Chereads / Escape From Reality (Tagalog) / Chapter 7 - Chapter 7

Chapter 7 - Chapter 7

Caia's POV

Umupo ako at napayuko kapagkwan. "M-Mahal ko po talaga ang pagsusulat, Manang Estela," giit ko.

Narinig ko ang yabag nito at hindi nagtagal ay naramdaman ko ang paghagod nito sa likod ko. "Alam ko. Pero mahal ka rin ng Papa mo, gusto niya lang na mapabuti ang buhay mo para sa hinaharap. Mahal mo rin siya, 'di ba?"

Alam ko naman 'yon. Sino ba naman kasing magulang ang hindi gustong mapabuti ang anak nila? Alam kong para sa akin din naman ang nais nito. Mahal ako nito at mahal ko rin ito. Pero napakahirap para sa akin na sundin ang sinasabi nito—ang tigilan ko na nang tuluyan ang pagsulat at iwan na iyon nang permanente.

Paano ko bang susundin ito kung ang pangarap ko mismo ang inaayawan nito at gusto nitong tigilan ko?

Sa tuwina ay tinitiis ko na lang ang bawat sigaw nito at masasakit na salitang ibinabato nito sa akin sa mga pagkakataon na nahuhuli ako nito na hindi pa rin sumusunod sa utos nito.

Sa totoo lang, hindi naman talaga ganito ang pakikitungo nito sa akin dati, nagbago lamang ang lahat noong huling taon ko na sa high school kung saan ay sinabi ko rito na nakapagdesisyon na akong isabay sa pagtuntong ko sa kolehiyo na i-pursue at seryosohin ko na ang pagsusulat na mula pa noon ay pangarap ko. Noon ito nagbago. Nagbago ang masayang samahan naming dalawa. Nagkaroon nang mataas na pader sa pagitan namin, na tumataas pa lalo na hindi ko alam kung matitibag pa ba o malulusaw sa pagdaan ng mga taon at panahon.

Alam ko, hindi ako ang ideal na anak na mayroon ito. Suwail, matigas ang ulo at pasaway na anak ako kung tutuusin dahil sinusuway ko at hindi ko mapagbigyan ang tanging hiling nito at nais. Pero bakit gano'n? Bakiy hindi kami magkaintindihan? Bakit hindi magtagpo ang nais namin pareho? Minsan tuloy ay hindi ko mapigilang ikumpara ang sitwasyon namin sa ibang pamilya... kung bakit hindi kasi ito katulad ng ibang magulang na nakikita ko na kayang suportahan ang mga anak nila sa kung ano mang napiling larangan na tatahakin ng mga ito? Kung saan masaya? O kung saan iyon ang hilig talaga? Bakit ito, hindi nito iyon magawa at maibigay sa akin?

"T-Tinawagan po ako ng editor ko kahapon, may napili po ulit sa kuwento ko upang isalin sa pisikal na libro, the same publishing company na nagtiwala sa akin at sa ilan sa mga istorya ko recently. Tingin ninyo po, itutuloy ko pa ba?" sa halip ay tanong ko, nawawalan na ng pag-asa.

Nagtanong ako dahil gusto kong makarinig man lang sana ng mga salita na makapagbibigay at makapagpapabalik kahit na papaano sa akin muli ng lakas ng loob at pag-asa upang patuloy na magsulat at mangarap.

Nag-angat ako ng tingin at kinagat ang labi ko nang hindi tumugon ang kasama ko.

Nasalubong ko ang ngiti ni Manang pero alam kong may halo iyong simpatya, saya at lungkot.

Hindi na ako nagulat pa nang yakapin ako nito. "Natutuwa at masaya ako sa mga tagumpay mo, anak. Kung sana lang ay maaari kitang suportahan nang hayagan sa nais mo. Kung kaya ko lang sanang baguhin ang pananaw nung Papa mo."

Kahit na mabigat ang nararamdaman ay sumaya ako kahit na papaano sa narinig mula rito kahit na taliwas pa nga ang mga sinabi nito sa gusto kong marinig.

Mabuti pa ito, natutuwa at masaya. E, si Papa kaya? Kailan kaya matutuwa at magiging masaya sa achievement ko?

Kahit minsan kasi ay hindi pa ito natuwa sa ginagawa ko kahit pa noong unang beses na sa wakas ay nakapag-publish na ako ng libro. Alam nito na pangarap ko ang maging isang manunulat, hindi lingid dito iyon dahil naging madalas na banggitin ko rito at sinasabi na magiging sikat na manunulat din ako balang-araw, katulad na lang ng mga hinahangaan ko... na sa tuwina noon kundi iniiba nito ang usapan ay hindi ito tumutugon. Akala ko ay magiging okay lang iyon dito kapag nakita na nito mismo na nagbunga na ang pinaghirapan at pangarap ko... nagpatuloy ako sa pagpu-pursue, ngunit sa kabila niyon ay unti-unti ay mas lalong nagbago ito at nagkakalayo ang loob namin.

