Caia's POV
Nangalumbaba ako at pinagmasdan ang pagpatak ng ulan sa labas, medyo malakas na ito ngayon kumpara kanina. Basang-basa na ang paligid at nagtutubig na ang ilang bahagi ng daan na hindi patag at may uka.
Sinundan ko ng tingin ang bawat pigura ng iilan na nagtatakbuhan habang nakapatong sa ulo ang bag o ang coat na dala.
Napailing ako.
Mukhang hindi lamang ako ang makakalimutin dahil sa dami ng isipin, ultimo payong na lang ay hindi pa maalalang dalhin at bitbitin.
Inilipat ko naman ang tingin sa gawi ng kalsada, patuloy pa rin naman ang pagbagsak ng malalaking butil ng ulan doon.
Hmm... kailan kaya mapapagod ang langit sa pagbuhos?
Napakaraming sasakyan at lalo lamang bumagal ang daloy ng trapiko na datihan nang mabagal, nagkandabuhol-buhol na at halos hindi na umuusad pa ang mga naroon.
I bet, may ilan sa mga naiipit na 'yan sa traffic ang pagod at naiinip na. Mapagaling man 'yan sa eskwela o trabaho.
Pero ako? May katulad ko kaya? 'Yung wala namang ginawa o ginagawa at kakagaling lamang sa paggising pero nakakaramdam pa rin ng pagod? Pagod sa pag-iisip. Pagod sa pag-intindi sa mga bagay, sa paligid at sa sitwasyon? At higit sa lahat ay pagod sa pagsabay sa mabilis na ikot ng mundo para hindi mapag-iwanan?
Katulad ng pagbuhos ng ulan, kailan din kaya hihinto sa pagdaloy ang mga alalahanin at sakit na nadarama ko?
Huminga ako nang malalim at inalis na rin doon ang tingin dahil sa pagpatak ng bawat segundo ay tila ba lalo lamang nadaragdagan ang nararamdaman kong hindi kanais-nais at hindi maganda sa pakiramdam–napapagod ako, naiinip at nasasaktan. Halo-halong emosyon.
Inayos ko ang salamin sa mata na suot ko at hinayon naman ng tingin ang mga taong naroon din sa cafe na kinaroroonan ko. May mga tawanan at kuwentuhan akong naririnig. Hindi ko na iniintindi pa ang mga bawat salita, pero sa bawat boses na naririnig ko ay may tunog ng saya at tuwa.
Nakakainggit.
Ang ibang naroon ay may kasama, 'yung iba ay hindi lang isa kundi grupo at ang iba naman ay katulad ko rin... nag-iisa. Ang kaibahan lamang ay hindi ko nakikita ang sarili ko o ang sitwasyon ko sa kahit na isa sa mga naroon.
Ironic, isn't it? Madaming tao sa paligid ko at puro masasaya pa. Happiness and smile is contagious daw, sabi nila. Pero bakit hindi ako nahahawa gayong kahit saan man ako tumingin ay may paalala na puwede akong maging masaya? May ngiti sa mga labi at may kulay ng saya na nakapinta sa mukha?
D*mn. Bakit ang hirap?
Tinignan ko na lamang ang relo kong suot sa ikatlong pagkakataon at napansin na mag-iisang oras na rin pala akong narito at naghihintay kay Timmy, which is ang unusual dahil parati na ay sinisiguro nito na kapag may lakad kami o magkikita ay ito ang nauuna.
Galit kaya ito? Nagtatampo?
Siguro?
Hindi ko alam sa totoo lang, dahil sa mga nakalipas na araw pagkatapos noong umalis ako sa amin ay wala akong pinagsabihan kung nasaan ako, pinatay ko ang lahat ng posibleng paraan para mahanap ako at matunton. Wala rin akong kinontak na kahit na sino, kahit na ito mismo.
Naalala ko na naman si Papa, ang naging takbo ng pag-uusap namin noong gabing iyon.
