Chapter 13 - 11

11

"Anong oras laban niyo mamaya?" tanong ko kay Selene na pinupusod ko ang buhok niya. Ang lambot ng buhok niya at bagsak na bagsak pa kahit hindi na suklayin tapos ang bango pa.

Marunong akong magtali ng buhok dahil nanonood ako minsan sa YouTube. Ako kasi madalas ang nagtatali sa buhok ni Ana bago siya papasok sa paaralan, minsan pa ay pati si Mama nagpapatali ng buhok sa akin bago siya papasok sa trabaho niya.

Katatapos lang naman namin panoorin iyong kapatid kong naglaro kanina ng basketball at pasok na sila sa finals. Gago 'yon, e. Lumapit kanina kay Selene tapos biniro kung magpapapicture ba si Selene sa kanya tapos itong si Selene nagpapicture naman, ako pa ang kumuha. Ano 'yon? May picture sila tapos kami wala? Poging-pogi pa nga siya sa kapatid ko, mas pogi pa raw siya sa akin pero syempre hindi ako pumayag. Nasa harap na nga ang ebidensya na mas pogi ako sa kapatid ko.

"We will play next after nung mga naglalaro ngayon. We will play against your Barangay. Any advice?"

"Wala naman. Basta gawin niyo lang lahat ng makakaya niyo para hindi dumampi sa sahig iyong bola." sabi ko at kinuha ang isang sanrio para itali ang dulo ng buhok niya.

Pagkatapos kong itali ang buhok niya at umupo na ako sa tabi niya. Inalok pa niya sa akin 'yong hindi niya maubos-ubos na siomai pero tinanggihan ko dahil busog na ako at para siya ang kumain. Hinila ko ang braso niya pababa para umupo siya. Balak niya 'yang itapon 'yong siomai sa basurahan.

"Huwag mong sayangin. Hindi mo ba alam na ang daming bata ang nagugutom sa mundo tapos magsasayang ka lang?" seryosong sabi ko sa kanya.

"E, hindi ko na nga maubos! Binibigay ko sa 'yo, ayaw mo naman!" maktol niya.

"Ang dami-dami mo kasing binili tapos hindi mo naman pala nauubos. Akin na nga," sabi ko at kaagad naman niyang inabot. Napailing na lang ako at dire-diretsong kinain 'tong tatlong siomai bago uminom ng kaunting sauce at tinapon sa basurahan.

Ganito kami lagi. Ako ang taga-ubos ng pagkain niyang hindi niya maubos-ubos kapag hindi ko na siya mapilit na ubusin niya. Ayoko namang itapon niya dahil sobrang sayang talaga.

Nang malapit na magsimula ang laro nila ay nagtungo na kami rito sa istadyum, saktong magsisimulang mag-warm up naman na ang mga teammates niya kaya sinabi niya sa akin na dalhin ko itong bag niya roon sa bleachers nila. Hindi lang niya ako cheerleader, alalay rin niya ako. Kulang na nga lang ay ako na rin ang magpainom sa kanya at magpunas ng pawis niya. Ako pa ang tagapayong niya. Marahan akong natawa sa isipan ko. Ayos lang naman sa akin, wala akong reklamo. Kaysa naman ibang lalaki ang gagawa ng mga 'yon sa kanya, 'di ba? Ako na lang, libre naman ako.

Bago pa ako makaupo rito sa bleachers ng Esmeralda ay mabilis akong hinila ni Aaron at Carl papunta sa kabilang bleachers kung nasaan ang mga sumusuporta sa Victorina.

"Huwag kang traydor." sabi ni Aaron at pinaupo ako rito sa bleachers, pinatong pa niya ang isang binti niya sa binti ko para masigurong hindi ako aalis. Tarantado talaga 'to

Panay ang tilian at palakpakan kapag nakakapuntos ang sinusuportahan nilang team.

"Pumalakpak ka. Taga-Victorina ka, gago." sabi ni Carl sa akin na pumapalakpak matapos makapuntos ang Barangay namin.

