06
Pagod na pagod akong umuuwi tuwing gabi pero sa tuwing nakikita kong busog ang pamilya ko dahil sa pagkain na binili ko gamit ang perang dahilan ng pagod ko, nawawala lahat ng pagod ko sa katawan. Hindi baleng mapagod ako araw-araw, huwag lang sila nagugutom.
"Kuya, sa akin 'to?!" sigaw ng kapatid kong si Rainer at tumakbo papunta rito sa kusina dala-dala 'yong sapatos niyang binili ko.
Tumango ako sa kanya at tuwang-tuwa naman niya itong pinakita kay Mama na tuwang-tuwa rin, binigyan pa ako ni Mama nang nagpapasalamat na tingin. Lumapit sa akin si Rainer at sinubukan akong halikan sa pisngi pero tinulak ko ang mukha niya.
"Napakaarte mo!" sabi niya at tinulak ang likod ng ulo ko. "Pero sobrang salamat, Kuya! Yay, the best ka talaga!" sabi niya at sinuot na ang sapatos. "Gagi, saktong-sakto! Bagay na bagay sa akin. Ang astig! Ang ganda talaga ng taste mo sa mga ganito, parekoy. Apir!" nilapit niya ang palad niya sa akin na kaagad ko namang inapiran.
Pumasok pa siya sa kwarto para raw isuot ang buong school uniform niya kasama 'yong bagong sapatos niya. Natawa kaming dalawa ni Mama nang lumabas siya sa kwarto na akala mo isang modelo. May suot pa siyang salamin at nakasabit sa kaliwang braso niya iyong isang strap ng bag niya, nakahawak siya rito. Sumandal siya roon sa dingding, pinagkrus niya ang kanyang kanyang mga paa at pinasok sa isang bulsa ng itim niyang slacks ang isa niyang palad. Napapailing na lang ako sa ginagawa niya.
Kahit na minsan may pagkakumag siya ay hindi maipagkakailang may taglay siyang kapogian, pero syempre mas pogi pa rin ako sa kanya. Matangkad din siya at may katawan na pang-atleta. Siya iyong lalaking bersyon ni Mama, tanging ilong at mata lang ang nakuha niya kay Papa. Tanging itong kayumanggi kong kutis at mga biloy ko lang ang nakuha ko kay Mama, buong pisikal na anyo ko na ay kay Papa.
"Picturan mo ako, Kuya, dali!" sabi niya.
"Gago!" humalakhak ako bago siya kinuhanan ng litrato. Hindi lang isa kundi higit sampung litrato, iba't-iba ang posisyon niya at pwesto.
"Ang pogi ko talaga." proud niyang sabi habang tinitingnan ang mga litrato niya sa selpon.
"Ayusin mo pag-aaral mo, Rainer." sabi ni Mama sa kanya.
"Tanggap ko ng bobo ka, mahal kong kapatid." biro ko at kaagad na umapila si Rainer.
"Ang kapal ng mukha mo, Kuya. With honors kaya ako," pagmamayabang niya. "Hintay ka lang. Magiging with high honors din ako kagaya mo, baka with highest honors pa nga. Hindi lang kita tatapatan, lalamangan pa kita." puno ng kumpyansang sabi niya sa akin.
"Sige nga. Kapag high or highest honors ka ngayong grading, bibilhan kita ng sarili mong selpon. Pag-iipunan ko na," sabi ko.
"Deal! Bilisan mo mag-ipon, malapit-lapit na ang exam namin." sabi niya. Ininat niya pa ang mga kamay niya. "Ginanahan tuloy akong mag-review,"
Inismiran ko lang siya at binato ng balat nitong patatas kaya pinagalitan ako ni Mama pagkatapos ay inutusan na pulutin 'yon, inasar pa tuloy ako ni Rainer.
"Deserve," malakas siyang humalakhak.
"Tumigil ka kung ayaw mong bawiin ko 'yang sapatos sa 'yo." banta ko sa kanya.
"Walang ganyanan, Kuya. Kapag binigay mo na, huwag mo na bawiin." sabi niya at ginawa pang salamin iyong sapatos niya.
