Chapter 9 - Chapter 9

DAIG pa ni Joya ang may steep neck habang kumukuha ng test. Nakatingala na siya halos sa kisame sa kaiisip ng isasagot nang may marinig na boses sa likuran niya. Marahang idinidikta ng boses na iyon ang mga sagot sa mga tanong na nasa hawak niyang questionnaires.

Hindi naiwasang luminga ni Joya. Iba ang pakiramdam niya sa boses na iyon. Parang...parang... "Time?" bulong niya.

"Ako nga. Isulat mo na lang ang mga sinasabi ko."

"Pero bakit ngayon ka lang nagpakita? Saan ka nanggaling? Ano'ng—"

"Is there anything wrong, Miss Castillo?"

Mabilis siyang napatingin sa nagtatakang guro. "Wala po, Ma'am—este—Sir! Naku, sorry po..." Napayuko siya sa sariling papel nang makitang naningkit ang mga mata ng lalaking guro. May balita kasing binabae ang naturang propesor. Idagdag pang nagtawanan ang mga maloloko niyang kaklase sa gawing likuran.

"Keep quiet; otherwise, lalabas kayo at sa inyo na 'yang mga test niyo na 'yan!" anang guro.

Hindi na nga siya kumibo at nakinig na lang na mabuti sa idinidikta ni Time. Nang matapos ang test ay napangiti siya. Nasisiguro niyang walang mintis, perfect score siya sa test na iyon. Salamat kay Time.

Halos ay hatakin na ni Joya ang oras para matapos na ang klase at magkaroon na siya ng pagkakataong makausap ang lalaki. Alam niyang hindi pa ito umaalis base na rin sa signal ng orbit na ngayon ay hawak niya.

"Friend, kain naman tayo," anang kaibigan nang sa wakas ay matapos ang klase.

"Sorry, Karylle, may lakad kasi ako eh," tugon niya rito.

"Sama naman ako. Mamaya na lang tayo kumain bago ang next subject."

"No-no-no! Hindi puwede. I mean, may kausap kasi akong tao. Hindi ko nabanggit na may makakasama ako kaya huwag na lang kung okay lang sa'yo." Hindi na niya hinintay ang sagot ng kaibigan at bitbit ang bag ay mabilis na siyang lumabas ng classroom.

───── ⋆⋅☆⋅⋆ ─────

"TIME? Magpakita ka naman sa akin, please!" Laglag ang balikat na luminga sa paligid si Joya. Hawak niya ang orbit at kung totoo ang isinasaad ng pulang ilaw niyon, tiyak na nasa paligid pa ang lalaki. Pero hindi man lang ito sumasagot at kahit kaunting pahiwatig ay hindi niya maramdaman ang presensiya nito.

Padarag na tinahak niya ang daan palabas ng gate ng unibersidad. Pinili niyang dumaan sa lugar na hindi halos nadaraanan ng mga estudyante. Gusto niyang mag-dialogue kay Time. Kailangan niyang ilabas ang nararamdaman niya ora mismo.

"Time!" sigaw niya na tila may kausap. Nakaduro pa ang daliri niya sa hangin. "Alam kong nasa paligid ka lang! Alam kong naririnig at nakikita mo 'ko at kung ano ang drama mo ay hindi ko alam. Ayaw mong magpakita, ayaw mong magparamdam..."

"Bigla ka na lang sumusulpot sa mga lugar na hindi kita puwedeng kausapin. Heto, pwede tayong mag-usap ngayon! Bakit ayaw mong magsalita?"

Ilang sandali pa ang hinintay niya pero wala pa ring positibong response mula sa lalaki.

"Okay, fine! Kung ayaw mo talagang magpakita sa akin, huwag! Pero itatapon ko na ang orbit na ito, narinig mo? Hindi ka na makakalapit sa akin kaya hindi mo na talaga 'ko magugulo!" Itinaas niya ang orbit at akmang itatapon na iyon nang sa wakas ay nagsalita si Time.

"Bakit ang tigas ng ulo ng mga tao sa planetang ito?"

Biglang nagliwanag ang mukha niya at awtomatikong napangiti. "Nasaan ka? Magpakita ka sa akin—ngayon na!" aniya habang paikot-ikot sa kinatatayuan.