I know that he's hurting, but I'm hurting too. Hindi ko na inisip pa kung nag-aalala ito sa akin sa mga araw na nagdaan pero mas pinili ko pa rin na walang makaalam at lumayo sa lahat. Kung hindi kasi ako umalis noong gabing iyon ay baka mas lalo lamang nagkagulo, lumaki ang bitak sa sitwasyon naming at lalong lumayo ang loob namin sa isa't-isa. Kung dati kasi ay napipigilan ko pa ang sarili ko na sumagot dahil ayokong maging bastos, noong gabing iyon ay iba. Nakasagot ako na napaka-unusual at nailabas ko kahit na papaano ang hinanakit ko. Alam kong kung nagtagal pa ako ay baka kung ano pa ang mga nasabi ko o baka nga naging bastos na ako ng tuluyan kay Papa at nakapagbitaw ng mga salita para sa ikakasakit lamang ng damdamin namin pareho... na iniiwasan ko talagang mangyari.
Nagbuga ako ng hangin at pinalobo ang pisngi ko.
Sinilip kong muli ang oras at nakita ko na pitong minuto na kaagad ang nakalipas.
"Nasaan ka na, Timmy?" hindi ko mapigilang itanong sa sarili ko.
Kahit na naiinip na ay hindi ko magawang mainis dito dahil sa loob nang dalawang linggo ay nadamay ito sa ginawa kong pag-alis. Pinatay ko ang teleponong dala ko kaya hindi ko nabasa ang text o nasagot pati ang mga tawag nito. Pagkarating ko kanina noong binuksan ko ay saka ko pa lamang nakita ang maraming text nito na puro nag-aalala ang mensahe at tinatanong kung nasaan ako. At ang pinaka-recent sa lahat ng text nito ay nagsasabi na kailangan naming magkita, mayroon daw itong sasabihin na seryoso at napakahalagang bagay.
Pero kahit na hindi pa nito iyon sabihin ay iyon pa rin naman ang una kong naiisip na gawin, ang makita ito at makausap. He is my personal dose of medicine, na sa isang sulyap ko lamang dito at isang ngiti lamang nito ay gumagaan ang pakiramdam ko. Ito kasi mismo 'yung simple reminder sa akin na kahit gaano pa kagulo ang buhay ko, may isang katulad pa rin nito na nagsisilbing magandang pangyayari na nananatili at natitira sa buhay ko kahit na papaano.
Sa totoo lang, sa mga nakalipas na araw... ang pakiramdam ko ay hindi sapat ang paglayo na ginawa ko dahil hindi naman naibsan ang sakit at kung ano-anong magulo sa isipan ko. Ang kaibahan nga lang ay kumalma na ako ngayon at ang kailangan ko ay ang makita si Timmy.
Tinawagan ko ito kanina upang makipagkita, mabuti na lang at pumayag ito kaagad.
Maghihintay ako rito, kahit pa matagalan ito. Alam ko naman kasi na kapag nakita ko na ito ay matatanggal din naman itong nadarama ko kahit na panandalian lamang habang kasama ko ito.
Isa pa, may kasalanan ako ritong malaki kaya nararapat lang talaga na maghintay ako. Hindi na nga ako nagpaalam tapos ay hindi pa ako nito makontak ng ilang araw. Kaya dapat lang talaga na magtiis ako.
Mabuti na lang at hindi tunog galit ang tono nito noong nakausap ko kanina.
Nakakatuwa lang dahil kahit na hindi pa ako nagbibigay ng ano mang detalye ay hindi ako nito pinagalitan.
Napakamaunawain talaga nito, na gustong-gusto ko rito sa lahat ng magagandang traits na mayroon ito.
Gano'n kasi ito palagi. Alam nito na may mali sa akin kahit na hindi pa ako magsalita. Kilalang-kilala ako nito, pero hindi ito katulad ng iba na papaulanan ka pa ng maraming tanong. Dahil ang ibabato kaagad nito ay puro pag-aalala, concern at pag-intindi.
But, I don't know this time... kasi sa sitwasyon ko, pati ako ay gulong-gulo na. Hindi ko na rin maintindihan ang sarili ko.
Pero kahit na hindi pa ako nito maintindihan sa sitwasyon ngayon, alam ko na ito pa rin ang kailangan ko. I need him. He is my source of comfort.