"Bukod sa unggoy, Mama, saan mo pa 'to ito pinaglihi?" natatawang sabi ko kay Mama.
"Bukod sa sama ng loob, Mama, saan mo pa 'to pinaglihi?" sabi naman ni Rainer.
"Puro kayo kalokohang dalawa."
Tinulungan namin si Mama sa paggawa ng patatas na ukoy na siyang meryenda namin mamaya dahil manonood kami ng Korean drama na pinilit kami ni Rainer panoorin dahil pinasa raw 'yon ng crush niya sa kanya.
"Siguraduhin mo munang hanggang crush-crush muna, Rainer. Hindi pa ako handang maging Lola." sabi ni Mama sa kanya.
"Bakit ako na lang lagi sinasabihan mo ng gan'yan, Mama?" nagtatampo niyang sabi. "Si Kuya dapat pagsabihan mo dahil po noong nag-inuman sila nila Kuya Aaron, amoy babae siya!" sabi niya at lumayo pa.
Kunot-noong bumaling sa akin si Mama. "Totoo ba 'yon, Gideon?"
Tinulak ni Rainer ang braso ko ng tatlong beses. "Sabihin mo, sabihin mo." natatawamg sabi niya at inambahan ko siya ng suntok bago ako bumaling kay Mama.
"Opo pero hindi po ako nakipagtot. Tinulungan ko lang po siya dahil lasing na lasing siya. Binuhat ko po kaya dumikit sa damit ko 'yong pabango pero wala pong nangyari sa amin."
"Hindi ko naman kayo pagbabawalang mag-girlfriend, basta huwag lang kayong gagawa ng bagay na magbibigay sa inyo ng malaking responsibilidad."
"Mag-condom ka raw," bulong sa akin ni Rained at humalakhak, sinipa ko ang paa niya para magtigil siya dahil seryoso si Mama.
"Kapag nag-girlfriend kayo, siguraduhin niyo na siya na ang babaeng gusto niyong makasama habang-buhay. Kung hindi kayo sigurado sa babae at hindi niyo nakikita ang hinaharap niyo kasama sila, huwag niyo na gawing girlfriend dahil para saan pa, 'di ba? Sasaktan niyo lang ang isa't-isa para sa panandaliang pagsasama." dinuro niya kami. "Kayong dalawa, huwag na huwag kayong tutulad sa ama niyo. Ako mismo ang puputol ng mga ano niyo." sabi niya sa amin.
Umismid ako. Ayaw na ayaw ko nga sa ginawa niya, bakit naman ako gagaya sa kanya?
"Eh, Mama, paano kapag napagod kami pareho sa isa't-isa?" tanong ni Rainer.
"Mapapagod kayo pero hindi niyo naman susukuan ang isa't-isa dahil nandoon ang pagmamahal."
"Kaya ba hindi mo sinusukuan noon si Papa dahil mahal na mahal mo siya kahit na grabe na 'yong ginawa niyang pambabastos sa inyo?" tanong ko.
Minsan nagiging lantaran na ang pagiging malandi ni Papa, kung saan-saan nalang noon dito sa lugar namin. Tuwing gusto ko siyang komprontahin, lagi akong pinipigilan ni Mama. Ang alam ko, ayaw ni Mama dahil natatakot siyang iwan kami ni Papa kapag nalaman niyang alam namin ang ginagawa niyang panggagago sa amin. Lagi niya pang sinisigawan si Mama at minsan ay pinagbubuhatan niya ng kamay dahil lang sa pinagsasabihan siya tungkol sa lagi niyang pag-inom ng alak at paninigarilyo. Inaalala lang naman ni Mama 'yong kalusugan niya.
