Chereads / Escape From Reality (Tagalog) / Chapter 2 - Chapter 2

Chapter 2 - Chapter 2

Caia's POV

Nang makarating na ako sa venue ay kaagad na hinanap ng mata ko ang bulto ni Timmy, hindi nagtagal ay kaagad ko naman din itong namataan.

Ewan ko ba. Basta ito na ang usapan ay hindi nahihirapan ang mata ko na hanapin ito kahit pa nakahalo ito sa maraming tao.

Nangiti ako nang bahagya.

Nauna nga ito, katulad na noong sinabi nito.

Huminto muna ako at pinagmasdan ito mula rito sa kinatatayuan ko na ilang dipa ang layo rito. Nakaupo ito at nakatungo sa teleponong hawak.

Namulsa naman ako habang patuloy na tinititigan ito.

Naramdaman ko ang pag-vibrate ng telepono sa bulsa ko pero hindi ko iyon pinansin, hindi ko inalis ang mata rito hanggang sa itago nito ang sariling telepono sa bulsa at nag-angat ng tingin.

Sakto naman ay nagtama ang mata namin. Saktong-sakto dahil malayo man ako rito ay nasa line of vision ako nito na sinadya ko.

Kumurba agad ang ngiti sa labi nito.

Hindi ako gumalaw sa kinatatayuan ko at tumayo naman ito mula sa pagkakaupo papunta sa pwesto ko.

Nang makalapit ito ay ipinatong nito ang kamay sa ulo ko habang nakangiti na nakatunghay sa mukha ko. Parang gandang-ganda sa akin kahit na alam ko naman na ordinaryo lamang ang hitsura ko.

"Kanina ka pa?"

Umiling ito at inalis ang kamay sa ulo ko pagkatapos ay hinaplos ang ilalim ng mata ko. "Napuyat ka ba? Nagsulat ka kagabi pagkatapos nating mag-usap?"

Umiling ako at hinila ito papunta sa isang mahabang upuan, hindi pinansin ang sinabi nito pati na ang iba pang tao na maagang naroon sa venue.

Magsasalita sana ito pero inunahan ko na.

"Mamaya mo na ako sermonan. Ang gusto kong malaman ay kung ano ang napag-usapan n'yo ng parents mo?" usisa ko.

Nang mag-usap kasi kami kagabi over the phone ay pinipilit na naman ito ng pamilya nito na pakasalan ang babaeng magiging susi upang makabangon ang negosyo ng mga ito mula sa pagkalugi at pagkakabaon sa utang sa mga bangko.

Itinikom nito ang bibig kaya siniko ko ito upang magsalita.

"Ano na? Nagkasagutan at nagkaaway na naman kayo ng Daddy mo?" pangungulit ko.

Isa iyon sa pagkakatulad namin ng sitwasyon, kaya siguro magkasundo at nagkakaintindihan kami.

Huminga ito nang malalim na para bang kay bigat talaga ng dinadala. "Alam naman kasi nila ang gusto ko pero hindi nila ako kayang suportahan. Iba ang gusto kong gawin at ikaw ang gusto kong makasama, pero bakit hindi nila iyon matanggap at kayang respetuhin?"

Nangiti ako nang mapait.

Katulad na nung inaasahan ko ay mukhang hindi nga naging maganda ang pag-uusap ng mga ito, base sa sagot at reaksiyon nito na nakikita ko.

Umpisa pa lang noong aminin namin sa pamilya nito ang relasyon namin ay alam ko na agad na hindi boto ang mga ito sa akin, kung dati noong magkaibigan lang kami ay mainit ang pagtanggap ng mga ito sa akin ay kabaligtaran na ang nangyari noong nagpasya kami ni Timmy na dalhin sa ibang lebel ang kung ano mang namamagitan sa amin. Dati ay malapit ako sa mga ito at madalas ang pagtambay ko sa tahanan ng mga ito, pero dahil sa mga pagbabagong naganap ay hindi na ako sumasama pa kay Timmy at ito na lamang ang naging madalas ang pagpunta sa amin.

