Chapter 6 - Chapter 6

PARANG panaginip lang ang lahat para kay Joya. Hindi niya inakala ni minsan na mangyayari sa buhay niya ang ganito. Hindi naman siya adventurous na tao pero heto at nasa isang madilim na tunnel siya, naglalakad sa liwanag ng gadget na nasa ulo niya. Pandalawahang tao lang ang passage at siguro, kung malaking tao ang dadaan ay pang-isahan lang iyon.

"Hello! May tao ba riyan? Nasaan na po 'yung guide ko? Yuhoo!" sigaw niya habang naglalakad. Sa dulo ng pasilyo ay may dalawang daan. Rumadyo siya sa mga kasama para itanong ang direksiyon pero sa halip na sumagot ay nakita niyang may maliit na arrow pakaliwa na umiilaw sa orbit na suot niya. Ibig sabihin, hindi niya maririnig ang mga ito pero ang boses niya, malinaw na nasasagap ng nasa itaas. Napahugot siya ng malalim na paghinga dahil doon.

Binilisan niya ang paglalakad para malampasan na lang ang kalbaryong iyon pero hinihingal na siya ay hindi pa rin matapus-tapos ang tunnel na dinadaanan niya. Sa tantiya niya ay kalahating oras na siya roon at naiinip na siyang makita ang guide na sinasabi ni Ms. Aguila.

Nang sa wakas ay marating ang dulo ng pasilyong iyon ay muli sana siyang magtatanong ng direksiyon sa mga kasama nang walang anu-ano'y biglang sumulpot ang isang pigura ng tao sa kanyang harapan. Mabilis siyang napasigaw.

"Ano ba naman, Kuya! Bakit ka nanggugulat?!" sita niya sa lalaking kaharap. Lumapit siya rito upang matanglawan ito ng liwanag pero agad itong umagapay sa kanya. Bahagya lang niya itong namukhaan. Nahihiya naman siyang lingunin ito dahil sa liit ng espasyo sa pagitan nila. Baka magkauntugan sila kung gagawin niya iyon. "Bakit andito ka? Ang layo nito sa portal, haler!" aniya na lang rito.

"Portal?" narinig niyang ulit nito at pagkuwa'y saglit na tumahimik.

"Ano'ng time na pala?"

"Time?"

"Oo. Ano'ng oras na?"

Napasimangot siya nang hindi ito sumagot. May pagkasuplado rin ang guide na ito. "Ano pala'ng pangalan mo?"

"Ha?" Tumahimik ulit ito bago muling nagsalita. "Ikaw?"

"Joya Angela. Ikaw?"

"Ikaw?"

"Joya nga," ulit niya at saka napakunot-noo. "Ikaw, ano naman ang pangalan mo?"

"Oo."

"Anong oo?"

"Oo."

"May pangalan ka naman siguro, ano?" naiinis na niyang sabi.

"Oo."

"So ano nga? Ano'ng time na ba kasi? Malayo pa ba 'to?" nakukulitan na niyang tanong rito. Ngali-ngali niya itong lingunin kung hindi lang talagang napakasikip ng kanilang dinaraanan. Halos magkadikit na ang mga balikat nila sa paglalakad.

"Time?"

"Time?"

"Time."

"Iyon ang pangalan mo?"

"Oo—Time..."

"Ah. Weird..." 'Baka tim—as in timang, hindi Time...grrrrr...' "By the way, nice to meet you. Matagal ka ng guide dito?"

"Guide?"

'Juice colored...heto na naman siya. Bingi ba 'to o may tililing?'

"Normal ako."

"Huh?" Gulat siyang napatahimik nang tila sagutin nito ang nasa isip niya. 'Alam kaya nito ang takbo ng utak ko?'

"Oo."

Sa matinding pagkabigla ay hindi na niya nagawang magsalita.

"Halika na," pagkuwa'y sabi nito sabay hatak sa kanya kaya hindi na niya nagawang magtanong.

