Chereads / Escape From Reality (Tagalog) / Chapter 5 - Chapter 5

Chapter 5 - Chapter 5

Caia's POV

Lalong nadagdagan ang kirot sa dibdib ko.

"K-Kasama ba ako ro'n?" matapang at diretsahan na tanong ko.

Mabilis itong umiling. "Hindi, Caia. Kailanman ay hindi. Ikaw ang nag-iisang desisyon ko sa buhay ko na naging masaya ako. Ikaw ang nag-iisang tama sa buhay ko noon."

Noon.

Gusto kong mapatawa nang pagak.

"How about now? Nagbago na ba? Pinagsisisihan mo ba na minahal mo ako? M-Mali ba na minahal mo ako? Anong mali sa akin?" hindi ko napigilang itanong.

D*mn it.

Napanood ko na at nabasa ko na ang mga ganito sa palabas sa telebisyon, sa mga eksena sa aklat, pati na sa mga librong aking naisulat. At sa totoo lang ay ito 'yung parte sa mga kuwento na bukod sa masakit na sa puso ay nakaka-depress naman talaga ang mga eksena at linyahan.

Hindi ko kailanman inasam na darating kami sa puntong ito at mararanasan ko ang mga nabasa, naisulat at mga napanuod ko. Hindi ko talaga pinangarap.

Sa totoo lang, hindi naman madaling isulat at basahin ang mga ganitong eksena sa kuwento, maaapektuhan ka in some ways base na rin sa experience ko sa pagiging manunulat ko, dahil nasasaktan din ako kapag nasasaktan ang mga karakter ko, pero bakit iba pa rin ang pakiramdam kapag actual situation na? Iba pa rin ang sakit kapag totoo na at sa mismong buhay mo na nangyayari? 

"Walang mali sa iyo, Caia. Huwag mong isipin 'yon. Sa pagitan nating dalawa, ako ang may mali," pag-ako nito.

Huwag isipin? Paano? Paano nito iyon nasasabi sa akin?

At ito ang may mali?

T*ngina. Siguro nga, dahil sa aming dalawa ang pakiramdam ko ay ako ang pinakalugi sa nangyayaring ito sa amin.

"Don't ever think that way, Caia. Writer ka. Alam ko na nabasa mo na ang mga linyang sinasabi ko o baka nga napanuod mo na sa mga K-Drama na kinakatuwaan mo, pero iyon ang totoo. There's nothing wrong with you, Caia. Huwag mong maliitin ang sarili mo dahil lang sa nangyari sa atin."

Dumukdok ako sa mesa na parang tanga at pinahid ang luha ko na patuloy lang sa pag-agos.

F*ck. Nahihirapan akong huminga bukod sa nagbabara ang lalamunan ko ay naninikip ang dibdib ko sa sakit.

"Alam mo ba na iniisip ko na huwag na lang sanang magpakita sa iyo? 'Yung hindi na lang kita kausapin pa? Na mawala na lang ako nang biglaan? Kapag kasi gano'n, iniisip ko na maaaring magtanim ka ng galit sa akin. You'll think the worst of me and I think, mas makakabuti iyon sa iyo dahil mabilis na makakatayo ka sa pagkalugmok at tatayong muli. Babangon ka. Papatunayan mo ang sarili mo. Gano'n ka, e. Malakas ka, hindi ka katulad nung iniisip mo palagi sa sarili mo na mahina ka."

Sa halip na maiahon sa sakit na nadarama ko ng magagandang salita na binitawan nito ay kabaligtaran niyon ang nangyayari, dahil mas lalo lamang akong nilulubog ng mga iyon at ibinabaon.

Sinubukan kong sumagap ng hangin dahil halos hindi na ako makahinga sa pagpipigil na umalpas ang malakas na mga hikbi sa labi ko dahil sa hindi mapigilang pag-iyak habang nakikinig dito.

"Pero nagbago ang isip ko, na-realize ko kasi na deserve mong malaman ang lahat ng ito, Caia. Deserve mo ang lahat ng explanation. At ayoko ring mag-iwan ng maraming tanong sa isipan mo kung bakit nagkaganito ang lahat, ayokong isipin mo na hindi ka deserving na mahalin, ayokong kuwestiyunin mo kung ano ang mali o kulang sa iyo. Dahil ang totoo ay wala, Caia. Walang mali at kulang sa iyo."