Sa simula pa lang din ay alam ko na rin na may ibang babae na gusto ang pamilya nito para rito, hindi naman iyon inilihim sa akin ni Timmy. Nasaktan ako siyempre, pero wala naman akong magagawa kung hindi tanggapin na lang at irespeto ang pananaw ng mga ito.

Though, ayaw ng pamilya nito sa akin, mas gusto ko pa rin na magkakasundo ang mga ito. Minsan nga, naiisip ko kapag nakikita kong nahihirapan at nasasaktan si Timmy, paano kaya kung pakawalan ko na ito?

"Kapag pumayag o sumang-ayon ako sa nais nila kahit verbally lang ay lalong lalakas ang loob ng mga iyon para gawin ang lahat ng gusto nila sa buhay ko. They will manipulate me and I'll be a living puppet."

Bigla akong nakonsensiya.

Kinagat ko ang labi ko at kumirot ang dibdib ko.

Kita ko kung gaano ito kadesidido na ipaglaban ang mayroon kami, pero ako? Bakit ko naiisip na pakawalan na lang ito nang gano'n na lang kadali?

"I won't let that happen, okay? At hindi rin nila tayo mapaghihiwalay," sambit nito bago hinawakan ang kamay ko nang mahigpit.

If he is this courageous enough to fight for our relationship, then I'll be tough enough to hold on to his promise. Hindi ko dapat ito isuko.

Masuyo ako nitong tinignan bago hinaplos ang gilid ng pisngi ko. "Balik tayo sa iyo, anong pinaggagawa mo kagabi? Hmm? Ba't namamaga yata ang eyebags mo? Ang tambok. Hindi ka nakatulog nang maayos?"

Sa halip na sumagot ay ngumiti ako rito.

Kahit na gustong-gusto ko ng ibahagi rito ang nangyayari sa akin at ang mga nararamdaman ko ay pinigilan ko ang sarili ko.

Pumalatak naman ito. "Nanuod ka pa ba ng kung ano-ano kagabi?" panghuhuli nito na nakakunot ang noo.

Ngumiti akong muli.

Hinayaan ko na lamang na isipin nito na tama ang hinala nito kaya ganito ang hitsura ko. Katulad ni Manang ay ayokong mag-alala rin ito sa akin. Marami rin itong alalahanin sa sarili, sa trabaho lalo na ang gusot sa pamilya nito. Ayoko ng dumagdag pa... ayokong dumagdag sa kapaguran nito, ayokong isang araw ay mapagod din ito kakaintindi sa akin, lalo na ang mapagod ito nang tuluyan mismo sa akin.

Ito na lamang at si Manang ang natitira na nakakaintindi at nagtitiis sa akin, hindi ko hahayaan na mapagod ang mga ito sa akin para iwan ako.

"Bawasan mo ang pagpupuyat. Baka magkasakit ka, namamayat ka rin," puna pa rin nito, katulad din nung napansin sa akin ni Manang.

"Okay," sang-ayon ko na lamang para mapanatag ito.

"Hindi kita binabawal na manuod ng mga K-Dramas, movies, magbasa o magsulat. Pero sana ay bawasan mo kahit papaano, ilaan mo naman ang ibang oras mo sa sarili mo, sa pamamahinga na kailangan ng katawan mo," seryosong payo nito.

"Masusunod po. Sorry na, huwag ka ng magalit. Hmm?" paglalambing ko at niyakap ang braso nito.

Bumuntung hininga ito. "Hindi ako galit. Nag-aalala ako," kontra nito.

Tiningala ko ito. "Then, huwag ka ng mag-alala."

"Basta ba susundin mo ang mga sinasabi ko, e."

Kumalas ako rito, nakita ko tuloy na seryoso pa rin ang mukha nito.

Hinawakan ko na lang ang kamay nito. "Susundin ko na po ang payo mo. Pero sa ngayon, tara na muna sa loob? Magpapalit pa kasi ako ng damit," pag-iiba ko sa usapan.