Kahit paano ay nakahinga na siya nang maluwag. Salamat at sa wakas ay hindi na siya nag-iisa sa madilim na lugar na iyon. Okay na sana, kalmado na ang tibok ng puso niya pero bigla na lang umilaw ang orbit niyang suot. Humalo sa liwanag na nagmumula sa head cam niya ang signal light ng gadget, kulay pula iyon at nagliliwanag na tila ilaw ng police patrol car.

"Teka—may...may...may alien!" bulalas niya kasabay ng panggigilalas at panghihilakbot. Nagtindigang lahat ang mga balahibo niya at may pakiramdam siyang pati anit niya ay ibig ding umangat. "Ano'ng gagawin natin?" Nang hindi agad sumagot ang katabi ay niyugyog na niya ito sa balikat. "Hoy, ano'ng gagawin natin?" naiiyak na niyang sabi habang napapapadyak.

"Ano'ng gagawin?"

Sa gitna ng takot ay napamaang siya. Ano ba namang klaseng guide itong kasama niya at sa halip na tulungan siya sa misyong iyon ay mukhang wala itong planong gawin kundi ulitin ang mga sinasabi niya.

"Guide ka ba talaga?" tanong niya rito pero hindi pa siya natatapos sa sinasabi ay bigla siyang nakarinig ng nakabibinging tunog. Nanunuot iyon sa kaloob-looban ng mga tainga niya. Napatili siya nang malakas. Naramdaman niya nang mahigpit siyang hawakan ni Time sa isang kamay, pagkuwa'y ang pagdampi ng mga kamay nito sa kanyang magkabilang tainga. Iyon na ang huling namalayan niya bago siya tuluyang nawalan ng malay sa gitna ng madilim na tunnel na iyon.

───── ⋆⋅☆⋅⋆ ─────

"JOYA...Joya, gising...Joya..."

Unti-unting nagmulat ng mga mata si Joya. Pakiramdam niya ay namimigat ang mga talukap niya at tila may kung anong matinding liwanag na tumatama sa mga iyon kaya hindi niya maimulat. Ngunit nang tuluyang makadilat ay bumuglaw sa kanya ang kadilimang bumabalot sa kanilang lahat na naroon.

Bumangon siya sa pagkakahiga at saka inilibot ang tingin sa paligid. Mapupusyaw na liwanag lang ng kanya-kanyang pen light na hawak ang nakikita niya sa mga taong nakaligid sa kanya. Naroon sila sa gitna ng site na nalalatagan ng malaking ground sheet.

"Ano'ng nangyari?" tanong niya. Napahawak siya sa ulo nang bumaha ang alaala sa isip niya. Biglang sumakit ang sentido niya.

"Nawalan ka ng malay sa tunnel, friend."

Nilingon niya ang nag-aalalang si Karylle.

"Ayos ka lang ba?" tanong nito.

Tumango siya bagaman bahagya pang nanlalata. "Hindi ko alam kung ano'ng nangyari. Basta may narinig na lang akong nakabibinging tunog—tunog na pumupuno sa kabuuan ng tunnel. Hindi ko alam kung saan galing...hindi namin alam kung ano iyon..."

"Namin?"

Nagkatinginan ang mga kasama niya.

"Oo—namin ni...ni...ano nga ba'ng pangalan ng guide na iyon?"

"Guide?!" tila korong wika ng mga kasama niya.

Napasimangot siya pagkaalala sa lalaking kasama sa tunnel. Ganitong-ganito rin kasi ang eksena nila kanina, para siyang nakikipag-usap sa loro.

"Castillo, wala kang kasamang guide," sabad ni Ms. Aguila. Mabilis na lumipad ang tingin niya sa propesora. "'Yung tungkol sa guide...it was just...I'm sorry, it was just my way to motivate you, guys. Ayokong isipin ninyong nag-iisa kayo sa loob dahil baka matakot kayo, pero ang totoo, walang ibang papasok sa tunnel kundi kayo lang—nang isa-isa."

"Kung wala akong kasamang guide sa ibaba, sino 'yung...sino 'yung lalaking kasama ko kanina? He has a name—I just can't remember what but he really has a name..." Gusto na niyang mag-stammer. Kaya ba parang may tililing at paulit-ulit ang lalaking iyon? Iyon kaya ang—???