Despite the fact na alam kong hindi ito natuwa sa sinabi ko ay ipinagpatuloy ko pa rin ang gusto ko, akala ko magbabago ang paniniwala nito kapag may nakamit na ako sa larangang gusto kong tahakin, pero noong umuwi na ako bitbit ang mga kopya ng librong gawa ko upang ipagmalaki sana rito ang mga iyon, sa halip na tuwa ay galit ang inani ko.

It was a dream come true para sa lahat ng manunulat na makapag-publish physically ng kanilang mga kuwento, gano'n din ako... pero sa huli sa halip na maging masaya ay sama ng loob, pagkadismaya at lungkot ang nadama ko.

Kumalas din si Manang sa akin kapagkwan bago hinila ang silyang inilaan ko para rito at naupo roon.

Hinaplos nito ang pisngi ko. "Kung mapagdesisyunan mong ituloy, huwag mo nang iuwi pa rito ang mga kopya ng libro na libreng ibibigay sa iyo, alam mo naman na ang mangyayari kapag nakita ang mga iyon ng Papa mo," payo nito.

Natawa ako nang pagak. "Opo, dahil masasayang lang sigurado, didiretso sa basurahan o kaya ay magiging abo ang mga iyon. Ipapamigay ko na lang po sa mga admin na namamahala sa page ko or ipapa-raffle na lang po sa mga mambabasa 'yung iba kung sakali para may makinabang."

Hinaplos nitong muli ang buhok ko at ngumiti. "Huwag mong kakalimutan na magtira ng dalawang piraso, ha?"

May pagtataka ko itong tinignan. "Bukod po sa apo ninyo, kanino po 'yung isa?" tanong ko, naikukuwento kasi nito sa akin ang isa sa mga apo nito na katulad ko ay mahilig din na magbasa.

"Para sa akin siyempre ang isa para mabasa ko at mahawakan ko naman ang pinaghirapan ng alaga ko na hindi lang mabait, kundi maganda at napakagaling pang manunulat," papuri nito.

Napangiti naman ako sa sinabi nito.

"Lagyan mo nga pala ng pirma 'yung para sa apo ko ulit, ha? Taga-hanga mo talaga ang batang iyon, siguradong lalong matutuwa 'yon kapag nakita ang pirma mo. Aliw na aliw pa naman iyon sa mga gawa mo, laging nag-aabang sa mga isinusulat mo. Pero, alam mo ba na iba 'yung naging saya niya noong iniuwi ko sa kanya nung nagbakasyon ako nung minsan 'yung mga libro na ibinigay mo sa akin? Nilagyan pa nga ng balot na plastik para raw hindi agad malukot o kaya naman ay mabasa, alagang-alaga, lalo na 'yung libro na ikaw mismo ang nagsulat," pagkukuwento nito.

"Nakakatuwa naman po pala."

"Oo. At gusto kitang pasalamatan, anak, mukhang dahil sa mga nababasa niya sa mga kuwento mo ay may natututunan, nagbabago na ang batang iyon, hindi na pinapabayaan ang pag-aaral at may pangarap na."

It made my heart happy hearing that kind of story from Manang Estela.

Hindi lang naman kasi ako nagsusulat para sa sarili ko lang, nagsusulat rin ako to share some hope, inspiration and learnings also.

"Mabuti naman po pala, sana po ay magtuloy-tuloy na. Ano naman daw po ang pangarap niya?" usisa ko.

Inabot ng isang kamay nito ang mukha ko. "Ang maging katulad mong manunulat."

Naikurap-kurap ko ang mata ko sa gulat.

"Gusto ka raw niyang tularan, kung paano mo ibahagi 'yung bawat kuwento mo sa iba na siguradong may matututunan sa huli. At 'yun na yata ang pinakamaganda at pinakamasarap sa tenga na narinig kong salita mula sa batang 'yon. Proud ako sa inyong pareho."

Hindi ko napigilan ang paglamlam ng mata ko dahil sa narinig. Parang may humaplos na mainit na bagay sa dibdib ko.

"Salamat, anak, ha?" patuloy pa nito.

Umiling-iling ako. "Wala po iyon. Dahil po riyan, lalagyan ko na rin po ng maikling dedication 'yung libro na ibibigay ko sa kanya sa susunod, pati na po 'yung mga freebies na ginagawa nung mga mababait at masisipag kong admin," alok ko.

Hinawakan nito ang kamay ko. "Salamat, Caia. Siguradong matutuwa talaga ang batang iyon. Lalo pa at malapit na ang kanyang kaarawan."

