Chapter 9 - 07

07

Kandong-kandong ko si Ana habang binibilang niya ang star niyang gawa sa papel na ibinigay sa kanya ng titser niya. Tuwing nakakasagot sila sa recitation ay may binibigay siyang ganito sa kanila. Matalino ang kapatid kong 'to, lagi nga siyang top 1 sa buong batch nila.

"Seventeen, eighteen!" masayang sabi niya at pumihit ng kaunti para makita ako. "Eighteen po, Kuya!" sabi niya.

"Dahil d'yan, dadagdagan ko ng isang tinapay ang baon mo bukas. Galing mo talaga. Manang-mana ka talaga sa akin." sabi ko at inipit sa likod ng kanyang tainga ang ilang hibla ng buhok niya.

Napalingon ako kay Rainer na umaktong nasusuka, umaangal sa sinabi ko. "Kuya, anong mas makapal sa dictionary?" tanong niya sa akin.

Kinunutan ko siya ng noo. "Ano?"

"Mukha mo." malakas siyang tumawa na akala mo naman nakakatawa ang sinabi niya.

Pinulot ko itong maliit na unan at binato sa kanya, sinangga pa niya 'yong mga kamay sa kanyang ulo.

"Kung sana may ganito ka rin na bungad sa akin, Rainer, e di mas gaganahan sana akong magbigay ng baon sa 'yo?" sabi ko.

"Hintayin mo lang, Kuya. Academic excellence award ang ibubungad ko sa 'yo, with high honors. Mark my words. Ihanda mo na ang selpon," tumawa siya ng parang kay Santa Claus. Binato ko ulit ng unan at hindi siya nakailag kaya saktong tumama sa mukha niya. "Mama, si Kuya!" naiiyak niyang sumbong kay Mama na nagluluto ng ulam namin mamaya.

"Sumbong Mama." pang-aasar ko pa sa kanya.

Lumabas ako ng bahay dahil inutusan ako ni Mama na bumili ng suka. May mga nadaanan akong nag-iinuman sa gilid ng daan at inaya akong tumagay kaya pinagbigyan ko, baka kung ano pang gawin nila kapag hindi ko sila pinagbigyan sa gusto nila.

"Pwede ko bang ligawan ang Mama mo, Gideon?" sabi sa akin nitong kaedaran lang yata ni Mama.

Mukha mo. Katulad mo lang din naman si Papa na babaero at puro bisyo. Kung magmamahal mang muli si Mama, gusto ko 'yong lalaking mamahalin siya at hindi kailanman sasaktan sa kahit anong aspeto.

"Sa tingin ko po hindi naman po naghahanap ng kasintahan si Mama." magalang kong sabi at mahinang humagikhik.

"Gago 'yong Tatay mo, 'no? Ang ganda-ganda ng Mama at mukhang masarap pa naman sa kama tapos pinagpalit?" agad na sumiklab ang inis at galit sa puso ko lalo na nung nagtawanan pa silang lahat. Hinablot ko ang kwelyo ng damit niya at sinapak sa kanyang mukha kaya at binitawan kaya napahiga siya sa lamesa. Tulog kaagad.

"Gago kayo, a! Nirerespeto ko kayo pero huwag na huwag niyong mamanyakin ang Mama ko lalo na kapag nakaharap ako!" galit kong sigaw sa kanila habang tinitingnan sila isa-isa na tila gulat sa nangyari.

Umalis na ako roon bago pa mas lalong uminit ang dugo ko sa kanila.

"Pabili ngang isang sukang nakabote." sabi ko rito sa nagtitindang kaklase ng kapatid ko habang kinakalma ang sarili ko.

"Ito, Kuya Gideon." sabi niya at inabot sa akin ang suka, inabot ko naman ang bayad ko sa kanya at nagpasalamat. Aalis na sana ako nang bigla siyang nagsalita. "Kamusta pala si Rainer, Kuya?"

Kumunot ang noo ko, naguguluhan. "Ayos naman siya. Bakit?"

"Kasi po kanina pinagtulungan siya ng tatlong kaklase namin sa room dahil po hindi lang niya pinakopyahan ang mga 'to. Pinagsusuntok po siya." saglit akong natulala sa sinabi niya pero hindi ko na nagawang magtanong muli nang tinawag siya ng Mama niya.

Pagbalik ko rito sa bahay ay 'yon na kaagad ang binungad ko sa kapatid kong kanina pa ginagawa ang assignment niya sa math.

"Bakit hindi mo sinasabi sa amin ni Mama na pinagsusuntok ka ng mga kaklase mo?" galit kong sabi sa kanya at ramdam kong humigpit ang hawak ko rito sa bote.