Hindi ako pumalakpak pero pumalakpak at sumigaw ako nang makapuntos si Selene kaya pinagsasapak ako nitong dalawang unggoy na nasa tabi ko at sinabi pang isa akong malaking traydor sa Barangay namin. Pambihira talaga ang dalawang 'to. Sa gusto kong suportahan si Selene, e? Anong magagawa nila?

'Tsaka lang umapoy ang Esmeralda ng crucial game na dahil dalawang puntos na lang ay makukuha na ng Victorina ang first set pero talagang hindi sila pumayag at kinayang humabol hanggang sa mag-deuce. Salitan ang nakakapuntos sa kanila at nakaka-match point kaya sobrang nakakaganang manood. Parang mahuhulog ang puso ko sa sobrang kaba. Gusto kong manalo ang Barangay namin pero gusto ko rin manalo sila Selene kaya bahala na lang kung sino sa kanila.

Nakuha ng Barangay namin ang first set kaya kabang-kaba ako habang nanonood ng laro ngayong second set. Gusto kong manalo ang Esmeralda ngayon at bahala na kung sino man ang manalo mamaya sa last set.

"'Yon!" pumalakpak ako at sumigaw nang makuha ng Esmeralda ang second set.

Humina ang palakpak ko nang makita sa magkabilang gilid ng mga mata ko ang madilim na tingin sa akin ni Carl at Aaron. Inakbayan nila at mahinang pinagsasapak sa tiyan. Kapag nakakapuntos lang naman si Selene ako sumisigaw at pumapalakpak, e.

"May traydor dito!" sigaw ni Aaron at bumaling sa amin ang players ng Victorina.

Umayos kaming lahat nang magsimula na ang last set. Dito na malalaman kung sino makakapasok sa finals kaya sobrang tindi ng kaba ko ngayon at ramdam na ramdam ko rin ang kaba ng mga ibang manonood. Sa totoo lang mas nakakakabang manood kaysa maglaro. Iyong pagkakabalisa ko para sa dalawang team, pataas nang pataas.

Ang galing ni Selene sa blocking at ang tindi rin talaga ng floor defense niya. Sigurado akong kukunin siya ng Munisipalidad para isa sa mga maglalaro para sa lugar namin. Pwede siyang maging middle blocker at libero, pwede rin siyang setter. Kada-taon may natatanggal na manlalaro sa team dahil ayaw na nilang maglaro o hindi naman ay overage na sila dahil hanggang bente singko lang ang age limit kaya kada-taon din sila nagpapa-tryouts.

"Go, Giandra!" sigaw ko nang siya ang mag-s serve ng bola.

Kunot-noo naman siyang bumaling sa akin habang dinidribol ang bola. Bumaling siya sa harapan nang pumito na ang referee. Napansin ko ang pagbuga niya ng hangin bago niya sinerve ang bola, float serve.

"Yieee! Muling ibalik ang tamis ng pag-ibig…" tukso ni Aaron at tinusok pa ang tagiliran ko.

Inismiran ko lang siya at nagpokus sa panonood ng laro. Nagkagusto ako noon kay Giandra pero noong junior high school pa kami nun, tumagal ng apat na taon. Hindi ko masisi ang sarili ko nun kung bakit ako nagkagusto sa kanya dahil ang ganda ng personalidad niya. Ang dami nga rin nagkakagusto sa kanya pero wala siyang pinapansin sa kanila. Takot din naman siyang lapitan ng mga 'to dahil ang dami niyang kaibigang lalaki na nakapalibot sa kanya, galing pa sa mayayaman na angkan. Nagkagusto ako sa kanya oo, pero hindi naman iyong tipo ng pagkagusto na gusto ko siyang ligawan at maging girlfriend.