Ginagap ko rin ang kamay nito bago ito nginitian nang sinsero. "Maliit na bagay lamang po iyon kumpara sa naibibigay nila sa akin, napapasaya rin naman po ako ng mga mambabasa in ways na hindi nila alam. Hindi lang po dapat puro tanggap ang gawa ko, I also want to give back. Ibabalik ko lamang po ang saya at suportang ibinibigay rin nila sa akin."

Huminga ito nang malalim. "Napakabait mong bata, Caia. Kung pwede nga lang, gusto sana kitang makita ng apo ko at makilala nang personal. Kaso lang ay hindi naman maaari. Inirerespeto ko ang desisyon mong ilayo ang personal mong buhay sa pagsusulat, kaya kahit minsan, kahit na gustong-gusto ko nang sabihin at ipagmalaki na 'yung inaalagaan ko at 'yung hinahangaan niya ay iisa, talagang todo pigil na lang ako sa bibig ko upang huwag maibulalas ang mga iyon."

Hindi ko mapigilang pagmasdan ito habang nagkukuwento, halata kasi ang tuwa sa mukha nito.

Ako kaya? Kailan ko mararanasan na ikuwento ako ni Papa nang ganito? 'Yung may tuwa at pagmamalaki sa tinig nito patungkol sa akin? Sa mga gawa ko?

Kahit na kasi ayaw pa nito ay nangunguna pa rin ito sa mga taong inspirasyon ko at pinag-aalayan ng mga likha ko at tagumpay.

Binasa ko ang labi ko. "Ganito na lang po... I'll arrange a meeting for her. 'Yung kaming dalawa lang, palalabasin na lang po natin na nagpadala po kayo ng mensahe sa akin upang hilingin na magkaroon kami ng meet-up. Padalhan na lang po natin siya ng ticket paluwas dito at sagot ko na rin po ang lahat ng magiging expenses niya, tutal ay malapit naman na po ang birthday niya. 'Yun na lang po ang magsisilbing regalo niya galing sa inyo at sa akin," suhestiyon ko.

Bigla ako nitong niyakap. "S-Salamat talaga, Caia."

Tinapik-tapik ko nang magaan ang likod nito. "Ako po ang dapat na magpasalamat sa inyo, kahit na patago po ay sinusuportahan ninyo pa rin po ako. Iba man po ang paraan kung paano ninyo ako suportahan, still it really means a lot, Manang."

Kumalas din ito kapagkwan at bumalik na naman ang lungkot sa mukha. "Kung maaari lamang ay gusto ko sanang ipagsigawan at ipagmalaki kung gaano ka kagaling."

"Puro na lang po kayo puri sa akin," biro ko.

Pinagmasdan ako nito nang may pagsuyo. "Hindi ko akalain na ang simpleng pangarap mo noon ay dadalhin ka sa kasikatan. Kung hindi ko pa naiuwi ang mga libro na ibinigay mo sa akin noon ay hindi ko pa malalaman na sikat ka na pala talaga sa larangang gusto mong tahakin, na kahit nga ang apo ko na nasa malayong probinsya ay kilala ka bilang isang magaling na manunulat."

Masaya ako sa mga natatanggap kong papuri at pagtanggap pero bakit 'yung pagtanggap na gusto kong makuha sa ama ko mismo ay hindi ko pa rin makamit hanggang ngayon?

Ngumiti ako nang pilit. "Ako rin po, hindi ko rin akalain. Pero wala naman po ako ngayon dito kung hindi dahil sa suporta at pagmamahal na ibinibigay ng mga mambabasa ko sa mga kuwento ko. I owe them a lot. Kung hindi dahil sa kanila, malamang ay wala rin po ako rito," sinsero kong sabi.

"Gusto ko na lang tuloy na bawiin ang mga sinabi ko na sundin mo na lang ang Papa mo. Mas gusto kong sabihin talaga ay galingan mo pa lalo, sa nakikita ko kasi, kaya mong makapagpabago pa ng ibang mambabasa at miyembro ng kabataan na ang ilan ay naliligaw ng landas, katulad na lang sa apo ko. Nakakatuwa rin na kahit na hindi ka talaga kilala nang personal ng mga mambabasa mo ay kilala ka pa rin nila sa paraan na alam nila at malaki ang tiwala nila sa iyo na magtatagumpay ka pa."

Paano ko ba sasabihin dito na hirap na hirap akong gumawa ng kuwento na dati ay isang upuan ko lang ay nakakagawa ako ng kalahati o kaya ay isang buong chapter kapag hindi ako napapagalitan at nahuhuli ni Papa? Kapag gano'n kasi ay tuloy-tuloy talaga ang pagdaloy ng imahinasyon ko.

