sa kabila naman si Carl na isiniksik ang sarili sa pagitan nung babaeng katabi ko kanina.
"Sorry, Miss. Usog ka na." natatawang sabi ni Carl sa babaeng halatang naiinis sa ginawa niya. Gago kasi 'to, hindi kasi nag-excuse o nagsabi muna bago umupo.
Nag-jump serve si Selene at mas malakas ang paghampas niya ngayon sa bola. Nahuli naman 'yon ng libero ng kabila pero sa ibang direksyon pumunta. Tatlong beses na sunod-sunod na gano'n ang nangyari. Halatang naiinis si Selene roon sa libero at halatang naiinis na rin iyong libero kay Selene dahil siya ang puntirya nito.
"Woah! Ang galing!" sigaw ni Aaron at pumalakpak pa dahil sinalo ni Shan iyong bola at mabilis na hinagis papunta roon sa setter nila.
Medyo mababa iyong pagkakahagis kaya niluhod ng setter ang isang tuhod niya at itinaas ang dalawang kamay bago mabilis na hinagis papunta sa kinaroroonan ng opposite hitter nila 'yong bola na kaagad naman nitong hinampas at laking gulat ko pa dahil nagawang hulihin ni Selene iyong bola, napaupo siya pero kaagad ding tumayo.
"All around player din itong si Selene, 'no? Grabe floor defense niya." sabi ni Carl na nakapatong ang baba sa kanyang baba.
"Yeah. Her dig and reception are on fire right now." sabi ng katabi ni Carl. Bilib na bilib ka na ngayon, a. Kanina lang parang minamaliit mo siya. "She has strong and fast reflexes, huh? She scares me a bit. She is the backbone of their team."
Kinakabahan ako sa nangyayaring long rally ngayon pero ang ganda panoorin dahil nagagawang mahuli ni Selene ang mga bola ni Shan. Simula kaninang humingi ng time-out ang Esmeralda ay nag-improve na ang offense at floor defense nila.
Mabilis na dumapa si Selene sa sahig at pinahaba ang kamay hanggang sa tansyado niyang pagbabagsakan ng bola na drinop ng setter ng kabilang team. Lahat kami namangha maging ang kabilang team nang nagawa niya itong iligtas ang bola. Kaya siguro hindi niya tinuloy ang pagsama na mang-block doon sa outside hitter dahil alam niyang may posibilidad na gagawin 'yon ng setter nila, tatlong beses na niya 'yon ginawa at isang beses lang nila nagawang iligtas.
"Oh!" sigawan at palakpakan nang drinop din ng setter ng Esmeralda ang bola at hindi iyong nagawang hulihin ng kabilang team.
Nginisian ni Selene si Shan at Andrea na nakadapa sa harapan niya habang nakainat ang tig-isang kamay nilang ginamit nila para abutin 'yong pagbabagsakan ng bola.
"Mas maangas mag-swag itong mga Esmeralda, 'no?" sabi ni Aaron at tumawa. "Kay Selene palang, grabe na inis nila."
"Kailangan nga rin inisin kanina muna ang Esmeralda para umapoy sila. Walo na kanina ang lamang pero ngayon, tatlo na lang. Go, Esmeralda!" sigaw ni Carl at pumalakpak.
Ang ganda manood dahil puro long rally at salitan ang nakakapuntos sa kanila.
"Quick attack by Imperial, number 1!" ilang beses ko na nasaksihan iyon pero hanggang ngayon ay naninindig pa rin ako.
"Gagi, match point na." sabi ni Aaron. Bumaling ako sa kinaroroonan ng mga scorer. 23-24 na.
"Deuce niyo!" sigaw ni Carl.
"Si Shan pa mag-s serve. Delikado," dinig kong sabi ng lalaking nakaupo sa hindi kalayuan.
Bumaling ako kay Selene na nakatukod ang dalawang kamay sa kanyang mga tuhod, naghahabol siya ng hininga at seryosong-seryoso ang tingin sa harapan. Patindi nang patindi ang tensyon sa pagitan ng magkabilang team.
"Drop ball attack by Cervantes, number 2! Now it's deuce!" sigaw nung commentator.
"Grabe 'yon, a? Akala ko hahampasin niya ng malakas 'yong bola. Mapaglinlang ka, Selene!" sigaw ko sa huli at bumaling naman siya sa akin. Kinunutan niya lang ako ng noo bago niya muling inayos ang posisyon niya.