Galit na galit ako sa kanya. Galit na galit ako sa sarili ko dahil hindi ko nagawang ipagtanggol si Mama sa mga panahon na 'yon dahil mahina ako. Isang sigaw niya lang sa akin na umalis at huwag makialam sa kanila, umaalis na ako, lalo na't pinapaalis din ako ni Mama para hindi ako saktan ni Papa. Ang hina rin ni Mama sa kanya dahil kahit ilang beses ko nang sinabi sa kanya hiwalayan na niya si Papa, ayaw niyang makinig dahil daw kawawa kami kapag nawalan kami ng ama. Tama naman siya, hirap na hirap kami ngayong wala siya pero mas gugustuhin kong mahirapan kaysa makasama siyang muli at saktan lang ulit si Mama. Pinipilit kong bumawi kay Mama ngayon sa paraan na alam ko para kahit papaano, mabawasan ang kasalanan ko sa kanya.
Bumuntong-hininga siya. "Kasi ayokong mawalan kayo ng ama kaya tiniis ko lahat ng hirap at sakit. Kailangan na kailangan natin ang ama niyo, kailangan na kailangan. Kailangan ko siya para buhayin kayo," agad ko siyang niyakap nang tumulo ang kanyang mga luha. Umikot din si Rainer para yakapin si Mama.
"Hindi na natin siya kailangan, Mama. Hindi na natin siya kakailanganin pa." sabi ko habang pinipigilan ang mga luha kong makawala sa mga mata ko.
Huwag na huwag lang talaga siyang babalik dito dahil hindi na namin siya tatanggapin.
Nagtungo muna ako rito saglit sa bakuran namin para magpahangin. Abala naman sila Mama roon sa loob na nagluluto ng ukoy, pinapagalitan pa nga niya si Rainer dahil kuha siya nang kuha sa niluluto niya. Magpapahangin lang ako saglit para alisin ang inis at galit sa puso ko, ayokong mawalan ng gana mamayang manood.
Naalala ko si Selene. Binuksan ko ang data ng selpon ko para tingnan kung may mensahe siya sa akin. Sumilay kaagad ang malapad na ngiti sa aking mga labi dahil mayroon. Umupo ako rito sa duyan at kaagad nagtipa ng reply ko sa kanya.
Andromeda Selene Valenierra Cervantes: nakauwi ka na?
Gideon Lander Ilarde La Forte: kanina pa.
Biglang kumalabog ang puso ko dahil nabasa niya kaagad ang reply ko at nagpakita ang tatlong tuldok na paalon-alon, nagtitipa siya.
Andromeda Selene Valenierra Cervantes: bakit ngayon ka lang nagreply? it took you 2 hours, a! siguro namasada ka, 'no?
Gideon Lander Ilarde La Forte: hindi. marunong akong tumupad ng usapan. hiniram lang kasi ng kapatid ko kanina 'tong selpon kaya hindi ko nabasa message mo.
Gideon Lander Ilarde La Forte: bakit gising ka pa?
Humiga ako rito sa duyan. Hindi ko alam ang nararamdaman ko pero natutuwa akong nag-uusap kami ngayon. Kahit na mataray 'to, nakakagaan ng loob siyang kasama at kausap.
Andromeda Selene Valenierra Cervantes: I'm reviewing for the long quiz tomorrow.
Gideon Lander Ilarde La Forte: ah, sige. review well, Ma'am.
Gideon Lander Ilarde La Forte: pinagalitan ka ba?
Andromeda Selene Valenierra Cervantes: luckily wala si Mom kaya no.
Gusto ko pa siyang makausap pero ayoko namang istorbohin ang pag-r review niya.
Gideon Lander Ilarde La Forte: review ka na.
Hindi ko na hinintay ang reply niya at pumasok na lang ako rito sa loob ng bahay na may pigil ngiti sa mga labi. Nawala lang kaagad nang bumaling sa akin ang kapatid ko, nakakunot ang noo at tila naguguluhan.
"May nagpapakilig sa 'yo, 'no?" tukso niya.
"Ulol. Tulungan mo nga si Mama, ako na magbabantay kay Ana." sabi ko sa kanya.
Tumayo siya habang nanunuksong nakatingin sa akin. "Sana all pinapakilig. Ayie!" agad siyang tumakbo ng umakto akong kukunin ko ang tsinelas na suot ko.
Pagpasok ko rito sa grocery store ay pang-aasar na kaagad ang binungad sa akin ni Carl at Aaron.
"Awit, pare, 'yong crush mo may ibang lalaking kasama kaninang bumili rito. Sayang hindi mo naabutan." sabi ni Carl.