Halos naging araw-araw na talaga kasi ang pagkakaroon ko ng panaginip tungkol sa tinig, na sa bawat paggising ko naman ay bumibigat ang pakiramdam ko, para bang sobrang lungkot, pagod at may hinahanap. Hindi pa nga tapos ang problema ko kay Papa ay dumagdag pa talaga 'yung boses sa inaalala ko, na sa dalas ng panaginip kong iyon ay para bang kilala ko na ito. Hinahanap-hanap ko ang lamyos ng tinig nito sa mga naririnig ko kung saan-saan. Hindi ko alam kung sino ba ito. Hindi ko matukoy dahil ayaw magpakita ng mukha.
Why am I having that dream over and over? Para saan iyon?
Para tuloy akong nalulunod sa sari-saring isipin at nadarama.
Napabuga ako ng hangin.
Kailangan ko ng sasagip sa akin. Pero kanino ako makakahingi ng tulong? Sino ang tutulong sa akin? O no choice ako kundi sagipin ang sarili ko?
Halos wala ng laman ang cup ng milktea na paborito namin parehong inumin ni Timmy kaya dinampot ko iyon at napagpasyahang ubusin.
Nang maubos ay ang baso naman na may lamang tubig ang pinagdiskitahan ko, inalog-alog ko iyon dahilan para tumunog ang nagbabanggaang yelo sa loob ng cup.
"Naubos ninyo na, Ma'am?" tanong ng tinig kaya tinigilan ko na ang pag-alog dahil ang ingay.
Tinignan ko si Tamara na nag-aasikaso sa kabilang mesa na bakante na ngayon upang linisin iyon.
Ngumiti ako at ibinaba ang cup.
"Oo, e. O-order na lang siguro ako ulit mamaya," sagot ko.
Sa dalas ng pagpunta ko rito ay kilala ko na ang iba-ibang crew.
Ngumiti rin ito. "May hinihintay ba kayo, Ma'am? Si pogi?"
Napatawa ako nang bahagya.
"Yeah. Pero, h'wag mo nang uulitin na sabihin na pogi 'yun lalo na kapag nandito," pagbabawal ko.
Napalis bigla ang ngiti nito at natigilan. "S-Sige po..."
Napansin ko naman kaagad na tila ba na-offend ko yata ito.
Ikinumpas ko ang kamay ko. "Don't get me wrong, Tamara. I mean, baka lang kasi lumaki ang ulo no'n kapag narinig n'ya 'yung ganoong klaseng papuri. 'Pag ako lang ang kaharap mo, okay lang... pero kapag si pogi. Naku 'wag," nakatawa kong pagpapaliwanag.
Napangiti itong muli. "Sige, Ma'am. Akala ko ay nagselos na kayo kaagad."
"Naku. Hindi, ah," tanggi ko.
"Pero kanina pa kayo pinaghihintay ni pogi, ah? Bawas pogi points 'yun."
"Okay lang naman. Ngayon lang kasi ako naghintay ro'n. Excuse pa siya. First time, e," pagbibigay katwiran ko kay Timmy.
"Ay, talaga po ba, Ma'am? Very good po pala si pogi."
Tumango ako. "Oo. Madalas kasi siya ang naghihintay sa akin."
"Ayos naman pala, e. Mukhang hindi kabawasan sa pogi points. Saka baka naipit lang po sa traffic dahil maulan."
"Baka nga..." sang-ayon ko.
Pinanuod ko na lamang ito sa ginagawang pag-iimis.
Nang matapos na ito ay inilagay nito sa isang tray ang lahat ng kalat. "Paano, Ma'am? Balik na muna ulit ako sa loob. Tawagin n'yo na lang ako kapag may kailangan kayo," paalam nito.
"Sige. Salamat."
Nang mawala na ang kausap ko ay automatic na nawala ang ngiti sa labi ko.
Tumingin-tingin muli ako sa paligid.
Nasaan na kaya ang hinihintay ko?
Medyo kinabahan ako noong biglang may maisip.