Bumuntung hininga itong muli at wala ng nagawa pa noong nakangiti ko itong hinila papasok.

Nakihalubilo kami sa mga reader na nag-aabang sa kanya-kanyang writer na iniidolo ng mga ito at agad na tinahak ang daan papunta sa kwarto na nakalaan sa mga manunulat na walang nakakapansin sa amin. Sinamantala namin ang pagkakataon na abala ang lahat upang makapasok doon.

Naabutan ko ang ilang kasamahan ko na naroon na at naghahanda. Dahil ilang beses ko naman ng nakita ang mga ito at nakasama ay kaagad na binati ako ng mga ito at tinukso dahil sa kasama ko si Timmy na super supportive raw na boyfriend.

Binati ko rin ang mga ito at nginitian na lamang sa mga panunukso ng mga ito bago nagtuloy para magpalit ng damit kong suot.

Pagbalik ko ay kanya-kanya pa ring kuwentuhan ang mga naroon.

Magulo ang mga ito sa totoo lang, hyper at mga friendly, kabaligtaran ko na most of the time ay may pagka-introvert. Pero kahit na maiingay at madadaldal ay natutuwa pa rin ako dahil sa kahit na alam ng mga ito ang totoong hitsura ko, alam ang totoo kong pagkatao at pangalan ay hindi pa naman kumakalat at lumalabas sa iba ang kahit na anong impormasyon tungkol sa akin.

Sa mundo ng pagsusulat, iilan lamang ang may alam tungkol sa totoo kong pagkatao—ilang writers at ang editor ko. Never pa akong nagpakita ng mukha sa mga mambabasa ko, hindi ko lang din inakala na magiging big deal iyon at maku-curious ang mga ito sa akin, ang ilan sa mga ito ay hindi talaga maiwasan at pinipilit na kalkalin ang mga personal na bagay para lamang malaman kung sino ba talaga ang manunulat sa likod ng penname na ginagamit ko at sa mga akda kong hindi ko inakalang papatok sa panlasa ng mga ito.

Nananatiling sikreto ang lahat kahit na may alam ang mga kasamahan ko, kahit pa alam ng mga ito ang pagkatao ko sa likod ng mask at puting hoodie jacket na palagi kong suot kapag may book signing at sa gamit kong profile picture sa dummy accout na ginawa at ginagamit ko sa social media upang makipag-communicate kahit na papaano at makipag-interact sa mga mambabasa na sumusuporta sa akin.

Nirespeto ng mga kasamahan ko ang kagustuhan kong ilayo ang pribado kong buhay sa pagsusulat. Ipinaunawa ko naman kasi una pa lang na hindi lang iyon ang dahilan ko, kundi may mas mabigat pa.. ang ama ko na kailanman at simula pa umpisa ay tutol na sa pagmamahal ko sa pagsulat. Dito ko talaga gustong itago ang pagpapatuloy ko sa pagsulat at hindi sa mga mambabasa. Napilitan na nagbago pa nga ako ng penname na gamit upang hindi nito malaman ang ginagawa ko.

Pagkatapos kong palitan ang suot kong damit kanina ay kaagad kong hinanap sa bag ang iba pang mga dapat kong isuot bago lumabas, ang white hoodie jacket at ang mask ko.

Hindi naman nagtagal ay isa-isa na ring tinawag ang mga penname na gamit ng mga kasamahan ko at isa-isa na ring nagsilabasan ang mga ito upang humarap sa mga naghihintay na taga hanga ng mga ito.

Nilingon ko si Timmy noong humigpit ang kapit nito sa kamay ko.

"Congratulations in advance, my lovely and my forever favorite author. Kahit pa hindi magustuhan ng iba ang nilalaman ng akda mo, tandaan mo na babasahin ko pa rin isa-isa ang mga iyon. Kahit pa hindi suportahan o mawala man ang mga taga suporta mo sa pagsusulat, tandaan mo na nandito ako. Na susuportahan pa rin kita, mananatili ako sa tabi mo kahit na ano pa man ang gusto mong gawin, okay?" masuyong sabi nito.

