Caia's POV
Is there a timeline for a person to decide whether to move on or not? To let go of all those things that once made your life worth living and made you happy in ways you didn't know and never expected would end immediately or in an instant?
Mayroon ba? Kailan ba ang panahon na 'yon? Gusto kong malaman, kasi ramdam ko na pagod na talaga ako. Bugbog na bugbog na ang puso ko at isip.
Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan na mangyari ang lahat ng ito nang sunod-sunod at halos magkakasabay pa nga.
Sumandal ako sa upuan at tumingala, pinagmasdan ko ang malinis na kisame.
I badly wanted to erase this bitterness in my head and in my heart. I want to end this miserable state that I'm in. I'm fucked up. My life is miserable. Everything about me is a mess.
Hanggang kailan ko ba kailangang pagtiisan ang ganitong pakiramdam?
I feel so useless, I feel so dumb, I feel so ugly and I feel so worthless.
Ito ba 'yung pakiramdam na sinasabi madalas ng mga matatanda na parang pinagsukluban ng langit at lupa?
Halos lahat na yata kasi ng negatibong pakiramdam ay nasa akin na.
Napangiti ako nang mapait.
Kahit pa sinabi na sa akin ni Timmy ang mga dapat kong marinig para hindi ko maramdaman ang lahat ng emosyon na ito ay hindi ko pa rin mapigilan na mas paniwalaan ang mga sinasabi mismo sa akin ng isip ko para makaramdam ng ganito.
Words are words. Powerful in ways na hindi natin expected. Minsan kayang pabutihin ang nararamdaman natin pero madalas naman ay kaya nitong durugin nang pino ang pag-asa na mayroon tayo na akala natin ay matibay na at hindi madaling matibag.
Kung tutuusin ay hindi naman nakatulong ang mga sinabi ni Timmy sa akin. Hindi no'n naibsan 'yung sakit, hindi pinagaan 'yung bigat nitong nadarama ko at lalong hindi no'n nabura ang katotohanan na wala na kami, na iba na ang nagmamay-ari rito at iba na ang makakasama nitong tuparin ang lahat nung mga pangarap na matagal na naming inaasam. Iniwan na ako nito, nung nag-iisang tao na akala ko ay makakasama ko sa lahat ng bagay, pangmatagalan at hindi panandalian lamang.
Wala na ang kakampi ko. Back to basic, mag-iisa na naman ako.
Kaya kahit gustuhin ko mang magsalita o ilabas lahat nitong bigat na nasa dibdib ko ay wala, wala naman kasi akong pagsasabihan, wala ring magpapalakas ng loob ko, walang dadamay at higit sa lahat ay walang makikinig sa akin.
Hindi ko alam kung dahil sa pagiging introvert ko at pagiging straightforward minsan na magsalita pero wala akong naging kaibigan bukod dito kaya nga sa halos magwawalong taon na magkasama kami ay sobrang attach ako rito at halos nakadepende na ang buhay ko rito.
He is my confidant. Lahat ay sinasabi ko rito, mapaproblema pa 'yan o 'yung iilang pagkakataon na masayang bahagi ng buhay ko.
He's like my living diary. Sobra kasing open book ang kuwento ng buhay ko rito at naka-invest din dito pati na ang halos lahat ng emosyon ko at nararamdaman ko.
He is everything to me.
At akala ko ay gano'n din ako para rito. Hindi kasi nito ipinadama kahit kailan na mawawala ito sa akin, bagkus ay kabaligtaran no'n ang pinaniwalaan ko—na mananatili ito sa akin habang-buhay. Kahit na may pangamba ay umasa ako, naniwala at nagtiwala kasi ako na kami ang magkakasama hanggang sa huli at hindi ako nito iiwan.
Kahit na kasi sumpungin, moody at may pagkaprangka ako ay kayang-kaya ako nitong intindihin, pinagtitiisan ako nito at hindi ko ito naringgan kahit kailan ng reklamo.
Pero ngayon? Mukhang habang-buhay ko na talagang hindi maririnig ang reklamo nito.
