Caia's POV
"A-Ano?! Anong nangyari?! Ano ba ang pinagsasasabi mong bata ka?!" gulantang na tanong nito at agad na humangos na bumalik upang lapitan ako.
Hinawakan ako nito sa magkabilang balikat bago sinilip ang mukha ko.
I hold back my tears as I faced and turned to her to meet her gaze, I even faked a smile.
Gusto kong ipakita na maayos ako… na matatag ako. Ayokong mag-alala pa ito sa akin.
"M-Mahaba pong kuwento, e. But to make it short... ikinasal na po siya. Ikinasal na po siya roon sa babaeng i-ipinagkasundo sa kanya at gusto noong pamilya niya na makatuluyan niya," pilit na pinakaswal ang tono na sagot ko.
Gusto kong i-congratulate ang sarili ko dahil tuloy-tuloy na nasabi ko ang mga salita nang hindi ako napapiyok o napaiyak kahit na may nginig pa ang tinig ko.
Hindi nakakibo ang kaharap ko, shock ang hitsura nito dahil sa nalaman.
Nagulat na lamang ako noong walang pasabi ako nitong niyakap nang mahigpit. "A-Ano ka bang bata k-ka! Bakit hindi mo man lang sinabi sa akin? Kaya ba nagkukulong ka rito madalas nitong mga nakaraang araw?" tanong nito na parang maiiyak ang boses.
Naramdaman ko ang kirot sa dibdib ko. Unti-unti ay parang pinipiga ang puso ko.
Alam ko kasi na napalapit na rin nang husto si Manang kay Timmy dahil sa tagal ba naman naming nagkasama—una, bilang magkaibigan at pangalawa ay bilang magkasintahan.
Kaya nga kung tutuusin ay hindi ko na gusto pang ungkatin talaga ang paghihiwalay namin dito. Ayokong pati ito ay madamay at masaktan din, pero kailangan dahil alam kong kahit na ano pa ang gawin ko ay malalaman din naman nito ang bagay na iyon. Hindi man ngayon, ngunit sigurado sa hinaharap. Hindi ko maitatago rito ang katotohanan nang panghabang-buhay, hindi ako makakapagsinungaling at makakapagtahi ng kuwento o palusot palagi, mauubusan at mauubusan ako hanggang sa dumating ang araw na malaman na nito ang kinahinatnan namin. Ayoko nang patagalin pa at magsinungaling dito dahil lalo lamang itong masasaktan kung patuloy kong itatago rito ang nangyari.
"Kailan pa, C-Caia?"
Kinagat ko ang labi ko nang mariin.
Lumunok ako kapagkwan, sobra ang pagpipigil kong huwag tumulo ang luha ko kahit na sobrang sakit na rin ng lalamunan ko, pati na ng dibdib ko.
"Mag-iisang b-buwan na po."
Gumalaw ito at lumayo. Hindi nakaligtas sa akin nang pinunas nito ang luha sa pisngi.
"Ang tagal na! Hindi mo man lang s-sinabi! Dapat ay nasamahan man lang kita sa mga araw na nalulungkot ka," turan nito na ang tono ay pinapagalitan ako na parang isang ina.
Malawak akong ngumiti upang pagtakpan ang nararamdaman ko. "Ayos lang po iyon. Magiging maayos din ang lahat," tanging nasabi ko na lang at pagkumbinsi ko rito kahit na nga ang sarili ko mismo ay hindi kumbinsido sa binitiwan kong salita.
Mataman ako nitong tinignan, hindi ko naman inalis ang pagkakangiti ko upang ipakita na maayos lamang talaga ako.
"Magiging maayos din po ang l-lahat, huwag na po kayong mag-alala sa akin."
Umiling-iling ito bago ginagap ang kamay ko. "Alam ko kung gaano mo kamahal si Timmy, Caia. Saksi ako sa dami ng mga taon na pinagsamahan ninyong dalawa. Sinamahan ninyo ang isa't-isa sa lungkot at saya. Kaya alam ko na hindi madali kung ano man 'yang sakit na nadarama mo ngayong wala na siya sa buhay mo. Mahirap mag-adjust lalo pa at halos palagi kayong magkasama, tapos biglaan na ganito na magkahiwalay na kayo. Ako nga lang ay nahihirapan na. Kaya paano pa ikaw na mismong nasa sitwasyon? Alam kong hindi madali ang nararamdaman at pinagdadaanan mo ngayon."