Hindi ko kailangang umasa sa pangako nito, hindi kasi ito katulad ng iba na binabali ang mga sinasabi at magaling lang sa salita.

Napapikit ako noong magaan na hinalikan nito ang noo ko.

"I will always remember that, my forever number one reader," mahinang tugon ko habang ninanamnam ang masarap na pakiramdam na kaya nitong ipadama sa akin.

He stared at me with so much intensity. "I love you."

"I love you too."

Napangiti ito sa agaran kong pagsagot.

"Okay, for our next author in this event... handa na ba kayo? Nandito rin siyempre ang isa pa sa mga baguhan nating manunulat na hindi na nakakataka kung bakit ang bilis sumikat at umangat ng kanyang mga librong isinulat dahil sa kakaibang style at plot. Kung kayo ay abang na abang na, hindi lang sa kanyang mga istorya, kundi pati na rin na ilabas na n'ya ang kanyang mukha... puwes, hindi lang kayo ang excited at umaasa, kundi ako rin," rinig naming sabi sa labas.

Nagkatinginan kami ni Timmy.

"For sure, ikaw na 'yon."

Tumango lamang ako.

"But, sorry to disappoint you, guys. Dahil sa ngayon ay hindi pa n'ya tayo mapagbibigyan. Bigyan pa natin s'ya ng kaunting panahon na maging handa. Pero huwag na nating patagalin pa, nandito na si MissHoodie!" pasigaw na sabi na naman mula sa labas.

"Goodluck," sambit ni Timmy bago binitawan ang kamay ko.

"Thank you," sagot ko.

Pero bago ako lumabas ay isinuklob ko muna ang hood ng jacket kong suot at naglakad na palabas. Walang problema sa akin dahil sa fully air-conditioned ang venue.

Sinalubong ako nang malakas na sigawan at iba't-ibang mukha na may iisang ekspresyon–nakangiti.

Itinaas ko ang kamay ko sa mga naroon bilang pagbati bago naglakad palapit sa mga kasama ko na mga nakaupo na at naghihintay para umpisahan ang event. Naupo rin ako sa tabi ng mga ito sa nakatakdang puwesto para sa akin.

Nagkaroon ng ilang activities bago magsimula ang pinakasentro ng event.

Huminga ako nang malalim noong pinapila na ang mga readers papunta sa amin para mapirmahan ang mga libro na dala at binili ng mga ito.

Dati, kapag ganito ay medyo kabado ako, masaya o kaya naman ay nae-excite. Pero ngayon? Hindi ko na iyon mahagilap pa na maramdaman.

Pinilit kong ngumiti at ipinaalala sa sarili na ito ang gusto ko. Ito ang ipinaglalaban ko noon pa man kay papa.

Pero kung kailan naabot ko na ay bakit naman ganito ang nadarama ko?

Lumipas ang oras, marami ang nagpapirma, yumakap, bumati nang masigla, nagbigay ng regalo pati na ang mga nagpapa-picture. May ilan pa na pabirong nagre-request na tanggalin ko ang mask kong suot pero katulad na noong mga nakaraan ay umiling lamang ako.

Maraming mukha akong nakita, karamihan ay masaya pero hanggang maghapon na ay hindi ko pa rin makapa at madama ang kasiyahan na dati-rati ay madali kong makuha at makita basta makakita lamang ako ng mambabasa na nakangiti sa akin.

I can't help but to ask myself, ito ba ang ipinaglalaban ko?

Bakit hindi na ako masaya? Sobrang stressed-out na ba ako sa kakaisip sa mga problema kaya ganito ako?

Natapos ang event at hanggang gabi ay iyon pa rin ang laman ng isip ko kahit na apura ang kausap sa akin ni Timmy habang pauwi kami. Halata ang tuwa at pagmamalaki sa tinig nito para sa akin, sa mga nakakamit ko.