"Sinong crush? Wala akong crush, ulol." alam ko kung sino sinasabi nila pero hindi ko naman siya crush. Natutuwa lang ako na nakausap ko siya kagabi pero hindi ko siya crush. 'Tsaka ano naman kung may kasama siyang iba? Dapat ba akong masaktan? Sino ba ako sa kanya?
"Iyong babaeng maganda na humila sa 'yo noon sa bar. Iyong maganda." sabi ni Aaron.
Kinunutan ko siya ng noo. "Hindi ko nga 'yon crush. Baka kayo may crush sa kanya," ismid ko at tinali na itong buhok kong sumasagal sa mga mata ko.
"Oo." sabay nilang sabi kaya mas lalong kumunot ang noo ko pero natawa kalaunan.
"Dapat pala kayo ang masaktan, e. Ewan ko sa inyong dalawa." iling ko at nagsimulang umikot sa buong grocery store para ayusin ang mga nagulong paninda.
"Pogi nung kasama niya kanina, bro." sabi ni Aaron at hinawakan ako sa balikat. Pambihira, sinundan pa talaga nila akong dalawa?! Bakit? Pogi rin naman ako, a?
"Ang ganda nung katawan, ang tikas ng pangangatawan." sabi naman ni Carl na hinawakan ako sa kabila kong balikat. Matikas din naman ang pangangatawan ko, a?
"Mayaman. Figueroa…" sabay nilang sabi. Inalis ko ang kamay nila sa mga balikat ko bago ako mabilis naglakad paalis, narinig ko pa ang tawanan nila. Wala na akong laban doon. Figueroa pa naman, e, isa 'yan sa pinakamayamang pamilya sa buong Casa Ethereal, buong Probinsya pala.
Tumingin ako sa malaking orasan dito sa grocery store. Napairap ako at napaismid. Ang bagal-bagal lumipas ng oras, ganito ba talaga kapag hinihintay? Hinihintay ko lang naman na matapos na ang trabaho ko rito para hindi ko na makita ang dalawa kong mapang-asar na kaibigan na hanggang ngayon ay sinusundan pa rin ako para asarin.
"Kasali ba sa trabaho niyo ang asarin ako?" inis kong sabi sa kanila at inambahan sila ng suntok.
"Relax, bro..." humalakhak si Aaron. "Pero syempre mas pogi at matikas ka pa rin roon kay Quintin Figueroa. Iyon nga lang, wala kang laban sa yaman niya."
"Pinagsasabi mo? Hindi naman ako nakikipagkompetensya sa kanya."
"Payaman ka muna, bro, bago mo abutin ang isang Valenierra…" halakhak ni Carl.
Tumalikod ako sa kanila at napasimangot. Wala naman akong balak siyang abutin at alam ko naman na hindi ko siya kayang abutin.
"Musta quiz?" tanong ko nang makapasok siya rito sa loob ng tricycle ko.
"Good naman but not as good as I wanted it to be." bigo niyang sabi.
"Bakit? Ilan ba nakuha mo?"
"46 over 50."
Kumunot ang noo ko. "Ang taas naman pala, e."
"Yeah pero mas mataas pa rin if perfect ko, right?" matamlay niyang sabi, halatang nalulungkot sa nakuha niyang score.
"Oo pero okay naman 'yong score mo. Bawi ka na lang sa susunod."
"Nakakalungkot lang kasi na 'yong iba can get perfect score and can do better tapos ako hindi? Nagreview naman ako kagabi, umabot pa nga ako hanggang 3 am kasi I really badly wanted to get perfect score." malungkot niyang sabi.
Gagi, hindi ko alam ang sasabihin ko. "Huwag mo na lang ikumpara ang sarili mo sa iba. Ilan nakuha mo noong huling quiz niyo?" tanong ko sa kanya.
"I'm not sure but it's 44 yata…"
"Oh, mas mataas nakuha mo ngayon kaysa noon. The most important thing is you are doing better right now than you were before…" woah! Napa-english tuloy ako nang wala sa oras. "Hindi maganda 'yong kinukumpara mo ang sarili mo sa iba dahil nag-i improve rin sila kaya mas lalo mo lang mamaliitin ang sarili mo niyan." sino ba kasi ang taong hindi gustong mag-improve, 'di ba?