Wala na. Wala na ito, e.
Kaya paano na ako? Ngayong wala na ito, kanino pa ako tatakbo? Kanino pa ako magsusumbong sa mga hinaing ko?
Huminga ako nang malalim.
I have no one but myself, again. I have to face my own battles alone now. I have to endure every pain and all my confusions on my own. I need to be strong and to muster all my strength to help myself, kasi kung hindi, sino ba ang gagawa no'n para sa akin? Wala na, 'di ba? Hindi pupuwedeng maging mahina ako dahil wala na akong aasahan. Wala na 'yung sandalan ko na laging nariyan para sa akin dahil iniwan na ako nito, kaya kailangan ko na ngayon na tumayo sa sarili kong paa at magpatuloy.
Alam ko namang totoo ang lahat ng ito, hindi parte ng panaginip, ilusyon o bangungot pero ayaw pa nga lang talagang tanggapin ng sistema ko ang mga nangyayari kahit na alam kong dapat at kailangan ko nang gawin iyon para makausad na ako.
I still don't know when, for now… ang gusto ko muna ay maipahinga ang buo kong pagkatao na pagal na pagal.
I am sure time will come that my whole being would accept wholeheartedly all of this sh*ts happening in my life now. Kailangan ko lang ng oras at panahon.
Inalis ko ang pagkakatingin sa kisame at muli kong ibinaling ang mata ko sa mga papel na nasa mesa.
Blangko pa rin iyon.
Kabaligtaran ng utak ko na punong-puno ng mga isipin.
Ironically, sa dami ng mga tumatakbo sa isip ko ay walang pumapasok sa isip ko upang makapagpatuloy na magsulat.
Halos isang oras na akong nakatanga lang pero wala pa rin akong matinong nasisimulan na isulat.
Nagkalat din ang ilang mga nilukot kong papel sa sahig na out of frustration ay basta ko na lang inihagis.
Maraming araw na ang nagdaan pero ganito pa rin ako at sa bawat araw na lumilipas ay parang lalo lamang lumalala at nalulubog ako sa kumunoy nang sari-saring emosyon na nadarama at mga isipin na patuloy na nilulunod ako.
I'm really fucked up.
Pumikit ako nang mariin.
Am I really losing it too? 'Yung tanging bagay na kaya kong gawin? 'Yung bagay na pakiramdam ko ay iyon lang ako may pakinabang? Na dati ay confident ako dahil pakiramdam ko ay rito lang ako magaling at may ibubuga?
Itinukod ko ang siko ko sa mesa at hinawakan ng magkabila kong kamay ang ulo ko habang nakatitig sa papel.
Pero kahit na ano pa ang gawin kong pilit sa imahinasyon ko na gumana ay hirap na hirap talaga akong lumikha ng mga eksena sa aking isipan.
I badly wanted to write, pero bakit ngayon pa ako tinamaan ng ganito, 'yung pinakaayaw at pinakaiiwasan na maranasan ng lahat ng manunulat—ang writer's block.
Gusto kong libangin sana ang isipan ko sa paggawa ng kuwento pero sa tuwina ay bigo ako dahil bukod sa wala akong maisip ay bumabalik pa rin ang takbo ng utak ko sa mga problema kong mga wala namang solusyon.
This is really frustrating and ironic.
'Yung dati kasing kaya akong sagipin sa kalungkutan at pag-iisa ay parang lalo lamang akong hinihila upang tuluyang lumubog sa kumunoy ngayon ng kawalan ng gana at pagsuko.
Bukod kasi kay Timmy ay sa pagsusulat ko lang kayang i-express ang nararamdaman at iniisip ko.
Writing helps me escape and breathe, lalo na kapag parang nasu-suffocate na ako sa mga nangyayari sa paligid at sa buhay ko mismo.
I really do love writing, but why does it seem that it is slipping away from my grasp too?
"What am I going to do with my life now?" desperadong tanong ko sa sarili.