Napalis ang ngiti ko at napayuko na lang ako.
"Pero isa lang ang mahihiling ko, magiging matatag ka sana. Kahit na hindi ka magsalita, alam kong nasasaktan ka ngayon. Puwede mong itago 'yan at kimkimin. Puwede mo kaming lokohin at hindi ipakita na hindi ka nasasaktan pero hindi mo maaaring dayain ang sarili mo... kung ano ang nararamdaman mo riyan sa puso mo at ang mga tumatakbo riyan sa mismong isip mo. Kailanman ay hindi kayang gawin iyon ng tao, Caia. Kayang dayain ng tao ang kapwa niya, ngunit kailanman ay hindi ang kanyang sarili."
Itinuon ko na lamang ang mata sa mga daliri ko, hindi ko kayang mag-angat ng tingin.
Para kasing may kamay na nakadaklot at pumipiga sa puso ko habang nakikinig sa mga sinasabi nito.
Ipinikit ko ang mata ko upang mapigilan ang pag-alpas ng luha roon dahil ramdam ko na ano mang oras ay may tutulo ng likido mula sa mata ko, sobrang hapdi na kasi ng mga iyon kakapigil ko kanina pa na huwag mapaiyak sa mismong harapan ni Manang, ayokong makita nito kung gaano ako kadurog.
"Alam kong malakas ka at matapang, nakita ko iyon mula pa bata ka. Pero sana tandaan mo na ang pag-iyak ay hindi naman kasing-kahulugan ng kahinaan. Umiyak ka kung gusto mo, kung nasasaktan ka. Hindi naman iyon masama. Sino bang tao ang hindi pa umiyak? Hindi mo naman iyon ikamamatay. Ilabas mo ang bigat at sakit diyan sa dibdib mo. Ilabas mo ang lahat ng sama ng loob na alam kong ipon na ipon diyan sa isip at puso mo dahil sa mga samo't-saring bagay at pangyayari sa maraming taon na nakalipas na, na alam kong nakapanakit sa iyo nang sobra ngunit kailanman ay hindi mo binigyan ang sarili mo ng pagkakataon at ng kalayaan upang lumuha. Umiyak ka, anak, makakatulong iyon upang gumaan ang nararamdaman mong bigat kahit na papaano. Maniwala ka sa akin, makakatulong iyon sa iyo," masuyong payo nito.
Inalis ko ang pagkakahawak nito sa akin at tinakpan nang dalawa kong kamay ang mukha ko, doon ay napahagulgol ako.
Humawak naman ito sa likod ko at hinagod-hagod iyon.
"Hindi mo kailangang itago sa akin kung ano man ang nararamdaman mo. Kakampi mo ako, Caia. Hindi ako kalaban at lalong hindi kita huhusgahan."
Alam ko naman iyon, pero ang hirap pa rin para sa akin na ipakita kung gaano ako kalugmok.
"Kapag kaya mo nang pag-usapan ay tawagin mo lamang ako. Handa akong makinig sa iyo. Hindi mo kailangang dalhin nang mag-isa iyang mabigat na dinadala mo, hindi mo kailangang kimkimin. Huwag mo sanang kalimutan na nandito ako pati na rin ang Papa mo."
Bumalot ang katahimikan at tanging ang paghagulgol ko na lamang ang maririnig sa buong kuwarto. Hinayaan ko nang bumuhos nang bumuhos ang mga luha ko.
"Hindi ko ito sasabihin sa Papa mo. Ikaw na ang bahalang magsabi sa kanya. Hindi kita pangungunahan. Sana lang ay sabihin mo rin sa kanya, kayo na lang ang totoong magkapamilya at magkadugo sa mundong ito. Ang gusto ko lang ay magkasundo na kayo, upang sa ganitong pagkakataon ay nagkakadamayan sana kayo."
Sumigok-sigok ako at halos hindi na makahinga sa emosyon.
Niyakap ako nito, ramdam ko ang init na nanggagaling sa katawan nito na nakakagaan sa nararamdaman ko, iba kasi ang pakiramdam, para kasing ina-assure ako nito sa pamamagitan ng yakap nito na hindi ako nag-iisa, ligtas ako at may kakampi.
