Chereads / My Soulmate is from Another Planet / Chapter 10 - Chapter 10

Chapter 10 - Chapter 10

"HINDI ako makapaniwala. Nakikipag-usap ako ngayon sa isang alien," anas ni Joya sa kawalan. Noon ay magkaharap na silang nakaupo ni Time sa sahig ng attic. "Hindi ba 'to panaginip, Time? Totoo ba talaga 'to?" tanong niya rito habang tinatapik-tapik ang magkabilang pisngi.

"Totoo ako kaya maniwala ka na. Huwag mong saktan ang sarili mo," anito sabay pigil sa mga kamay niya.

"Ang init ng mga kamay mo—totoong tao ka nga."

"Hindi ako tao. Ito ang resulta ng pag-aaral namin sa inyong mga tao. Kaya kong mag-anyong hayop, hangin, apoy o kahit ano pa kung kinakailangan. Pero ang maging isang tao, kailangan ng panahon para gawin iyon. Kaya kinailangan kong maghintay hanggang makumpleto ako."

"Pero nagawa mo nang magpakita sa akin sa tunnel, hindi ba? Nakita ko, may mga paa ka rin noon."

"Pero saglit lang iyon. Nang marinig mo ang nakabibinging tunog sa tunnel, iyon ang hudyat na malulusaw na ako. Iyon din ang dahilan kung bakit kinailangan kitang patuluging saglit—upang hindi ka matakot sa akin."

"Pero ngayon?"

Umiling ito. "Hindi na. Kumpleto na ang proseso para magamit ko ang anyong ito."

Namangha siya sa mga nalaman buhat kay Time. Ayon dito, ang lahat ng tao sa mundo ay may tinatawag na universal navigator na puwedeng magsilbing kaibigan, kapatid, kamag-anak, asawa o kahit kaaway. Pwede rin diumano silang maging gamit o kahit pa hayop. Ang mga iyon ay bahagi raw ng malawak na uniberso na kung tawagin ay Illimitato.

"May nabasa akong book dati, Italian ang characters at binanggit doon na ang kahulugan ng Illimitato ay unlimited o walang hanggan. Tama ba?" Tumango ang lalaki. "Kung gayon, walang hanggan ang sakop ng lugar na iyon?" Muli itong umayon sa sinabi niya.

"Tama. Ang mga taong kausap mo, o kahit pa ang alaga mong hayop, puwedeng iyon ang universal navigator mo sa Illimitato."

"Kailangan ko bang malaman kung sino ang navigator ko?"

Umiling ito. "Hindi naman. Hindi mo kailangang malaman dahil kayong mga tao, may emosyon kayong taglay na hindi kinikilala sa Illimitato. Kung mawala at kinailangan nang magbalik ng navigator mo sa pinagmulan nito, may tendency na hindi mo ito pawalan. At delikado iyon para sa navigator." Humarap ito sa kanya at sa gitna ng dilim ay nadama niya ang kaseryosohan sa tinig nito. "Ang isang navigator ay kailangang magbalik sa kanyang pinagmulan, ano pa man ang mangyari."

"Paano kung ayaw na niyang magbalik?"

"Walang dahilan para hindi, Angela. Hindi tulad ninyong mga tao, walang hanggan ang aming buhay. Walang hanggan ang kakayahan naming ulit-ulitin ang mga bagay na gusto naming gawin."

"Pero namamatay ang halaman, hindi ba? Kung gayon, ang universal navigator na nasa anyong halaman ay hindi mamamatay?"

"Hindi ito ang totoo niyang daigdig. Sa takdang panahon ay mamamatay ang kanyang anyo dito sa mundo pero lilipat lang siya sa ibang kaanyuan o sa ibang panahon at muling mabubuhay."

"Ibang panahon? Ano iyon, time travel?" Tumango ito. "Kung...kung mamatay na ang taong kapareha ng isang navigator, ano ang mangyayari sa kanya? Babalik ba siya sa Illimitato?"

"Oo. Pero pwede siyang humanap ulit ng corpo at magbalik sa mundo kung nais niya. Hindi kami namamatay, Angela. Magbabagong-bihis, magbabagong-anyo lang kami, pero hindi kahit kailan mamamatay."

"Ikaw, ilang corpo na ang nakilala mo? Mukhang sanay na sanay ka nang maging tao."

Humugot ng malalim na paghinga ang katabi. "Maraming ulit na. Hindi ko na kayang bilangin..."

"Kung...kung nagpakita ka sa akin, ibig bang sabihin ay ikaw ang navigator ko at ako ang corpo mo?"

"Ang totoo...si Karylle at hindi ikaw ang corpo ko, Angela. Pero habang tinatangka kong lumapit sa kanya nang gabing iyon, may kung anong umagaw ng enerhiya ko at bigla na lang akong nalusaw."

"Kung gayon ay ako ang dahilan! Naagaw ng orbit ko ang emission ng energy waves mo na dapat ay kay Karylle..." Napatakip siya ng kamay sa bibig. Kaya pala mahigpit na ipinagbabawal ni Ms. Aguila ang paggamit sa orbit hangga't wala sa loob ng tunnel. Matigas kasi ang ulo niya. Hindi siya nakinig sa mga ito.

"Tama."

"Kung gayon, ikaw ba 'yung...ikaw ba 'yung nasa labas ng tent bago pa man dumating si Karylle?"

"Si. Ako nga."

"Ikaw 'yung sumusutsot sa akin?"

