Caia's POV
I shut my world down.
Literal na naging tambay ako sa bahay, kung dati ay laman na talaga ako ng bahay ay mas lumala pa iyon ngayon, dahil sa hindi na ako naglalalabas ng kuwarto ko, puwera na lang kapag kakain o may kailangan akong kuhanin na bagay sa labas na wala sa silid ko.
Wala akong ganang maggagalaw o gumawa ng kahit na ano, hindi ko rin magawang libangin ang isip ko na pagod na pagod na sa kakaisip.
Ang sabi ko, I should start living my life now without him… pero nasaan ako? Stuck pa rin sa pag-cope up sa relasyon namin ni Timmy na tapos na talaga.
Hindi ako makapagsimula at hindi makausad.
Gumalaw ako makaraan ang mahabang sandali habang nakapikit pa rin, dahil hindi ko talaga mapilit ang sarili ko na makatulog ay dumilat na ako at tumagilid ng higa, nang napaharap ako sa bedside table ay nakuha kaagad ang atensyon ko ng telepono ko na ilang araw nang tahimik dahil sinadya kong panatilihing naka-off.
Lumunok ako nang maalala ko ang ginawa ko noong huli ko iyon na hinawakan, binura ko kasi ang lahat ng bakas ng tungkol sa amin ni Timmy, block din ang inabot sa akin ng personal na numero nito na naka-save sa telepono ko pati na ang iba pang maaaring paraan gamit ang social media upang magkaroon kami ng koneksyon at komunikasyon ay pinutol ko na.
Iyon naman kasi ang tama at nararapat. Maaaring childish iyon sa paningin ng iba ngunit iyon ang alam kong paraan upang makabitaw na nang tuluyan.
Nang hindi na ako nagkasya sa pagtingin lang sa telepono ay gumalaw na ako upang damputin iyon at naupo.
Lumipas ang ilang sandali na nakatitig lamang ako sa gadget bago napagpasyahang buksan iyon.
Hinintay kong matapos ang paglo-loading hanggang sa bumungad sa akin ang bagong wallpaper na inilagay ko roon—isang butterfly na nakadapo sa kulay berdeng dahon na may dewdrops at may hamog-hamog pa sa pinaka-background.
Nakakakalma at ang sarap sana sa matang pagmasdan.
Ngunit hindi ko mapigilang manibago sa nakikita ng mga mata ko kaya kaagad na ini-slide ko ang screen at tumuon naman ang paningin ko sa pinakapaborito kong application noon sa lahat na sa tuwing gagamitin ko ang telepono ko ay iyon kaagad ang unang pinupuntahan at binibisita ko.
Makaraan ang ilang sandali na pagdadalawang-isip ay napagpasyahan kong buksan ang naturang writing application at kaagad na tumuloy ako sa mga kuwentong ginagawa ko.
Binasa ko ang isa sa dalawang on-going na kuwento na naroon, tapos ko na ang naturang istorya na isulat pero hindi ko pa rin ipina-publish online ang mga susunod na kabanata na nakatengga lang sa draft dahil sa hindi pa rin ako kuntento sa mga inilagay ko roon, pakiramdam ko kasi ay may kulang talaga.
Umayos ako ng upo noong tumuon ang mata ko sa eksenang ginawa ko dahil naroon ang karakter na pinakaborito ko sa lahat. Hindi ito ang bida roon, kundi second lead lamang. Wala pa talaga itong kapareha pero balak ko sanang gawan ito ng sarili nitong kuwento, dati. Mayroon naman na akong nasimulan na isulat sa istorya nito, hindi ko pa nga lang talaga maasikasong dugtungan ang kuwento mismo nito noon at hindi ko alam kung matatapos ko pa bang maisulat ang kuwento nito o madudugtungan gayong nasa ganito akong estado. Sa paglipas kasi ng mga araw ay lalo lang akong nalulubog sa kawalan ng pag-asa. Pero kung tuluyan na akong bibitaw at iiwan na talaga ang pagsusulat, ang ibig sabihin lang niyon ay habang-buhay nang hindi mailalahad ang istorya nito, maiiwan sa ere at katulad ko ay mag-iisa rin ito.