Noong senior high school ko lang naging kaibigan itong si Aaron at Carl dahil pare-pareho kami ng strand na kinuha at magkakalapit lang kami ng upuan noon. Tapos si Lucio naman at Lendon, kinder pa lang ay kaibigan ko na ang mga 'yon. Nalaman ng dalawang kumag na 'to na may gusto ako kay Giandra dahil kay Lendon at Lucio na walang ibang ginawa noon kundi tuksuhin ako. Hindi ko naman talaga crush noon si Giandra, nagagandahan at nababaitan lang talaga ako sa kaniya pero noong nalaman nilang nagagandahan ako sa kanya dahil tinanong nila ako kung sino pinakamaganda sa section namin para sa akin at sinabi kong si Giandra, ayon! Akala nila gusto ko na siya kaya panay na ang tukso nila hanggang sa nagkagusto na nga ako nang tuluyan sa kaniya. Buti na lang talaga hindi naniniwala si Giandra sa kanila noon dahil alam niyang puro kalokohan lang ang alam ng mga kaibigan ko. Syempre todo tanggi naman ako noon para mas hindi siya maniwala sa mga pinagsasabi ng mga 'to. Ayoko kasing malaman ni Giandra na totoong may gusto ako sa kanya dahil ayokong magka-ilangan kaming dalawa, magkatabi pa naman kami noon ng upuan at pareho kaming officer ng SSG.

Pisteng yawa! Naalala ko na naman 'yang SSG na 'yan. Grabe kong isumpa noon ang mga kaibigan ko dahil sa pagpapalista nila sa pangalan ko roon sa tatakbo bilang SSG President. Huli na noong nalaman ko kaya hindi na pwedeng bawiin 'yon kaya pinagdadasal ko na lang na sana ay matalo ako at hindi nga ako sumasama noon para mangampanya sa mga estudyante pero sadyang gago itong mga kaibigan ko kaya sila ang nangampanya sa akin. Nanalo ako pero buti na lang nanalo rin si Giandra bilang Vice President noon kaya siya ang umaalalay sa akin dahil wala naman akong masyadong kaalam-alam sa gano'ng bagay pero binigay ko naman lahat ng makakaya ko dahil nagtiwala sa akin 'yong mga estudyanteng nagpanalo sa akin.

Muntik na akong tumakbo papunta sa kinaroroonan ni Selene nang ma-facial siya ni Giandra at mapahiga sa sahig. Nang bumagsak ang bola sa sahig ay kaagad na nagtungo si Giandra sa kanya para tulungan siyang tumayo at yumakap pa 'to sa kanya, nag-aalala at humihingi ng tawad. Laging gan'yan si Giandra kapag may na-f facial siya. Sabi pa nga niya, kaya raw hindi niya nilalakasan minsan ang hampas niya sa bola dahil baka raw mabali iyong kamay nung mga mang-b block sa kanya.

Natalo ang Victorina pero natutuwa pa rin ako dahil nanalo ang Esmeralda.

"Okay lang 'yan, bawi na lang sa susunod." sabi ko rito kay Giandra na ang lungkot ng mukha.

Bumuntong-hininga siya. "Ano pa nga ba. Pero sayang lang dahil gusto naming makapasok ng finals pero sadyang magaling talaga 'yong Esmeralda, lalo na si Selene."

Bumaling ako kay Selene na naglalakad na palabas ng istadyum dala ang kanyang bag. Tiningnan ko ang selpon ko kung may mensahe siya sa akin pero wala. Hindi ba niya ako yayayain? Tiningnan ko lang siya hanggang sa mawala sa paningin ko bago ko binalingan itong si Giandra na pinupunasan ang kanyang pawis.

"Congrats pa rin. Una na ako," paalam ko sa kanya at kaagad naman siyang tumango.

Sinundan ko na si Selene. Tinatawag pa ako ni Aaron at Carl dahil manonood daw kami ng volleyball sa court pero sinabi kong susunod ako.

"Selene!" tawag ko sa kanya. Bumaling siya sa akin at kumunot ang kanyang noo. "Uuwi ka na?" tanong ko nang makalapit ako sa kanya.

Hinawakan ko ang braso niya at hinila papunta rito sa silong ng puno ng pine tree dahil maraming nagsisilabasan. May dalawang malalaking pine tree sa gilid ng nahating burol kung saan nakakabit ang tarangkang gawa sa puno ng nara.

"Uuwi ka na?" tanong ko ulit sa kanya. "Congrats pala." malapad akong ngumiti.

Tumango siya at bumaling sa labas. "Uuwi na ako. I need to rest for the championship tomorrow." malamig niyang sabi at humalukipkip.

"Oh, sige. Ihahatid na kita," alok ko dahil dala ko naman ang tricycle ko na sinakyan namin kanina papunta rito.