Gulat siyang napalingon sa akin. "Eh, Kuya, okay lang naman po ako. Hindi naman ako nasaktan sa mga suntok nila." tumawa siya, ramdam ko ang kaba niya.

"Kahit na! Sana sinasabi mo para may gawin kami ni Mama. Paano kung mangyari ulit 'yon? Gaano kadalas nila gawin 'yon sa 'yo, Rainer?!"

Takot siyang yumuko. "Sa tuwing hindi ko po sila pinapakopyahan…"

"At wala ka man lang balak sabihin sa amin ni Mama?!"

"Ayoko na po kasing lumaki 'yong nangyari, Kuya."

"Hindi tama 'yong ginagawa nila sa 'yo. Nagsumbong ka man lang ba sa adviser o kahit sinong miyembro ng paaralan na 'yon para aksyunan ang ganitong nangyayari sa loob ng paaralan?" mapakla akong tumawa sa inis nang umiling siya. "Paulit-ulit nilang gagawin 'yan sa 'yo lalo na't wala kang ginagawa para matauhan sila!"

"Teka–Anong nangyayari rito? Bakit mo sinisi–pinapagalitan ang kapatid mo?" taranta at kinakabahang sabi ni Mama.

"'Yang anak mo, Mama. Sinasaktan pala ng mga kaklase niya dahil lang daw hindi niya pinapakopyahan ang mga 'to tapos hindi man lang nagsasabi sa atin o kahit man lang sa adviser nila." hinilamos ko ang mukha sa sobrang inis.

"A–Ano?! Rainer?!" sigaw ni Mama. "Pupunta ako bukas sa eskwelahan niyo, kakausapin ko sila. Hindi tama 'yong ginagawa nila sa 'yo!"

"Mama, huwag na! Mas lalo lang nila ako pag-iinitan. Kuya naman, e!" maktol niya.

"Huwag mo akong subukan, Rainer. Kung kinakailangan na bantayan kita sa labas ng room niyo, gagawin ko, huwag lang nila gawin sa 'yo 'yon ulit dahil talagang malilintikan sila sa akin. Kausapin niyo 'yan, Mama. Ako na bahala sa niluluto niyo." sabi ko habang matalim na nakatingin sa kapatid ko bago naglakad papunta sa gilid ng bahay.

Tang ina?! Kapatid ko 'yon, e! Nagbabangayan kami minsan at nagpipisikalan pero hindi ko gustong sinasaktan siya ng ibang tao. Ilang beses na akong napaaway noon para ipagtanggol at ipaghiganti siya sa mga nananakit sa kanya at hindi ako magdadalawang-isip na gawin ulit 'yon ngayon kahit sino pa sila. Mabait akong tao pero huwag na huwag lang nilang gagawan ng hindi maganda ang pamilya ko dahil magkakasubukan kami.

"Kuya…" tawag niya sa akin pero hindi ko siya pinansin. "Sorry na. Magsusumbong na ako kapag ginawa pa nila ulit 'yon sa akin,"

Umismid ako. "Malilintikan na sila sa akin kapag ginawa pa nila sa 'yon." galit akong bumaling sa kanya. "Hindi ka nila pwedeng saktan, naiintindihan mo? Walang sinuman ang pwedeng manakit sa 'yo kundi ako lang, naiintindihan mo?!" pigil tawang sabi ko.

Tinignan niya ako ng masama. "Kahit kailan talaga ang pangit mo, Kuya! Concerned ka ba talaga sa akin, a?! Pangit mo ka-bonding." inis niyang sabi hanang kinakamot ang buhok niya.

Tumawa ako at hinila siya palapit sa akin para akbayan. Ginulo ko ang buhok niya na kaagad naman siyang umapila.

"Kuya!" tinulak niya ako.

"Hindi mo man lang ginantihan ang mga 'yon?" ismid ko at tinulak din siya.

"Anong laban ko sa kanila, Kuya? Tatlo sila, iisa ko lang. 'Tsaka mas malakas pa yata suntok ni Ana kaysa sa kanila." pang-iinsulto niya.

"Tss…" hinarap ko na itong kalan para paypayan, nawawala na kasi ang apoy.

"Galit ka pa sa akin, Kuya?" tanong niya sa mahinahong boses.

"Hindi sa 'yo. Doon ako sa mga nanakit sa 'yo galit kaya huwag nila ako mas lalong galitin dahil alam mo na ang mangyayari sa kanila kapag inulit pa nila 'yan. Kung ayaw mong magsabi, kay Allison ako magtatanong kada hapon." kalmado kong sabi.