"Maganda 'to," sabi ni Aaron. "Nasa harapan na ang mga blockers," dagdag niya at inayos ang pwesto niya.
Iyong iba kinakabahan na rin kaya tumayo na. Isang set pa lang 'to pero mas maganda kasi kapag nanalo ka sa first set, para kung sakaling matalo ka man sa pangalawang set, at least makakalaro ka pa sa ikatlong set.
"Quick attack by Dela Vega!"
"What the fuck? She can set too?" gulat na sabi nung babaeng katabi ni Carl.
All around nga talaga 'tong Selene na 'to.
"Ang ganda rin talaga ng koneksyon nung setter nila at middle blocker." sabi ng babae sa may likuran ko.
"One point na lang makukuha na nila ang first set," kinakabahang sabi ng babaeng nasa likuran ko.
Long rally na naman ngayon ang nangyayari at grabe ang tilian kapag tila hindi maililigtas 'yong bola at ang dami rin nangyaring blocking na nagaganap. Bilib din ako kay Selene dahil ang bilis niyang nasanay sa mga atake ni Shan.
Tahimik lang akong nanonood, nagdadasal sa Panginoon na sana manalo ngayong first set ang Esmeralda. At talagang malakas nga ako sa Panginoon dahil dininig na kaagad ang panalangin ko. Tumayo at sumigaw habang pumapalakpak nang dumapo sa sahig iyong bola.
"Cervantes, number 2, fake a set!" sigaw ng commentator at pumito ang referee ng matagal, senyales na may nanalo na. Umakto kasi parang itataas iyong bola pero bigla niyang hinampas ng mahina.
"Gagi, ang galing niya!" manghang sabi ni Aaron.
"Stare down pa nga." sabi ni Carl at humalakhak.
Ang taray talaga nitong si Selene. Hindi pa niya binibitawan ang tingin niya roon kay Shan at Andrea na nakadapa sa harapan niya. Grabe talaga mang-angas ang isang 'to.
Pagkatapos ng tatlong minuto nilang pahinga ay bumalik na muli sila sa court para maglaro. Mas tumindi ang angasan sa pagitan ng dalawang grupo. Normal lang naman talagang may angasan na nagaganap sa kahit anong laro naman pero sana lang ay hindi nila masyadong seryosohin ito kapag nasa labas na sila ng court. Buti nga hindi nila nakakalimutang humingi ng tawad kapag may natatamaan sila sa mukha kahit hindi sadya. Mahalaga pa rin ang sportsmanship.
Nasa gitna na ngayon si Shan at Selene. Parang ako ang natutusok sa matalas nilang tinginan sa isa't-isa. Aglaia naman ang unang nag-angas pero sila na ngayon ang inis na inis dahil nadedehado na sila.
"Mukha hindi makakalaro ng semifinals ang Aglaia, a." sabi ni Aaron. "Ngayon lang mangyayari 'yan kung sakali dahil madalas ay isa sila sa lumalaban sa finals." dagdag niya.
"Nahihirapan pa rin silang i-block 'yong bola ni Shan but at least their floor defense improved, especially their libero's." sabi nung katabi ni Aaron.
"Talaga? May boyfriend ka na?" tanong ni Aaron at sabay namin siyang minura ni Carl. Malas niya dahil may boyfriend 'yong babae.
Hindi naman ako kinakabahan habang taimtim na nanonood ng laro, siguro dahil sila Selene naman ang nanalo ng first set at lumalaban naman sila ngayong second set kahit na lamang ng dalawang puntos 'yong kabila.
"Quick attack by Cervantes, number 2! She ended the long rally again!"
"Grabe ang ganda manood. Ang gaganda na nga ng mga players, ang gagaling pa nila." dinig kong nung isang lalaki na nakaupo sa tabi ng babaeng nasa harapan namin.
"Ang tindi ng angasan. Pakiramdam ko kapag wala sila sa court, nagsabunutan na ang mga 'yan." sabi ni Carl.
"Swag is part of the game and we should leave that outside the court," sabi ng babaeng katabi niya.
"Kanina pa 'to english nang english." bulong sa akin ni Carl na mahina kong ikinatawa.
"Kaya nga hindi na ako nagsasalita dahil puro englishera katabi natin." sabi ko.