Bumaling siya sa akin at umiling. "No na."

"Bakit?" tanong ko dahil ang lamig ng pakikitungo niya sa akin o sadyang pagod lang siya. Hindi naman siya ganito kahapon at nung isang araw pagkatapos ng laro niya. "Ayos naman tayo, 'di ba?" tanong ko at hinarang ang ulo ko sa sinag ng araw na tumatama sa mukha niya.

Saglit siyang tumitig sa akin bago tumango. "Of course, why?"

Umiling ako. "Wala naman. Ayaw mo bang ihatid kita? Papunta rin kasi ako sa court para manood ng basketball."

"Kaya nga, mapapalayo ka pa and then babalik."

"Okay lang naman sa akin."

Bumuntong-hininga siya at tumango.

Hindi niya ako kinakausap hanggang sa maihatid ko siya sa tapat ng bahay nila. Ayaw pa nga niyang ihatid ko siya mismong sa bahay nila kanina pero nagmatigas ako para ako ang bumuhat sa bag niya nang sa gano'n ay hindi siya mahirapan masyado lalo na't pagod siya sa laro nila kanina. Nagpasalamat naman siya sa akin bago siya pumasok sa loob pero ramdam kong iba talaga ang pakikitungo niya sa akin ngayon. Nakakalungkot pero sabi naman niya okay naman kaming dalawa. Hindi ko na rin siya kinulit kanina dahil baka mainis pa sa akin.

Andromeda Selene Valenierra Cervantes: ingat ka. bawi ako bukas sa 'yo.

Napangiti ako at kaagad na nagtipa ng reply ko.

Gideon Lander Ilarde La Forte: sige. magpahinga ka na.

Umupo ako rito sa tabi ni Aaron at Carl, malapit kami sa kinaroroonan ng mga manlalaro ng Victorina.

"Bangko na naman kayo," sabi ni Aaron kay Lendon at Lucio.

"Ayos lang. At least hindi pagod, may libreng jersey pa." sabi ni Lendon na 'yong jersey lang talaga ang habol kaya sumasali ng ganito.

"Bibigay mo lang naman doon sa syota mo." ismid ni Lucio.

"Palibhasa kasi wala kang jowa na pagbibigyan n'yang sa 'yo." ganti naman ni Lendon.

Tinapik siya ni Aaron. "Awit, bro. Ayos lang 'yan! Ang mahalaga, humihinga." asar nito.

Nang nasa kalahati na ang puntos ng Victorina ay pinasok itong dalawa ng Coach para maglaro. Para naman daw hindi sila mabangko, biro ni Coach sa kanila. Pinch server sila ng team pero magagaling din silang umatake at sa floor defense.

"Nanalo raw sila Selene." napalingon ako kay Quintin. Siya at si Rafael na nasa tabi niya ang pinalit sa dalawa kong kaibigan. "Sayang, hindi ako nakanood."

Tinulak ni Rafael ang braso niya. "Traydor ka pala, e. Paalala lang, taga-Victorina ka, hindi Esmeralda." tinawanan lang siya ni Quintin.

Natampal ko ang noo ko at nagpigil ng tawa habang ang ibang kasama ko rito ay grabe ang tawanan dahil sa sinerve ni Lendon na bola at tumama sa likod ng ulo ni Lucio.

"Tang ina mo, Lendon!" mura ni Lucio sa kanya.

"Hoy!" natatawang sita sa kanila ni Coach.

Umusog ako para mas magkaroon ng space si Giandra sa tabi ko. Inalok niya sa akin 'yong kinakain niyang french fries, kumuha naman ako ng dalawa at hindi na umulit pa dahil pakiramdam ko ay busog pa ako.

"Go, Zelo!" sigaw niya.

Bumaling si Zelo sa kanya at kumindat pa bago siya yumuko at tinukod ang dalawang palad sa tuhod niya, naghahabol ng hininga.

"Tang ina mo, Leor! Galingan mo!" malakas na sigaw ni Ciara.