Gusto ko ring maging masaya na katulad nito pero hindi ko kaya. Paano nga ba akong magiging masaya gayong 'yung nag-iisang taong gusto kong maging masaya para sa akin ay tutol sa ginagawa ko? Hindi kayang suportahan ang nais ko?

Pinipilit ko namang labanan ang mga negatibong emosyon na bumabalot sa akin pero mukhang unti-unti akong nilalamon ng mga iyon ng buo. Katulad na lang noong sinabi no'ng tinig sa aking panaginip. Isa pa iyon sa gumugulo sa akin, kahit na gusto ko man kasing ipagwalang-bahala ay hindi ko talaga magawa, para kasing saktong-sakto naman 'yung napag-usapan at 'yung pangaral nito sa akin. Though, pansin ko na madalas ko iyon na mapanaginipan kapag tinatamaan ako ng writer's block.

Coincidence lang kaya iyon?

Inihinto na ni Timmy ang sasakyan nito sa tapat ng gate namin na sarado, nagpaalam lang kami sa isa't-isa, hindi na ito bumaba pa ng sasakyan dahil kailangan pa nitong umuwi at gabi na. Pinapasok na ako nito sa gate nang paandarin na nitong muli ang makina ng sasakyan, kahit na sinesenyasan na pinapapasok na ako nito ng tuluyan sa loob ay hindi ako sumunod, nanatili akong nakatayo at tinanaw ko na lang ang papalayong sasakyan nito, nang mawala na ito sa paningin ko ay umalis na ako sa pagkakadukwang sa gate at lumakad papunta sa pinto.

Tahimik at malamig ang paligid, sarado na rin ang mga ilaw sa bahay namin.

Ginamit ko ang isang kamay upang buksan ang pinto dahil dala ko sa kabila ang ilang kopya ng libro na ako mismo ang sumulat, mga sulat, bulaklak at regalong galing sa mga readers ko. Malakas ang loob kong umuwi na bitbit ang mga iyon dahil alam kong wala si papa, dumalaw kasi ito sa isang branch ng bookstore nito sa Bataan.

Nang tuluyan ko nang mabuksan ang pinto ay pumasok ako kaagad.

Pero laking gulat ko noong bumaha nang liwanag sa kabahayan at nakatayo mula sa tabi ng switch ng ilaw ang nag-iisang tao na kailanman ay hindi ko gustong makakita sa akin na dala ko ang mga bagay na hawak ng mga kamay ko ngayon.

Napalunok ako. "P-Papa..."

Hindi ko maipinta ang ekspresyon nito pero isa lamang ang sigurado ako.

Galit ito.

Gusto ko sanang tumawa nang pagak.

Wala naman kasing bago ro'n. Sa tuwing nakikita ako nito ay nagagalit ito sa akin at pilit na pinapatigil ako sa pagsulat. Ang pinakamalala na nagalit ito sa akin ay umabot pa na binasag nito ang laptop ko kung saan ako nagsusulat at ang pinakamasakit naman ay noong walang habag nitong sinunog sa harapan ko ang unang libro na nai-publish ko.

It was my dream that turned into reality. Ngunit sa halip na samahan ako sa kasiyahan at sa tagumpay na una kong nakamit ay kabaligtaran noon ang ipinakita at naging reaksyon nito. Para kasi rito ay isang malaking kalokohan lamang ang ginagawa ko—ang pagsusulat.

"Saan ka nanggaling at ano ang mga iyan?" dumadagundong sa buong kabahayan ang tinig na tanong nito.

Hindi ako makakibo, alam ko kasing kapag sumagot ako at umamin ay lalo lamang itong magagalit.

Lumunok muna ako at inalis dito ang tingin, kabadong nag-umpisang inihakbang ko ang paa ko upang tumuloy na sana sa kwarto ko.

Hangga't maaari ay kaya kong manahimik at umalis upang hindi na kami magkaroon na naman ng diskusyon.