Nang hindi na ako nakatiis ay yumakap din ako rito nang mahigpit. Umiyak ako nang umiyak sa balikat nito, parang bata na hindi mapatahan.
Tahimik lamang ito at matiyagang patuloy na hinahagod ang likod ko.
Hindi na ito nagsalita pa.
Pero kahit na wala naman itong sabihin pa ay sapat na sa akin ang presensiya nito, ang yakap nito at kaalaman na may kakampi pa pala akong puwede kong mapagsabihan ng mga nararamdaman ko at kaya akong damayan.
Hinayaan lamang ako nitong ilabas ang lahat ng sakit na nadarama ko.
Nang humupa na ang pag-iyak ko ay hindi kaagad ako gumalaw at umalis sa pagkakayakap kay Manang.
I still want to feel that I am not really alone... that there's still someone who is willing to be with me, willing to hear my sorrow, willing to share my pain and willing to take even a small part of the hurt that I am actually feeling right now.
For the first time, I want to be a burden.
"Umayos ba kahit na papaano ang nararamdaman mo?" pagbasag ni Manang Estela sa matagal na katahimikan na bumabalot sa amin.
Tumango-tango ako bago napagpasyahang humiwalay rito. Agad kong pinunas ang mga basa sa pisngi ko pero pinigilan ni Manang ang kamay ko at ito na ang mismong nagtuyo roon.
Napangiti ako nang unti-unti. "T-Thank you po, Manang Estela."
Umiling-iling lamang ito, halatang hindi masaya sa nakikitang estado ko, sa nangyayari at sa nalaman.
"May mga bagay na sinasabi ng iba na hindi raw meant to be. Maaari? Siguro? Gano'n talaga rito sa mundo. Maraming bagay na hindi natin kayang maipaliwanag kahit na pakiramdam natin ay iyon na talaga. Minsan kahit na sobrang sigurado pa tayo ay nagtatapos pa rin ang mga bagay na akala natin ay hindi magwawakas... 'yung inaakala natin na mananatili sa buhay natin hanggang sa huli. Pero sana tandaan mo na, hindi dahil natapos kayo ni Timmy o maaari nga na kasama kayo sa sinasabi ng iba na hindi meant to be... ay doon na matatapos ang lahat sa buhay mo, marami ka pang puwedeng gawin, Caia. At puwede ka pang magmahal muli. Hindi pa nga lang siguro sa ngayon dahil mahal mo pa siya, siya pa rin ang laman ng puso mo at nasasaktan ka pa. Pero sana ay tanggapin mo na ang katotohanan."
Kumurap-kurap ako.
"Minsan kasi 'yung inaakala natin na hindi meant to be, ay iyon mismo pala ang meant to be… meant to be na mangyari—meant to be na magkahiwalay kayong dalawa. Hindi nga siguro kayo meant to be ni Timmy na magkasama hanggang dulo dahil baka sa iba talaga kayo nakalaan, pero meant to be na mangyari ang mga nangyari na, maaaring daan iyon upang mahanap ninyo kung sino ba talaga ang nakatadhana para sa inyo."
Lumunok ako dahil hindi ako makahagilap ng sasabihin.
"Magpahinga ka. Ipahinga mo ang isip at katawan mo. Tawagin mo ako o lumabas ka kapag gusto mo nang kumain para maiinit ko ang pagkain mo. Huwag kang mahihiya na magsabi kung may kailangan ka at kung may iba ka bang gustong kainin o ipaluto," bilin nito at tinitigan ako nang may pag-aalala.
Ngumiti ako upang ipakita na maayos na ako. "S-Sige po," sagot ko.
Huminga ito nang malalim. "Paano, iiwan na muna kita upang makapagpahinga ka," bilin nitong muli.
"Opo," sagot ko.
"Sige, lalabas na ako," paalam nito at tinalikuran na ako.
Nasundan ko na lamang ito ng tingin hanggang sa sumarado ang pinto at mapag-isa akong muli sa loob ng kwarto.
Alam ko at ramdam kong katulad ko ay disappointed din ito, pero anong magagawa ko? Nangyari na ang nangyari, hindi ko na mababago at maibabalik pa.