Stressed niyang kinamot ang kanyang ulo. "Kaya ayokong magsabi dahil alam kong gan'yan magiging reaksyon mo, e."

Kinunutan ko siya ng noo. "Sino bang hindi?! Sinong kapatid ang hindi magagalit kapag sinasaktan ng ibang tao ang kapatid niya, a?!" inirapan ko siya bago hinila itong isang kahoy para pahinaan ang apoy, nagsesebo kasi ang niluluto. "Ang pangit mo pero ayoko pa rin na may ibang nananakit sa 'yo," hinampas niya ang balikat ko at tumakbo siya papunta sa loob.

"Pangit mo talaga kahit kailan, Kuya!" sigaw pa niya. Humalakhak lang ako at umiling.

Kinabukasan ay naikwento ko 'yong nangyari sa kapatid ko dito sa dalawang tubol, si Aaron at si Carl. Hindi ko parin matanggap 'yong nangyari at parang hindi ako makakalma hangga't hindi ako nakakausap 'yong tatlong gagong 'yon pero hindi ko naman sila gustong makaharap dahil baka kung ano pa ang magawa ko sa kanila.

"May kilala akong mga grupo ng lalaki sa eskwelahan. Hindi naman sila barumbado, medyo lang." sabi ni Carl.

Umismid ako. "Hindi ko gusto iyang iniisip mo."

"Hindi ko sila ipapabugbog, okay? Sasabihin ko lang na takutin nila 'yong tatlo para matakot na silang galawin pa ulit 'yong kapatid mo." binigyan ko siya nang nagdududang tingin. "Promise! Walang pisikalan na magaganap. Iyon ang sasabihin ko pero hindi ko naman hawak utak ng mga 'yon."

"Huwag na! Baka mapahamak pa tayo sa gagawin mong 'yan." sabi ko.

"Susubukan ko pa rin."

"Bahala ka."

"Kilala ko mga 'yon, hindi nila ako ilalaglag kung sakali man."

"Dati ka bang lider ng mga barumbado, a?" natatawang tanong sa kanya ni Aaron.

"Hindi, gago. Tropa-tropa ko lang sila, close-close gano'n. Alam mo na kapag dehado, may back up. Mindset ba, mindset." tumawa siya. Umismid lang ako at umiling.

Bumaba muna ako ng tricycle at tumakbo papunta rito sa kinaroroonan ng matanda tatawid sa pedestrian lane.

"Tulungan ko na po kayo, Lola." sabi ko sa kanya at hinawakan ang braso niyang nasa kabilang side.

"Naku. Salamat, hijo." sabi niya at tinukod paharap ang kanyang baston.

"Walang anuman, Lola. Tara na po," sabi ko nang wala ng masyadong sasaktan ang dumadaan.

Muli pang nagpasalamat sa akin si Lola matapos ko siyang ihatid dito sa kabilang sidewalks bago ako bumalik sa sasakyan ko. Pagkarating ng mga kapatid ko rito sa sasakyan ay sinundo na namin si Mama sa kanyang trabaho, saktong nasa labas na rin naman siya. Inabot niya sa akin ang bag niya at nagpaalam siya na bibili lang siya saglit ng ulam namin sa Market. Naglakad na siya dahil isang tawiran lang naman.

"Ano? Binugbog ka na naman?" tanong ko sa kapatid ko nang maalala ang nangyari sa kanya kahapon.

"Hindi na, Kuya. Mapagtanto yata nilang hindi nila ako kaya," biro niya at tumawa pa na akala mo naman may nakakatawa talaga. "Selpon, o! Open mo na account mo, ang dami yata nag-c chat sa 'yo." abot niya sa akin ng selpon.

Saglit ko itong tinitigan bago kinuha at kaagad na binuksan ang account. May ilan ngang nagmessage sa akin pero iyong message lang ni Selene na kararating lang ang binuksan ko.

Andromeda Selene Valenierra Cervantes: favor.

Gideon Lander Ilarde La Forte: ano 'yon?

Andromeda Selene Valenierra Cervantes: nasa may bayan ka pa rin ba?

Gideon Lander Ilarde La Forte: oo, bakit?

Andromeda Selene Valenierra Cervantes: can you buy me clean gloves? I forgot to bring one kasi kanina.

"May pupuntahan lang ako saglit." sabi ko sa mga kapatid ko habang nagtitipa ng reply ko sa kanya at kaagad na naglakad paounta rito sa malapit na drugstore.