"Could that person be an alien, Ted? What do you think?"

Napatuon ang tingin ng buong grupo kina Ms. Aguila at Ted. Nang tumango ang huli ay kanya-kanyang reaksiyon ang narinig sa grupo. May natakot, may namangha, may nainggit...

"Buti ka pa, Joya! Nagawa mo ang misyon!"

Labu-labo na ang mga naririnig niyang pagbati at kasiyahan sa paligid niya pero parang balewala iyon sa kanya. Abala ang isip niya para balikan ang mga nangyari kanina sa tunnel.

Ganoon ba ang alien?

Bakit mukha siyang tao?

Bakit para lang siyang timang?

Bakit—bakit parang ang guwapo niya?

"Friend, narinig mo 'yon? Flat one ang grade mo sa Meteorology!" excited na sabi ni Karylle habang niyuyugyog ang braso niya.

Pinilit niyang ngumiti pero bahagya na lang iyong rumehistro sa isip niya. Abala pa rin ang utak niya sa pag-alala sa pangalan ng lalaking iyon.

"Nakuha na natin ang radar ng intruder na pinakahihintay natin, guys. This, so far, is the greatest accomplishment of the group. Ibig sabihin ay may patutunguhan ang mga ginagawa natin. Agree?"

Narinig niya ang chorus na sagot ng lahat kay Ms. Aguila.

"Now, familiar na tayo sa presensiya ng intruder na iyon magmula ngayon. Automatic na susunod ang system ng orbit ninyo sa signal ng alien na na-encounter ni Castillo."

"Ibig sabihin, mase-sense namin kung nasa paligid lang siya?"

"Yes—" sagot ni Ted, "kung hindi siya o sila marunong mag-block ng radar. But if unfortunately, they know how to do it, walang silbi ang nakuha nating radio waves—except for Joya Angela." Tumingin ito nang matiim sa kanya at saka nagpatuloy. "Dahil ikaw ang pinakamalapit at siyang direktang nakakuha ng radio waves ay may connection na kayo ng intruder. Malalaman mo kung nasa paligid lang siya o ang mga kauri niyang nilalang."

"Is it because of the orbit? Kung ibibigay ko sa iba ang orbit, masasalin ba sa kanila ang connection na iyon?"

"No," matigas namang tanggi ni Ms. Aguila. "The orbit, without your knowledge, Castillo, had actually opened all and even the tinniest pores of the skin surrounding your wrist. Thus, the radio waves emitted by your orbit were directly injected into your pores and are now flowing in your veins. But like what you heard, depende iyon kung marunong mag-block ng radar ang intruder. Sa ganoong pagkakataon ay kakailanganin mo pa rin ang orbit. Don't worry because this is not dangerous."

"Not dangerous?" ulit niya sa narinig. "Kasasabi mo lang, it's now flowing in my veins, tapos ay hindi dangerous? What the f—"

"Cut your tongue, Miss Castillo. Kasasabi ko lang din na hindi iyon delikado. But you should always remind yourself of these consequences I've been telling you earlier. Ito na 'yun. Nandito ka na—kaunting effort na lang."

"What do you mean?" naguguluhan niyang tanong habang ang mga mata ay palipat-lipat sa mga taong nasa paligid niya partikular sa tatlong lider at kay Karylle.

"Friend," sabad ng kaibigan, "kailangan mong ituloy ang nasimulan. Kailangan ka ng grupo dahil sa'yo lang nagpakita ang intruder."

Tuluyan na siyang napailing. "Pangatlo pa lang ako, bakit hindi magtuloy sa pagpasok ang mga natitira pa?"

"They already did—and no one succeeded after you."

Natigilan siya. Kung gayon ay kanina pa siya walang malay. Para makapasok ang lahat ng mga susunod pa sa kanya ay tiyak na bibilang iyon ng oras. Kaya pala malamig na ang paligid, marahil ilang saglit na lang ay mag-uumaga na.

"Ano ba ang kailangan kong gawin?"

Mahabang katahimikan ang sagot ng grupo sa tanong niyang iyon.