Tumango ito. "Si...Hindi ko magawang magsalita. Ayokong matakot ka. Gusto sana kitang patigilin sa ginagawa mo dahil kailangan naming magkita ng corpo ko pero lumabas agad ng tunnel ang kaibigan mo."

Nanlumo siya sa narinig. "Ibig sabihin, hindi pala ako ang assignment mo dito sa planeta namin, kundi ang kaibigan ko..." Hindi alam ni Joya kung bakit bigla siyang nakadama ng hinanakit sa mga sandaling iyon. Kung bakit siya nalungkot sa isiping si Karylle pala ang sadya nito sa mundo at hindi siya ay hindi niya maintindihan.

"Bakit?"

"Ah, wala," mabilis niyang sagot sa tanong na iyon ni Time. "Kaya kong gawan ng paran na magkakilala kayo ni Karylle, Time. I'm gonna help you. A—ng ibig kong sabihin ay tutulu—"

"I got it."

She was amused. "Marunong kang mag-Tagalog, mag-Italiano, mag-Ingles. Ano pang wika ang alam mo?"

Umiling ito at parang bahagyang natawa. "Wala. Nakikita mo 'to?" At nabigla na lang siya nang may lumitaw na tila computer screen sa harap nila. Hindi niya maunawaan ang mga nakatitik doon na kung titingnan ay tila usok lang na tinatamaan ng kung anong liwanag. Isa-isang itin-ap ni Time ang mga iyon na animo gumagamit ng touch screen na monitor pero kahit ano pang pagpapalit niyon ay wala naman siyang naintindihan kahit isang titik. "Iyan ang laman ng utak ko. Kusang tina-translate niyan ang mga bagay na naririnig ko at nasasagot ko rin iyon sa kahit anong wikang nais ko."

"Ang tunog ng hayop, kaya mo ring intindihin?"

"Walang hindi, Angela. Lahat...lahat-lahat..."

'Grabe, ang hirap palang paglihiman ng taong ito...'

"Ha?"

"Ang ibig kong sabihin, kailan mo gustong makita si Karylle?"

"Madalas ko siyang nakikita at sa tingin ko, hindi ako mahihirapang lumapit sa kanya. Pero hindi ko alam kung paano ko iyon gagawin nang ganitong tao na 'ko. Baka hindi siya maniwala sa akin."

"Maniniwala iyon. May orbit siya, remember?"

Natahimik si Time saglit, pagkuwa'y inilahad nito ang palad nito sa kanya. "Puwede ko bang makita ang orbit mo?"

"Sure," aniya. Iniabot niya rito ang kamay niya at hinawakan naman nito ang orbit na nakasuot sa kanyang palapulsuhan pero dagli rin itong napaso at agad iyong nabitiwan. "Bakit? What happened?"

Hindi ito kumibo.

"Baka makakasama sa iyo ang orbit, Time. What do you think?"

"S-sige, sa ibang pagkakataon na lang," anito.

"Sandali, ano pala ang plano mo? Kailan ka ulit magpapakita sa'kin?"

"Huh?"

"Kailan ulit kita makikita? Bukas? Mamaya ba o sa makalawa?"

"Hindi na 'ko aalis."

"What? Paanong—paano iyon? Saan ka titira?"

"Hindi ba gusto mo 'kong makita? Hindi kakayanin ng katawan ko sa maikling panahon ang magpalit-palit ng anyo dahil sa tuwing gagawin ko iyon, umiikli ang oras kong dapat ilagi dito sa mundo. Mahalaga ang misyon ko dito, Angela."

"Anong misyon?"

"Puwede mo ba 'kong itago sa silid mo? Pangako, hindi ako aalis doon nang hindi mo alam..."

Nanlaki ang mga mata ni Joya sa narinig. Kasabay niyon ay ang papabilis na kabog ng dibdib na pamilyar na sa kanya.

───── ⋆⋅☆⋅⋆ ─────

"GIRL, perfect ang score mo sa test ah. Ang yabang mo talaga! Hindi pa raw nag-review!"

Ngumiti na lang siya sa katabing si Karylle. Hindi naman niya gustong magsinungaling dito. Tumatanggi rin naman ang isip niyang sabihin sa kaibigan ang tungkol kay Time, gayong ang totoo, alam niyang higit sa lahat ay ito ang pinakaunang taong makakaintindi sa mga nangyayari sa kanya.

"Sama ka sa amin nina Arnie? Gi-gimmick ang grupo nila, join tayo."

"Mahilig ka talaga sa ganoon, ano. Ayokong sumama, gusto kong umuwi nang maaga eh."

"Wow, good girl ah."

Ngumiti na lang siya bilang tugon sa sinabi nito. Hindi niya maiwasang titigan si Karylle. Her friend was actually pretty. Hindi tulad niya, pa-girl ang fashion style nito. Mula sapatos hanggang bag at buhok ay babaeng-babae ang kanyang kaibigan.

Hindi niya maiwasang yukuin ang sarili. Skirt, skimpy blouse at sandals ang suot ni Karylle habang siya ay jeans, t-shirt at rubber shoes. Tote bag ang gamit nito samantalang buddy bag naman ang sa kanya. Kung minsan ay backpack pa.

"Hoy, okay ka lang? Tagusan ang tingin mo ah."

Sinikap niyang ngumiti kay Karylle at saka tumango rito. "Oo. May problema lang sa bahay."

"Sigurado ka? Baka kailangan mo ng tulong or what—"

"Nope, I'm fine. I just need to go now. See you tomorrow," aniya rito at mabilis nang tumalikod.