Ako na ang lalayo.

Pero nakakadalawang hakbang pa lang ako ay natigil na ako sa paglakad dahil parang kulog na tinawag nito ang pangalan ko.

"Caia!"

Natigil ako.

"Huwag mo akong talikuran, tinatanong at kinakausap pa kita! Hindi kita pinalaking ganyan! Nagiging bastos ka!"

Bastos nga ba ako, gayong ayoko lang naman na magtalo na naman kami at lumaki ang usapan? Bastos ako kapag hindi ako sumagot? Pero bastos din ako kapag sumagot ako? Saan ba dapat ako lulugar?

Kinagat ko ang dila ko upang pigilan ang pagsagot.

Hindi dapat ako sumagot. Sa halip na kumalma ito ay alam kong lalo lamang itong sasabog kung kikibo ako.

"Ano 'yang mga dala mo? Galing ka na naman ba at um-attend sa book signing?!" galit na tanong nito.

Obvious naman ang sagot sa tanong nito dahil sa mga dala ko na nakikita nito.

Yumuko ako at nanatiling walang kibo.

"Bakit ba napakahirap para sa iyo na bitawan ang pagsusulat at sundin ang gusto ko para sa'yo, Caia?" malamig ang tinig na tanong nito at naglakad palapit sa akin.

Napaatras naman ako.

"Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na wala kang mararating d'yan? Hindi ka aasenso sa pagsusulat! At ngayon, ano? Mas pinili mo pang iwanan ang trabaho na mayroon ka, para sa ano? Para sa lintik na pagsusulat na 'yan?!" galit na tanong nito habang nakatuon ang mata sa mga bagay na bitbit ko.

Tila ba bumagsak ang balikat nito at nadismaya. Nawalan nang lakas ang hitsura sa halip na matuwa at maging proud sa akin.

Humigpit ang hawak ko sa mga libro at niyakap ang mga iyon upang protektahan.

Umiling-iling ako, kasabay niyon ay nag-init ang sulok ng mata ko.

Kinagat ko ang labi ko kapagkwan upang pigilan ang mapahikbi.

Base sa sinabi nito ay mukhang nalaman na nito na umalis na ako sa pinagtatrababuhan ko at hindi talaga ako tumitigil sa pagsusulat. Na umalis man nga ako sa unang kumilala sa talento ko dati, hindi dahil sa gusto ko, kundi dahil sa kagustuhan nito, pero nandito ako ngayon at lumipat lamang—ipinagpatuloy ang ibinabawal nito.

"I-Ito po talaga ang gusto kong gawin, Papa. Mahal ko po ang pagsusulat," matatag kong sabi.

"Hindi lahat ng gusto mo at mahal mo ay kailangan mong i-pursue, Caia."

Umiling ako nang sunod-sunod. "Pero ito po ang nagpapasaya sa akin, " sagot ko pa rin kahit na ang totoo ay ramdam ko na hindi na ako masaya sa pagsusulat na ginagawa ko.

"Hindi lahat nang nagpapasaya sa iyo ay kailangan mong makuha sa mundong ito. Hindi lahat ng gusto mo, mahal mo at nagpapasaya sa iyo ay makakabuti sa iyo. Bakit ba hindi mo maintindihan ang gusto ko para sa'yo? I always want what's best for you. At hindi ang pagsusulat ang nakikita kong daan para makamit mo iyon. Gusto kong mapabuti ang kapakanan at hinaharap mo. Pero bakit napakatigas ng ulo mo at ayaw mo akong sundin? Bilang ama mo, bakit napakahirap mong intindihin ang nararamdaman ko?" tila pagod ang tinig na tanong nito.

Tumulo ang luha ko. "Alam ko naman po. Naiintindihan ko naman po ang nararamdaman ninyo. Gusto ninyo kung ano ang makakabuti para sa akin."

"Alam mo naman pala, pero bakit patuloy mo rin akong sinusuway? Alam mo bang nakakapagod na ang paulit-ulit nating pagtatalo tungkol sa bagay na ito?"