Pakiramdam ko dudugo ang ilong ko habang pinapakinggan ang mga komento nila sa laro. Kaya nagagawa rin talunin ng Esperanza ang ibang Barangay pagdating sa volleyball dahil inoobserbahan nila ang bawat manlalaro nila, kagaya ngayon. Napansin ko nga nakatutok sila kay Selene at siya lang ang grabe nilang obserbahan, siguro dahil bago lang siya sa paningin nila at ang ibang manlalaro ng Esmeralda ay nakalaro na nila noon pa.
Natapos ang laro na Esmeralda ang nanalo kaya sobra akong natutuwa dahil pasok sila ng semifinals. Pagkatapos nilang magpasalamat at makipagkamayan sa mga players ng Aglaia ay nagtungo na sila rito sa bleachers nila para uminom ng tubig at magpunas ng pawis nila. Mukhang ayos naman silang lahat dahil nagyakapan pa sila sa loob ng court kanina at nagtawanan.
Hindi na kami umalis ng pwesto dahil dito naman sa court na 'to maglalaro ang Victorina at Thalia. Gusto kong lapitan si Selene pero baka asarin ako nitong dalawang kumag sa tabi ko kaya naisipan kong i-chat na lang siya. Wala pa namang pinipiling lugar ang dalawang 'to.
Gideon Lander Ilarde La Forte: congrats. ang galing mo.
Kinuha niya yata 'yong selpon niya sa kanyang bag at saglit na bumaling sa akin bago binaba ang tingin niya sa kanyang selpon. Nakita ko naman na sineen niya ang message ko at nagtitipa na siya ng reply sa akin ngayon.
Andromeda Selene Valenierra Cervantes: tara sa food court. nagutom ako.
Bumaling ako sa kanya at nakita ko naman na nagpaalam na siya sa mga teammates niya bago niya akong sinenyasan na aalis na kami. Nagpaalam ako rito sa mga kaibigan ko bago mabilis na sinundan si Selene. Sumabay na kaming dalawa sa paglalakad nang makalabas kami ng istadyum.
"Ako na magbubuhat." sabi ko at hinawakan ang strap nitong bag niya, hindi naman siya umangal at hinayaan akong kunin ito mula sa kanya. "Ang galing mo kanina, a. All around player ka pala, e." sabi ko at sinabi sa balikat niya itong palad ko.
"Ang hirap kalaban ng Aglaia." sabi niya at humalukipkip. Bumaling siya sa akin. "Amoy pawis ba ako?"
Umiling ako. "Hindi naman. Amoy baby ka nga, e." biro ko. Inismiran niya lang ako. "Buti naman ayos kayo ng Aglaia kahit grabe kayo mag-angasan kanina sa court." mahina akong tumawa.
"Yeah but they are still so mayabang. Gusto ko pa rin i-mop 'yong mukha ng libero nila at nung outside hitter." sabi niya at umirap. "But I can't deny na may ibubuga naman sila at ambag sa team nila, especially the libero."
"Galingan mo pa para kunin ka nilang player sa Araw ng Province of Chermona." sabi ko sa kanya. May labanan ng laro ang magaganap at bawat Munisipalidad ang maglalaban-laban.
"Yeah, I will try my best." sabi niya at nagpakawala ng mabigat na buntong-hininga.
Nagtungo kami rito sa food court para kumain ng mami. Malamig naman ang panahon kaya saktong-saktong humigop ng mainit na sabaw. Ngayon lang daw siya makakatikim ng ganito. Noong nasa syudad siguro 'to puro mamahaling pagkain lang ang kinakain niya, mga tinda ng fast food chains o hindi naman kaya ay tinda ng mamahaling restaurant. Mukha kasi siyang hindi tipo ng tao na mahilig kumain sa turo-turo lalo na't mayaman siya.
Rinig na rinig ko ang commentator sa court kaya malamang ay naglalaro pa rin sila ng basketball doon at volleyball.
"It tastes good, the sabaw." sabi niya pagkatapos niyang tikman ang beef sabaw.
"Sabi sa 'yo, e. Pwede kang humirit kung gusto mo." sabi ko. Unli sabaw kasi. Kapag kasama ko ang mga kaibigan kong kumakain dito, nakakailang sabaw kami dahil sobrang sarap at hindi nakakasawa.
"I'm not matakaw, 'no!" sabi niya pero nakatatlong beses naman siyang humirit ng sabaw at kakaunti pa lang ang nabawasan sa noodles niya. Natatawa na lang ako sa isipan ko.