Gusto kong magsalita pero sobra-sobra ang sakit na lumalamon sa sistema ko.

"I'm a jerk. Katulad din ako ng iba. Alam ko na marami akong naipangako sa iyo, a-akala ko kasi kaya kong tuparin ang lahat ng iyon, e. Akala ko matutupad natin nang magkasama ang lahat ng pangarap natin, pati na ang pagbuo ng pamilya at pagtanda nang magkasama. Pero hindi pala. I'm sorry. I'm sorry kung hindi ko na kaya pang tuparin ang lahat-lahat ng mga pangakong binitawan ko. I'm sorry k-kung tinanggalan ko mismo ang sarili ko ng karapatan na pangitiin, pasayahin at patawanin ka, I'm sorry kung hindi na kita mayayakap kapag malungkot ka, kung hindi ko na mapupunasan ang luha mo kapag umiiyak ka, kung hindi na kita masasamahan sa mga lugar na pangarap at gustong-gusto nating mapuntahan, I'm sorry... kung hindi na kita masasamahan sa pagtanda. I'm sorry kung hanggang dito na lang tayong dalawa."

Hanggang dito na lang ba talaga?

Is this really the end of us?

Sinukuan na ba talaga ako nung isa sa iilang tao na akala ko ay mananatili at magtatagal sa buhay ko?

'Yung unang tao na nagparamdam sa akin kung gaano ba ako kaespesyal, 'yung tao na kaya akong unawain, 'yung nagpapaniwala sa akin na hindi ako mag-iisa, na may makikinig sa bawat sentimyento ko, 'yung tao na sa bawat laban ko sa buhay ay naging kasama at karamay ko simula noong nakilala ko ito noong fourth year high school pa lang ako at nasa kolehiyo naman ito, higit sa lahat 'yung tao na unang nagtiwala at naniwala sa kakayahan ko, na kaya ko at puwede kong abutin ang pangarap ko.

Paano na ako? Paano na ang gagawin ko gayong mukhang hindi lang ang pagsusulat ang kailangan kong isuko? Bakit naman pati ito? Bakit ito pa? Kung sino pa ang sandalan ko sa lahat.

Pitong taon na mahigit o halos magwawalong taon na kaming magkasama. Pero sa halos magwawalong taon na iyon, 'yung huling isang taon doon ang pinakamasayang naging bahagi ng buhay ko dahil pagkatapos ng halos pitong taon na itinakbo ng pagkakaibigan namin ay natagpuan namin ang isa't-isa na higit pa pala roon ang nais namin pareho.

Isang taon lamang kaming naging magkasintahan… pero bakit ang pakiramdam ko ay ang ikling masyado? Bakit hindi man lang umabot ng dalawa o kaya ay tatlong taon man lang? Bakit isang taon lang? Bakit ang saklap? Bakit parang masyadong malupit ang mga pangyayari sa akin?

Napaka-unfair naman, ang dami pa naming pangarap at plano sa buhay na gusto naming parehong tuparin nang magkasama pero nalusaw ang lahat ng iyon sa isang iglap.

Alam ko naman na may posibilidad na mangyari ang ganito sa amin pero hindi ko inakala na ganito kabilis. Hindi ko kailanman naisip na sa maikling panahon ko lang matitikman ang saya at pagmamahal sa piling nito. Umasa kasi ako kahit na papaano na 'yung buhay ko ay katulad din sa mga isinusulat kong nobela, madrama nga pero magkakaroon pa rin ng happy ending—na kaya ko ring bigyan ng magandang ending ang kuwento naming dalawa, 'yung kami ang magiging end game nang isa't-isa.

Akala ko posible… naniwala ako, pero akala ko lang pala.

Hindi ko rin akalain na sa mismong panahon na kailangan na kailangan ko ito ay saka pa ito mawawala rin sa akin. Kung kailan kailangan ko ang suporta at encouraging words na nanggagaling dito upang palakasin ang loob ko. Sa halip, ang nanggaling dito ay ang mga salitang makapagpapasugat at makakapanakit pala sa akin ng husto—mga salitang dadagdag sa pagkalubog ko.

"You are my greatest adventure and my greatest journey. But this adventure and journey has to end. For the last time, I want you to know how much I love you, Caia. I really do."