Pinahid ko ang butil ng luha ko na tumulo.

Sumikip ang dibdib ko sa salitang ginamit nito.

Nakakapagod.

Tumulo ang panibagong luha sa mata ko, dahil parang sasabog ang dibdib ko sa sama ng loob ay pilit na humugot ako ng hangin bago ikinuyom ang kamao ko. "S-Sorry po. Alam ko naman po na nasasaktan ko kayo sa patuloy na pagsuway ko. Naiintindihan ko po kayo. Pero, naisip n'yo rin po ba na nasasaktan din ako sa ginagawa n'yo? Kahit minsan po ba ay sumagi rin sa isip n'yo ang nararamdaman ko kapag pinipilit n'yo akong tumigil sa gusto kong gawin?"

Mabilis ang hakbang at walang imik itong lumapit sa akin, pasalyang hinablot nito ang librong hawak ko kahit pa sobrang higpit na nang pagkakakapit ko roon.

Wala na akong nagawa kundi ang matuod at panoorin ito noong punitin nito ang mga pahina sa librong ako mismo ang umisip at bumuo ng mga salita na nakaimprenta roon.

Sa bawat tunog ng pagpunit ay para ring pinupunit ang puso ko.

Pinalis ko nang pinalis ang luha na tumutulo sa pisngi ko, sumisikip lalo ang dibdib ko dahil sa emosyon na kumakawala sa akin at sa nakikita ko.

Hingal naman ito noong tumigil at makuntento sa pagpunit ng mga pahina sa libro ko.

Nanghihina na napaupo ako sa sahig at patuloy sa pag-iyak habang hinahawakan ang mga piraso ng papel na wala ng pakinabang, kundi ang ilagay sa apoy dahil basura na ang mga ito ngayon at kalat na lamang.

"A-Alam ko po na galit kayo at ayaw na ayaw n'yo sa ginagawa ko. Pero b-bakit n'yo po ito kailangang gawin, Papa?" may hinanakit na tanong ko.

Patuloy sa pagkirot ang dibdib ko at pagkabog nang malakas. Hindi man ito ang unang pagkakataon na nakasagot ako rito para ilabas ko ang mga dapat kong sabihin ay sumasakit ang puso ko sa isiping maaaring kahinatnan namin. May pagkakataon na tumatahimik ako, nakikinig at sinasalo ko na lamang basta ang lahat ng mga salitang ibinabato nito sa akin upang hindi na magsalubong pa ang magkaibang pananaw namin.

But, I can't take it anymore. It's too much.

Pinalis kong muli ang luha ko at binitawan ang piraso ng papel at tumayo. "M-Mahal ko po kayo, Papa. Inirerespeto ko rin po kayo kahit na gaano pa ako kapasaway. Pero patawarin n'yo rin po ako dahil mahal ko rin po talaga ang pagsusulat." Humihikbing sabi ko bago nagtatakbo palabas.

Pareho kaming emotionally drained. Parehong may nais at gusto na hindi magtagpo. At lalong parehong may ipinaglalaban na wala namang manalo-nalo.

Umalis ako hindi dahil sa hindi ko na mahal si Papa o namumuhi ako rito. Mahal ko si Papa katulad na noong sinabi ko kanina. Pero ang hindi ko kaya ay ang paulit-ulit nitong i-reject ang pangarap ko... dahil ang pangarap ko ay piraso ng pagkatao ko—ako iyon mismo.

Pero ibinasura nito ang pangarap ko—ang librong ginawa ko. Noong pinunit nito ang mga pahina, pakiramdam ko ay ako mismo ang ni-reject at ibinasura nito. Ako mismo na anak nito. Kung gaano ako kawalang silbi at halaga.

Hindi naman ako napapagod na mahalin si Papa, e. Ang kaso lang ay hindi ko naman kayang pigilan ang masaktan nang sobra kaya mas pinili ko na lang na tumakbo palayo rito pansamantala.