Inangat naman ni Leor iyong dulo ng damit niya, tila kunwaring pinupunasan lang ang pawis niya sa mukha pero pinapakita lang talaga niya 'yong abs niya. Halatang nagustuhan naman ng ibang babaeng nandito dahil tumili pa sila. Buti na lang wala si Selene rito. Mahilig pa naman sa abs ang babaeng 'yon.

"Hindi na bangko si Lucio at Lendon! Masaya ako para sa inyo!" sigaw ni Cyra na ikinatawa namin.

Tumahimik na sila nang pumito iyong referee at nag-serve na itong kabilang team. Panay ang tawanan at asaran namin sa mga manlalaro ng Victorina sa tuwing may nagagawa silang kapalpakan, maging si Coach ay tawang-tawa sa kanila. Panalo naman sila nung first set kaya parang nilalaro na lang nila ngayon.

"Oh my gosh! Huwag mo kaming ipahiya, Vin!" sigaw ni Ciara na parang kinakahiya siya matapos niyang hindi mahuli ni 'yong bola, ang lakas pa naman ng pag-mine niya.

"Pasensya naman, lumabo mga mata ko, e." sabi nito ay pinunasan ang kanyang mga mata bago muling inayos ang pwesto niya.

Andromeda Selene Valenierra Cervantes: How's the game?

Agad kong pinahinaan ang brightness ng cellphone ko para hindi makabasa itong mga nasa tabi ko. Chismoso pa naman itong si Aaron, hindi alam ang salitang privacy. Napaismid ako. Ang hirap lang magtipa dahil hindi ko masyadong kita iyong keyboard. Tutok na tutok naman si Aaron sa panonood kaya medyo nilakasan ko na ang brightness.

Gideon Lander Ilarde La Forte: okay naman. nakapagpahinga ka na ba? sayang wala ka rito, ang saya manood. nandito rin sila Giandra.

Andromeda Selene Valenierra Cervantes: just enjoy watching with her. I will sleep now.

Gideon Lander Ilarde La Forte: sige.

Gideon Lander Ilarde La Forte: manonood ka ba mamaya ng Mr. and Ms. Casa Ethereal?

Mamayang gabi na 'yon at paniguradong manonood kami mamaya nila Mama dahil gustong-gusto niyang manood. Dati rin kasi siyang sumasali ng pageant, ilang beses din siyang nanalo. Beauty and brain siya, e. Nasa bahay nga ang mga korona, sash at tropeo niya.

Ang ganda at ayos ng buhay ni Mama noon, ginulo lang ni Papa. Noong nabuntis si Mama, sobrang dismayado ang mga magulang niya sa kanya. Ang bata nila noon ni Papa, dise otso lang silang pareho. Pareho silang nag-aaral pa lang at walang trabaho. Tumigil silang dalawa sa pag-aaral para magtrabaho dahil ayaw naman silang suportahan ng mga magulang nila na labis naman daw nilang naintindihan. Pero noong nanganak si Mama, tuwang-tuwa raw si Lolo at Lola. Sila ang nag-aalaga sa akin sa tuwing nasa trabaho si Mama at Papa. Hindi na rin naman nag-aral si Mama dahil maraming pangungutya raw sa paligid niya at kailangan niyang kumita ng pera.

Pero sana hindi nabuntis si Mama noon para natupad niya ang mga pangarap niya at sana maayos na lalaki ang napili ni Mama kahit pa ang ibig sabihin nun ay wala ako rito sa mundo.

Andromeda Selene Valenierra Cervantes: yeah.

Andromeda Selene Valenierra Cervantes: with Quintin. you? with Giandra?

May namamagitan na ba sa kanila ni Quintin?

Gideon Lander Ilarde La Forte: date kayo?

Gideon Lander Ilarde La Forte: hindi ko kasama si Giandra, baka sila Mama ang kasama ko mamaya.

Andromeda Selene Valenierra Cervantes: it's not a date.

Mabuti naman kung gano'n.

Dito sa astrodome, sa tabi ng Municipal Dome, gaganapin ang pageant dahil covered ito para iwas basa kung sakaling umulan man. May bleachers sa magkabilang side pero mayroon din silang hinandang mga upuan sa gitna kung saan nakaupo ang ilang kilala at importanteng pamilya sa buong Probinsya. Puro mga babaeng Mayor sa iba't-ibang Munisipalidad ng Province of Chermona ang mga judges ngayon.