Tumayo ako at pumunta sa kama upang mahiga.
Pumikit ako pero ilang minuto na ang lumipas ay hindi pa rin ako dinadalaw ng antok kahit na anong kumbinsi at pilit ko sa sarili ko na kailangan kong matulog upang maipahinga ang isip ko kahit na papaano ay wala pa rin, ayaw makisama ng katawan at utak ko na hindi matahimik.
Nang hindi na ako nakatiis pa ay huminga ako nang malalim bago bumangon upang maupo at sumandal sa headboard ng kama.
Nakakabingi ang katahimikan at lalo lamang ayaw tumigil ng utak ko sa kakaisip ng kung ano-ano. Ang dami rin kasing nangyayari na bumabagabag sa akin nang sobra at parang sasabog na ako. Kung sana lang ay katulad ng dati na kapag may pinagdadaanan ako ay kaya kong idaan iyon sa pagsusulat, pero iba kasi ngayon. Hindi ko magawa. At kahit isulat ko man ay alam kong hindi sasapat ang mga salita sa mga nararamdaman ko upang ilarawan ang mga iyon.
Inilibot ko ang mata ko sa loob ng silid ko, nahagip ng paningin ko ang telepono ko na nakababa lang sa bedside table.
Inabot ko iyon at napangiti ako nang mapait noong mapagtanto na hindi ko pa pala napapalitan ang wallpaper na bumungad sa paningin ko noong buksan ko iyon—ang litrato namin ni Timmy kung saan ay magkadikit ang pisngi naming dalawa habang nakatingin nang diretso at nakangiti nang malawak sa camera.
Kung dati ay may sayang dala sa akin kapag tinitignan ko lang ang partikular na larawan, ngayon ay ibang pakiramdam na ang kaya niyon na ipadama sa akin.
Tumulo ang luha sa isang mata ko, ngunit bago pa man sumunod ang nagbabadyang luha sa kabila ay pinahid ko na agad iyon upang mapigilan ang tuloy-tuloy na pagpatak.
Kinagat ko nang mariin ang labi ko na nanginginig bago nagpunta sa gallery ng cellphone ko kung saan naroon ang mas marami pang larawan na nagpapatunay ng masaya naming pinagsamahan, ngunit ngayon ay lungkot at sakit na lamang ang kayang idulot sa akin.
Parang pelikula na nagpe-playback sa isipan ko ang lahat, 'yung pinagsamahan at pinagsaluhan naming pagmamahalan, na sa isang iglap ay kailangan nang tuldukan at wakasan.
Ikinuyom ko ang kamao ko habang tinitignan ang bawat mukha naming dalawa na may bakas nang labis na saya pareho.
Hindi ko mapigilan ang masaktan habang tumatagal na nakatitig ako roon.
Kalaunan dahil hindi ko na kaya pang isa-isahing tignan ang mga litrato na nagpapaalala sa akin na hanggang alaala na lang ang mayroon kami ay sunod-sunod na pinindot ko ang bawat folder upang markahan ang mga iyon, malaki man ang panghihinayang ay pinindot ko ang delete button upang burahin na ang lahat ng parte ng masaya naming nakaraan na hindi na maaari pang madugtungan, dahil tapos na ang kabanata ko sa kuwento nito at ang bagong simula naman ay hindi na ako maaari pang sumali, emeksena at umasa, dahil ang buhay, atensiyon at pagmamahal nito ngayon ay hindi na dapat pang iukol sa akin o sa iba, kundi sa tanging babae na gusto ng pamilya nito para rito, na siya namang pinakasalan nito.
Nang matapos ako ay ibinaba ko na ang telepono sa tabi ko bago sumagap ng hangin, hindi ko alam kung sa pag-iisip o sa pag-iyak pero ramdam ng katawan ko ang labis na pagod kaya umayos ako ng sandal sa headboard ng kama bago pumikit.
Maybe, this is it. Kailangan ko nang unti-unting bumitaw. I should start living my own life without him, just as how he should live his life now without me.
Kanya-kanya na kami. Pero ang unfair lang kung tutuusin dahil uumpisahan nito ang buhay nito nang may kasama, while me? Mag-uumpisa nang mag-isa o… mas tama yatang sabihin na babalik na naman ako sa pag-iisa?