So, this is really our end…

Lalong nanikip ang dibdib ko.

F*ck. Bakit pa nito iyon kailangang sabihin? Akala ba nito ay sasapat at kayang takpan ng mga salitang binitawan nito ang sakit na idinulot nito sa akin?

Nang hindi ko na makayanan pa ang pagtitiis sa sakit na bumabalot sa akin ay nag-angat na ako ng ulo at nagpunas ng basa sa pisngi ko bago mabilis ang kilos na isinuklob ko ang hood ng jacket kong suot at dinampot ang salamin ko na nakalapag sa ibabaw ng mesa. Walang paalam na tumayo ako at iniwan ito, mabilis na naglakad ako palabas.

Wala na akong pakielam kung isipin man nitong bastos ako, basta ang gusto ko lang ay makaalis sa lugar kung nasaan ito.

Natigil lamang ako sa paglalakad noong mapagtanto ko na umuulan pa rin pala.

Napamura ako sa isip ko.

Wala na bang mas mamalas pa sa akin at mas mamalas pa sa araw na ito?

P*tangina. Ang galing ko kasi, e. Sobra. Sinalo ko na kasi yata ang lahat ng malas… o baka naman hindi pa? Baka naman kulang pa ito? Baka hindi pa tapos ang mundo na pahirapan ako?

Kaya ko pa namang tanggapin, bakit hindi pa ibagsak lahat ngayon na hanggang sa hindi ko na makayanan pa? Para isang hirap na lang.

Ibinulsa ko sa jacket na suot ko ang salamin ko na hindi ko na namalayang hawak-hawak ko pa rin pala at nababasa na, makalipas ang ilang sandali ay napagpasyahan kong tumakbo at sinalubong ang mga patak ng ulan dahil kung hihintayin ko pang tumila ay mukhang matatagalan pa ang kailangan kong itigil sa lugar na ito, gayong gustong-gusto ko na ngang makaalis.

Wala na akong pakielam kung magkasakit man ako.

Ngunit natigil ako sa pagtakbo noong tila ba nag-iba ang lahat sa paligid ko. Biglang naging maaraw at hindi katulad na maulan kanina.

Kumunot ang noo ko sa pagtataka.

Pinunas ko ang luha ko na hindi ko namalayang humahalo sa tubig ulan kanina na pumatak sa mukha ko bago ko inilibot ang tingin sa paligid ko. Napapantastikuhan na ibinalik ko ang mata ko kapagkwan sa pinanggalingan kong cafe kanina, pero sa pagkagulat ko ay wala ito roon.

Nasaan 'yun?

Ikinurap-kurap ko ang mata ko at nang hindi makuntento ay kinusot ko pa ang mga iyon upang makasiguro sa nakikita ko.

Sh*t. Ano ba ang nangyari at nasaan ako? Nananaginip na naman ba ako?

Umawang ang labi ko sa huling naisip ko.

Kung gano'n… ang ibig bang sabihin niyon ay hindi totoo ang nangyari kanina—na kasal na si Timmy sa iba?

Ngunit natigil ang pag-iisip ko at nagulat na naman ako noong makarinig ako nang malakas na busina, nilingon ko ang pinanggagalingan ng ingay at nanlaki kaagad ang mata ko noong makita na paparating ang isang sasakyan sa mismong puwesto ko at noon ko lamang napagtanto na nasa gitna pala ako ng highway!

What the hell is really happening?

Mas lalo akong naguluhan.

Paano ako nakarating dito? At ano ba ang lugar na ito?

Nanigas ako at hindi na nakaalis pa sa kinatatayuan ko.

Apura pa rin ang pagbusina ng sasakyan pero parang timang na nakatingin lamang ako roon habang papaliit nang papaliit ang distansiya sa pagitan namin.

Pabangga na ito sa akin kaya pumikit na lang ako nang mariin.

Hinintay ko ang sakit na sanhi ng pagsalpok ng sasakyan sa katawan ko, ngunit ilang segundo na akong nakapikit at nakikiramdam ay wala pa rin naman akong nararamdaman at ang nakakataka pa ay nawala na ring bigla ang ingay ng busina.

Nang sinubukan kong magmulat ng mata ay wala na ang sasakyan, wala rin ako sa gitna ng highway at sa halip ang sumalubong sa akin ay ang malalaking patak ng ulan katulad kanina.