I hope na okay lang ito. Wala naman sigurong masamang nangyari rito.
Sinilip ko ang telepono ko pero wala itong mensahe.
Nilingon ko ang salamin kung saan kita ang labas, parang walang ipinagbago ro'n. Gano'n pa rin sa kanina, maraming sasakyan at malakas ang buhos ng ulan.
Nasaan ka na ba talaga, Timmy?
Nakagat ko ang labi ko nang maisip naman na baka nagtatampo ito sa akin kaya wala pa ito.
Sisiputin naman siguro ako nito. Hindi nito ugali ang mang-indiyan at wala iyon sa karakter nito. He's not that kind of man. Hindi ito mahilig gumanti at magtanim ng sama ng loob.
Huminga ako nang malalim.
I'll just wait for him.
Alam ko kasi na darating ito, kahit na gaano pa katagal ay maghihintay ako, kahit pa mainip ako. Iyon lang kasi ang magagawa ko para rito. Iyon lang ang maisusukli ko sa lahat ng nagawa nito para sa akin, gayong palaging ito ang umiintindi at naghihintay sa akin.
Ibinaling ko na lang ang atensiyon sa ibang bagay upang makalimutan pansamantala ang paghihintay.
Kinuha kong muli ang telepono ko pero iniwasan ko kaagad ang pagbukas ng social media accounts na ginagamit ko.
Alam ko kasing mai-stress lamang akong lalo sa mga mababasa o makikita ko roon. Lalo pa at kakatapos lamang ng book signing namin, marami na naman doon ang lalabas na haters ko dahil sa hindi ko pagpapakita ng mukha, ang iba kasi ay iniisip na nag-iinarte lang ako.
Hays. Ang toxic ng mundo, mapa-real world o sa social media man. Kalat kasi sa panahon ngayon 'yung mga tinatawag na mga keyboard warriors. Mga taong napaghahalataan na walang magawa sa buhay at mga walang magandang masabi sa iba. Matatapang dahil sa dummy account ang gamit, hindi hantad ang mga mukha at totoong identity.
Though, isa ako sa mga hindi nagpapakita ng mukha, pero hindi ko naman ginagamit iyon upang abusuhin at may rason ako sa pagtatago ng identity ko. Samantalang ang mga ito? Ano kaya ang mga rason? Hindi ko kasi maintindihan.
Napailing na lang ako.
Nagpatuloy ako at pinindot ang application na madalas ay nagbibigay ng tuwa sa akin at nakakapagpa-relax ng panandalian. Nagbibigay ng pansamantalang lugar kung saan pakiramdam ko ay tanggap ako, hindi man ng lahat pero ng ilan... kung saan minsan ay nakakatakas ako sa reyalidad ng mundo.
Maraming libreng kuwento ang naroon na pwedeng basahin at pagpipilian.
Dumiretso agad ako sa library at ininspeksiyon ang mga kuwentong nakalagay roon. Nag-scroll ako nang nag-scroll pero wala akong napili na buksan. Ang ilan sa mga naroon ay matagal ng nakatengga pero hindi ko pa nauumpisahan na basahin, 'yung iba naman ay naumpisahan nga pero hindi ko pa natatapos. Sa totoo lang ay nawawalan na ako ng ganang magbasa, gayong aminado akong hilig ko talaga iyon noon pa man. Sa katunayan ay marami akong koleksiyon ng mga libro. Marami rin akong hinangaan na magagaling at batikang mga manunulat kaya nga siguro ako napunta rito sa larangang ito. Pero sa kabila ng tagumpay at pagtangkilik ng halos ay mga kabataan sa gawa ko, tila ba nawawalan na rin ako ng ganang magsulat nitong nakaraan.
I love reading. I love writing. But, what the f*ck is really wrong with me?