Pagkatapos naming kumain ay busog na busog kami kaya nanatili muna kami rito para ipahinga ang mga tiyan namin. Tiningnan ko ang selpon ko dahil tumunog, nagtext si Mama.
Mama:
Pumunta ka raw rito sa court para panoorin ang kapatid mo kundi magtatampo raw siya sa 'yo.
Mahina akong natawa.
Ako:
Saglit lang, Mama. Anong gusto niyong pagkain ni Ana? Nandito ako sa food court.
"Gusto mong manood ng basketball sa court?"
Tumango siya. "Yeah. Ikaw ba?" tanong niya.
"Oo. Magtatampo 'yong kapatid ko kung hindi." sabi ko at tumayo. "Bibili lang ako saglit, hintayin mo ako rito." sabi ko at tumango naman siya at sinimulang ayusin ang pinagkainan naming dalawa.
Binili ko na itong mga pagkain na pinabili ni Mama bago ako bumalik dito kay Selene na niyaya na akong pumunta sa court, dito lang din sa quadrangle park 'yon. Maraming tao ang nandito para manood kaya punong-puno ang mga semontong bleachers sa magkabilang side nitong court. May nanonood doon sa mga naglalaro ng volleyball at mayroon din dito sa mga naglalaro ng basketball.
Hawak-hawak ko ang kamay ni Selene nang pumasok kami rito sa loob. Malayo pa lang ay pansin ko na ang nanunuksong tingin ng kapatid kong nakaupo roon sa bleachers kasama ang kanyang teammates. Inirapan ko lang siya at nilibot ang paningin ko para hanapin sila Mama. Hindi naman ako nahirapan sa paghahanap sa kanila dahil tumawa si Mama at sinenyasan kaming lumapit na sa kinaroroonan nila.
"Tara roon." sabi ko kay Selene at tinuro ang kinaroroonan nila Mama.
Tumango naman siya at hinayaan akong hinila siya papunta roon. Umusog naman kaagad ang ibang manonood para bigyan kami ng espasyong mauupuan. Kinandong ko na lang si Ana para mas magkasya kami rito sa upuan.
"Ikaw 'yong panganay na anak ni Mayora Hera?" dinig kong tanong ni Mama kay Selene, magkatabi silang dalawa.
"Opo, Tita."
"Ang ganda-ganda mo. Kamukhang-kamukha mo ang ina mo noong nasa pareho kayong edad,"
"Marami nga pong nagsasabi n'yan sa akin na taga-rito po, Tita."
"Nanalo kayo? Congrats."
"Thank you, Tita."
Tumigil na silang dalawa sa pag-uusap dahil magsisimula na ang laro. Bilib naman ako sa kapatid ko dahil kasali siya sa first five. Puro kolehiyo ang kasama niya sa court pero kaya naman niyang makipagsabayan sa tangkad nila, mas matangkad pa nga siya sa iba.
Pinasa kaagad sa kapatid ko 'yong bola na kaagad naman niyang drinible. Hindi siya kayang bantayan nung isang player ng kabila kaya dumamay na rin iyong isa. Natatawa ako at nabibilib sa kanya dahil nagagawa niyang lusutan ang mga 'to hanggang sa makalapit siya sa three-point line. Patuloy lang siya sa pag-d dribble habang sinusubukang makalapit pa sa ring pero hindi niya malusutan 'yong dalawang nagbabantay sa kanya at nahihirapan siyang ipasa 'yong bola.
"Three points by La Forte, number 10!" sigaw nung commentator matapos pumasok sa ring iyong bolang shinoot ng kapatid ko.
Proud naman akong pumalakpak at sinigaw ang pangalan niya. Si Mama ang number one cheerleader niya lagi ang lakas ng tili at palakpak niya sa tuwing nakakapuntos si Rainer.
"Go, Kuya Rainer!" sigaw ni Ana at pumalakpak pa.
Mahina akong pinipisil itong matatabang pisngi ni Ana habang pinapanood ang mga naglalaro ng basketball. Napapalingon naman ako minsan sa mga naglalaro ng volleyball, gano'n din si Selene na naririnig ko pa ang mahinang pagpuri niya kay Quintin kapag nakakapuntos siya. Magaling din kasi talaga 'yon.
"Gusto mong lumapit doon para mas mapanood mo ng maayos sila Quintin?" tanong ko sa kanya.
Sana huwag.
"No, nakikita ko naman and also I want it here." sabi niya at malapad akong napangiti sa aking isipan.