Chapter 4 - Chapter 4

EKSAKTONG alas-nueve ng gabi, tatlong oras buhat nang dumating sila doon nang nakita niyang gumitna si Ms. Aguila at ang dalawang lalaking kasama nito. Noon ay may nakalagay ng bonfire sa gitna ng dawag. Kaunting kahoy lang ang inilagay dahil saglit lang naman daw nila iyong gagamitin.

"Sa tingin ko ay naka-set up na kayo at kahit paano ay nakapagpahinga na. May food tayo dito, light dinner lang 'yan dahil hindi tayo puwedeng magpakabusog. I hope you know what I mean. Ilang oras na lang ay meteor shower na at ito na ang pinakahihintay ng lahat."

Ilang sandaling pang nagsalita ang tatlong lider ng grupo. Nagbigay ng mga dos' and dont's at ilang reminders para sa pagtigil nila roon. Habang nagsasalita ang mga ito ay sinabayan naman nila ng pagkain; double time dahil kailangan na raw nilang pasukin ang portal.

Nakakatawa pero ang totoo ay na-e-excite rin naman siyang isipin ang mga susunod na mangyayari. Anong portal kaya ang pinagsasasabi ng mga ito? Bibilang na lang ba ng sandali at makikita na rin niya ang mga nilalang na kinahuhumalingan ng Travellers? Makakatulad na kaya siya ng mga ito sa kaaningan at ka-weird-ohan? O magiging kanya ang huling halakhak at mapapatunayan niya sa buong grupo lalo na kay Ms. Aguila, na mali ang mga ito?

"Joya! Hoy, Joya Angela, kinakausap ka ni Prof!"

Napadiretso siya sa pagkakaupo at mabilis na lumipad ang tingin sa nagsasalita. Natuklasan niyang tama si Karylle, siya nga ang kinakausap ni Ms. Aguila. Nang lumingap siya sa paligid ay noon niya napansing sa kanya nakatuon ang atensiyon ng lahat.

"Ah, s-sorry po, Ma'am, what was that again?" na-corner niyang tanong.

"This is not a usual field trip, Miss Castillo kaya kung iyon ang ipinunta mo rito, I think you shouldn't have came here in the first place." Saglit itong tumitig sa kanya at nang sa pakiwari ay hindi siya sasagot, muli itong nagpatuloy. "Accomplish the task, guys, and you will get what you want. Two? One seventy-five? One five or even flat one? It's up to you."

Nanlaki ang mga mata niya doon. Hindi rin nakaligtas sa kanyang paningin ang pagkabigla ng mga kasama niyang kaklase. Kung hindi lang marahil nakaharap si Ms. Aguila ay tiyak na magbubulungan na ang mga ito.

"Ano'ng grade mo?" bulong niya kay Karylle.

"Bakit?" ganti nitong bulong nang nakangiti.

"Basta!"

"Diretso."

"Uno?"

Tumango ito.

'Anak ng pating!' Kung ganoon, bakit iilan lang ang miyembro ng Travellers kung ganitong grade pala ang kapalit oras na mapabilang sa mga ito?

"Isa-isa ang gagawin nating pasok sa portal. Wala kayong ibang gagawin. Just walk and explore the place, no time pressure. Magdamag ang oras natin para diyan kaya hindi tayo dapat magmadali. Ibuhos niyo na lahat ng alam niyo." Lumingon ito sa katabi nitong tinawag na Ted at saka ito sinenyasan, pagkuwa'y lumapit ang lalaki sa kanila at isa-isa silang binigyan ng relo. "'Yan na ang ipinangako kong gadget sa inyo; orbit ang tawag diyan at hindi 'yan relo. Hindi niyo na kailangang malaman kung gaano kamahal ang presyo ng bawat isang gadget na iyan, nagbuhat pa sa Europa at sadyang idinisensyo para sa misyong tulad nito."

"Libre po ito, Madam?" tanong ng isa.

"Pahiram lang ang tamang termino, Judith. Pero oras na may maka-encounter isa man sa inyo, mapapasainyo ng libre ang gadget na iyan."

"Wow!"

"Ang galing!"

"Sana, makakita ako ng A!"

Mga salitang narinig niya buhat sa mga kasama. Ang kanyang mga kaklase naman, tulad niya ay nakikiramdam lang.

"Paalala lang, walang gagamit ng gadget hanggang wala kayo sa portal. Ma-i-interrupt natin ang activity ng nasa loob kung hindi kayo susunod. Do I make myself clear? Klaro?" Sabay-sabay na sumagot ang lahat liban sa kanya. "Babasahin ko ang list, ito ang pagkakasunud-sunod ng mga papasok sa loob ng portal—"

"Nasaan po ba ang portal na sinasa—"

"You can actually wait, Castillo!" pambabara ni Ms. Aguila sa tanong niyang iyon. Napatango na lang siya, kimkim ang ngitngit sa dibdib sa masungit niyang guro.

Nagsimula nang magbasa si Ms. Aguila. Pangatlo siyang papasok sa kung ano man o nasaan mang portal na sinasabi ng propesora. Si Karylle naman ang unang-una sa listahan. Marahil ay dahil ito ang pinaka-weird sa lahat, naisip niya. Baka nga paborito na ito ni Ms. Aguila dahil talaga namang napaka-consistent nito at napaka-loyal sa pagiging miyembro ng Travellers.

"Ready ka na, Karylle?" tanong ng isa pang katabi ni Ms. Aguila na tinawag naman nitong Dante.

"Yes, Ma'am! Ready and so excited!" hyper na sagot ng kanyang kaibigan. Isinuot na nito ang orbit. Lumapit ang tatlong lider dito at saka personal na nagbigay ng instructions sa dalaga. Nakita niyang nagkabit din ng head camera with flashlight ang mga ito kay Karylle. May tila life vest din itong suot at may hawak itong radyo.

"Oras na maka-encounter ka ng intruder, ipagbigay-alam mo agad sa amin. Kahit gaano kalalim ang marating mo, malakas ang radio communication natin." Itinuro nito ang ilang miyembrong nagset-up na rin ng mga gamit sa isang lugar malapit sa kanila. Iyon 'diumano' ang sasagap sa ano mang 'attempt to communicate' ng mga alien. "Sa loob ay may makakasama kayong guide, hindi ko lang alam kung saang eksaktong bahagi ng lugar pumuwesto ang mga taong kinuha ni Mang Vener but you will surely have somebody to be with you along the way."

"Ma'am!" Itinaas ni Joya ang isang kamay. "Puwede na po bang magtanong?"

Nang tumango ito ay napangiti siya.

"Hindi ba sila delikadong lapitan? Baka kung mapaano po kami—"

Nakita niyang ilang sandaling nagpalitan ng tingin ang grupo bago siya muling binalingan ni Ms. Aguila.

"Hindi ko kayo ililigaw o ni tatangkaing pagandahin ang expectation niyo para lang sa misyon ng grupong ito. Simula pa lang, alam niyo na kung ano ang pinasok niyong ito. Ikaw, Castillo, hindi mo ba nabasa ang waiver na pinirmahan mo?"

Napatigil siya. Na-recall niyang may pinapirmahan si Karylle kanina sa airport pero dahil madaling-madali ang kaibigan ay hindi na niya binasa kung ano iyon. Akala niya ay attendance lang. Noon siya muling napalingon sa kaibigan. Alanganin ang ngiti nito sa kanya.

Napabuntong-hininga na lang siya. Nasopla na naman siya ni Ms. Aguila. "Nabasa po pala, Ma'am," laglag-balikat niyang tugon rito.