Nalungkot akong bigla at naawa sa partikular na karakter na iyon.
I wanted to give him a happy ending, pero paano? Paano ang gagawin ko gayong hindi ako makaisip at makasulat nang matino para madugtungan na ang kuwento nito?
Hindi ko mapigilang ma-frustrate at mainis na naman sa sarili ko, kung sino pa kasi 'yung pinakapaborito kong karakter ay ito pa talaga ang hindi ko nagawan ng kuwento.
Napabuga ako ng hangin at namroblema.
Katulad ko kasi ay madrama rin ang buhay ng karakter na iyon at katulad ko rin ay alam kong nasasaktan din ito ngayon, lalo pa nga at nagparaya na ito.
Kung posible lang sana na ako na lang mismo ang pumasok sa kuwento, dadamayan ko talaga ito at pasasayahin, bukod kasi sa malapit ito sa puso ko at ito ang paborito ko sa lahat ng karakter ko ay naiiba talaga ito sa lahat.
Hindi ko mapigilang isipin na kung totoong nilalang lang sana ito, gagawin ko talaga ang lahat upang magkakasundo kami at maging magkaibigan.
Sa totoo lang, ang mga karakter sa kwento ko ay halos hango kay Timmy, pero ito? Hindi. Ibang-iba. Kabaligtaran ni Timmy ang lahat ng kilos at galaw nito pati ang ugali.
May pagka-rude ito, mainitin ang ulo, bossy at mayabang, pero kahit na gano'n ay marami pa rin ang nagre-request noon pa man sa akin na gawan ko raw ito ng sarili nitong kwento at humihiling na sana ay mapili ang pangalan ng mga ito upang makapareha ito kahit na sa libro lamang.
Alam ko na may nakita ang readers ko rito higit pa sa taglay na kagaspangan ng pag-uugali nito na sadya kong ipinakita sa mga mambabasa sa pagkakaroon nito ng bahagi sa kuwento ng dating kaibigan nito at ng babaeng gusto nito. At lalong alam ko na may magandang loob at malambot na puso rin na itinatago ito sa kabila ng lahat.
Oo, alam ko. Alam na alam ko, kilalang-kilala ko ito dahil ako mismo ang nakaisip at nagdisenyo sa lahat-lahat dito. Sa pagkatao nito. Sa kabuuan nito.
Huminga ako nang malalim.
Kahit na ramdam ko ang pagkabalisa ay ibinaling ko na lamang ang atensiyon ko sa pagtingin sa iba't-ibang kwento na natapos ko nang maisulat. Kung tutuusin ay nakakainggit ang mga karakter na nagawan ko na at natapos ko na ang kuwento na nagkaroon nang kanya-kanyang happy ending.
Hindi ko mapigilang mapatawa nang pagak.
Ako kaya? Kailan ko naman kaya matatagpuan ang happy ending na nakatakda para sa akin?
Sa totoo lang, nakakainggit kasing isipin iyon.
Nang lumaon ay tinanaw ko ang ballpen at papel na naiwang nakatengga sa working table ko.
Kung sana lang ay kaya kong baguhin ang sarili kong kuwento sa pamamagitan ng mga iyon katulad na lamang sa mga istorya na nagawa ko, na tinapos ko sa paraan na gusto ko, sa daan na gusto kong tahakin ng mga karakter ko.
Kung pwede lang sana ang ganoon, ang kaso ay hindi.
Dahil ang totoo ay hindi niyon kayang baguhin ang takbo ng buhay ko at ang isa pang masaklap na katotohanan ay hindi ko na iyon magagamit pa upang ilahad ang kuwento ng paborito kong karakter.
Patuloy lamang ako sa pagtingin at hindi ko sinubukang lapitan o hawakan ang mga papel at ballpen na parang nagmamakaawa sa akin na gamitin kong muli upang sumulat ng mga salita at bumuo ng kuwento.
Lumunok ako at pumikit nang mariin.