Gideon Lander Ilarde La Forte: sige. pabili na.

Hindi na ako lumayo dahil may tinda naman sila rito.

Gideon Lander Ilarde La Forte: nakabili na. ihahatid ko na ba ngayon?

Andromeda Selene Valenierra Cervantes: kung pwede sana kasi malapit na ang turn ko.

Gideon Lander Ilarde La Forte: sige, papunta na.

Andromeda Selene Valenierra Cervantes: see me sa exit.

Gideon Lander Ilarde La Forte: okay.

Binulsa ko na ang selpon at mabilis na nagmaneho papunta rito sa exit ng PCSU at sakto naman na patakbo na siyang bumababa ng hagdan.

"Gideon!" sigaw niya.

Saglit akong natulala dahil sa kagandahan niyang taglay tila hindi makatotohanan at sa kakaibang ayos niya ngayon. Para akong nakakita ng napakagandang anghel na handa kong luhuran at ialay ang buong buhay ko sa kanya. Handa akong linisin ang lahat ng kasalanan ko sa mundo isama lang niya ako sa pagtungo niya pabalik sa langit.

Ngayon ko lang siya nakitang suot niya ang kanyang uniporme na kulay puting blusa na may dalawang logo kanang dibdib nito, kulay puting pencil skirt at black shoes na may maliit na takong. Nakasabit din sa kanyang leeg ang kanyang I.D. Kapansin-pansin ang magandang hubog ng katawan niya dahil medyo hapit sa katawan niya ang kanyang uniporme.

Tumingin ako sa ibang direksyon at saglit na pumikit, nagdasal na huwag akong matulala sa kagandahan dahil nakakahiya lalo na kung mapansin niya. Baka asarin pa niya akong gusto ko siya kahit na nagagandahan lang ako sa kanya. Hindi naman siguro niya napansing natulala ako sa kanya kanina dahil nasa hagdan lang naman ang tingin niya habang bumababa.

"Oh," abot ko sa kanya ng supot, nasa loob 'yong pinabili niyang clean glove.

Kinuha ito sa akin. "Thank you. Mamaya ko na lang bayaran."

Tumango ako. "Anong ginagawa niyo?"

"Retdem namin ng hygiene and comfort. Sige, balik na ako sa loob. Ingat and thank you." ngumiti siya.

"Good luck." sabi ko.

Ngumiti siya. "Thank you. Una na ako," nagsimula na siyang maglakad palayo.

"Ganda. Sino 'yon?" nagulat ako nang biglang magsalita ang kapatid kong nakaupo pala rito sa may likod ko.

"Gago! Nand'yan ka pala?" sabi ko at binuhay ang makina nitong sasakyan.

"Oo. Nakakita ka lang ng maganda, nakalimutan mo na mga nasa paligid. Nakita ko pa kung paano mo siya titigan kanina. Ganda-ganda 'yan?" pang-aasar niya.

"Manahimik ka kung ayaw mong ihulog kita r'yan," banta ko at nagpokus sa pagmamaneho.

Patuloy na nagpapakita sa isipan ko 'yong hitsura kanina ni Selene. Sobrang ganda niya sa uniporme niya. Tang ina. Paniguradong mas marami na namang nabihag sa kanyang lalaki.

Hindi ako tinigilan ng kapatid ko hanggang sa makarating kami rito sa bahay. Ang dami niyang tanong tungkol kay Selene.

"Girlfriend mo 'yon, Kuya? Prayer reveal naman o hindi kaya'y gayuma reveal o kahit anong ginamit mo para mahulog sa 'yo 'yon." sabi niya.

"Ulol! Hindi ko 'yon girlfriend. Kakilala lang. Anak 'yon ni Mayora," sabi ko at nagtungo rito sa kusina para uminom.

Hindi pa rin mawala sa isip ko si Selene na suot ang uniporme nila. Ang dami ko namang nakitang nursing students na gano'n ang suot pero sa kanya lang ako naapektuhan ng ganito.

"Pero gandang-ganda ka sa kanya? Gusto mo?" nanunukso pa niyang tanong.

Inirapan ko siya bago nilagay sa planggana itong baso. "Hindi porque nagagandahan na ay gusto na kaagad 'yong tao." kaya ang daming tao ang sumusuko kaagad sa isang relasyon dahil akala nila ay gusto o mahal na nila iyong tao pero ang totoo ay nagagandahan o napopogian lang talaga sila sa kanila.