Pinindot ko kung saan naroon ang mga gawa ko, binuksan ko ang dalawang latest at on-going na kuwentong isinusulat ko. Tapos ko naman nang isulat ang isa at ang natitirang mga chapters niyon ay nasa draft, hindi ko pa nga lang naaasikasong i-publish online at ang isa naman ay umpisa pa lamang ng kuwento ang mayroon. Pinasadahan ko ng tingin ang mga salita pero wala talaga akong maramdaman na kakaiba, hindi katulad dati. 'Yung parang may spark o parang may magic kang nararamdaman? Ngayon kasi... parang wala ng dating, walang emosyon at higit sa lahat ay... walang kwenta, walang laman at walang substance. 'Yung mga naisulat ko kasing scenes ay hindi ko mahanap ang satisfaction na dati rati ay nararamdaman ko sa tuwina, nahihirapan din ako kung paano ko ba pagtutuloy-tuloyin ang daloy ng kuwento lalo na 'yung isa na umpisa pa lang talaga ang nagagawa ko.
Napahinga ako nang malalim.
Mukhang kailangan ko na munang magpahinga at magpalamig. Dahil kasi sa gulo ng nararamdaman at isipin ko ay nadadamay na pati ang pagsusulat ko.
Naikuyom ko ang kamay ko.
But, I should do something, bago pa mahuli ang lahat.
Hindi puwedeng isuko ko ang pagsusulat. It is the only thing that I'm good at. Hindi puwedeng mawala ito sa akin. Kapag nawala ito ay pakiramdam ko ay mawawalan na rin ng saysay ang existence ko.
"Sorry, I'm late. Naghintay ka tuloy nang matagal," pagputol na sabi ng tinig sa isipin ko.
Nag-angat ako ng tingin mula sa teleponong hawak ko nang marinig ang tinig na kanina ko pa gustong-gustong marinig.
Bahagya akong nangiti at ibinulsa ang teleponong hawak.
Sabi ko na nga ba at darating ito.
Si Timmy!
Hindi ako nakasagot at pinagmasdan na lamang ito habang paupo sa silya sa harapan ko. Nang makaayos na ito ay inalis ko ang salamin sa mata ko at inilapag iyon sa mesa.
Na-miss ko ito. Sobra.
"Na-traffic ka?" tanong ko upang umpisahan ang pag-uusap.
"Yeah," maikling sagot nito.
Patuloy ko na lang itong pinagmasdan.
Hindi na ako kumibo pa at ginawang issue ang hindi nito paglipat sa tabi ko, kahit na iyon pa ang nakasanayan ko na at mismong ito ay may kusang ililipat nito ang upuan sa tabi ko at doon ito mananatili dati. Hindi ko na rin binigyang malisya ang hindi nito pagtapik o paglalagay nito ng kamay sa ibabaw ng ulo ko pagkalapit nito. Pinabayaan ko na lamang, marahil ay masama pa ang loob nito sa akin.
Hindi ko naman ito masisisi.
"How are you, Caia?"
Kumurap ako.
Pero napaka-tender at soft naman yata ng boses nito para sa isang nagtatampo?
Nagtaka ako at tinitigan ko itong mabuti.
Teka lang, bakit parang may mali?
Kita ko kasi sa mukha nito na parang nami-miss din ako nito pero bakit tila pinipigilan nito iyon?
Binasa ko ang labi ko. "I-I'm not that well," pag-amin ko.
Hindi ko naman kasi kailangang magsinungaling dito. Wala kaming gaanong inililihim sa isa't-isa. Puwera na lang sa panaginip, sa mga bagay-bagay na nararamdaman ko nitong nakaraan, pagkawala ng interes ko sa pagbabasa at pokus sa pagsusulat na hindi ko pa masabi-sabi rito dahil sa may problema rin ito nitong mga nakaraan tungkol sa hindi nito pakikipagkasundo sa pamilya nito.
Ngumiti ito pero parang may lungkot sa mata.
He didn't say a word, which is so unusual. Dapat ay may words of wisdom at words of encouragement itong bitbit. Pero bakit ngayon ay wala at tila ba naubos kung kailan kailangan na kailangan ko? What's happening to him?
I cleared my throat. "Sorry," sinserong sabi ko at pinagsalikop ang mga kamay ko, nagbabakasakali na baka mawala ang tila pader sa pagitan namin na napapansin ko kanina pa.
"I'm sorry too..." hindi ko inaasahang tugon nito.