Gustuhin ko man ay hindi ko na kaya, sinubukan ko na, ilang beses pero wala talaga akong maisulat, wala akong napala kundi frustration at disappointment patungkol sa sarili ko.
Humapdi ang mata ko at napailing-iling.
D*mn. Is this really the sign?
Kailangan ko na ba talagang sundin ang nais ni Papa? Kailangan ko na bang tanggapin ang mga sinabi nito sa akin? Na talo ako sa laban na pilit kong gustong ipanalo noon pa man pero ngayon ay uuwi akong luhaan dahil talunan ako sa laban?
All along ay tila ba mali ako at ito ang tama... na sinayang ko lamang ang mahabang oras at panahon na ginugol ko sa paglikha ng mga akda ko dahil halos doon na lamang umikot ang buhay ko pero sa huli ay isusuko ko rin pala.
Sobrang disappointed ako sa mga pangyayari, pero mas disappointed ako sa sarili ko dahil sa haba ng panahon na nakikipaglaban ako ay babagsak pa rin pala ako sa huli sa pinakaayokong desisyon sa lahat—ang bitawan at sukuan na ang pagsusulat.
I closed my eyes and I took a deep breath.
Makalipas ang ilang sandali ay muli kong iminulat ang mata ko.
Binuksan ko ang messenger at pinuntahan ko kaagad ang gc namin kasama ang mga admin ko na makukulit at talaga namang maaasahan. Nag-back read ako. Binasa ko ang palitan ng mga mensahe, ang pinakahuli ay masaya pa ang lahat dahil sa katatapos lamang na book signing noong nakaraan at ang nalalapit na naman muling book signing.
Kinagat ko ang labi ko nang mabasa sa mga palitan ng mensahe ang excitement ng mga ito sa naka-schedule at nakatakdang araw na iyon, umaasa kasi ang mga ito na muli akong makikita at makaka-bonding kahit na saglit lang.
Hindi ko man gusto ko ay nasasaktan ako.
Ayoko man kasi ay napalapit na rin ako sa mga ito, kahit na pinigilan ko pa at sinabihan ko ang mga ito na idistansiya rin ang mga sarili sa akin ay sinuway pa rin ako ng mga ito. Kahit na sinabihan ko na ang mga ito na walang kasiguraduhan ang pananatili ko sa mundong kami-kami lamang ang nagkakaintindihan.
Kaya isipin pa lang na iiwan ko rin ang mga ito pati na rin ang iba pang readers ko ay sumisikip na ang dibdib ko.
Naikuyom ko ang kamao ko nang naalala ko rin ang apo ni Manang Estela.
Nakapangako nga pala ako rito, pero nakapagdesisyon na ako.
Kahit na titigilan ko na talaga ang pagsusulat, I would still fulfill my promise to Manang Estela and meet her granddaughter soon.
Kung mangyayari ang balak ko, iyon ang una at huling beses na mararanasan ko na makipag-meet sa isang reader na kaming dalawa lang at hindi rin sa venue ng book signing.
I would really make it special and memorable for both of us, she as an avid and precious reader and me, as a grateful writer who will be signing off soon.
But for now, ang kailangan ko munang isipin ay kung paano ba ako magpapaalam sa iba pang mambabasa na hindi ko man personal na kilala at hindi rin ako personal talagang kilala ay naging malaking bahagi ng buhay ko sa nakalipas na mga taon, ang mga ito ang nakasama ko at sumuporta sa akin, kaya alam kong malulungkot kahit na papaano sa naging desisyon ko ang ilan sa mga ito.
Pero paano nga ba ang magpaalam?
Inihilamos ko ang kamay ko sa mukha ko.
Alam kong darating 'yung araw na ito dahil ako pa nga mismo ang nagsasabi palagi na walang kasiguraduhan ang pananatili ko sa larangang ito.
Pero heto ako ngayon, hindi alam kung paano ba magsisimulang magpaalam.
Inihanda ko na noon pa ang sarili ko.
But I never really thought that saying goodbye would be this hard and tough.
Ang hirap-hirap pala lalo na kapag aktuwal na.