Pero ngayon? Wala. Mukhang kahit magbabad pa ako maghapon ay wala akong magagawa at mapapala sa utak ko na sadyang ayaw talagang makisama.

Basag na nga ang puso ko, tapos lalo pang nababasag sa kaalaman na kailangan ko na rin yatang tanggapin na hindi para sa akin ang pagsusulat, unti-unti... ayoko man ay nakukumbinsi ako at nagbabago ang dating paniniwala ko.

Dahil hindi ko ito masagot ay ngumiti na lamang ako.

Tumayo na ito kapagkwan kaya nasundan ko ito ng tingin.

"Si Timmy pala? Ba't hindi ko nakikita na nagpupunta rito?" pag-iiba nito sa usapan.

Unti-unti ay napalis ang ngiti ko at pumihit sa gawi ng mesa ko kung saan nakababa ang papel na balak kong sulatan, doon ko itinuon ang tingin ko at hindi tumugon.

Narinig ko ang yabag nito na tila papalayo sa puwesto ko kapagkwan, mukhang balak na yatang umalis at iwan akong mag-isang muli sa kuwarto.

Kumurap-kurap ako upang pigilan ang paghapdi ng mata ko.

Sana ay lumabas na ito ng tuluyan at huwag na akong usisain pa.

Ayokong makita ako nito sa hindi kanais-nais na estado.

"Papuntahin mo rito, tulungan niya kamo akong magluto," hiling nito dahil mahilig magluto ang mga ito pareho at magkasundong-magkasundo sa bagay na iyon.

Sa kasamaang palad ay hindi dininig ang hiling ko.

Lumunok ako dahil parang may nakabikig sa lalamunan ko bago sumagot. "H-Hindi po siya makakapunta."

Huminto ang yabag nito. "Abala bang masyado sa trabaho ang lalaking iyon?"

Pinahid ko kaagad ang luha na namuo sa mata ko, hindi na ako lumingon pa at umiling na lang upang hindi nito marinig ang boses ko kung sakaling mang pumalya at pumiyok iyon.

"E, bakit daw? Ano ba ang pinagkakaabalahan?" patuloy na tanong nito.

Kinagat ko ang labi ko, ngayon ko lang napagtanto na nanginginig pala iyon. Ikinurap ko nang maraming beses ang mata ko bago humugot nang malalim na hininga.

"B-Busy na po sa buhay niya," mahinang sagot ko upang hindi nito mahalata ang kung ano mang emosyon sa boses ko.

"Busy? Wala ng oras sa iyo? Aba't ang batang 'yon. Kailan naman daw ba siya makakadalaw at pupunta rito? Kakausapin ko iyan."

Nagsikip ang dibdib ko sa mga isipin, sa mga pagkakataon at mga araw pa na darating na hindi ko na makakasama pa ang taong pinag-uusapan namin. Hindi lang basta parte ng imahinasyon ko, kundi totoo na.

"Caia..." tawag nito sa pangalan ko nang hindi ako kumibo.

"H-Hindi na po siya magpupunta pa rito, Manang. O kahit ang dumalaw. Hindi na po. Hindi na po pwede," napipilitang tugon ko.

"Bakit naman? At bakit hindi na pwede? Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo. Ipaliwanag mo nga. Pinagbawalan mo ba?" naguguluhan na tanong nito.

I let out a sigh and smiled a little.

Kahit sa simpleng bagay na iyon ay ramdam ko pa rin ang kirot sa puso ko, parang 'yung mga nababasa ko lang at isinusulat sa mga kuwento.

Umiling ako. "Hindi po."

"E, bakit nga?" ulit na tanong nito.

Paano ko sasabihin ang totoo na hindi ito maaapektuhan? Na hindi ito madadamay sa lungkot na nadarama ko? Na hindi rin ito masasaktan?

Pumikit ako nang mariin.

"Caia, ano ba ang nangyayari? Bakit ayaw mong sumagot?"

Nanatiling tikom ang bibig ko.

"Caia... may kailangan ka bang sabihin sa a-akin? Ano ba ang nangyayari, anak?"

Nagbuga ulit ako ng hangin habang naghahanap ng lakas ng loob at tamang salita upang pagaanin kahit na papaano ang maaari nitong maramdaman.

Ramdam ko ang pamamawis ng kamay ko nang ikuyom ko iyon. Tumulo ang butil ng luha na kanina ko pa pinipigilan nang yumuko ako. Ikinurap-kurap ko ang mata ko pero sa bawat pagsara at bukas niyon ay may luhang tumutulo. Agad kong tinuyo ang mga basa sa pisngi ko at pinahid ang natitira pang luha sa mata ko.

"W-Wala na po kami, hiwalay na po kami," sa wakas ay pag-amin ko.