Umawang ang labi ko habang nakatitig dito.
Was there a glint of sadness in his voice? And why is he saying sorry?
Kumurap-kurap ako at pinakalma ang sarili ko kahit na gusto kong kabahan sa paraan kung paano ito nagso-sorry.
Fuck, Caia. Maybe he's saying sorry because he's late!
Ikinumpas ko ang kamay ko kapagkwan. "There's no need for you to say sorry. Naiintindihan ko naman kung bakit ka na-late."
Hindi ito kumibo, sa halip ay tinitigan ako na parang kinakabisa ang buong mukha ko.
Napalunok ako.
Ang weird nito ngayon sa totoo lang.
At teka nga, bakit may nakabalatay na kakaibang ekspresyon sa mukha nito? Dahil ba sa ginawa ko?
Sobrang nagi-guilty tuloy ako.
Ilang araw lamang kaming hindi nagkita at hindi nagkausap ay para bang kay layo na nito sa akin. Parang biglang nagkaroon ng malaking distansya sa pagitan namin... at kasalanan ko iyon.
"Saka... uh, ano... a-ako dapat ang nagso-sorry, ano ka ba. Ako itong bigla-bigla na lang hindi nagpaalam na umalis," dugtong ko pa.
Umiling ito nang sunod-sunod. "I understand, Caia. Hindi naman ako galit. Nag-alala lang ako," tugon nito na madalas isagot sa akin.
"I know you'd understand. Pero, sorry pa rin..."
Nag-iwas ito ng tingin at hindi kumibong muli.
Lumipas ang sandali na tahimik lamang kaming pareho.
Fuck. May mali talaga. I can feel it. Hindi naman kasi ganito katahimik si Timmy.
Kilala ako nito nang sobra, kaya gano'n din ako rito. We've been friends for almost 7 years. Ang tagal na ng samahan at pagkakaibigan namin bago kami tumalon sa pagiging higit pa roon. Noong isang taon lamang kami officially ay naging couple at napagtanto na higit pa pala sa pagkakaibigan, attachment at bond na mayroon kami ang nararamdaman namin para sa isa't-isa.
"I'm really sorry, Caia."
Kinagat ko ang labi ko at kumunot ang noo ko.
Ramdam ko ang labis na pagbigat ng nararamdaman ko.
Nanginig ang labi ko kalaunan noong hindi na nito dugtungan pa ang sinabi.
Kung tungkol iyon sa pagiging late nito, bakit pakiramdam ko ay hindi naman iyon talaga tungkol doon?
He sounds so sincere and apologetic about something.
Pero ano ba ang ginawa nito?
May ginawa ba ito na hindi ko gusto habang wala ako?
Why is he being like this? Bakit paulit-ulit din nitong binabanggit ang salita na ako dapat ang bumabanggit?
Nagsisimula ng umakyat ang takot ko lalo pa at seryoso ang tono at mukha nito.
Sinubukan kong ngumiti kahit na ramdam pa rin ang panginginig ng labi ko.
Hindi nito sinuklian iyon.
Suddenly, my heart is aching... lalo pa at nakikita ko na parang nasasaktan at nahihirapan ito, kahit na hindi nito iyon sabihin at isatinig.
Pero para saan ba iyon? Ano ba ang nangyari?
Iniangat ko ang kamay ko sa mesa at inabot ang kamay nito habang hindi nilulubayan ng tingin ang mukha nito pero agad din akong natigilan at nanigas noong may makapa ako roon.
May singsing.
Gulat na napalunok ako.
Why is he wearing a ring... sa mismong ring finger?
Naguguluhan at may pagtatanong sa mata na tinitigan ko ito.
Gusto kong malaman ang sagot, ngunit hindi ito kumibo at nanatili na nakatitig lang din sa akin.
Kilala ko ito. Hindi ito materyosong tao. Hindi ito maarte at makolorete. Relo lamang ang isinusuot nito noon pa man. At ang sabi nito sa akin dati ay kapag ikinasal lamang kami, saka lamang ito mapagsusuot ng alahas bukod sa relo–ang magiging wedding ring mismo namin.