"Right."
"Naglinis ka ngayon ng C.R?" pang-iiba ko ng usapan.
"No. Pinakiusapan ko sila Ma'am na bukas na lang because we have P.E…"
"Ihahatid na ba kita diretso sa bahay niyo?"
"Yeah. I'm so tired today. I want to sleep na,"
"Sige," sabi ko.
Tulog siya nang makarating kami rito sa kanto kaya hindi ko muna siya ginising para makapagpahinga muna siya saglit bago ulit maglakad papunta sa bahay nila. Matapos ang limang minuto niyang idlip ay ginising ko na siya dahil baka pagalitan siya ni Mayora kapag masyado na naman siyang mahuli ng uwi.
"Kaya mo na bang maglakad?" tanong ko. Humawak sa tuktok nitong tricycle at yumuko para silipin siya. Nakasandal ang ulo niya roon sa likuran ng upuan. Foam naman 'yon.
Nagkibit-balikat siya. "I don't know. Nanghihina pa tuhod ko." mahina niyang hinampas ang mga tuhod niya.
"Buhatin na lang kita sa likuran ko." alok ko sa kanya at umayos na ako ng tayo. Okay naman siyang buhatin dahil naka-jogging pants siya.
"You can't, mabigat ako." sabi niya.
"Kaya 'yan. Kaya ko ngang buhatin ang dalawang sakong bigas." mayabang kong sabi sa kanya.
"Okay," sabi niya at bumaba na. "Mamaya na lang kapag nakababa na tayo rito sa hagdan." sabi niya at tumango naman ako bago kinuha ang bag niya para buhatin.
Nang makababa na kami ay pinabuhat ko muna sa kanya ang bag niya bago ko siya maingat na pinasan sa aking likuran.
"Ayos ka lang?" tanong ko.
"Hmmm…"
"Huwag mo masyadong higpitan ang pagkakayapos ng mga braso mo sa leeg ko, nasasakal ako." mahina akong tumawa at napalakas nang hinampas niya ang dibdib ko. "Huwag mong singhapin pabango ko baka maubos, mamasada pa ako." sabi ko nang mapansing sumisinghap siya.
Napatingala ako nang sabunutan niya ang buhok ko pababa. Itinagilid ko ng kaunti ang mukha ko para makita ko siya, mas angat ang ulo niya sa akin. May kaunting ilaw na tumatama sa aming mga mukha.
Saglit akong natigilan at napatitig sa kanyang mga mata. Ang ganda ng mga mata niya, makitid at makapal ang mga pilikmata na maganda ang pagkakakurba nito pataas. Parang kayang-kaya niyang mang-akit gamit lamang ang kanyang mga mata.
"Hindi kita inaamoy, kapal mo!" inis niyang sabi.
"O, e di hindi. Umayos ka na, baka mahulog ka pa…" napapikit ako nang hinigpitan niya ang hawak niya sa buhok ko. Nakakunot ang ilong ko nang imulat ko ang aking mga mata, iniinda ang sakit na dulot ng pagsabunot niya sa akin.
"Hindi nga kita inaamoy!" inis niyang sabi.
"Oo nga, hindi. Umayos ka na," natatawa kong sabi. Umayos naman na siya. "Mabango ba?" tanong ko.
"Yeah, very manly. What?!" sigaw niya sa gulat at hinampas niya ang dibdib ko. Napayuko pa ako sa sakit pero nagawa ko pang tumawa. Pakiramdam ko nahulog ang puso ko sa hampas niya. "I don't know! Hindi ko naman inamoy!" sinabunutan pa ako. Grabe, mapanakit talaga ang babaeng 'to.
"Galing ibang bansa 'yan." sabi ko. Tuwing nagpapackage si Tita, may binibigay siya sa amin na pasalubong, kabilang ang pabango.
Umismid siya. "Hindi ko naman maalalang tinanong ko."
Tumawa lang ako.