Huminga ako nang malalim bago umayos ng upo noong makarinig nang mahinang mga katok.
"Pwede bang pumasok, hija?" ani noong tinig mula sa labas.
Inayos ko ang sarili ko bago tumayo at pinulot muna ang mga lukot na papel na nagkalat sa sahig pati na sa mismong mesa ko at doon na lamang muna pinagsama-sama ang mga basura.
"Opo, Manang Estela, saglit lang po," sagot ko.
Nang maisinop ko na ang mga basura at ilang gamit ko sa pagsusulat ay nagtungo na ako sa pinto at binuksan iyon, bumungad sa akin ang taong inaasahan kong makita.
Pilit na binigyan ko ito ng ngiti bago ito tinalikuran upang bumalik sa kinauupuan ko kanina at sa harap ng mesa na napakarami kong itinambak na lukot na papel.
Narinig ko ang pagsarado at pag-lock nito ng pinto, bago ang pagbuga nito ng hangin kalaunan, ngunit hindi na ako lumingon pa sa gawi nito.
"Nagsusulat ka na naman pala kaya parang hindi mo namamalayan ang oras, hindi ka nakakaramdam ng gutom at hindi naglalalabas," pagpuna nito.
Pagsusulat pa nga ba itong matatawag kung nananatiling blangko ang papel sa harapan ko kahit na oras na ang lumipas?
Hays. Kung alam lamang nito na wala pa talaga akong naisusulat.
Humarap ako rito at ngumiti na lamang. Dinampot ko ang mga basura bago tumayo akong muli bitbit ang mga papel at itinapon iyon sa trash can na malapit lang sa mesa ko.
"Mapapagalitan ka na naman no'ng Papa mo kapag nakita at nalaman 'yang ginagawa mo," nag-aalalang sambit nito.
Nahaluan ng pait ang ngiti ko.
Matutuwa pa sana ako kung dahil sa nalilipasan ng gutom kaya ako napapagalitan, kaso hindi, e. Kundi dahil mismo sa pagsusulat ko kaya ako napapagalitan at kaya kami nag-aaway ni Papa.
Wala namang bago pa roon. Ang hindi ko lamang maintindihan ay kung bakit tutol na tutol ito noon pa man sa pagsusulat ko. Kapag nagagalit ito sa akin ay para bang nakapatay ako ng tao o 'di kaya ay parang krimen na ang ginawa kong pagsusulat gayong sa totoo lang kung nalalaman lamang nito ay may mga tao rin akong napapasaya sa ginagawa ko bukod sa sarili ko.
Napailing na lang ako at hinila ang isang silya upang paupuin si Manang Estela na nanatiling nakatayo habang nakamasid sa akin.
"Hindi niya po malalaman. Hindi niyo naman po ako isusumbong, hindi ba?" nakatawa kong tanong.
Sa halip na maupo ay hinaplos nito ang buhok ko, bakas sa mata nito ang pag-aalala.
Sa ginawa nito ay bigla namang nag-init ang mata ko, kaya iniiwas ko nang mabilis ang tingin dito.
Lumunok ako at nakaramdam ng lungkot.
Naalala ko kasi si Mama.
Kung sana lang ay nandito pa ito. Siguro, may kakampi ako. Siguro, may susuporta sa mga gusto kong gawin. Siguro, may matutuwa at magiging proud sa akin.
Parang ang sarap maramdaman nung lahat nung naisip ko, pero alam ko naman na hindi ko na iyon mararanasan pa.
Wala na si Mama.
"Ikinalulungkot ko, ngunit kahit naman hindi ko sabihin at itago mo pang pilit ay malalaman pa rin iyon ng ama mo. Alam mo naman 'yon, may sariling paraan. Kaya nga nagulat ako noong biglang umuwi kahit na hindi naman schedule ng uwi niya, 'yun pala ay natuklasan na naman ang hindi mo pagtigil sa pagsusulat at pagre-resign mo sa trabaho."
Kumurap ako bago napangiti nang mapait.