Medyo nakaramdam ako ng hiya nang sunduin ko na siya rito sa labas ng eskwelahan, lalo na nang makita siyang nakatayo na sa gilid ng daan, halatang may hinihintay. Syempre ako 'yon. Malayo pa lang ako pero nagniningning na sa paningin ko ang kagandahan niya. Para rin siyang buwan, nagliliwanag sa madilim na paligid.

May madadaanan akong nag-iisang babae na naghihintay ng tricycle kaya kinuha ko na rin siya para isakay. Iyong ibang tricycle driver kasi mas pinipili iyong maraming pasahero at iisang lugar lang ang pagbababaan. Kawawa naman ito, baka siya na lang maiwan mamaya na naghihintay.

"Sa Esperanza, Gideon." sabi niya at hindi na ako nagulat nang kilala niya rin ako.

"Sige." sabi ko at nagmaneho na rito papunta kay Selene. Umikot siya at tahimik na umupo sa likuran ko, nakapatong sa kandungan niya ang kanyang bag. "Pwedeng hatid muna natin siya?" tanong ko Kay Selene.

"Yeah, sure." pagod niyang sabi.

"Doon ka na sa loob para makaidlip ka."

"Masikip at gusto kong magpahangin." sabi niya.

Hinayaan ko na lang siya at umikot na ako para ihatid itong babae sa Esperanza. Pagkatapos ko siyang ihatid ay sinabi kong lumipat na si Selene sa loob para makapagpahinga, agad naman siyang nagtungo. Dumaan pa ako sa ibang lugar para matagalan ang pagpunta namin sa Barangay nila. Gusto ko muna siyang makaidlip at makapagpahinga saglit.

Nang masiguro kong nakaidlip na siya ay dumiretso na ako rito sa Barangay nila, sa may kanto. Pinalipas ko muna ang sampung minuto bago ko siya ginising. Ilang minuto pa ang lumipas ay nagsimula na kaming maglakad papunta sa bahay nila, buhat-buhat ko ang ilang kilo niyang bag.

"May balak kang mag-aral next year?" tanong niya sa akin at dinig ko ang paghikab niya. Bumaling ako sa kanya pero nakatakip ang kamay niya sa kanyang bunganga. Nauuna siya sa akin sa paglalakad.

"Wala," sagot ko at muling bumaling sa harapan.

"A lot of people saying na sayang ka raw kasi smart ka."

"TNT, hindi smart." biro ko at humagikhik.

"What?!" hinampas niya ang balikat ko, agad kong hinaplos para mabawasan ang sakit. "I'm not talking about sim card, you moron! My gosh!" stressed niyang sabi, tinawanan ko siya.

"Sa ngayon wala pa akong balak bumalik sa pag-aaral dahil kailangan ni Mama ng katuwang sa paghahanap-buhay para sa lahat ng gastusin namin."

"Sayang lang kasi iyong taon and you are being left behind." sabi niya at humalukipkip.

"Okay lang 'yon, hindi naman paunahan makapagtapos ng pag-aaral."

Bumuntong-hininga siya at nag-angat ng tingin sa buwan. "Kung sabagay. School is very tiring," muli siyang nagpakawala ng mabigat na buntong-hininga.

"Pero masaya mag-aral," tumigil siya sa paglalakad at saglit na tumitig sa akin. "Masayang matuto sa mga bagay-bagay."

Gustong-gusto kong mag-aral, hindi lang dahil isa ito sa makakatulong sa akin sa hinaharap pero dahil gusto kong maging degree holder. Ang sarap sa pakiramdam kapag alam mong may diploma ka at natapos mo ang kursong pangarap mo.

"What course are you planning to take?" tanong niya at muli siyang naglakad.

"Nursing…"

"Oh, cool… Why do you wanna take nursing someday?"

"Pangarap noon ni Mama kaso hindi niya nakuha dahil nabuntis siya ni Papa at ako 'yong bunga."

"But do you also like that course? You know… it's hard to reach the thing we do not like."

"Gustong-gusto."

Inabot ko na sa kanya itong bag niya nang nasa harap na kami ng bahay nila.

"Thank you. Take care. Chat me when you get home." sabi niya.

Nagpigil ako ng ngiti. "Oh… sige."

"Wait! Your jacket pala," sabi niya at kinuha niya sa loob ng bag niya ang jacket ko. Kinuha ko na nang iabot niya 'to sa akin. "Thank you."

Tumango ako. "Bagay sa 'yo," lakas loob na sabi ko.

Kumunot ang noo niya. "Huh?"

Tumikhim ako, nag-iipon ng lakas loob na sabihin sa kanya.

"'Yang uniporme mo, bagay sa 'yo…"