"Di ba sinabi ko sa'yong kailangan ko ng panahon bago magpakita sa'yo?"

"Pero bakit ba kasi? Pangit ka ba?"

"Importante ba talaga sa inyong mga mortal kung pangit o hindi ang isang tao? Masyado kayong mapanghusga."

"Wow," bulalas niya. "Hindi ka naman tao, 'di ba? Saka teka, alien ka ba talaga? Bakit ang dami mong alam?"

"Bukas, alas diyes ng gabi, magkita tayo sa attic ng bahay niyo, magpapakita na ko sa'yo."

"Bakit bukas pa?"

"Dahil noon palang ako makukumpleto bilang tao. Gusto mo ba kong makitang walang paa?"

"May ganon?"

"Ten o'clock tomorrow. See you."

"Teka lang—teka, Time! Wait!"

Napabuntong-hininga na lang siya nang makitang wala ng ilaw ang kanyang orbit.

───── ⋆⋅☆⋅⋆ ─────

FIVE to ten o'clock ay nasa attic na ng bahay si Joya. Magkahalong excitement at kaba ang nararamdaman niya habang hinihintay ang pag-ilaw ng orbit.

Pero may kung anong klaseng emosyong gustong sumingit sa dibdib niya. Paano kung hindi tulad ng inaasahan ang maging anyo ni Time, makakaya kaya niya itong tingnan? Paano kung maliit ang ulo nito, mahaba at payat ang katawan o kaya ay malalaki ang mga mata na tila sa isang tutubing kalabaw o tarsier, makakaya ba ng loob niyang makipag-usap dito?

Parang last minute ay gusto niyang matakot at umatras. Paano kung mapahamak siya? Baka hindi na siya sikatan ng araw oras na magpakita sa kanya ang alien na iyon.

"Hindi ako mukhang tutubing kalabaw o tarsier—huwag kang mag-alala."

Napatalon siya at impit na napasigaw pagkarinig sa boses ni Time. Kasabay niyon ay nagpatay-sindi na rin ang red button ng orbit na nasa bisig niya. "Nasaan ka na? Show up."

Nagliwanag ang life-size mirror na nasa harap niya at halos mapapikit siya sa masakit na sinag na nagmumula roon na pakiwari niya ay tumatama sa kanyang mga mata. Awtomatiko niyang naitaas ang mga braso upang takpan ang mukha. Nagkulay-dilaw ang liwanag na iyon, hanggang madagdagan ng pula, asul at berde. Salit-salit ang kulay na nagmumula sa malaking salamin at sa huli, mula sa nabuong tila kulay ng bahaghari ay nagsama-sama ang mga kulay na iyon at nag-anyong solido.

Sa kabila ng nakasisilaw na liwanag ay sinikap ni Joya na pagmasdan ang unti-unting paglabas ng liwanag na iyon buhat sa salamin. "T-Time?" tawag niya sa pigurang iyon.

Si Time nga!

Ang balingkinitan nitong katawan, ang singkit at tila nakangiti nitong mga mata, ang matangos nitong ilong at maninipis nitong mga labi...ang mahabang buhok na halos tumakip na sa mga mata nito—ito nga ang lalaking nakasama niya sa tunnel!

"Time, ikaw nga!" namamangha niyang sabi. Hindi siya halos makapaniwala sa kanyang nakikita.

Hindi kumibo ang lalaki at sa halip ay ngumiti lang sa kanya. Napakurap-kurap siya sa pinaghalu-halong emosyon. Hindi ba siya nananaginip? Totoo ba ang lahat ng nangyayari? Pero hindi naman siya nagdo-droga, marahil ay totoo nga!

"Angela..." anito sabay abot ng isang kamay sa kanya. Napakurap na naman siya.

"Hindi ba 'ko malulusaw kung hahawakan kita?" atubili niyang sabi habang ang isang kamay ay nasa akto nang aabutin ang kamay ng kaharap.

"Hindi ka malulusaw—hindi, kahit hagkan pa kita." Iyon lang at dahan-dahan, yumuko ito sa kanya. Napapikit siya nang mariin, inaasahan ang pagdampi ng mga labi nito pero hindi iyon nangyari. Naimulat niya ang mga mata makalipas ang ilang sandali at napabuntong-hininga na lang nang makitang nakaupo na sa sahig si Time.