Oo nga pala. Bakit ko ba iyon nakalimutan?
Tago ako nang tago upang hindi nito malaman pero sa tuwina ay lagi akong bigo, natutunton at nahuhuli pa rin ako nito.
Nakakatawang isipin sa totoo lang, para kaming naglalaro ng habul-habulan at tagu-taguan, pero hindi nakakatuwa at nakaka-enjoy ang laro na mayroon kami, dahil sakit at pagod lang ang pareho naming inaani.
Nanatili akong tahimik, kahit na ramdam ko na mataman na nakatingin sa akin si Manang Estela.
"Bakit hindi mo na lang kasi siya subukang sundin, upang magkasundo na kayo? Hindi 'yung palagi ka na lang na napapagalitan?" kapagkwan ay tanong nito sa akin.
Sundin?
Hindi ko naman ito masisisi kung masabi man nito iyon. Saksi kasi ito sa mga gulo na nangyayari sa bahay sa tuwina at sa mga pagkakataong iyon ay puro sigaw ng ama ko sa akin ang naririnig nito.
Ipinaling ko ang tingin ko sa malinis na papel na tanging iniwan ko sa mesa, nakapatong doon ang paborito kong ballpen na gamit ko noong nagsisimula pa lang akong abutin ang pangarap ko sa larangan ng pagsusulat.
Lumapit ako sa mesa at dinampot ang ballpen.
Sinamahan ako ng bagay na ito nang matagal-matagal ding panahon. Hindi naman ito mamahalin pero sapat na ang mga taon na naging kasama ko ito upang patuloy itong gamitin at hindi palitan. Sobra-sobra ang value nito para sa akin dahil sinamahan ako nito upang mapintahan ko ng mga salita ang isang blangkong papel upang simulan ang bawat kuwento na naiisip ko noon.
Huminga ako nang malalim.
Kapansin-pansin na paubos na kasi ang tinta ng ballpen na hawak ko at ngayon ko lang naalala na hindi pa pala ako nakakabili ng pang-refill.
Napangiti ako nang mapait nang may maisip.
Senyales na ba iyon na huwag na akong magpatuloy? Na itigil ko na?
Hindi ko mapigilan na isipin iyon.
Gustong-gusto na kasing bumitaw ng paniniwala ko pero hati ang puso, isip at katawan ko sa kung ano ba ang dapat kong gawin.
Mas lalo pang naguguluhan ang sistema ko dahil ayaw makisama ng sariling isip ko sa akin, parang pumapanig kay Papa dahil ayaw gumana ng imahinasyon ko.
Bakit tila pati ang sariling isip ko ay hindi sa akin kampi? Napakasaklap.
Mahina akong napabuga ng hangin.
Tama nga yata ang hinuha ni Papa na hindi talaga ako para sa pagsusulat at hindi para sa gawaing ito nakaukit ang buhay ko.
Kahit na ramdam ko na nawawalan na ako ng ganang magsulat, napakahirap pa rin para sa akin na sundin si Papa.
Hindi dahil sa gusto ko lang itong suwayin o nagpapakarebelde ako. Kundi dahil hindi talaga madaling gawin ang nais nito, hindi gano'n kadali na basta na lang talikuran at bitawan ang isang bagay na bukod sa gustong-gusto kong gawin, mahal ko, pangarap ko na hawak ko na at higit sa lahat ay kay tagal ko ring ipinaglalaban.
Masama nga siguro talaga akong anak, pero hindi ko mapigilang isipin sa sama ng loob ko na kahit na mahal ko ito at ama ko pa ito mismo ay wala pa rin itong karapatan upang diktahan ako sa dapat kong gawin. Sa halip kasi na ito ang nagbibigay sana sa akin ng encouraging words, sumusuporta at nakakaintindi sa akin ay puro kabaligtaran pa no'ng mga iyon ang natatanggap kong salita mula rito na lalo lamang nakakapagpahina ng loob ko, nakakapanakit sa damdamin ko at higit sa lahat ay mismong pumapatay sa pangarap ko.