"Hindi mo kasama si Ate Selene manonood ngayon, Kuya?" tanong ni Ana sa akin.

Umiling ako. "Hindi, Ana."

"May kasamang iba, o…"

Napalingon ako sa tinuro ni Rainer. Si Selene at Quintin na magkatabi, sa gitna sila pumwesto. Malamang kabilang naman sila sa importanteng pamilya. Lumilingon sa paligid si Selene, tila may hinahanap.

"Ate Giandra!" masayang sabi ni Ana nang makita si Giandra at mga kaibigan niya na papunta rito sa kinaroroonan namin.

Umalis siya sa kandungan ko at inabot naman ni Giandra ang kamay niya sa kanya bago iginaya paupo sa kandungan niya pagkatapos niyang umupo sa tabi ko.

"Sino kasama ng mga kapatid mo?" tanong ko sa kanya. Ulila na silang lubos ngayon, silang tatlo na lang sa buhay. Unang namatay ang Tatay niya at noong grade 12 naman kami namatay ang Nanay niya.

"Ah, nandoon sila sa bahay nila Ciara ngayon. Gusto kasi akong isama ng mga 'to." turo niya sa mga kaibigan niya. Tumango naman ako sa kanya.

"Ate Giandra, sana sinama mo po si Aleja." sabi ng kapatid ko sa kanya, kaklase niya 'yon at kaibigan niya sa paaralan.

"Kung alam ko lang sana na sumama ka, isasama ko si Aleja kasi gusto niya rin sumama kanina pero ayoko namang mapuyat siya. Ikaw, huwag kang magpupuyat…" sabi niya sa kapatid ko at pinisil ang kanyang ilong. Humagikhik naman si Ana, mahina akong natawa.

Pinaghiwalay ko ang mga hita ko at pinatong ang isang siko ko rito sa binti ko bago ko pinatong ang baba ko rito sa palad ko. Lumingon ako sa kinaroroonan nila Selene, nag-uusap silang dalawa ni Quintin at nagtatawanan. Buti pa sila masaya. Bagay silang dalawa.

Andromeda Selene Valenierra Cervantes: liar.

Kumunot ang noo ko at bumaling ako sa kanya na abala na ngayon sa pakikipag-usap kay Quintin.

Gideon Lander Ilarde La Forte: huh?

Wala akong alam sa inaakusa ng babaeng 'to sa akin. Liar? Sino, ako? Bakit, kailan at paano?

Nagtitipa na siya sa kanyang selpon kaya tinignan ko 'tong conversation naming dalawa, nagtitipa na nga siya ng reply.

Andromeda Selene Valenierra Cervantes: you said hindi mo kasama si Giandra tonight. why is she sitting beside you?

Mas lalong kumunot ang noo ko at kaagad na nagtipa ng reply ko sa kanya.

Gideon Lander Ilarde La Forte: hindi naman talaga. kakarating lang nila rito at tumabi sila sa amin.

Andromeda Selene Valenierra Cervantes: bagay kayong dalawa. your sister is very fond of her, a?

Gideon Lander Ilarde La Forte: oo. hinahanap ka rin niya kanina. bakit daw hindi kita kasama. sabi ko may ka-date ka.

Mahina akong natawa sa isipan ko.

Andromeda Selene Valenierra Cervantes: para saan 'yong oo? sa bagay kayong dalawa?

Andromeda Selene Valenierra Cervantes: and I told you that Quintin is not my date. it's your fault that I am not with you right now because you didn't invite me, Quintin did.

Gideon Lander Ilarde La Forte: okay po. huwag ka na mag-text. pokus ka na lang sa ka-date mo, Miss Ma'am.

Andromeda Selene Valenierra Cervantes: of course and focus on Giandra too.

Gideon Lander Ilarde La Forte: hindi ko date si Giandra.

Andromeda Selene Valenierra Cervantes: did I ask?

Natawa ako sa isipan ko dahil pumasok sa isipan ko 'yong mukha niyang inis na inis tapos may irap pang kasama. Cute talaga, sarap ibulsa.

Gideon Lander Ilarde La Forte: sungit mo.